IKALAWÁNG BAHAGI Pagkilala ó Analogía
Reading edition
I KABANATA Ang Pagkilala at ang kaniyáng sakláw
Gurò. ¿Anó ang kahulugán ng̃ Pagkilala (ó Analogía)?
Nag-aaral. Ang bahagi ng̃ Balarilà na nagtuturò’t nagpapakilala ng̃ káhalagahán at tungkulin ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, tagláy ang kaniyáng pagkakabagobago at ang sariling kátuturán.
G. ¿Anó ang pang̃ung̃usap ó salitâ?
N. Isáng tunóg, ó kayâ’y kabuùan ng̃ mg̃a tunóg na ibinibigkás natin ang isáng pagkukurò.
G. ¿Anó ang tinátawag na kaisipán (ó oración) sa urì ng̃ Balarilà?
N. Ang dalawá ó ang paglalakiplakip ng̃ mg̃a salitâ na nagbabadyá ng̃ isáng ganáp na pagkukurò ó ang nagtatagláy ng̃ isáng hustóng kahulugán. Halimbawà: Akó’y susulat; siyá’y bumabasa; silá’y nag-áaral ng̃ Balarilà.
G. ¿Ilán ang mg̃a bahaging sakláw ng̃ kaisipán?
N. Sa Wikàng Tagalog ay siyám lamang: pang-akbáy (ó artículo), pangdiwà (ó sustantivo), pangturing (ó adjetivo), pangtayô (ó pronombre), pangwatas (ó verbo), pangbago (ó adverbio), pang-ukol (ó preposición), pangbigkís (ó conjunción) at pangdamdám (ó interjección).
G. ¿Paano ang pagkakabagong nangyayari sa mg̃a bahaging itó ng̃ kaisipán?
N. Ang mg̃a itó’y nagkakábagobago sa pamamagitan ng̃ dalawáng pang̃ulong kátawagán: magbaling (ó declinar) at magbaybáy (ó conjugar).
G. ¿Anó ang kahulugán ng̃ magbaling?
N. Dalhín sa ibá’t ibáng lagáy (ó caso) ang mg̃a salitâng pinagbábaling.
G. ¿Alín ang mg̃a salitâng pinagbábaling?
N. Ang pang-akbáy, ang pangdiwà, ang pangturing at ang pangtayô.
G. ¿Anó namán ang kátuturán ng̃ magbaybáy?
N. Ilagáy sa ibá’t ibáng ayos (ó modo), panahón (ó tiempo), bilang (ó número) at katawán (ó persona), ó kayâ’y ang pagkakabagobagong nangyayari sa mg̃a salitâng binabaybáy.
G. ¿Alín ang mg̃a salitâng binabaybáy?
N. Ang tang̃ìng binabaybáy ay ang salitâng pangwatas; ng̃unì’t dapat alamíng sa Wikàng Tagalog ang alín mang pangkát ó bahagi ng̃ kaisipán, lalòng lalò na ang pangdiwà, pangturing, pangbago at pangtayô ay maáarìng gawíng pangwatas at baybayín sa pamamagitan ng̃ tulong ng̃ ibá’t ibáng anyô (ó partícula). Lalòng maliliwanagan ang bagay na itó pagsapit sa kanyáng kinaúukulan.
G. ¿Alín ang mg̃a salitâng hindî nátitinag (ó invariables)?
N. Ang mg̃a salitâng mahirap ó talagáng hindî maáarìng baguhin ay ang pang-ukol (ó preposición), pangbigkís (ó conjunción) at pangdamdám (ó interjección).
G. ¿Anó ang dapat mákilala ukol sa mg̃a salitâng pinagbábaling?
N. Sa mg̃a salitâng pinagbábaling ay dapat mákilala ang kiyás (ó género), ang bilang (ó número) at ang lagáy (ó caso).
G. ¿Anó ang tinátawag na kiyás (ó género)?
N. Tinátawag na kiyás ang pagbabagong nangyayari sa Balarilà upáng matalastás kung ang isáng pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay ay tumutukoy sa lalaki ó sa babae ó sa bagay.
G. ¿Mayroóng ilán ang kiyás sa ating wikà?
N. Tatló: Kiyás lalaki (ó género masculino), kiyás babae (ó género femenino) at kiyás sa bagay (ó género neutro).
G. ¿Anó ang kiyás lalaki?
N. Ang náuukol sa mg̃a pang̃alan ng̃ tao ó hayop na ang kahulugá’y nahihinggíl ó náuuwî sa kalálakihan, hal.: Huan, amá, binatà.
G. ¿Anó namán ang kiyás babae?
N. Ang tumutukoy sa mg̃a pang̃alan ng̃ tao ó hayop na ang kátuturá’y náuukol sa kabábaihan, hal.: Huana, iná, dalaga, binibini.
G. ¿Anó ang kiyás sa bagay?
N. Ang náuukol sa mg̃a ng̃alan ng̃ bagay na hindî kiyás lalaki ni kiyás babae, gaya ng̃ aklát, panulat, bulaklák, kahoy, bahay, tubig, atbp.
G. ¿Anó ang tinátawag na bilang (ó número)?
N. Tinátawag na bilang ang pagbabagong nangyayari sa Balarilà upáng mákilala kung ang isáng salitâ ay náuukol sa íisá ó maraming tao, hayop ó bagay.
G. ¿Mayroóng ilán ang bilang?
N. Dalawá: bilang na íisá (ó número singular) at bilang na dalawá ó marami (ó número plural). Bilang na íisá, ang tumutukoy sa pang̃alan ng̃ isáng tao, hayop ó bagay, hal.: bahay, aklát, panulat. Bilang na dalawá ó marami, ang tumutukoy sa pang̃alan ng̃ dalawá ó maraming tao, hayop ó bagay, hal.: mg̃a bahay, mg̃a aklát, mg̃a panulat.
G. ¿Anó ang tinátawag na lagáy (ó caso)?
N. Ang kalagayan at mg̃a pangyayari na, matatagpùán sa kaisipán ang isáng salitâng pinagbábaling hinggíl sa kapwà salitâ.
G. ¿Paano ang pagpapákilala ng̃ ganyáng kalagayan at mg̃a pangyayari?
N. Sa ating wikà’y sa pamamagitan ng̃ mg̃a pang-akbáy (ó artículo) at mg̃a pang-ukol (ó preposición).
G. ¿Ilán ang mg̃a lagáy sa Wikàng Tagalog?
N. Tatló lamang ang sa kasalukuya’y ginágamit: pangtukoy (ó nominativo), pang-arì (ó genitivo) at panglayon (ó acusativo).
