II. PAGSISISI......
Reading edition
(TULANG MAY ANIM NA BAHAGI.)
—Nasilaw sa dilím.
—Ang hamak na palad.
—Gayon man, gayon ma'y...
—Ang panghihinayang...
—Kung ikaw'y binata...
—Sa abó babang̃on...
¡PAGSISISI.....!
Sa iyo...
Nasilaw sa dilim...
I.
Anang mg̃a tao: Ang mg̃a makata'y Sadyang isinilang upang magsiluha. Nang una'y ayokong dito'y maniwala Subali't sa ng̃ayo'y nakita kong tama. Ang luha ng̃ tao ay may mg̃a dahil, May luhang nagmula sa pagkahilahil, May sa pagkaapi sa isang giniliw, May sa pagkalayo sa inang butihin. Ang luha ng̃ aking nagsisising puso Ay hindi nanggaling sa pagkasiphayo, Ni sa pagkaapi ng̃ aking pagsuyo, Ni sa pagkagahis ng̃ isang palalo. Ang luha ko'y buhat sa di pagkataya Na ang tao'y mayrong balon ng̃ parusa, Ang pagsisisi ko ay bumabalisa't Bumawi sa akin ng̃ aking ligaya. Talagang ang tao'y sadyang walang tigil, Namali nang minsa'y ibig pang ulitin, Ang tanaw sa mundo'y mundong walang lihim At sa Dios ay Dios na di matandain. Ang mundo ng̃a nama'y batbat ng̃ paraya't Nagkalat ang silo sa balat ng̃ lupa, Dito kung mayron mang sampagang dakila Ay may tinik namang pamutol ng̃ nasa. Ang pagkamasakim sa bang̃o at puri Ang isinasama ng̃ lalong mabuti, Ang pagting̃ing labis sa pagsintang iwi'y Siyang pagkabagsak ng̃ isang lalaki. Oh! bang̃ong pang̃arap ng̃ uhaw na puso! Oh! puring nagbuwal sa lalong maamo! Kayo ang berdugong may bihis-pagsuyo Ng̃uni't iyang loob ay pagkasiphayo. Ang sabik sa bang̃o ng̃ isang sampaga't Ang uhaw sa puri ng̃ isang dalaga'y Siyang sumusunog sa kanyang pagasa't Siyang nagsasabog niyong mg̃a Troya. Dakilang bulaklak: Ako'y naniwala Na ang nagawa ko'y kahibang̃ang pawa, Ng̃ayon ko natantong birhen kang dakila, May wagas kang puso't banal na akala. Ako'y naririto't pinagsisisihan Ang aking nagawang mg̃a kasalanan, Aking babaunin hanggang sa libing̃an Ang hinanakit mo't magagandang aral. Talagang nalisya ang aking pang̃arap, Puso ko'y inabot ng̃ bagyo sa dagat, ¿Ano't ikaw pa ng̃a yaong binagabag Gayong ikaw'y isang anghel na mapalad? Pawiin sa puso ang mg̃a nangyari At iyong alaming may bang̃o ka't puri, Samantalang gayon, ako'y nagsisisi At binabawi ko ang mg̃a sinabi. Ng̃uni't isang tanong: ¿Kaya ang patawad Sa namaling puso ay iyong igawad? Ang mg̃a luha ko'y siyang ihuhugas Sa napaligaw ko't nagsisising palad.
Ang hamak na palad...
II.
