I. BUNTONG HINING̃A
Reading edition
BUNTONG HINING̃A...
Ako'y nagtataka! Aywan ko kung bakit nagbabago yaring damdamin ko't isip, ganyan na ng̃a yata sa silong ng̃ lang̃it ang gawang mamuhay sa laot ng̃ hapis. Aywan ko kung bakit! Sa aki'y pumanaw ang lahat ng̃ tamis nitong kabuhayan, sa aki'y nag-iba ang lahat ng̃ kulay, sa aki'y pag-api ang lahat ng̃ bagay!... Talaga ng̃a yatang balot ng̃ hiwaga, balot ng̃ pang̃arap at pagdadalita ang palad ng̃ tao kung magkabisala! Pawang agam-agam ang laman ng̃ lupa...! Walang kilos na di paghamak sa akin, walang bagay na di anyaya ng̃ lagim, walang dulot na di sa aking paning̃i'y aninong malungkot ng̃ mg̃a hilahil. Aywan ko kung bakit nagbago ang lahat sa kabuhayan ko't matimtimang palad; Samantalang ako'y inaalapaap ay masasabi kong: ¡Lahat ay pang̃arap!...
¡HINAGPIS.....!
I.
Hindi ka na bago! Dati mo ng̃ alam ang hindi pag-imik kung naguulayaw; ako'y pinipipi ng̃ aking paggalang, ng̃ aking pagsuyong mataos, dalisay.
II.
Pinunit sa harap upang makilala ang alab ng̃ aking sinimpang pag-sinta, diyan masusubok ang mithi ko't pita, diyan masisinag ang luksang pag-asa.
III.
Wala ka ng̃ang sala...! Ang kurus ng̃ hirap ay dapat matirik sa dusta kong palad! Ako ang pulubing sa tinawag-tawag ay lalong inapi... binigyang bagabag...!
IV.
Di ko akalaing ang lang̃it ng̃ puso ay mang̃ung̃ulimlim... biglang maglalaho, di ko akalaing sa likod ng̃ samyo ng̃ mg̃a sampaga'y may lihim na suro...!
V.
Animo'y nagtikom sa gayong sandali ang pintong maramot ng̃ awa't lwalhati, sa aki'y para nang ang kahilihiling sinag ng̃ ligaya'y lumubog, napawi...!
VI.
Ng̃ayo'y pamuli pang umaawit-awit sa dilag mong kimkim, gandang maka-Lang̃it, kung may alinlang̃an sa taghoy, sa hibik, ay maging saksi pa ang aking hinagpis.
¡DALAMHATI!...
I.
Aninong malungkot noong kahirapan ang buhay ng̃ tao sa Sangsinukuban, ang tuwa't ligaya'y hinihiram lamang kaya't ulap waring dagling napaparam.
II.
Ang mabuhay dito'y kapang̃ápang̃anib sa munting paghakbang ay silo ng̃ sakit, umiibig ka na ng̃ buong pagibig ay ayaw pang dinggin ¡ay himalang lang̃it!
III.
Hindi ka tatamo ng̃ bahagyang galak kundi pa matulog at saka mang̃arap, gayon man, kung minsa'y paos na nanawag sa pagkakahimbing ang tinig ng̃ hirap.
IV.
Sa paminsanminsan, sa aking gunita mg̃a pagsisisi yaong tumutudla. Bakit pa lumaki't natutong humang̃a't ang paghang̃a pala'y kapatid ng̃ luha?
¡AKO...!
(... estoy enfermo y pálido de tanto no dormir...
ACUÑA.)
Puso ko'y malungkot! Malungkot na tila Ibong walang laya't lagas na sampaga, Sa pasan-pasan kong mabigat na sala'y Lason at patalim ang magpapabawa. Ang ayos ng̃ mundo ay isang kabaong, Nagtayong kalansay ang puno ng̃ kahoy, Dila ng̃ halimaw iyang mg̃a dahon At sigaw ng̃ api ang ing̃ay ng̃ alon. ¡Ano't ganito na ang pasan kong hirap! ¡Ano't ganito na ang aking pang̃arap! Ang lahat ng̃ bagay ay napatatawad, ¿Patawarin kaya ang imbi kong palad? Gabi-gabi ako'y hindi matahimik Na parang sa aki'y mayrong nagagalit, Ang pasan kong sala'y laging umuusig Sa kabuhayan kong di man managinip.
¡ULAP...!
I.
Sa aking pagdaing, sa aking pagtawag, sa sinamo-samo ng̃ dusta kong palad ay palaging dilim at libing̃ang ulap ang hangang sa ng̃ayo'y nagiging katapat.
II.
Lahat na'y nabata ng̃ aking pag-ibig, lahat na'y nasukat nitong pagtitiis, lahat na'y napasan sa silong ng̃ Lang̃it maging ang parusang pagkalupit-lupit.
III.
Nagbago ang lahat! Subali't ang sagot ng̃ irog at buhay, sa aking pag-luhog ay sadyang hindi pa binabagong lubos, waring inu-uri ang aking pag-irog...
IV.
Ng̃uni't kaylan kaya sa kanya'y papanaw ang ulap ng̃ isang wari'y alinlang̃an? at sa akin kaya'y kaylan mabubuksan ang pintong may susing katumbas ng̃ buhay.
V.
Ang nakakatulad ng̃ aking pag-giliw ay isang pulubing dumadaing-daing na sa kanyang taghoy at pananalang̃in ay walang maawang maglimos ng̃ aliw!
VI.
Kanyang sinusubok ang aking pagsuyo, kanyang tinatarok ang luha ng̃ puso, kanyang binabasa sa pamimintuho yaong katunayan ng̃ sinamo-samo.