G. ¿Anó ang tungkulin ng̃ pangtukoy (ó nominativo)?
N. Tukuyin ang pang̃ulo (ó sujeto) na siyáng nagbibigáy ng̃ kahulugán sa pangwatas (ó verbo), hal.: Si Pedro, siná María.
G. ¿Anó ang kahulugán ng̃ pang-arì (ó genitivo)?
N. Ang náuukol sa pag-áarì, ó ang tumutukoy sa bagay na itó, hal.: Ang aklát ni Lucio; ang kay Kikòng panulat.
G. ¿Anó ang kátuturán ng̃ panglayon (ó acusativo)?
N. Ang tumutukoy sa ng̃alan ng̃ tao ó bagay na siyáng tinutung̃o ó nilálayon ng̃ pangwatas, hal.: Paroón ka kay Ricardo; maglakbáy tayo sa Bulakán.
II KABANATA Salitâng Pang-akbáy (ó Artículo)
Gurò. ¿Anó ang kahulugán ng̃ salitâng pang-akbáy?
Nag-aaral. Ang pang-akbáy ay isáng pangkát ó bahagi ng̃ kaisipán (ó oración) na siyáng ipinang̃ung̃una ó ipinang-áakbáy sa salitâng pangdiwà (ó sustantivo) at pangturing (ó adjetivo) upáng mákilala ang kanyáng lagáy (ó caso) at bilang (ó número). Kung minsa’y ipinang-áakbáy rin sa ibá pang pangkát ng̃ kaisipán.
G. ¿Ilán sa tagalog ang mg̃a salitâng pang-akbáy?
N. Dalawá lamang: si at ang.
G. ¿Anó ang kátawagáng dapat ikapit sa dalawáng itó upáng sa paggamit ay magkabukód?
N. Ang si ay dapat pang̃anláng pang-akbáy sa mg̃a ng̃alan ng̃ tao at ang ang ay pang-akbáy sa mg̃a ng̃alan ng̃ bagay.
G. ¿Bakit ang si ay ng̃inanláng pang-akbáy sa mg̃a ng̃alan ng̃ tao?
N. Ng̃inanláng ganitó sapagkâ’t siyáng iniúuna ó iniáakbáy sa mg̃a pang̃alan ng̃ tao, ó kayâ’y sa mg̃a hayop ó bagay na ang kahulugá’y náuukol sa tao.
G. ¿Bakit ng̃inanláng pang-akbáy sa mg̃a ng̃alan ng̃ bagay ang ang?
N. Ng̃inanláng ganitó sapagkâ’t siyáng inaakbáy sa mg̃a karaniwang pang̃alan ng̃ anó mang bagay ó hayop.
PANG-AKBÁY SA MG̃A NG̃ALAN NG̃ TAO
G. ¿Saánsaán dapat iakbáy ang pang-akbáy na si?
N. Sa mg̃a tuntuning sumúsunód:
Una.—Sa pang̃alan ng̃ tao, kailan ma’t itó’y na sa lagáy na pangtukoy (ó caso nominativo), hal.: Si Huan, si Yayang, si Mameng, si Neneng.
Ikalawá.—Sa anó mang pang̃alan ng̃ hayop ó bagay kayâ, kailan ma’t itó’y ing̃inang̃alan sa tao ó ang kahulugá’y dito náuuwî, hal.: Si Lumpó, si Bulág, si Bubuyog, si Galit, si Sampalok, si Katuray.
Ikatló.—Sa alín mang pamagát ng̃ kathâ ó dulâ kailan ma’t tinutukoy ang kumathâ, hal.: Si Banaag at Sikat, si Pinaglahuan, si Walâng Sugat.
Ikapat.—Sa anó mang ng̃alan ng̃ katungkulan kailan ma’t binabanggít sa kasunód ang pang̃alan ng̃ táong may tungkulin, hal.: Si Speaker Osmeña, si Kinatawáng Quezón, si Profesor Blumentritt, si Gobernador Santos.
Ikalimá.—Sa mg̃a pang̃alang itinátawag sa mg̃a magulang at kapatíd, kalahì at katoto, hal.: Si tatay, si nanay, si kaka, si kuya, si kababayan, si kaibigan. Gayón din sa mg̃a ng̃alang itinátawag sa mg̃a kamag-anak, ng̃unì’t tang̃ìng mangyayari ang ganitó kailan ma’t na sa mg̃a salitâng hirám, hal.: Si tio, si primo, si kumare, si kumpare.
G. ¿Kung ibig tumukoy sa dalawá ó marami, ¿anó ang dapat gamitin?
N. Dapat gamitin ang siná, na nanggaling sa pang-akbáy na si at dinagdagán ng̃ na, kailan ma’t ibig tumukoy sa dalawá ó maraming tao, hal.: Siná Milíng, siná Teroy. Sa mg̃a salitâng itó’y mapagtatantô na si Milíng ó si Teroy ay may mg̃a kasamaháng akiakibat magíng sa pamamahay, sa paglalarô, sa paglíliwalíw ó sa paghahanap-buhay.
G. ¿Paano ang pagtukoy sa bilang na dalawá ó marami sa mg̃a pang̃alan ng̃ tao?
N. Ang pang̃alang angkín ng̃ isáng tao ay hindî maáarìng ilagáy sa bilang na dalawá ó marami (ó número plural) kailan ma’t tumutukoy sa sarili lamang niyáng pagkatao. Ng̃unì’t kung ang pang̃alang nátura’y tumutukoy sa kalahatán ó karamihan ay maáarìng ilagáy sa bilang na dalawá ó marami, at sa ganitó’y dî dapat gamitin ang siná kundî ang mg̃a na siyáng ginágamit sa mg̃a bagay; hal.: Ang mg̃a Pedro, ang mg̃a Karlos, ibig sabihin sa makatwíd ang mg̃a tinátawag na Pedro ó ang mg̃a nang̃áng̃alang Karlos.
G. ¿Paano ang pagbábaling (ó declinación) ng̃ pang-akbáy na si?
N. Gaya ng̃ sumúsunód:
PAGBÁBALING NG̃ PANG-AKBÁY NA SI
Bilang na íisá Bilang na dalawá ó marami
Pangtukoy Si Pangtukoy Siná
Pang-arì { Ni Pang-arì { Niná
{ Kay { Kiná ó kaná
Panglayon { Kay Panglayon { Kiná ó kaná
{ Ni { Niná
G. ¿Kailán dapat gamitin ang na sa lagáy na pangtukoy?
N. Ginágamit ang si sa bilang na íisá at siná sa dalawá ó marami kailan ma’t tinutukoy ang pang̃alan ng̃ tao, hal.: Si Kulás, kung siyá lamang, at siná Kulás kung may ibá pang kasama ó akibat.
G. ¿Kailán ginágamit ang na sa lagáy na pang-arì?
N. Ginágamit ang ni sa íisá at niná sa dalawá ó marami kailan ma’t ang bagay na ináarì ó sangkáp ay unang nábabanggít kay sa may arì ó kinasasangkapán, hal.: ang aklát ni Lucio, ang bahay niná Enchang. Kung ang may arì ó kinasasangkapán ay siyáng unang nátutukoy kay sa ináarì ó sangkáp ay dapat gamitin ang kay sa íisá at kiná sa dalawá ó marami, hal.: Ang kay Luciong aklát, ang kiná ó kaná Enchang na bahay.
G. ¿Kailán ginágamit ang na sa panglayon?
N. Ginágamit ang kay sa íisá at ang kiná sa dalawá ó marami, kailan ma’t nagpapakilala ng̃ layon ó anó mang bagay na ninanasà, hal.: Dumalaw siyá kay Lukas; paroón tayo kiná ó kaná Yoyong. Kung nagpapakilala ng̃ kung sino ang may gawâ ng̃ isáng bagay, ó may akdâ ng̃ aklát ó may likhâ ng̃ anó man ay dapat gamitin ang ni sa íisá at niná sa dalawá ó marami, hal.: Sinulat ni Diego itóng aklát, ang bangkâ’y ginawâ niná Binong.
G. ¿Kailán hindî dapat gamitan ng̃ pang-akbáy ang pang̃alan ng̃ tao?
N. Hindî ng̃â dapat gamitan kailan ma’t binabanggít sa pagtawag, pag-úutos ó pakikisuyo, hal.: Emong, halika; Lakad na, Tinoy; Teban, pakiabot mo ng̃â ang batiyâ.
G. ¿Dapat bang lagyán ng̃ pang-akbáy ang bawà’t isá kung nagkakasunódsunód ang dalawá ó maraming pang̃alan ng̃ tao?
N. Kung magkakásunódsunód ang dalawá ó maraming ng̃alan ay dapat akbayán ng̃ si ang bawà’t isá lalòng lalò na kung binibilang ó tinutukoy na isáisá, hal.: Si Pedro, si Karlos at si Fidel ay paraparang mabuti.
PANG-AKBÁY SA MG̃A NG̃ALAN NG̃ BAGAY
G. ¿Saánsaán dapat iakbáy ang pang-akbáy na ang?
N. Dapat iakbáy sa mg̃a panutong sumúsunód:
Una.—Sa karaniwang pang̃alan ng̃ anó mang bagay, hal.: ang bayan, ang tao, ang araw, ang hayop, ang tubig, ang talulót.
Ikalawá.—Ang pamagát ng̃ mg̃a bansá, bayan, lálawigan, nayon, lansang̃an, at mg̃a poók ay karaniwan ng̃ akbayán ng̃ ang; hal.: Ang Pilipinas, ang Amérika, ang Bulakán, ang Sampalok, ang Eskolta, atbp.
Ikatló.—Ang pamagát ng̃ mg̃a kapisanan, samahán ó simbahan kailan ma’t ibig banggitín, hal.: Ang Taga-Ilog, ang Katubusan, ang Katimawan, ang Paraluman, ang Katedral.
Ikaapat.—Ang pamagát ng̃ mg̃a aklát ng̃ karunung̃an ó ng̃ mg̃a kathâng kasaysayan kailan ma’t binabanggít, hal.: ang Gramátiká, ang Pilosopía, ang Noli me tángere.
Ikalimá.—Ang pang̃alan ng̃ mg̃a araw sa buông isáng linggó at ng̃ mg̃a buwán, kailan ma’t ibig banggitín, hal.: ang martés, ang huebes, ang Agosto, ang Disiembre.
Ikaanim.—Ang pang̃alan ng̃ mg̃a katungkulan kailan ma’t itó’y binabanggít, hal.: Ang Komisionado, ang Kinatawán. Kung may kasunód na pang̃alan ng̃ tao ay inaakbayán din ng̃ ang, bagamá’t maáarì rin ang si, hal.: Ang Komisionado Palma, ó si Komisionado Palma; ang Hukóm Araullo, ó si Hukóm Araullo.
Ikapitó.—Ang pang̃alan ng̃ tao, kailan ma’t sinusundán ng̃ itó, iyán, yaón, ó kayâ’y kung tinutuntóng mabuti, hal.: Ang Yoyong na itó, ang Huséng yaón.
Ikawaló.—Iniáakbáy rin sa mg̃a pangwatas (ó verbo), hal.: Ang binabasa ni Pedro, ang kinakain ni Mente, ang sinusulat ni Huan.
G. ¿Anó ang dapat gamitin kung ibig tumukoy sa bilang na dalawá ó marami?
N. Ang pang-akbáy na ang ay dapat sundán ng̃ mg̃a kailan ma’t tumutukoy sa bilang na dalawá ó marami (número plural) na siyáng sa bagay na itó’y tang̃ìng ginágamit sa ating wikà, hal.: ang tao, kung íisá ang binabanggít; at ang mg̃a tao kung bumabanggít sa dalawá ó marami.
G. Ang dalawá ó maraming pang̃alan ng̃ bagay na nagkakasunódsunód, ¿dapat bang akbayán ng̃ ang ang bawà’t isá?
N. Kung iniisáisá ang pagbanggít sa hang̃ád na bilang̃in ó luminaw kayâ, ay dapat pang̃unahan ng̃ ang ang bawà’t isáng pang̃alan ng̃ bagay, hal.: Ang matá, ang ilóng at ang taing̃a ay maháhalagáng sangkáp ng̃ katawán ng̃ tao; ang ilog at ang dagat ay kapuwà tubig. Ng̃unì’t kung sa isáng kaisipán ay nagkakasunódsunód ang dalawá ó maraming pangdiwà (ó sustantivo) at dî lubhâng nililinaw ang pagbanggít ay dî dapat akbayáng isáisá ng̃ ang kundî ang una lamang, hal.: ang masasarap na manggá, lansones, santól at mabulo ay tang̃ìng halaman sa Pilipinas.
G. ¿Paano namán ang pagbábaling (ó declinación) ng̃ pang-akbáy na ang?
N. Gaya nitóng sumúsunód:
PAGBÁBALING NG̃ PANG-AKBÁY NA ANG
Bilang na íisá Bilang na dalawá ó marami
Pangtukoy Ang Pangtukoy Ang mg̃a
Pang-arì { Ng̃ Pang-arì { Ng̃ mg̃a
{ Sa { Sa mg̃a
Panglayon { Sa Panglayon { Sa mg̃a
{ Ng̃ { Ng̃ mg̃a
G. ¿Kailán dapat gamitin ang na sa lagáy na pangtukoy?
N. Dapat gamitin ang ang sa íisá at ang mg̃a sa dalawá ó marami kailan ma’t tinutukoy ang pang̃alan ng̃ bagay, hal.: ang bayan kung bumabanggít sa íisá at ang mg̃a bayan kung dalawá ó marami ang ibig tukuyin.
G. ¿Kailán ginágamit ang na sa lagáy na pang-arì?
N. Sa íisá’y ginágamit ang ng̃ at ng̃ mg̃a sa dalawá ó marami, kailan ma’t ang bagay na ináarì ó sangkáp ay unang nábabanggít kay sa may arì ó kinasasangkapán, hal.: ang panitik ng̃ mánunulát, ang ulo ng̃ sanggól, ang mg̃a bulaklák ng̃ dalaga. Kung ang may arì ó kinasasangkapán ay siyáng unang nátutukoy kay sa bagay na ináarì ó sangkáp ay dapat gamitin ang sa sa íisá at sa mg̃a sa dalawá ó marami, hal.: ang sa mánunulát na panitik, ang sa sanggól na ulo, ang sa dalagang mg̃a bulaklák.
G. ¿Kailán namán ginágamit ang na sa panglayon?
N. Ginágamit ang sa sa íisá at sa mg̃a kung dalawá ó marami kailan ma’t nagpapahiwatig ng̃ lugál, nasà ó anó mang bagay na náuukol dito, hal.: Maglalakbáy siyá sa Mindanáw, umanib tayo sa mg̃a kalahì. Kung nagpapahayag namán nang kung sino ang gumawâ, kumathâ ó lumikhâ ng̃ anó mang bagay ay ginágamit ang ng̃ sa íisá at ng̃ mg̃a sa dalawá ó marami, hal.: Ang aklát ay niyarì ng̃ limbagan, ang lansang̃a’y ginawâ ng̃ mg̃a tao.
III KABANATA Salitâng Pangdiwà (ó Sustantivo)
Gurò. ¿Anó ang kahulugán ng̃ salitâng pangdiwà?
Nag-aaral. Salitâng pangdiwà, ang bahagi ó pangkát ng̃ kaisipán na tumutukoy ó nagpapakilala ng̃ mg̃a pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay sang-ayon sa kanyáng kalikasán, diwà ó halagá; hal.: Bahay, tubig, dagat, Pedro, Bulakán. Dapat mabatíd na ang pangdiwà ay maáarìng lumagáy ó lumagì sa kaisipán sa kanyáng sarili lamang, at dahil dito kung kayâ ikinapit ang ganyáng pamagát.
G. ¿Alín ang pang̃ulong bahagi ng̃ pangdiwà?
N. Ang dalawáng itó: pangdiwà sa bagay at pangdiwà sa tao.
G. ¿Anó ang pangdiwà sa bagay?
N. Ang náuukol sa madlâng pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay na karaniwan na tumutukoy sa íisáng panig ó hugis, hal.: tao, pusà, ilog, mg̃a pang̃alang bumabanggít sa lahát ng̃ tao, sa lahát ng̃ pusà at sa lahát ng̃ ilog.
G. ¿Anó namán ang pangdiwà sa tao?
N. Ang náuukol sa tiyák na pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay upáng mápaibá ó huwág mápalahók sa ibáng pang̃alang tumutukoy rin sa kanyáng panig ó hugis, hal.: Maynilà, Ricardo, Bagumbayan, mg̃a pamagát na bumabanggít sa isáng bayan, sa isáng tao at sa isáng daán ó lansang̃an.
G. ¿Anó ang dapat matantô ukol sa salitâng pangdiwà?
N. Na, sa Wikàng Tagalog, ang pangdiwà’y hindî pabagobago sa kiyás (ó género), hal.: áso, pusà, kabayo, mg̃a salitâng hindî matiyák kung ásong lalaki ó pusàng babae, ó anó man.
G. ¿Pano ang dapat gawín upáng matiyák ang kiyás ng̃ pang̃alan ng̃ isáng tao ó hayop?
N. Ang mg̃a pang̃alang tumutukoy sa tao ó hayop ay dapat dagdagán ng̃ lalaki kung sa kiyás na itó bumabanggít at babae kung dito namán náuukol, upáng mákilala ang tagláy na kiyás ng̃ isá’t isá; hal.: sa batà, batàng lalaki, kung itó ang nais tukuyin, sa pusà, pusàng babae, kung itó namán ang ibig banggitín.
G. ¿Mayroón kayâ sa ating wikà ng̃ mg̃a salitâ ó pang̃alan na sa kaniyáng sarili’y tumutukoy sa lalaki ó sa babae, kahì’t na ang mg̃a itó’y hindî idagdág?
N. Mayroón pò, bagamá’t ang mg̃a salitâng itó’y kákauntî, hal.: amá, na sa lalaki tumutukoy, at iná sa babae namán, amaín at ali, binatà at dalaga, bagongtao at binibini, at ibá pa.
G. ¿Anó ang dapat mabatíd ukol sa mg̃a ng̃alan ng̃ tao?
N. Ang mg̃a ng̃alan ng̃ tao na ng̃ayó’y kasalukuyang ginágamit natin, palibhasà’y hirám sa wikàng kastilà ay may sariling kiyás na tagláy, sa makatuwíd bagá’y ang isáng ng̃alan ay nauúnawàan agád kung nahihinggíl sa lalaki ó sa babae; hal.: Claro ó Clara, Domingo ó Dominga, Pascual ó Pascuala.
G. ¿Paano ang paglalagáy sa bilang na dalawá ó marami (ó número plural) ng̃ mg̃a salitâng pangdiwà?
N. Sa dalawáng kaparaanán:
Una.—Kung pangdiwàng dalisay (ó simple) ay sa pamamagitan ng̃ mg̃a, hal.: mg̃a tao, mg̃a bahay, mg̃a hayop, mg̃a bulaklák.
Ikalawá.—Ang isáng pangdiwàng mayhalò na nagbuhat sa mag ay inúulit ang unang pantíg ng̃ ugát, hal.: mag-iná, mag-amá, magbayáw, ay ginagawâng mag-íiná, mag-áamá, magbábayáw, kung tumutukoy sa dalawá ó marami.
G. ¿Paano ang pagbábaling sa salitâng pangdiwà?
N. Sa pamamagitan ng̃ mg̃a pang-akbáy na si at ang at ang kaníkanyáng sinásakláw. Náitó ang mg̃a halimbawà:
PAGBÁBALING NG̃ PANGDIWÀ
SA NG̃ALAN NG̃ TAO
Bilang na íisá Bilang na dalawá ó marami
Pangtukoy Si Lucio. Pangtukoy Siná Lucio.
Pang-arì { Ni Lucio. Pang-arì { Niná Lucio.
{ Kay Lucio. { Kiná ó kaná Lucio.
Panglayon { Kay Lucio. Panglayon { Kiná ó kaná Lucio.
{ Ni Lucio. { Niná Lucio.
SA NG̃ALAN NG̃ BAGAY
Bilang na íisá Bilang na dalawá ó marami
Pangtukoy Ang aklát. Pangtukoy Ang mg̃a aklát.
Pang-arì { Ng̃ aklát. Pang-arì { Ng̃ mg̃a aklát.
{ Sa aklát. { Sa mg̃a aklát.
Panglayon { Sa aklát. Panglayon { Sa mg̃a aklát.
{ Ng̃ aklát. { Ng̃ mg̃a aklát.
UKOL SA ILÁNG BAHAGI NG̃ PANGDIWÀ
G. ¿Sa anó pa nabábahagi ang salitâng pangdiwà?
N. Sa tinátawag na dalisay (ó simple) at mayhalò (ó compuesto).[11] Tinátawag na dalisay ang salitâng walâng idinaragdág na anó man sa kanyáng pagigíng salitâ ó kayâ’y ang salitâng tinátawag na ugát, hal.: sanggól, bahay, kahoy, banál. Tinátawag na mayhalò ang salitâng dalisay ó ugát na dinagdagán ng̃ anó mang anyô (ó partícula) magíng sa una ó hulihán kayâ, hal.: kabatàan, kabuhayan, kasalo, pabang̃ó, pag-ibig, pag-asa, atbp.
G. ¿Paano ang mg̃a kaparaanáng ginagawâ nang ang salitâng dalisay ay magíng salitâng mayhalò?
N. Sa mg̃a paraáng sumúsunód:
Una.—Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng dalisay ó ugát na inangkapán ng̃ ka at sinugpung̃án ng̃ an ó han sang-ayon sa mg̃a pangyayari, hal.: buhay, bayan, batà, gandá, buti, linis, atbp. ay nagigíng kabuhayan, kabayanan, kabatàan, kagandahan, kabutihan, kalinisan.
Ikalawá.—Ang mg̃a salitâng dalisay ó ugát na inangkapán ng̃ ka ay nagigíng mayhalò, na, ang kahulugá’y náuuwî sa may akibat ó may kasama ó may kaakbáy, hal.: salo, sunò, sama, sabáy, piling, sakáy, larô, tulong, atbp. ay nagigíng kasalo, kasunò, kasama, kasabáy, kapiling, kasakáy, kalarô, katulong. Dapat alamíng ang mg̃a itó’y nagbabadyá lamang ng̃ isá sa mg̃a kasama, akibat ó kaakbáy, at kung ibig magsulit ng̃ dalawá ay kailang̃ang angkapán pa ng̃ anyông mag, hal.: magkasalo, magkasunò, magkasama, magkasabáy, atbp. Kung nagbabadyá namán ng̃ karamihan ay dapat ulitin ang unang dalawáng pantíg ng̃ ugát, hal.: magkasalosalo, magkasamasama, magkasabaysabáy, atbp.
Ikatló.—Ang mg̃a salitâng dalisay na maáarìng gawíng pangwatas ay nagigíng mayhalò kung angkapán ng̃ anyông pa, hal.: sa dusa ay parusa, sa bang̃ó ay pabang̃ó, sa hiyás ay pahiyás, sa utang ay pautang, sa mana ay pamana, atbp.
Ikaapat.—Ang mg̃a salitâng dalisay na bumabanggít sa ng̃alan ng̃ mg̃a kamag-anak na inangkapán ng̃ anyông mag ay nagigíng mayhalò na ang kahulugá’y tumutukoy sa dalawá, hal.: amá, iná, bayáw, asawa, pinsan, anák, atbp. ay nagigíng mag-amá, mag-iná, magbayáw, mag-asawa, magpinsan, mag-anák. Kung nais tumukoy sa tatló ó marami ay dapat ulitin ang unang pantíg ng̃ salitâng dalisay, hal.: mag-áamá, mag-íiná, magbábayáw, magpípinsan, atbp.
Ikalimá.—Ang mg̃a salitâng dalisay na nagbabadyá ng̃ anó man na angkapán ng̃ pinaka ay nagigíng mayhalò na ang kahulugá’y ang bagay na humahalili, hal.: tao, hayop, walís, tinapay, tubig, magulang, iná, amá, alilà, atbp. ay nagigíng pinakatao, pinakahayop, pinakawalís, pinakatubig, pinakaanó, pinakaalilà, atbp.
Ikaanim.—Ang mg̃a dalisay na tumutukoy din sa mg̃a ng̃alan ng̃ mg̃a kamag-anak ay nagigíng mayhalò kailan ma’t inangkapán ó sining̃itan ng̃ anyông in at inulit ang kanyáng unang pantíg, na ang kahulugá’y ang mg̃a ng̃alang hindî tunay ó hawa lamang, hal.: amá, iná, anák, ali, kapatíd, atbp. ay nagigíng ináamá, iníiná, ináanák, ináali, kinákapatíd.
Ikapitó.—Ang mg̃a dalisay na tumutukoy sa mg̃a ng̃alan ng̃ bung̃a, ng̃ bulaklák, ng̃ kasangkapan, atbp. ay nagigíng mayhalò kailan ma’t inangkapán ó sining̃itan ng̃ in, na ang kahulugá’y ang pagkakatulad ó pagkakáparis, hal.: balimbing, santól, gulay, sampaga, sampagita, kamatsilé, karayom, sandók, tabò, ay nagigíng binalimbing, sinantól, ginulay, sinampaga, sinampagita, kinamatsilé, kinarayom, sinandók, tinabò.
Ikawaló.—Ilán sa mg̃a salitâng dalisay ay nagigíng mayhalò kung angkapán ó sing̃itan ng̃ in at sugpung̃án ng̃ an, na, ang kátuturá’y ang katapusán ng̃ anó man, hal.: kayas, tabas, pilì, atbp. ay nagigíng kinayasan, tinabasan, pinilìan. Kung nagbabadyá ng̃ karamihan, ang in ay dapat dagdagán ng̃ pag, na sa madalìáng sabi ay nagigíng pinag at sakâ sugpung̃án ng̃ an, hal.: pinagkayasan, pinagtabasan, pinagpilìan.
Ikasyám.—Gayón ding pagbubuô ang dapat gawín ukol sa pagbabadyá ng̃ iláng ng̃alan ng̃ anó mang bagay na ginamitan, nilagyán ó ginawâng gayón sang-ayon sa ugát na tagláy, hal.: sa pulót ay pinulután, sa gulay ay ginulayan, sa burdá ay binurdahán, sa guhit ay ginuhitan, sa pulá ay pinulahán, atbp.
Ikasampuô.—Kung iangkáp ang anyông pang sa ibá’t ibáng ugát ay nagigíng pangdiwà, na, ang kahulugá’y ang kasangkapang iginagawâ ng̃ anó man. Dapat lamang alamín na itóng pang ay siyáng bumabago sa iláng titik ng̃ ugát, gaya ng̃ mápupuná sa mg̃a kabanatang haharapín. Halimbawà: panghakot, panghuli, panggapas, pang-ahit, panarók, pamalò, pamahid, pangtunóg, pang̃ahig, panilò, atbp.
PANGDIWÀNG PANGWATAS (Ó VERBAL)
G. ¿Anó ang tinátawag na pangdiwàng pangwatas?
N. Yaóng pangdiwàng nagbuhat ó nanggaling sa mg̃a pangwatas.
G. ¿Alínalín ang mg̃a pangdiwàng pangwatas?
N. Ang mg̃a sumúsunód:
1.—Nagagawâng mg̃a pangdiwà ang mg̃a pangwatas na binaybáy sa um sa pamamagitan ng̃ anyông pag na iniangkáp sa mg̃a salitâng ugát, hal.: basa, sulat, lakad, takbó, lang̃óy, kain, araw, ulán, suntók, upô, sigáw, atbp. ay nagigíng pagbasa, pagsulat, paglakad, pagtakbó, paglang̃óy, pagkain, pag-araw, pag-ulán, pagsuntók, pag-upô, pagsigáw.
2.—Nagagawâ ring mg̃a pangdiwà ang mg̃a pangwatas na binaybáy sa mag sa pamamagitan ng̃ anyông pag na iniangkáp sa mg̃a ugát na inulit ang isá ó dalawáng titik ng̃ unang pantíg nitó, hal.: aral, salitâ, saing, lutò, sabi, wastô, masíd, habol, hanáy, buô, lakip, atbp. ay nagigíng pag-áaral, pagsasalitâ, pagsasaing, paglulutò, pagsasabi, pagwawastô, pagmamasid, paghahabol, paghahanáy, pagbubuô, paglalakip.
3.—Ang mg̃a pangwatas na binaybáy sa anyông mang ay nang̃agagawâ ring pangdiwà sa pamamagitan ng̃ anyông pang na inúulit ang unang dalawáng titik ng̃ ugát na binago, tagláy ang kanyáng pagkakabagong malimit mangyari, hal.: huli, isdâ, utang, pulót, puti, bató, tiklóp, pitás, atbp. ay nang̃agigíng panghuhuli, pang̃ing̃isdâ, pang̃ung̃utang, pamumulot, pamumuti, pangbabató, paniniklóp, pamimitás.
4.—Nagagawâ pa ring mg̃a pangdiwà ang mg̃a pangwatas na binaybáy sa ma sa pamamagitan ng̃ anyông pagká, na iniáangkáp din sa salitâng ugát, hal.: tuto, tulog, higâ, hulog, takot, gulat, bagód, iníp, atbp. ay nagigíng pagkatuto, pagkahulog, pagkatakot, pagkagulat, pagkabagód, pagkainíp.
PANGDIWÀNG MALIMIT (Ó FRECUENTATIVO)
G. ¿Anó ang tinátawag na pangdiwàng malimit?
N. Yaóng nagbabadyá ng̃ kadalasán sa paggawâ ó ginagawâ sang-ayon sa mg̃a gawâ ó kilos ng̃ ugát.
G. ¿Paano ang mg̃a paraán ng̃ pagbubuô sa bagay na itó?
N. Sa ibá’t ibáng kaparaanán:
Una.—Sugpung̃án ng̃ an ó han sang-ayon sa tuntuning sinúsunód ng̃ salitâng ugát, hal.: sa damó ay damuhán, sa halaman ay hálamanán, sa ikmó ay ikmuhan, sa saging ay saging̃án, sa niyóg ay niyugan, sa kawayan ay káwayanán, sa bahay ay bahayán, sa paligò ay paligùan, sa pusalì ay pusalìán, atbp.
Ikalawá.—Sugpung̃án din ng̃ an ó han ang ugát, sakâ ulitin ó dalawahín ang unang pantíg nitó, hal.: sa kain ay kakanán, sa silíd ay sisidlán, sa upô ay úupán, sa higâ ay hihigán, atbp.
Ikatló.—Angkapán ng̃ ka at sugpung̃án ng̃ an ó han ang salitâng ugát, sakâ ulitin ang unang pantíg nitó, hal.: sa tisod ay katitisuran, sa hulog ay kahuhulugan, sa dapâ ay kadadapâan, sa untóg ay kauuntugán, atbp.
Ikaapat.—Nagagawâ ring pangdiwàng malimit ang iláng mg̃a pangwatas sa kanyáng mg̃a panahóng haharapín, hal.: paghuhukumán, pagbibitayán, pagbabarilán, pagpapatayán, pagbibinyagán, pagbabaunán, atbp.
PANGDIWÀNG KARAMIHAN (Ó COLECTIVO)
G. ¿Anó ang tinátawag na pangdiwàng karamihan?
N. Yaóng na sa bilang na íisá ay tumutukoy sa maraming ng̃alan, bagay ó anó man sang-ayon sa lamán ng̃ ugát.
G. ¿Paano ang kanyáng pagbubuô?
N. Sa mg̃a kaparaanáng sumúsunód:
Una.—Ang iláng salitâng ugát na nagbabadyá ng̃ panahón na angkapán ng̃ anyông mag ay nagsasaysáy ng̃ kabuùan, hal.: sa hapon ay maghapon, sa damág ay magdamág.
Ikalawá.—Kung iniangkáp ang sang na nagbuhat sa isá, ay nagbabadyá ng̃ lahát ó kabuùan ng̃ anó mang bagay na tagláy ng̃ ugát, hal.: sang-oras, sang-araw, sanglinggó, sangbuwán, sangtaón, sangpuô, sangdaán, sanglibo, sanglaksâ, sangyutà, atbp.
Ikatló.—Sa mg̃a ugát na nagsusulit ng̃ poók ó anó man na angkapán ng̃ sang at sugpung̃án ng̃ an ó han ay nagbabadyá rin ng̃ karamihan ó kabuùan, hal.: sangbahayán, sangbayanán, sangdaigdigan, sangsinukuban, sangtinakpán, atbp.
Ikaapat.—Kung angkapán ng̃ sang ang mg̃a pangdiwàng mayhalò sa pamamagitan ng̃ ka at an ó han ay nagbabadyá namán ng̃ ganáp na kabuùan, hal.: sangkapulùán, sangkatauhan, sangkalang̃itan, sangkalupàan, at ibá pa.
TALABABÂAN
IV KABANATA Salitâng Pangturing (ó Adjetivo)
Gurò. ¿Anó ang kátuturán ng̃ salitâng pangturing?
Nag-aaral. Salitâng pangturing ay isáng bahagi ó pangkát ng̃ kaisipán na siyáng inilalakip ó idinaragdág sa pangdiwà upáng mabago ó mákilala ang kátuturán nitó.
G. Ang mg̃a salitâng pangturing, ¿sa ilán nabábahagi?
N. Sa dalawá, gaya rin ng̃ pangdiwà: dalisay at mayhalò. Dalisay ang salitâng walâng idinaragdág na anó man sa kanyáng pagigíng salitâ, hal.: tamád, pang̃it, duwág, payapà, tahimik. Mayhalò ang salitâng ugát ó dalisay na dinagdagán sa una ó hulihán ng̃ anó mang anyô (ó partícula), hal.: mabuti, mataás, malakí, masamâ, magandá.
G. ¿Marami bagá sa ating wikà ng̃ mg̃a pangturing?
N. Sa mg̃a salitâng dalisay ó ugát ay hindî lubhâng karamihan, samantalàng sa mg̃a salitâng mayhalò ay siyáng lubhâng marami.
G. ¿Pano ang paraáng ginagawâ nang ang mg̃a salitâng ugát ó dalisay ay magíng salitâng mayhalò?
N. Ang karaniwang gawín ukol sa bagay na itó ay dinaragdagán ng̃ ma sa unahán ng̃ salitâng ugát ó dalisay.
Náritó ang isáng tálâán ng̃ mg̃a salitâng ugát ó dalisay na nagigíng salitâng mayhalò sa mg̃a salitâng pangdiwà (ó sustantivo) at sa mg̃a pangturing (ó adjetivo).
Ugát ó dalisay Salitâng pangdiwà Salitâng pangturing
Buti Kabutihan Mabuti
Samâ Kasamâan Masamâ
Pulá Kapulahán Mapulá
Lakí Kalakihan Malakí
Habà Kahabàan Mahabà
Lakás Kalakasan Malakás
Bigát Kabigatan Mabigát
Nagigíng salitâng pangturing ang mg̃a ugát na nagbabadyá ng̃ pagkakáparis ó pagkakápantay kailan ma’t inangkapán ng̃ ka, hal.: kaparis, katulad, kapara, kawang̃ís, kahambíng, kamukhâ, kawangkî, kapantay, at ibá pa.
Nagigíng pangturing din ang mg̃a ugát na nagsusulit ng̃ pagkakahatì ó kalagayan ng̃ anó man kailan ma’t inangkapán ng̃ ka, hal.: kahatì, kaputol, kapiraso, kabiyák, kauntî, kapaták, karampót, atbp.
Nagigíng pangturing pa ang mg̃a ugát na nagsasaysáy ng̃ anó man kailan ma’t inangkapán ng̃ ka at inulit ang buông ugát ó unang dalawáng pantíg nitó, hal.: kagulatgulat, katakottakot, kagitlágitlá, kasindáksindák, kahapishapis, kakilákilabot, katawátawá, kalugódlugód, kaibig-ibig, kaayaaya, atbp. Ang mg̃a pangturing na itó’y maáarì ring sabihin sa pamamagitan ng̃ naka na inulit ang unang pantíg ng̃ ugát, hal.: nakagugulat, nakatatakot, nakagigitlá, atbp.
G. ¿Mayroón pa bagáng ibáng pangturing na nagbubuhat sa ibá?
N. Oo pò na nanggaling sa pangwatas at pinamagatáng pangturing na malimit. Náitó ang ibá’t ibáng paraán ng̃ kanyáng pagbubuô.
Una.—Angkapán ng̃ ma ang salitâng ugát at sugpung̃án ng̃ in ó hin sang-ayon sa sinúsunód na tuntunin, hal.: masintahin, maawàin, mahabagín, maibigín, mawilihín, masuwayin, masunurin, mairugín, at ibá pa.
Ikalawá.—Angkapán din ng̃ ma at sugpung̃án ng̃ in ó hin, sakâ ulitin ang unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg ng̃ ugát, hal.: matutulugín, matatawanín, magagalitín, malilimutín, masasaktín, mapapalarín, malulugdín, matatakutín, atbp.
Ikatló.—Sugpung̃án lamang ng̃ in ó hin ang salitâng ugát, hal.: gálisin, mutàin, bulutung̃ín, pigsahin, hikàin, iyakin, sumbung̃in, tiyanin, bukulin, atbp.
Ikapat.—Nagigíng pangturing din ang mg̃a panahóng haharapín ng̃ pangwatas na binaybáy sa mag, hal.: magsasakâ, magpapandáy, magbabaká, magbababóy, magguguláy, magpapalayók, magpapasán, magbubuhát, atbp.
Ikalimá.—Nagigíng pangturing pa rin ang mg̃a panahóng haharapín ng̃ pangwatas na binaybáy sa mang, hal.: manggagawà, manggugupit, manghahabi, mangwawalís, mang̃ing̃isdâ, mánunubós, máninilâ, mánunulát, mánunulâ, mámamahayág, máng̃ang̃athâ, mánanalaysáy, mánanagalóg, atbp.
Ikaanim.—Angkapán ng̃ mapag ang mg̃a salitâng ugát, hal.: mapagbirô, mapaglarô, mapagmasíd, mapagpuyát, mapagbulóng, mapaglibák, mapagbiyayâ, mapagdasál, atbp.
Ikapitó.—Angkapán namán ng̃ palá ang ugát, hal.: palakaín, palainóm, palausáp, palasumpâ, palatakbó, palasulát, palabasá, palasayáw, palasuwáy, palasigáw, palalarô, palabihís, atbp.
Ikawaló.—Angkapán ng̃ tagá ang mg̃a salitâng ugát. Dapat alamíng ang mg̃a ugát na binaybáy sa mag ó mang ay dapat magtagláy ng̃ pag ó pang, hal.: tagatanod, tagabantáy, tagatugtóg, tagakain, tagapaglutò, tagapagsaing, tagaing̃at, tagapang̃asiwà, tagapaglabá, atbp.
G. ¿Anó ang kaibháng nangyayari sa mg̃a salitâng pangdiwà at sa mg̃a pangturing?
N. Malakí pò ang pagkakáibá ng̃ dalawáng itó, sapagkâ’t ang pangturing kailan ma’y nang̃áng̃ailang̃an ng̃ tulong ng̃ isáng pangdiwà upáng magtagláy ng̃ isáng buông kahulugán ó kayâ’y bumuô ng̃ isáng kaisipán (ó oración); samantalàng ang pangdiwà ay dî na kailang̃an ang tulong, at sukat sa kanyáng sarili’y maáarìng magkaroón ng̃ isáng buông kátuturán. Halimbawà: malinaw na tubig, magandáng buwán, mainit na araw. Sa halimbawàng itó ang tubig, ang buwán at ang araw ay mg̃a salitâng pangdiwà na siyáng nagbibigáy ng̃ kahulugán sa kaisipán, at kahì’t banggitín ang bawà’t isá ay maúunawàan ng̃ sino man; samantalàng ang malinaw, magandá at mainit ay mg̃a pangturing na siyáng bumabago ó tumuturing ng̃ kátuturán sa mg̃a pangdiwàng kasakasama nilá, at kung banggitín ng̃ walâng katulong ay hindî maúunawàan ng̃ sino man, sapagkâ’t hindî matantông kung anó ang malinaw, kung anó ang magandá ó kung anó ang mainit.
G. ¿Maáarì bagá kung minsang malagáy siyáng mag-isá sa kaisipán?
N. Maáarì pò, kailan ma’t ang salitâng pangdiwà na siyáng nagbibigáy ng̃ kátuturán ay hindî nakalantád, ng̃unì’t dapat matalastás na nakatagò, hal.: ang mg̃a masasamâ’y pinarurusahan, ang ikalimá’y huwág papatáy. Sa masasamâ ay nakatagò ang salitâng tao at sa ikalimá ang salitâng utos.
G. ¿Maáarì kayâng ang salitâng pangturing ay gamitin lang mag-isá sa pamamagitan ng̃ ibáng paraán?
N. Oo pò, maáarì, kailan ma’t ináakbayán sa una ng̃ pang-akbáy ang na ang kátuturá’y katumbás sa isáng ng̃alang pangdiwà, hal.: ang masamâ ay dapat itapon, ibig sabihin nitó sa makatuwíd ang kasamâan; ang mabuti ay dapat úliranin, sa makatuwíd tinutukoy ang kabutihan.
UKOL SA BILANG NA DALAWÁ Ó MARAMI
G. ¿Pano ang paglalagáy sa bilang na dalawá ó marami ng̃ mg̃a salitâng pangturing?
N. Kung mg̃a salitâng dalisay ó ugát ay pinang̃ung̃unahan ng̃ mg̃a na siyáng ginágamit sa ganitóng bagay, hal.: pang̃it na tao, tamád na lalaki, kung sa íisá, at kung sa dalawá ó marami’y ginagawâng mg̃a pang̃it na tao, mg̃a tamád na lalaki.
Kung mg̃a salitâng mayhalò na nagbuhat sa ma ay inúulit lamang ang unang pantíg ng̃ ugát, hal.: malakíng aklát, mahabàng talumpatì, magandáng dalaga kung sa íisá, at nagigíng malalakíng aklát, mahahabàng talumpatì, mg̃a magagandáng dalaga kung sa dalawá ó marami.[12] Ng̃unì’t kung ang salitâng pangdiwà ay siyáng náuuná kay sa pangturing ay dapat lagyán ng̃ mg̃a at itó’y kailang̃ang iuná sa pangdiwà at ulitin ang unang pantíg ng̃ salitâng ugát, hal.: mg̃a talumpatìng mahahabà, mg̃a dalagang magagandá.
G. Kung sa isáng kaisipán ay nagkakasamasama ang mg̃a salitâng pangturing, ¿paano ang dapat gawín?
N. Sakalìng ang náuuná’y ang salitâng pangdiwà kay sa mg̃a pangturing, doón dapat iuná ang mg̃a at sa mg̃a itó (pangturing) ay dî dapat lagyán ang bawà’t isá ng̃ mg̃a kundî ulitin ang unang pantíg ng̃ bawà’t ugát, hal.: Sa Sangtinakpá’y may mg̃a bayang malalakí, madadakilà, magigitíng at mararang̃ál. Kung ang náuuná namá’y ang isáng salitâng pangturing kay sa pangdiwà ay dapat iuná roón ang mg̃a at ang mg̃a kasamahán niyá’y dapat ulitin ang mg̃a unang pantíg ng̃ ugát, hal.: Sa Sangsinukob ay may mg̃a masasamâng tao, manglulupig, manggagagá at mamámatay sa kapuwà tao. Dapat alamíng ang hulíng paraáng itó’y hindî lubhâng gamitin dî paris ng̃ una.
SA MG̃A SALITÂNG PANGTULAD (Ó COMPARATIVO)
G. ¿Anó ang salitâng pangtulad?
N. Salitâng pangtulad, yaóng nagpapakilala ng̃ katang̃ìán ng̃ isáng pangdiwà kung ipaparis ó ihahalintulad sa kapuwà pangdiwà. Sa Wikàng Tagalog itóng pangtulad ay may dalawáng urì: isá’y ang nagbabadyá ng̃ pagkakatulad at ang ikalawá’y ang pagkakahigít.
G. ¿Alínalín ang mg̃a salitâng pangtulad sa ating wikà?
N. Marami pòng lubhâ, at náritó ang kanyáng pagkakábukódbukód: sa pagkakatulad: ga ó gangga, para ó gaya, magkapara ó magkatulad, sing ó kasing, at magkasíng; sa pagkakahigít: lalò at pa.
G. ¿Kailán ginágamit ang ga ó gangga?
N. Ang ga ay ginágamit kailan ma’t ibig sukatin ang lakí, taás, liít, tigás ó anó man ng̃ isáng bagay kung ihahalintulad sa ibá, hal.: itóng brilyante’y ga munggó ang lakí, ga bató ang tigás ng̃ kanyáng pusò, ga damak ang taás ng̃ tubig. Ang gangga ay kawangkî rin ng̃ ga at íisá silá sa paggamit, bagamá’t ang talagáng kágamitán niyá’y kung tumutukoy sa bilang na dalawá ó marami, hal.: ang mg̃a gangganitóng gawâ ay siyáng inúugalì tuwî na ng̃ may masasamâng budhî; ang mg̃a gangganiyáng tao ay siyáng mg̃a dakilà.
G. ¿Kailán dapat gamitin ang para ó gaya?
N. Ginágamit ang para ó gaya kailan ma’t pinagpaparis ang isáng bagay sa kapuwà bagay ng̃ walâng lámang̃an. