← Table of contents
Buntong Hininga

III. ALBUM NG DALAGA...

Reading edition

HANDOG:

Kay Bb. Concepcion T. Garcia.

San Nikolas, Maynila.

Album ng Dalaga...

I.

Simula.

La princesita está bella.

Ruben Dario.

Ipahintulot mo, dalagang mayumi, Na ilarawan ko ang ganda mong ari, Ipahintulot mong awitin kong lagi Ang kagandahan mong makahibang-pari. Bulaan ang madlang balitang Prinsesa Kung sa ganda mo ng̃a'y makahihigit pa, At para sa akin, ikaw'y siyang Reyna Ng̃ mg̃a kapwa mong masamyong sampaga. Ang kaharian mo'y iyang kagandahan, Ang mg̃a buhok mo't matang mapupung̃ay, Ang paa't pisng̃i mo ay siya mong yaman. Sa dalang ugali, ikaw'y isang birhen, Kamia ka sa bang̃o't sa pagkabutihin, Sa hinhi'y sampaga't sa ganda'y... tulain.

II.

Ang mga buhok mo...

Tu pelo es una nube del Oriente.

Salvador Rueda.

Ang mg̃a buhok mo'y mahahabang ahas Kung nakasalalay sa iyong balikat, Mg̃a ulang waring di lupa ang hanap Kundi sampagitang humahalimuyak. Sa itim ay gabing walang buwa't tala, Sa haba ay halos humalik sa lupa, Sa lago'y halamang malago't sariwa, Sa sinsi'y masinsin at nakahahang̃a. Naging katulad ka niyong Penelopeng may timtimang pusong miminsang kumasi't Ang naging aliwa'y luha't paghahabi. Sa haba ng̃ iyong buhok nakilala Ang kadalisayan ng̃ pagkadalaga At ang kahabaan ng̃ isang pag-asa.

III.

Ang mga mata mo...

Cantar quise tus ojos.

Campoamor.

Nang ikaw ay bago sumipot sa lupa'y Ipinanghiram ka ng̃ mata sa tala, Dalawang bituing sa hinhi'y sagana Ang naging mata mong mayaman sa awa. Sa mg̃a mata mo'y aking nasisilip Ang bughaw na pilas ng̃ nunung̃ong lang̃it, Mababaw na dagat ang nasa sa gilid Na ang naglalayag ay pusong malinis. Di ayos matalim, ni hugis matapang, Ni hindi maliit, ni di kalakihan, Ang mg̃a mata mo'y maamo't mapung̃ay. Kahinhina't amo ang nang̃ang̃aninag, Kalinisa't puri ang namamanaag, Umaga ang laging handog mo sa palad.

IV.

Ang mga pisngi mo.

Naciente luz te corona.

Espronceda.

Ang lahat ng̃ buti'y natipon na yata Sa kabataan mong ilag sa paraya, Pati ng̃ pisng̃i mong pisng̃i niyong saga Ay nakahihibang at nakahahang̃a. Ang mg̃a pisng̃i mo'y malambot, maamo, Mayumi, manipis at hindi palalo, Ang sang̃ahang ugat kahit humahalo, Ay napapabadha't... di makapagtago. Kung ikaw'y hindi ko dating kakilala Ako'y mamamangha kung aking makita Ang mg̃a pisng̃i mong wari'y gumamela. Naiinggit ako sa paminsanminsan Sa dampi ng̃ hang̃ing walang-walang malay, Pano'y kanyang-kanya ang lahat ng̃ bagay..!

V.

Ang mga labi mo.

Los labios del arcangel en sus labios...

Menendez Pelayo.

Ang mg̃a labi mo ay dalawang lang̃it, Lang̃it-na di bughaw, ni lang̃it ng̃ hapis, Labi ng̃ bulaklak na kapwa ninibig Labing mababang̃o, sariwa't malinis. Labi ng̃ sampagang may pait at awa, Tipunan ng̃ pulót, tamis at biyaya, Sisidlang ang lama'y kabang̃uhang pawa, Pook na tipanan ng̃ hamog at diwa. Tagapamalita ng̃ lihim ng̃ puso, May oo at hindi, may tutol at samo, May buhay at palad, may tula't pagsuyo. Ang̃ mg̃a labi mo'y may pulót na tang̃i Kung iyan ang aking pagkaing palagi'y Talo ko ang lahat, talo ko ang Hari.