VII.
Samantalang ako'y tumatawag-tawag, lumuluha-luha sa gitna ng̃ hirap, ay walang kapiling maging sa pang̃arap liban sa anino ng̃ mg̃a bagabag.
VIII.
Ulap ng̃ hinagpis, ulap ng̃ parusa ang nagpapasasang aking dinadama, ng̃uni't kaylan kaya sa aking pagsinta'y ang ulap na iya'y magiging ligaya.
¡ANG LUHA NG HIBANG.....!
Ayun, tumatang̃is! Ayun, lumuluha't tumataghoy-taghoy na nakaaawa. Malasin ang hibang, ang sira ang diwa, ang taong nanang̃is sa gabing payapa na minsa'y maiyak, at minsa'y matuwa. Malasin ang ayos ng̃ kahabaghabag ng̃ pusong dinusta ng̃ kanyang pang̃arap; malasin ang luha, ang luha ng̃ palad, ang luhang nagmula sa kanyang pagliyag na pinagkaitan ng̃ tamis ng̃ ling̃ap. Tumang̃is na muli! At saka humibik na mandi'y puputok ang latok na dibdib; kanyang ipinukol ang mata sa lang̃it kasabay ang sabing:—"¿Kailan pa sasapit ang mithing ligaya ng̃ aking pag-ibig"? "¡Oh! Diosa ng̃ aking yaman ng̃ pag-asa, ¿kailan mo tutubsin ang puso sa dusa? ¿kailan papalitan ng̃ tunay na saya ang nagluluksa kong ulilang pagsinta na nananambitan...!"—at saka tumawa. Ha! ha! ha! oh! irog! Aking paraluman, hantung̃an ng̃ aking buong kabuhayan! kung hinihiling mo'y tulang tula lamang ng̃ upang ang dusa'y minsang mabawasan, naito't dinggin mo ang tula ng̃ buhay. "Halika! halika! Tangapin mo ng̃ayon ang tula ng̃ aking pusong lumalang̃oy; basahing madali't dingging mahinahon ang hibik ng̃ bawa't talatang nanaghoy, ang awit ng̃ palad, ang sigaw, ang tutol. "Oh! pusong maramot! Pusong mapang-api, walang awang tala sa pagkaduhagi, halika! ha! ha! ha! ang dilim ng̃ gabi, ang halík ng̃ hang̃in ay pawa kong saksí sa panunumpa kong kita'y kinakasi. Halika't sinagin sa luha ng̃ puso ang kulay ng̃ aking sinimpang pagsamo, halika't basahin sa pamimintuho ang gintong pang̃arap ng̃ aking pagsuyo na nananawagan hanggang masiphayo", . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Dito na natapos yaóng panambitan, dito na naputol ang pananawagan ng̃ sira ang bait, ng̃ ulól, ng̃ hibang, ng̃ pusong ginahís at pinagkaitan niyang luwalhating katumbas ng̃ buhay. ¡Anóng hirap pala ng̃ gawang humibik sa isang ayaw mang tumugo't makiníg! ¡Anóng hirap pala ng̃ gawang umibig lalo't aapihín sa silong ng̃ lang̃it ng̃ hiníhibikang pinapanaginip.....!
¡KURUS AT LIBING̃AN..!
(PAMAMANGLAW)
(Irog: Kung ang kalungkutan ko'y tinutugon ng̃ iyong damdamin ay pamuli't muling basahin mo lamang ang awit na ito. At ako'y talagang may ugali na matapang sa likod, at duwag sa harap.)
I.
Narito't malasin itong kalagayan At tutop ang noó sa kapighatian, Aking binabakas yaong kasayahang Nasulat sa dahon nitong kabuhayan.
II.
Hindi makakatkat ang mg̃a talata Na tikóm sa guhit ng̃ mg̃a biyaya, At kung mayroon pang tagistis ng̃ luha Ay luhang nanggaling sa pagkariwara.
III.
Sa aking kalupi, sa aklat ng̃ palad Ay may mg̃a bagay na nang̃asusulat, Diyan makikita ang mukhang may hirap At pusong malaong lunod sa pang̃arap.
IV.
Diyan mamamalas ang isang larawang Sipi sa ulila't payapang libing̃an, Diyan makikita ang dusta kong buhay Na sawang-sawa na sa kawáy ng̃ hukay.
V.
Hindi ko matalos itong nangyayari't Ang namamalas ko'y dilím na parati, Bulo sa pagsuyo, bigo sa pagkasi, Kurus sa baunan ng̃ naduduhagi.
VI.
Sa pinto ng̃ puso'y nanawag na lagi Ang tinig ng̃ dusang nakaaaglahi, Parang nananadyang sa aki'y bumati Ang labi ng̃ hirap, tinik, dalamhati.
VII.
Nais kong umibig. Ng̃uni't natatakot Na ako'y umibig at saka lumuhog, Pagka't nang̃ang̃ambang sa aki'y matapos Ang lahat ng̃ aliw nitong Sangsinukob.
VIII.
Wala nang parusang gaya ng̃ tumang̃is Sa harap ng̃ isang hindi umiibig, Wala nang parusang gaya ng̃ tumitig Sa sung̃it ng̃ dilím ng̃ gabing tahimik.
IX.
Sukat na sa akin ang ako'y malagak Sa pamamangka ko sa ilog ng̃ hirap, Sukat nang masabing lagi kang pang̃arap. At matitiis na ang pasang bagabag.
X.
Walang kailang̃ang mamatay sa dusa Huwag ang bawiin ang pagkikilala, Aking katuwaan kung ikaw'y makita Sa piling ng̃ aliw na di magbabawa.
XI.
Aking matitiis na sarilihin ko Ang lahat ng̃ pait sa buhay na ito Kahit ang magtimpi'y halik ng̃ simbuyó Huwag ang abuting ikaw pa'y magtampo.
XII.
Ipalalagay kong masayang aliwan Ang namamalas kong kurus at libing̃an, Sapagka't sa aki'y darating ang araw At diyan uuwi ang hiram kong buhay.
XIII.
Di ko pinupukaw ang pagkamapalad Niyang iyong buhay na bagong ninikat, Ikaw ang bituwing takpan man ng̃ ulap Ay maghahari din ang ningning na ing̃at.
XIV.
Lamang ang hang̃ad kong iyong mapaglining. Ay ang aking lungkot na di nagmamaliw, Lungkot na aywan ko kung saan nanggaling Kung sa mg̃a aklat ng̃ isang paggiliw.
XV.
Matapos mabasa ang awit ng̃ buhay Ay limutin mo na ang aking kundiman, Sapagka't ayokong mahawa kang tunay Sa taglay kong lungkot at kapighatian.
KUNG AKO'Y SINO...
I.
Huwàg nang itanong; iyong akalaing akong naghahayag ng̃ maraming lihim ay isang binihag ng̃ mg̃a hilahil, isang kaluluwang busabos ng̃ lagim, isang nang̃ang̃arap sa ganda mong kimkim, isang tumatang̃is, isang dumadaing, isang nagaalay ng̃ kanyang paggiliw, isang umaasang hindi hahabagin.
II.
At kung ako'y sino? Sukat na ng̃a sinta! ako ang tutugon sa mithi mo't pita...¡ Ninanais mo bang ako'y makilala...? Kung gayo'y makinig:—Akong sumasamba sa iyong larawan sa tuwi-tuwina'y pusong laging bihag ng̃ hirap, ng̃ dusa, ako ang linikhang uhaw sa ginhawa't may ulap na lagi ang aking pag-asa.
III.
At kung ako'y sino? Isang nang̃ang̃arap magtamong biyaya sa iyong pagling̃ap... Isang umaawit ng̃ lihim at hayag, isang kandong kandong ng̃ mg̃a bagabag, isang nasasabik uminom, lumasap sa saro ng̃ buhay ng̃ tuwa, ng̃ galak, isang binabayo ng̃ mg̃a pahirap, isang umiibig sa iyó ng̃ ganap.
Si Puring...!
Sabihin na ninyong ako'y nang̃ang̃arap ó nananaginip sa Sangmaliwanag ay di babawiin itong pag-uulat sa isang dalagang may magandang palad. May tikas-bayani at tindig Sultana, may hinhing kaagaw ng̃ mg̃a sampaga, may samyong kundimang hindi magbabawa datnan ma't panawan ng̃ gabi't umaga. Ang matáng katalo ng̃ mayuming tala'y sapat nang bumihis sa pusong naluha, ang ng̃iting animo'y kaban ng̃ biyaya'y makaliligaya sa mg̃a kawawa. Si José Vendido'y subukang buhayi't sa diwatang ito'y pilit na gigiliw, paano'y may gandang batis ng̃ tulain, paano'y may yuming aklat ng̃ damdamin.
¡NOON...!
Noon, ikaw'y aking minamalasmalas sa pusod ng̃ gayong tahimik na gubat, ang iyong larawan noo'y nasisinag sa linaw ng̃ batis na awit ng̃ palad. Ikaw'y namimili ng̃ batong mainam at nilalaro mo ang mg̃a halaman, sa damdam ko baga'y ang bawa't hawakan ng̃ mg̃a kamay mo'y nagtataglay buhay. Yaong "makahiyang" mahinhi't mayumi ng̃ iyong hawaka'y hindi man nang̃imi, paano'y may galing ang iyong daliri't ang mg̃a kamay mo'y banal, tang̃ing tang̃i. Sa puso'y tumubo ang isang paghang̃a, naguhit sa pitak ang isang diwata, aywan ko kung ikaw! At tila ikaw ng̃a! Subali't Mayumi, ¿ikaw'y maaawa? Magsabi ang aklat na iyong binasa kundi ang buhay ko'y siniklot ng̃ dusa, magsabi ang gubat kung hindi natayang ang tulog kong puso'y iyong binalisa. Mayumi, buhayin ang yumaong araw sa tabi ng̃ batis at lilim ng̃ parang, kung magunita na'y dapat mong malamang naririto akong tigib kalumbayan.
Bagong Taon...
Hindi ko matalos kung ang aking puso'y Magbabagong taón sa pagkasiphayo, Ako'y naririto't ikaw ay malayo Na animo'y buwang sa aki'y nagtago.
Inaasahan ko ng̃ buong pagasa Na ikaw sa aki'y sadyang lumimot na, Kung magkakagayo'y iyong makikita Ang maputlang bangkay sa gitna ng̃ dusa.
Ako, sakali mang iniwan sa hirap Ay nagsasaya rin kahit sa pang̃arap, Sapagka't nais ko na iyong mamalas Na ako'y marunong magdalá ng̃ palad.
At sa pagpasok ng̃a ng̃ bagong taon mo Ay pawang ligaya ang hinahang̃ad ko Na iyong tamuhin sa buhay na ito Kahit pang̃arap daw ang lahat sa mundo.
KUNDIMAN NG PUSO
¡...............!
Pang̃alang sing-bang̃o ng̃ mg̃a sampaga, laman ng̃ tulain, hamog sa umaga, awitan ng̃ ibong kahalihalina, bulong ng̃ batisang badha ng̃ ligaya. Sa aki'y sukat na ang ikaw'y mamalas, upang magkadiwa ang aking panulat, sa aki'y sukat na ang bang̃o mong ing̃at upang ikabuhay ng̃ imbi kong palad. Ikaw ang may sala! Bulaang makata ang hindi sa iyo'y mahibang na kusa, bulaang damdamin ang di magtiwala sa ganda mong iyan, ng̃ lahat ng̃ nasa. Yamang ginulo mo ang aking isipan at naging ng̃iti ka sa aking kundiman, bayaan mo ng̃ayong sa iyo'y ialay ang buong palad kong tang̃ing iyo lamang. Napakatagal nang ikaw'y natatago sa pitak ng̃ aking lumuluhang puso, ang iyong larawa'y talang walang labo at siyang handugan ng̃ aking pagsuyo. Kung nagbabasa ka'y tapunan ng̃ malay ang kabuhayan kong walang kasayahan, kung masasamid ka'y iyo nang asahan na ikaw ang aking laging gunamgunam. Sa paminsanminsa'y tapunan ng̃ titig ang isang makatang hibang sa pagibig, bago ka mahiga'y tuming̃in sa lang̃it at mababakas mong ako'y umaawit.
¡ALA-ALA....!
Huwág mong isiping kita'y linilimot, huwag mong asahang ang aking pag-irog ay wala't kupas na sa kimkim mong ganda, huwag, aking kasi. Walang pagkatapos ang tibok ng̃ pusong napabubusabos. Ikaw'y nagmalaki! Ako'y di binati at parang hindi na kakilalang tang̃i, ganyan ng̃ang talaga ang taong maganda, mapagmalakihin sapagka't may uri na lubhang mataas kay sa isang Hari. Ako'y linimot mo. Kahit magkakita'y hindi man ng̃itian, gayong kakilala, hindi ba't diwata ikaw nitong diwa? Hindi ba't batisan ikaw ng̃ pag-asa at ikaw'y may bang̃ong sipi sa sampaga? Tapunan ng̃ malas ang masayang araw na ako'y busabos niyang kagandahang pumukaw na muli sa aking kudyapi, doo'y mababakas ang isang larawang ako'y nakaluhod at nananambitan. Iyan ang larawan ng̃ isang makata na uhaw na uhaw sa kimkim mong awa, Iyan ang umawit sa lahat ng̃ sakit na taglay ng̃ pusong laging lumuluha at sabik na sabik sa iyong kaling̃a. Ng̃ayo'y naririto't muling umaawit ang iyong makatang inapi't hinapis, habang inaapi'y lalong lumalaki sa dilag mong iyan, ang aking pag-ibig pagka't ang puso ko'y singlawak ng̃ lang̃it.
Saksi...!
I.
Ikaw nga'y dapat kong mahalin nang labis at ukulang tang̃i ng̃ aking pagibig, pagka't natunayang ikaw'y isang lang̃it na di dadalawin ng̃ mg̃a pang̃anib.
II.
Nananalig akong napakadalisay ng̃ iyong pag-ibig sa ating suyuan, kaya't ang puso ko'y nagpapakatibay hanggang sa sumapit ang dakilang araw.
III.
Pagaaralan ko, hanggang makakaya na ikaw'y malagak sa tuwa't ginhawa, pagiing̃atan kong huwag kang magdusa kung na sa sa akin ang iyong ligaya.
IV.
Kaya't aking irog: Ikaw'y pumanatag; at kung sakali mang tayo'y mabagabag ay huwag magtaká sa Sangmaliwanag pagka't ang lang̃it ma'y nagaalapaap..!
Kundiman...!
Dalagang butihin: Huwag kang humang̃a kung iyong makitang ang mata'y may luha, ang kabuhayan ko'y hindi maapula sa ikatatamo ng̃ tang̃ing biyaya. Ang luha sa mata'y laging bumabalong, ang aking damdamin ay linilingatong, ang kulay ng̃ madla'y malamlam na hapon, ang ayos ng̃ lahat ay parang kabaong. Sa aking paghiga'y laging nakikita ang iyong larawan, dakilang dalaga ikaw'y maniwalang ako'y umaasa na di aabutin ako ng̃ umaga. Kaya't kung sakaling ikaw'y may pagling̃ap kung may pagting̃in ka sa imbi kong palad, ay mangyari mo ng̃ang iligtas sa hirap ang kabuhayan kong sawa sa pang̃arap.
Ang iyong pangako
Sa iyo, Pitiminí.
Bago ka umalis at naglakbay baya'y may naging pang̃akong sa aki'y iniwan pang̃akong sa aki'y naging bagong araw na nikat sa gitna ng̃ katanghalian, paano'y pang̃akong sa katotohana'y nagbukas ng̃ pinto ng̃ kaligayahan. Ikaw'y napalayo. Ako'y ilinagak sa lang̃it ng̃ isang masung̃it na palad napatulad ako sa kimpal ng̃ ulap na walang bituwing magarang ninikat, ang kabuhayan ko'y naging isang dagat na di matatawid kahit sa pang̃arap. Pinag-aralan kong lumang̃oy sa sakit at buong lakas ko ang siyang ginamit ang iyong pang̃ako sa aking pang̃anib ay siyang timbulang kawáy ng̃ pagibig, noon ko nalamang ang taglay kong hapis ay di magbabawa't singlawak ng̃ lang̃it. Pinagtiisan kong labanan ang aking pasanpasang hirap at mg̃a damdamin, ang kawikaan ko'y ang gabing malalim na napakasung̃it ay natatapos din. Ang taglay kong dusa kung ako'y palarin ay magiging sayáng hindi magmamaliw. Walang saglit na di ang iyong pang̃ako ang napapasulat sa aklat ng̃ puso, walang araw na di ang aking pagsuyo ay sabik sa tuwang kapintupintuho kaya't nangyayaring madalas maligo itong aking palad sa luhang nunulo. Isinulit mo pang sa iyong pagdating ang iyong pang̃ako'y sadyang tutuparin, ang aking pagasang puyapos ng̃ dilim ay kinabakasan ng̃ bahagyang aliw, paano'y umasang iyong tutubusin ang kunis ng̃ buhay sa guhit ng̃ libing. Magmula na noo'y naging maliwanag ang lang̃it ng̃ pusong nagaalapaap, ang kurus na aking laging namamalas sa mg̃a libing̃an ng̃ nang̃apahamak, sa aking paning̃in ay naging watawat na kulay lungtiang kapang̃apang̃arap! Ikaw'y napabalik, at tayo'y nagkita! ang lamang palagi nitong alaala'y ang iyong pang̃akong hindi magbabawa na ng̃ayo'y ibig kong tuparin mo sana, ng̃unit hinding hindi. Ang aking pagasa'y iyong ipinako sa kurus ng̃ dusa. Sa ganyang paraa'y di kaya manglambot ang kabuhayan kong puyapos ng̃ lungkot? At sa pagkabigo'y hindi ba himutok ang sa damdamin ko'y minsang maglalagos? Ang mukha ng̃ araw ay biglang lumubog sa likod ng̃ isang mapanglaw na bundok. Sulyapan mo ng̃ayon itong kalagaya't balisang balisa sa kapighatian, at hanggang hindi mo binibigyang tibay ang naging pang̃ako sa dusta kong buhay ang kaluluwa ko'y magiging larawan ng̃ nakalulumong kurus at libing̃an.
¡ANG REYNA ELENA.....!
Ayu't lumalakad. Magarang magarang animo'y bituing nahulog sa lupa, kung minsa'y nagiging hibang itong diwa at kung magkaminsa'y para akong bata, paano'y hindi ko masukat sa haka ang nararapat kong ihaing paghang̃a. Kung kita'y itulad sa dakilang araw at ako ang lupa, ang lupang tuntung̃an, ay masasabi mong ako'y walang galang at ako ay bihag niyong gunam-gunam. Subali't butihin! Ang aking tinuran ay tibok at utos ng̃ katotohanan. Kung ikaw'y Reyna man sa ganda't ugali, naman sa pang̃arap, ako'y isang Hari; kaya't kung sabihi'y tala kang mayumi, hamog sa umaga, bang̃ong walang pawi, ikaw ay manalig, manalig kang tang̃i at ang nagsasabi'y nabatu-balani. Hanggang tumataas iyang kalagayan nama'y naiingit itong kapalaran, ang gunitain ko ay baka mawalay sa puso mo't diwa ang aking pang̃alan, kung magkakagayon, irog ay asahang sa aki'y babagsak ang Sangkatauhan. Sa iyo'y bagay ng̃a yaong pagka-Reyna, pagka't sa ayos mo'y isa kang Zenobia, may puso kang Judith, may ng̃iting Ofelia, may diwang de Arco't may samyo kang Portia, samantalang ako, akong umaasa'y isa lamang kawal na lunód sa dusa. Sa paminsan-minsa'y maanong kuruing wala nang itagal ang aking damdamin, kung magdaramot ka, Reyna kong butihin at di mahahabag sa pagkahilahil ay iyong asahang ang aking paggiliw ay magkakalbaryong walang págmamaliw.
¡Huwag kang manganib...!
(SAGOT SA LIHAM MO)
I.
Maasahan mo ang aking pag-ibig, ang buong buhay ko hanggang mayrong lang̃it, hanggang mayrong araw, tala, gubat, batis ang iyong pang̃ala'y laging na sa isip.
II.
Huwag kang mang̃anib! Di ko malilimot ang ganda mong iyang sipi sa kampupot, ang bang̃o at tamis ng̃ isang pag-irog ay na sa sa iyo't hindi mauubos.
III.
Nang matunghayan ko ang padalang liham, luha ko'y tumulo sa kapighatian, paano'y gumuhit sa aking isipan na: ang tagumpáy ko'y iyong kamatayan.
IV.
Di ko akalaing iyong ikahapis ang pagtatagumpay ng̃ ating pag-ibig, ang mg̃a luha mo'y ulan ng̃ pasakit, ang kalumbayan mo'y pagdilim ng̃ lang̃it.
V.
Ang pagtiwala'y tibay ng̃ pagkasi, timbulan ng̃ puso ng̃ naruruhagi, panilo sa mg̃a tapat na lalaki, pag-asa ng̃ palad na di mapuputi.
VI.
Huwag mong isiping ako'y magsasawa sa ating suyuang busog sa biyaya, ang iyong larawa'y laging na sa diwa't ang iyong pang̃alan ay aking dambana.
VII.
Aking natunghayan sa padalang sulat ang kalungkutan mo't sinisimpang hirap. Kay hirap maghintay ng̃ masayang bukas! Kay hirap sabikin ng̃ isang pang̃arap!
VIII.
Magtiis ka irog! Darating ang araw na ikaw at ako ay magkakapisan, ang ulap sa ati'y biglang mapaparam at magliliwanag ang Sangkatauhan.
IX.
Huwag kang mang̃anib! Darating sa atin ang isang sandaling batis ng̃ paggiliw, diyán matataya ang di magmamaliw na aking pagling̃ap sa pagkabutihin.
X.
At kung katunayan ng̃ aking pag-ibig ang hinihintay mong sa iyo'y isulit ay narito akong gaya mong may hapis at isinusumpa ang nunung̃ong lang̃it.
¡Lihim ng mga titig!...
Ibig kong hulaan sa silong ng̃ Lang̃it ang lihim na saklaw niyang mg̃a titig, isang suliraning nagpapahiwatig, ng̃ maraming bagay, ng̃ luha't pag-ibig. Ako'y manghuhula sa bagay na iyan, pagka't nababasa, sa hugis, sa galaw ng̃ mg̃a titig mong halik ng̃ kundiman ang ibig sabihin at pita ng̃ buhay. Ikaw'y nagtatapon nang minsa'y pagsuyo, minsa'y pang-aaba't minsa'y panibugho, minsa'y paanyaya sa tibok ng̃ puso nang upang sumamba't sa iyo'y sumamo. Ang mg̃a titig mo'y may saklaw na lihim, at maraming bagay ang ibig sabihin, ng̃uni't sa palad ko'y isang suliraning nagkakahulugang ako'y ginigiliw.
¡CHOLENG...!
(Tang̃ing sinulat upang ihandog sa kaarawan mo— ika 13 ng̃ Nov.)
I.
Guhit ng̃ liwanag, kislap ng̃ ligaya, talutot na ginto ng̃ isang sampaga, kalupi ng̃ buhay, hamog sa umaga, Bathalang ang awa'y hindi magbabawa, kaban ng̃ kundimang sa nang̃ung̃ulila'y halik ng̃ biyaya't sugo ng̃ ginhawa, timbulan ng̃ palad sa mg̃a parusa, tinig na mayumi ng̃ mahinhing maya.
II.
Larawang kalasag sa mg̃a pasakit, tulay ng̃ lwalhating patung̃o sa lang̃it, halamang magarang sa paligid-ligid ay mg̃a bulaklak na kaakitakit, bundok na palaging sa libis ay batis na maiinuman ng̃ budhing malinis, dagat na payapang katapat ng̃ lang̃it na minsa'y magbang̃ong kapang̃apang̃anib.
III.
Sultana ng̃ Pasig, mahinhing Makiling, sa ganda'y reyna nang dapat pang̃arapin, isang Sinukuang anang salaysayi'y babaing bumihag sa libong damdamin, usok ng̃ kamanyang na di magmamaliw, Lang̃it na masaya at Buwang butihin, Olimpong mayaman sa mg̃a awitin, buhay na badhaan ng̃ isang paggiliw.
IV.
Tahimik na lang̃it na nang̃ang̃aninag ang lamang biyayang tugon sa pang̃arap, mg̃a kayamanang hindi matitinag, sampagang sa bang̃o'y tulang walang kupas, talang nagsasayang may mayuming sinag, aklat na talaan ng̃ aliw ng̃ palad, dahon ng̃ kaluping yaong nasusulat ay kadakilaan ng̃ damdaming ing̃at.
V.
Tingkad ng̃ pagasa, tuhog ng̃ kampupot, kudyapi ng̃ palad, tamis ng̃ pagirog, watawat na sipi sa lalong matayog na kaligayahang hindi mauubos, haligi ng̃ buhay na di matutupok ng̃ apoy ng̃ samang dito'y nagsianod, bathala ng̃ gandang kung siyang magutos sa matatakuti'y mawawalang takot.
VI.
Iyan ang si Choleng na sadyang mayumi't laman ng̃ panulat na kahilihili, iyan ang larawang aking binabati at isang dalagang hiyas nitong Lahi, iyan ang diwatang ang paguugali'y mayamang talaan ng̃ saya't lwalhati, iyan ang sampagang ang samyo, ang uri'y pawang kapalarang walang pagkapawi.
VII.
At ng̃ayo'y araw mo! Ng̃uni't ano kaya ang maiaalay sa isang himala? Walang wala Choleng! Hindi mg̃a tula, ni hindi pang̃arap sa gitna ng̃ tuwa, kundi mg̃a mithing: buhay, lakás, tyaga, ang sa talaan mo ay mang̃apatala, iyan ang mabuting kalasag na handa upang sapitin mo ang inaadhika.
VIII.
Basahin pa Choleng sa aklat ng̃ buhay ang tingkad ng̃ aking dalang̃ing dalisay; "Buhay mo'y maglayag sa kaligayahang pang̃arap ng̃ lahat sa Sangkatauhan. Isang pagtatapat: Sa lupang ibabaw ang palad ng̃ madla ay isang digmaan, ang iyong paglakad ay pakaing̃ata't ang buhay ng̃ tao'y panaginip lamang.
TINDING...
Magsabi ang Lang̃it kundi ikaw'y talang Nagbigay sa akin ng̃ tuwa't biyaya, Magsabi ang lahat kung hindi diwata Ikaw ng̃ lalo mang pihikang makata. Ikaw'y maniwalang ang musmos kong puso'y Natuto sa iyong humag̃a't sumamo, Sisihin ang iyong dikit na nagturo Sa kabuhayan ko, ng̃ pamimintuho. At sino sa iyo ang hindi hahang̃a? Ikaw'y paralumang batis ng̃ biyaya, Pakpak ng̃ pang̃arap at Reyna ng̃ awa. Ang dilim ng̃ gabi sa aki'y natapos, Ng̃umiti sa tangkay ang mg̃a kampupot, Gayon ma'y narito't puso ko'y busabos.
Noo'y isang hapon...
(Kay......................)
Noo'y isáng hapon! Ikaw'y nakadung̃aw At waring inip na sa lagay ng̃ araw, Ang ayos mo noon ay nakalarawan Sa puso kong itong tigíb kalumbayan. Anománg gawin ko'y hindi na mapawi Ang naging anyo mong pagkayumi-yumi, ¡Itóng aking pusong nagdadalamhati'y Tinuruan mo pang umibig na tang̃i! Kung nang unang dako'y hindi ko nasabi Sa iyo ang aking tunay na pagkasi Ay pagka't ang aking puso ay napipi Sa haráp ng̃ dikít na kawiliwili. Sa ng̃ayo'y naritó at iyong busabos Ang aking panulat at aking pag-irog; Ang aking panitik: walang pagkapagod, Ang aking pag-ibig: walang pagkatapos. Kung pang̃arapin ko ang lamlam ng̃ araw At nagíng anyo mo sa pagkakadung̃aw Ay minsang sumagi sa aking isipang "¿Ikaw kaya'y aking magíng Paraluman?"
Daglian...
(Sa iyo rin...)
Kung sa iyong pag-iisá O sa iyong pagbabasá Ay may matutunghayan ka Na tunay na sumisintá, Yaón ay wala nang ibá Kungdi akong nagbabatá.
Akin na ng̃ang naiulat sa iyo, ang aking palad, Ng̃uni't ang aking panulat Ay di makapagsisiwalat Ng̃ layon ko at pang̃arap. Kakambal ko kaya'y hirap?
Tinding: ikaw'y maniwala Na ang aking puso't diwa Sa iyo'y sangla kong pawa; Ang puso ko'y humahang̃a, Ng̃uni't umíd itong dila, Ito kaya'y malikmata?
Ang may pagsintang malabis Ay umid at nahahapis, Ligaya na ng̃ang masilip Yaong kanyang nilalang̃it, ¿Tubsin mo kaya sa sakit Ang pagkasi kong malinis?
Unang damdamin!
(Sa iyo.....)
I.
Bathala ng̃ ganda! Hindi kailang̃ang sa aki'y magtaka sakaling alayan ng̃ paos na tinig ng̃ aking kundiman, pagka't alam mo nang diwata kang tunay.
II.
Ikaw ang pumukaw sa aking panulat upang maawit ko ang yumi mong ing̃at, ikaw ang sa aking kalupi ng̃ palad ay unang nagtitik ng̃ isang pang̃arap.
III.
Ipagpatawad mong sa iyo'y sabihing ikaw ang bathalang pumukaw sa akin, ikaw ang nagbukas sa aking damdamin ng̃ lihim at unang pinto ng̃ paggiliw.
IV.
Kundi kasalanan ang gawang tumang̃is ay ibilang mo nang kita'y iniibig at kung ang luhog ko'y iyong ikagalit ay ibibilang kong isang panaginip.
¡INFIERNO....!
Tinatakhan mo ba ang aking pag-irog? Dinaramdam mo ba ang aking paglimot? Huwag kang mamangha't di mo masusubok ang kadalisayan ng̃ aking pagluhog. Sa aki'y di sukat ang mg̃a babae, sa aki'y di sukat ang iyong pagkasi, ako'y inianak sa pagkaduhagi kaya't magagawa ang minamabuti. Ako'y malilimot kung siya mong nais at pakasumpain sa silong ng̃ lang̃it, ikaw'y may laya pang sa iba'y umibig pagka't may ganda kang hiraman ng̃ awit. Subali't alaming... ikaw'y masasayang kung mahihilig ka sa ibang kandung̃an, sapagka't ang ating nang̃agdaang araw ay di malalanta sa iyong isipan! Ang lahat sa lupa'y iyong mahahamak at maaari kang magbago ng̃ palad, ng̃uni't susundan ka sa iyong paglakad ng̃ isang anino ng̃ ating lumipas. Iyong magagawa ang ako'y limutin at matitiis ko ang pagkahilahil, iyo mang isangla ang iyong paggiliw sa ibang binata'y... di ko daramdamin! Kung tunay mang lang̃it ang iyong pagkasi'y isang Infierno ring aking masasabi, bihira sa mg̃a magandang babae ang di salawaha't taksil sa lalaki. Limutin mo ako kung siya mong nasa't saka pa umibig sa ibang binata, ang pagtataksil mo'y di ko iluluha pagka't ang babae'y taong mahiwaga. Ang paglilihim mo'y aking kamatayan, ang ginagawa mo'y parusa ng̃ buhay, kundi ka tutupad sa bilin ko't aral ay ako'y walin na sa iyong isipan. Di ko tinatakhan ang palad ng̃ tao sapagka't ang lahat ay mayrong Kalbaryo kung ang aking puso'y iyong Paraiso, ang iyong pag-ibig ay aking Infierno.
¡Kamanyang...!
I.
Ang hapong malamlam ay naging tadhana ng̃ bagong panahon sa aklat ng̃ diwa, ang gabing madilim na di nagsasawa sa pagmamaramot sa mg̃a biyaya ay naging umagang sa aking akala'y batbat ng̃ bulaklak na lubhang sagana, ang buwang mayuming ayaw magmagara ay naging dalagang kaagáw ng̃ tala.
II.
Ang mg̃a aliw-iw ng̃ palalong tubig sa kabuhayan ko'y naging mg̃a tinig ng̃ lalong mapalad sa silong ng̃ lang̃it, ang kulay ng̃ hirap na namimiyapis ay biglang nagmaliw na di ko malirip, ang mundo kong batbat ng̃ luha at sakit ay naging mundo na ng̃ Haring makisig ó isang palásyong malayo sa hapis.
III.
Ang tikóm na labi ng̃ mg̃a sampaga'y namukád na bigla't naglabing ligaya, ang dilim at ulap ng̃ aking pagasa'y naging bagong araw na di magbabawa, ang kukó ng̃ hirap at, bang̃is ng̃ dusa'y naging mg̃a hamog sa dapit umaga, ang guhit at ulos ng̃ mg̃a parusa'y naging mg̃a ng̃iti ng̃ bagong Ofelia.
IV.
Huwag kang magtaka, dalagang mayumi sakaling sabihing sa aki'y napawi ang tinik ng̃ dusa't mg̃a dalamhati, sapagka't sa ng̃ayo'y aking napaglimi na iyong pagsilang nang buong lwalhati ang mg̃a nabagong nadama't nasuri, ang mg̃a nakita't nabakas sa labi'y tanda ng̃ paghang̃a't sa iyo'y pagbati.
V.
At ng̃ayo'y araw mo! Darakilang araw ang siyang sumaksi sa iyong pagsilang, at yamang ganito'y aking katungkulang ikaw ay suubin ng̃ aking kundiman bagama't, alam kong ang awit ng̃ buhay ay awit ng̃ mg̃a naaaping tunay bagama't talos kong ang "lira" kong tang̃an ay hamak na "kurus" sa isang libing̃an.
VI.
Walang kailang̃an! At tila ng̃a dapat na ika'w batiin ng̃ aking panulat: Dakilang dalaga, ang Sangmaliwanag ay busog sa silo at mg̃a bagabag, tayo'y isinilang upang makilamas sa ng̃itng̃it ng̃ dilim at sigwa ng̃ palad, matapos batii'y iyong isahagap na ang buhay natin ay isang pang̃arap.
Ang abaniko mo...
(Sa isang bulaklak.)
Parang isang pilas ng̃ lang̃it na bughaw ang namamalas ko kung ikaw'y magpaypay, parang isang "mundo, ang pinagagalaw ng̃ napakaputi't nilalik mong kamay. Iyan ang pamaymay na iyong ginamit nang ako'y darang̃in ng̃ dila ng̃ init, diyan napasama ang patak ng̃ pawis, diyan napalipat ang pisng̃i ng̃ lang̃it. Anopa't sa aki'y naging malikmata ang buhay kong iyong binigyang biyaya, nalimot kong minsang ang tao sa lupa ay may kamataya't sariling tadhana. Ang sung̃it ng̃ gabi, sa aki'y napawi at bagong umaga ang siyang naghari, ang damdam ko baga'y pawang nanaghili sa akin ang mg̃a taong mapagsurí. Subukang igawad ang Sangkatauhan at hindi sasaya itong kabuhayan, ng̃uni't kung ang iyong "abanikong tang̃an, patay ma'y babang̃o't ikaw'y aawitan. Sa aki'y sukat na ang ikaw'y mamalas upang ang lang̃it ko'y mawalan ng̃ ulap, ang iyong pamaypay kung siya mong hawak, ako'y dinaraíg ng̃ mg̃a pang̃arap.
Kung ikaw'y umibig
(Sa aking Reyna.)
Huwag nang sabihing ang tang̃ing Julieta ng̃ isang Romeo'y batis ng̃ ligaya, huwag nang banggitin ang isang Ofelia't hindi mapapantay sa irog kong Reyna. Subukang buhayin ang lima mang Venus at di maiinggit ako sa pagluhog, tinatawanan ko si Marteng umirog sa isang babaeng lumitaw sa agos. Ang pulá ng̃ labi, ang puti ng̃ bisig, ang kinis ng̃ noong wari'y walang hapis, ang lahat ng̃ samyo sa silong ng̃ lang̃it ay isinangla mo kung ikaw'y umibig. Ang lahat sa iyo'y kulay ng̃ ligaya, ang lahat sa aki'y ng̃iti ng̃ sampaga, kung magkakapisan ang ating pag-asa ay magiging mundong walang bahid dusa. Hindi mo pansin na ako'y lalaki, hindi mo naisip na ikaw'y babae, paano'y talagang kung ikaw'y kumasi sa tapat na sinta'y nagpapakabuti. Gabing maliwanag at batbat ng̃ tala, maligayang Edeng bahay ng̃ biyaya, iyan ang larawang hindi magtitila ng̃ iyong pag-ibig sa balat ng̃ lupa. Ang buhay ng̃ tao'y hindi panaginip, ang mundo'y di mundo ng̃ hirap at sakit, aking mapapasan ang bigat ng̃ lang̃it kung sasabihin kong: Kung ikaw'y umibig.
Tag-ulan...
May nang̃agsasabing masama ang ulan, may nang̃agagalit sa lusak na daan, ako ang tanung̃i't... aking isasaysay na ang tang̃ing gloria'y ang pagtatampisaw. Ang mg̃a halama'y nang̃ananariwa sa patak ng̃ ulang hindi nagtitila, ang aking pagkasing ibig mamayapa kung ganyang tagula'y nagbabagong diwa. Walang kailang̃ang sa aki'y magtago ang mukha ng̃ araw na di ko makuro, sa aki'y sukat na ang iya'y maglaho upang pasayahin ang kimkim kong puso. Walang kailang̃ang sa Sangmaliwanag ay laging maghari ang dilim at ulap, ang patak ng̃ ulan sa imbi kong palad ay bang̃ong masansang na di mang̃ung̃upas. Kung may mag-uulat na sa kalang̃itan ay may unos, baha, at patak ng̃ ulan, ay kunin na ako't hindi mamamanglaw pagka't masasama sa kawal ng̃ banal. Ang patak ng̃ ulan ay awa ng̃ lang̃it, lihim na biyaya sa mg̃a ninibig, laman ng̃ panulat sa mg̃a pag-awit, sariwang bulaklak sa pitak ng̃ isip. Kung ang tang̃ing Musa'y may tampo sa akin at ayaw sumunod sa aking paggiliw, ang patak ng̃ ula'y sukat ang malasin upang ang lira ko'y sumuyo't sumaliw. Kung sakasakaling ako'y maging bangkay at saka ilagak sa isang mapanglaw na labi ng̃ libing... mangyaring ang ula'y bayaang tumagos sa aking katawán.