Aywan ko kung ikaw'y magtaglay pang awa sa nagsisi ko nang lakad at akala, aywan ko kung ikaw'y kulang pang tiwala sa mg̃a nasayang at natak kong luha. Kung natatalos mo ang luhang nasayang sa mata ko't pusong laging naglalamay, sana'y nasabi mong mayrong katunayan ang dinaranas kong mg̃a kahirapan. Ang hinanakit mo, sumbat at paglait ay pawang nakintal sa dila ko't isip, at ang ating lihim sa silong ng̃ lang̃it ay siyang sa aki'y nakakaligalig. Pinag-aralan kong ikaw'y kausapin nang upang ihayag ang buo kong lihim, lihim ng̃ sa wari'y nagbigay hilahil sa napakabatang puso mo't paggiliw. Ang pagtatapat ko'y di mo minarapat ang kawikaan mo, ako'y isang hamak, ang naging ganti mo sa aking pagling̃ap ay isang libing̃an at kurus ng̃ hirap. Ang hamak ng̃a nama'y hindi naaayos umibig sa isang Reyna ng̃ Kampupot, ang hamak na palad ay dapat umirog sa kaisa niyang hamak di't busabos. ¿Maaari kayang ang isang granada'y maihulog sa di gusto ng̃ princesa? ¿maaari kayang ang isang sampaga'y makuha at sukat ng̃ taong bala na? Kay laki ng̃ agwat ng̃ palad ta't uri, ikaw'y isang lang̃it na kahilihili at ako ay isang hamak na pusali, ikaw ay sariwa at ako'y unsyami. Ang panghihinayang ang siyang nagtulak na kita'y mahalin ng̃ buo kong palad. Ang panghihinayang ang siyang nagatas na kita'y itala sa aking pang̃arap. Kung ikaw sa akin ay walang hinayang sa aki'y sayang ka at sayang na tunay, sabihin na akong kasakimsakiman at ikaw sa iba'y di mapapayagan. Lalo pang mabuting kanin ka ng̃ lupa kay sa mahulog ka sa ibang binata, ¿Iba pa ang iyong bibigyang biyaya gayong ako'y uhaw sa iyong kaling̃a...? Ipinipilit mong tayo'y pupulaan kung sa lihim nati'y mayrong makamalay, ¿at sinong pang̃ahas ang pagsasabihan. nitong ating lihim sa sangkatauhan? Ako'y nagsisisi't nabigyang bagabag na naman ang iyong tahimik na palad, kundang̃a'y ang iyong bang̃ong walang kupas sa pagiisa ko'y siyang nasasagap! Sa kahiling̃an mo, kita'y lilimutin kahit nalalaban sa aking damdamin, ng̃uni't ang samo ko'y iyong idalang̃in ang papanaw ko nang ulilang paggiliw.
Gayon man, gayon ma'y...
III.
Kung may kasayahan ang tao sa lupa naman ay mayron ding pagkabigo't luha. Kaya ng̃a't ang tao, sa aking akala ay laruan lamang ng̃ kanyang tadhana. Yamang walang taong likas na mabuti't walang nang̃amaling hindi nang̃agsisi. Sa ikasisiya ng̃ iyong sarili'y itatakwil ko na ang aking pagkasi. Lulunurin ko na sa hukay ng̃ puso ang aking yayaong nasawing pagsuyo, ipagluluksa ko ang pagkasiphayo ng̃ aking pag-ibig na di mo inako. Pag-aaralan kong lumang̃oy sa dagat na puno ng̃ aking sariling bagabag, pag-aaralan kong lumaban sa hirap yamang siyang takda ng̃ buhay ko't palad. Aking natatantong walang pagkasayang sa iyo ang aking maralitang buhay, sa iyo'y ligaya ang aking pagpanaw, sa iyo'y lwalhati ang kurus ko't hukay. Kung ikaw ay walang hinayang sa aki't wala pang hinayang sa aking paggiliw, ay iyong asahang aking sasapitin ang ninanasa mong balón ng̃ hilahil. ¿Di mo nalalamang itong umi-ibig sa lahat ng̃ bagay ay di nang̃ang̃anib, ang kamatayan ma'y kanyang malalait kundi na makaya ang taglay na hapis? Gayon man, gayon ma'y hindi masisira sa akin ang iyong hiling at pithaya, gaya ng̃ hiling mo, ako'y magkukusang maghandog ng̃ iyong ikapapayapa. Ng̃uni't manumbalik kaya ang pagling̃ap sa aking namali't nagsising pang̃arap? ¿manumbalik kaya at hindi kumupas ang iyong pagting̃in sa imbi kong palad? Iyan ang isa pang di ko ikatulog gayong nagsisi na ang aking pagirog, iyan ang sa aki'y nagbibigay takot, iyan ang sa ng̃ayo'y di ko mapag-abot. Hinuhulaan kong ang iyong pagling̃ap ay magbabago na sa imbi kong palad, ang kawikaan mo'y ang isang nabasag mabuo ma'y mayrong natitirang lamat. Sa isang gawi ng̃a'y may katotohanan kung ganyan ang iyong magiging isipan, ng̃uni't alamin mong malinis na tunay ang isang maruming nagbago ng̃ buhay. Magpahangga ng̃ayo'y iyong mawiwika na ikaw'y akin pang sinisintang kusa, magiging totoo ang iyong hinala kung ang puso'y muling hagkan ng̃ paghang̃a. Kung muling gumiit ang panghihinayang ikaw ay muli kong sisintahing tunay, ang isa pa'y iyo namang nalalamang ang pagsisisi ko'y pagbibigay lamang!
Ang panghihinayang...
IV.
May ilang araw nang ako'y kalung kalong ng̃ bisig ng̃ dusa't kamay ng̃ linggatong may ilang araw nang sa mata'y nanalong ang pait ng̃ luhang usbong ng̃ paglung̃oy. Nakikita, mo mang ako'y tumatawa nama'y tawang pilit at busog sa dusa, di lahat ng̃ ng̃iti'y lagda ng̃ ligaya, may ng̃iting singpait ng̃ luha't parusa. Ang nakakatulad nitong aking buhay ay mundong ulila sa sikat ng̃ araw, katulad ko'y isang prinsipeng mayaman na uhaw at salat sa aliw at layaw. Upang pumanatag ang aking pagluha'y aking kailang̃an ang ling̃ap mo't awa, awang magbibigay ng̃ yutang biyaya, awang sa lungkot ko'y tang̃ing papayapa. Nasabi ko na ng̃ang nagsisi ang buhay sa nais na kita'y mapagbigyan lamang, kung susunurin ko itong kalagaya'y di ka malilimot hanggang kamatayan. ¿Paano ang aking gagawing paglimot sa iyong ang bang̃o'y higit sa kampupot? Sa ganda ng̃ iyong dibdib, baywang, batok, ay sinong banal pa ang hindi iirog? ¿Sa puti ng̃ iyong kamay na nilalik, sa mg̃a labi mong may pulot at init, sa mg̃a paa mo't binting makikinis ay sinong pihikan ang hindi iibig? Kung sinusukat ko ang ganda mong ari, puso ko'y ninibok at nananaghili, aking nasasabing Talo ko ang Hari kung ako ang iyong mamahál na tang̃i! Ang panghihinayang ang siyang sa aking puso'y bumabayo't sumusupilsupil, kung ikaw'y bigla ko't buong makakai'y kinain na kita nang ikaw'y malihim. Huwag mong sabihin na ako'y gahaman kung kagahaman ng̃a ang layon ko't pakay, para ko sabihin ang katotohana'y walang taong hindi may imbot sa buhay... Sakaling sa aki'y ayaw kang manalig ang lahat ng̃ sumbat sa aki'y ikapit, ang mg̃a sumbat mo nama'y itititik sa dahon ng̃ aking lagás na pagibig. Ikaw'y maniniwalang ang aking pagasa sa iyo, kaylan ma'y hindi magbabawa, sa iyo sisikat ang isang umaga na dala ang aking magiging ligaya. Kung walang tiwala sa aking pang̃ako'y saksi ang halik kong iyong itinago. halik na sa iyong pisng̃ing maaamo'y nakintal na tanda ng̃ aking pagsuyo. Kung kulang ka pa ring tiwala buhay, ako'y magtitiis sa kapighatian, magtitiis ako, kahit nalalamang ang lungkot ng̃ tao'y isang karamdaman.
Kung ikaw'y binata...
V.
Gaya nang hula ko: ikaw'y untiunting nalayo sa aki't nagtatampong wari, ikaw'y umilap at nabibighaning ako'y pakanin mo ng̃ dusa't aglahi. Panibagong lungkot na naman ang aking naragdag sa iyong pihikang damdamin, talaga na yatang ang aking paggiliw ay di matutubos sa sala't hilahil. Ninanais ko nang ako'y makaguhit ng̃ bagong palad kong walang bahid dung̃is ay kung bakit ako'y lalong nabibing̃it sa pagkakasala at ikatatang̃is...! Hanggang nagiing̃at itong kabuhaya'y lalong nabubulid sa kapighatian, hanggang ninanais yaong kalinisa'y lalong dumurung̃is itong kapalaran... Hindi ko malaman itong nangyayari sa kabuhayan kong bihag mong parati, ang Aklat ng̃ aking tunay na Pagkasi'y puno na ng̃ aking mg̃a pagsisisi. Aking nalalamang hindi makukuha ng̃ pagsisisi ko itong mg̃a sala, ng̃uni't bayaan mong ang aking pag-asa'y mag-abang sa iyo, ng̃ awa't ligaya. Kung ikaw'y hindi ko makatkat sa diwa'y sapagka't lunas ka sa aking pagluha, ikaw sa lungkot ko'y kamay ng̃ biyaya, ikaw sa uhaw ko'y hamog na mabisa. Para ka mawaglit sa aking isipa'y kailang̃an ko pa ang isang libing̃an, at para maubos ang aking kundima'y magbalik ka muna sa pinanggaling̃an. Gaya ng̃ alam mo: kita'y iniibig ng̃ isang pagsintang singlawak ng̃ lang̃it ng̃uni... ano't ikaw'y tila nahahapis sa pagmamahal kong wagas at malinis? ¿Nalulungkot ka ba? Di ko akalaing iyong ikalungkot ang aking paggiliw, di ko inasahang dung̃is na ituring ang pagmamahal kong may wastong layunin. ¿At kung ikaw kaya ang naging lalaki't ako ang pinalad na maging babae, kung hinahamak ko ang iyong pagkasi ay ilang puso mo ang di maruhagi? Sana'y nalaman mo, kung ikaw'y binata ang hirap sa mundo nang lumuhaluha, sana'y natalos mong ang lalong dakila ay nagiging taksil sa laki ng̃ nasa. Huwag kang malungkot! Busugin sa layaw ang uhaw sa iyong aking kabuhayan, sa mg̃a labi mo, ako'y nauuhaw, sa mg̃a pisng̃i mo, ako'y mabubuhay. Kung marung̃isan ka ng̃ aking pagibig ay pagibig ko rin ang siyang lilinis, at kung nahawa ka sa taglay kong hapis, hapis mo't hapis ko ay magiging lang̃it.
Sa abo babangon...
VI.
Sa huli'y natumpak itong aking puso't natutong tumupad sa aral mo't samo titiisin ko nang ang aking pagsuyo'y malibing sa hukay ng̃ pagkasiphayo. Ng̃ayon ko nalamang ang aking landasi'y singdilim ng̃ iyong tinamong damdamin, ng̃ayon ko natalos na ako'y sinupil ng̃ matinding udyok ng̃ isang paggiliw. Yamang sumikat na sa puso ko't isip ang kaliwanagang bumihis sa hapis, ay masasabi kong ang aking pagibig ay handang lumagak sa pananahimik. Magmula sa ng̃ayon, kita'y igagalang sa ng̃alan ng̃ ating pagkakapatiran, kinikilala ko itong kamalian na siyang naglagpak sa aking pang̃alan. Ituring sa wala ang mg̃a nangyari't iguhit sa tubig ang mg̃a nasabi, ang laki at alab ng̃ aking pagkasi, ng̃ayo'y gawing abo nitong pagsisisi. Hindi pagkang̃alay ng̃ aking panitik ang naging dahilan ng̃ pananahimik, kung hindi sa nasang huwag maligalig ikaw pa ng̃ aking bulag na pagibig. Napagaralan kong ikaw'y isang talang kakambal ng̃ aking damdamin at diwa, aking natutuhang tumpak ng̃a at tama ang mg̃a aral mong mahalagang pawa. Ang mg̃a lungkot mo ay aking damdamin at ang damdaming ko ay damdamin mo rin, ang akin ay iyo't ang iyo ay akin at tayong dalawa'y may isang layunin. Huwag nang ituring na ako'y kalaban pagka't nagbago na ang aking isipan, ang puso ko ng̃ayon ay naliwanagan pa kislap ng̃ iyong mahalagang aral. Dapat nang lumaki ang iyong pagasa sa pagliliwayway ng̃ bagong umaga, ang daan mo ng̃ayo'y puno ng̃ sampaga't ang daan ko'y puno ng̃ tinik at dusa. Magkakahiwalay itong ating palad na gaya ng̃ Dilim at Haring Liwanag, ikaw'y magtatago't... sa pamamanang at may ibayo kang gayuma't pang̃arap. Samantalang ako'y tang̃ing magtatago sa utos sa akin ng̃ Hukóm na Puso, sa pagliliwayway ay talang malabo ang makakatulad ng̃ aking pagsuyo. Napakapait man sa aking pagibig, kita'y iwawalay sa pitak ng̃ isip, sa abo ng̃ aking papanaw na awit ay babang̃on itong buhay kong malinis. Kung walang tiwala sa aking sinabi'y saksi ko ang bagu't bagong mangyayari, kung muling malisya ang aking pagkasi'y tugunin ng̃ sumpa itong pagsisisi.