VI.

Ang mga kamay mo.

Pudiera yo tu mano de azucena Besar solo una vez..!

Heine.

Aywan kung mayron pang hihigit sa kinis Sa mg̃a kamay mong biluga't nilalik, Garing na mistula sa puti at linis, Sa lambot ay bulak, sa ganda'y pagibig. Ang mg̃a daliring yaman mo't biyaya Ay di hugis tikin, ni hubog kandila; Ang ayos at hugis ay bagay at tama Sa sutla mong palad na laman ng̃ diwa. Ang makakandong mo't maaalagaan, Ang mahahaplos mo't mahihiranghirang, Ang kahit patay na'y muling mabubuhay. Mahagkan ko lamang ang iyong daliri, Sa kapwa makata, ako'y matatang̃i At marahil ako'y isa na ring Hari.

VII.

¡Ang mga paa mo..!

Tus pequeños pies Son tropos Para mis piropos.

Machado.

Takpan ma't ipikit ang mg̃a mata ko Ay naguguhit din ang mg̃a paá mo, Paang mapuputing nakababalino Sa isip at buhay ng̃ payapang tao. Paáng makikinis at makaulul-palad, Ang hubog ay bagay sa laki mo't sukat, Ang mg̃a sakong mo'y may pulang banayad, Ang mg̃a paá mo'y singlambot ng̃ bulak. Parang mg̃a paá ng̃ nababalitang Cleopatra at Leda ng̃ panahong luma, Pano'y mg̃a paáng sa ganda'y bihira. Naiinggit ako sa bawa't yapaka't siyang nagsasawa sa paá mong hirang, ¿Ano't di pa ako ang maging tuntung̃an?

VIII.

Wakas...

Tan dulce, tan bella, tan tierna, tan pura.

J. de Dios Peza.

Talagang natipon ang lahat ng̃ buti Sa kabataan mong di pa kumakasi, Ang lahat ng̃ yaman ng̃ isang babae Ay nasa sa iyong sariwang parati. Nasa sa iyo ng̃a ang lahat ng̃ bagay, Ang bang̃o, ang tamis, ang kasariwaan, Ang yumi, ang awit, ang uri, ang kulay Ang hamog, ang sinag, ang tuwa't ang buhay. Ikaw'y pagpalain, dalagang mapalad, Ang kagandahan mo'y aking ikakalat Sa silong ng̃ lang̃it, sa Sangmaliwanag. Kung may naghahanap sa bukang liwayway Sa kabataan mo ay matatagpuan, ¡Di ko malilimot ang ganda mong iyan!

ANG PANYO...

I.

Pamahid ng̃ luha kung ginigiyagis ng̃ masidhing panglaw, pamawi ng̃ luhang sadyang tumitigis sa pusong luhaan, isáng kasangkapang ipinananakíp sa mukhang may lumbay, isáng mahiwagang tagapaghiwatig ng̃ lihim na saklaw ng̃ pusong sapupo ng̃ isáng pag-ibig sa gitna ng̃ buhay.

II.

Panakíp sa bibig kung may simpang hiya sa kinákaharáp, isáng kagamitáng kung walang tiwala'y pangbalot ng̃ sulat, at páunang saksing minsang lumilikha ng̃ lúbusang galák, na mandi'y nánabi ng̃ masuyong wikang tugon sa pang̃arap:— Sa inyong ibiga'y ang unang magdaya'y pang̃ang̃anlang sukáb.

III.

Isáng kasangkapang ang nagkakalayo'y pinapaglalapít kung binabalaan at sinisiphayo ng̃ isáng may galit; tagapamalitang may giliw at suyo kung naghihiwatig sa nagkakalayo't nagtitipáng puso dahil sa pag-ibig. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Iyán ang halagá at bisa ng̃ panyo sa silong ng̃ Lang̃it.

IV.

Ang panyo'y pamahid sa luhaáng matá ng̃ lahát at lahát, ang panyó ay piping nakapagbabadya ng̃ bawa't máhang̃ád, ang lahat ng̃ galáw na inyong makita'y may lihim na sangkap, katugón ng̃ mithi ng̃ mg̃a ninintang hindi magkáusap; may lihim na uring kalakip ang dusa at maging ng̃ galák.

V.

Ang panyong idampi sa labi, sa bibíg, ay may kahulugáng:— kitá'y sinisinta, kitá'y iniibig hanggang sa libing̃an; at sakasakaling sa matá ipahid:— ako'y namamanglaw kung di ka makita, kung di ka masilip ng̃ dusta kong buhay; at sakasakaling ihaplos sa dibdib:— ako'y mamamatáy.

VI.

May tang̃ing halagá at tagláy na galíng ang lahat ng̃ panyo, kaya't minimithing halos na agawin ng̃ mg̃a nunuyo, minsang magpatibók sa mg̃a damdaming patáy sa pagsamo, malimit lumikha ng̃ isang paggiliw at pamimintuho't madalas tumubos sa piping pagdaing ng̃ luhaáng puso.

¡Ang Pamaypay!

Ang lahat at lahat sa Sangkatauhan ay may kanya-kanyang uri't kalagayan, may ibig sabihin ang lahat ng̃ bagay na abot ó hindi ng̃ damdam at malay, ang panyo'y may lihim sa nagiibigan gaya ng̃ bulaklak at mg̃a halaman, itong abaniko'y isang kasangkapang pangdagdag sa puso ng̃ init at buhay. Sa Aklat ng̃ Puso't Aklat ng̃ Paggiliw yaong abaniko'y may ibig sabihin, may sariling uri't sariling tuntunin may sariling layon at sariling lihim, sa Talating̃igan ng̃ mg̃a Damdamin ang wikang Pamaypay ay tuwa't hilahil, palad at tagumpay, at kung kukurui'y taga pamalita niyong bukas natin. Kalihim ng̃ Puso't Patnubay ng̃ Palad, ng̃iti ng̃ liwayway sa likod ng̃ ulap, sa gitna ng̃ buhay ay "isang watawat na kulay lungtiang pakpak ng̃ pang̃arap, sagisag ng̃ hinhin ng̃ mg̃a mapalad, baluti ng̃ mg̃a babaeng banayad, kublihan ng̃ mukhang maramot maglagak ng̃ masayang ng̃iting yaman ng̃ panulat. Isang kasangkapang gamit ng̃ babae at kung magkaminsa'y pati ng̃ lalaki, bibig na malayang nakapagsasabi ng̃ oo at hindi ng̃ sama at buti, isang kasangkapang sa nagsisikasi'y papel at panulat, gayuma't buhawi, sangla ng̃ pag-ibig, na namamayani sa lahat ng̃ pusong bihag na parati. Ang bawa't ikilos ng̃ isang pamaypay ay may isang wika, uri t kahulugan, parang isang aklat na nagsasalaysay ng̃ hirap at tuwa, ng̃ aliw at panglaw; kung iyong dalasin ang mg̃a paggalaw ang ibig sabihin: Kita'y minamahal; kung biglang isara: Ako'y nasusuklam, huwag nang lumapit at nang di magdamdam. Yaong abanikong idampi sa labi, ang ibig sabihi'y Ikaw ang lwalhati, kung minsang itago'y Hindi maaari ang iyong pagkasi't ang sa pusong susi'y hawak na ng̃ isang pang̃arap kong lagi, at kung pisil-pisil ng̃ mg̃a daliri'y: inaantay kita't ang ama kong Hari'y wala at sa monte'y nagbakasakali. Kung kagat ang borlas—Ako'y nahahapis dahil sa ginawang sa ati'y paglait, kung buksang marahan—Huwag kang mang̃anib at ang ating ulap ay magiging lang̃it, kung buksang pabigla—Sila'y nagagalit dahil sa sulat mong kanilang nalirip, kung biglang ilaglag—Si Kulasa'y bwisit at siyang nagsumbong nang tayo'y magniig. Idampi sa pisng̃i—Huwág kang matulog at sa sine Luna, kami ay papasok, idampi sa dibdib—Ako'y nagseselos dahil sa kasamang tila lumuluhog, kung biglang ipukol—Sa iba ibuhos ang iyong pagsinta. Ikaw'y pahinuhod! . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Itong abaniko'y Dila sa Pag-irog, Talatang may dusa, kamanyang, kampupot.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings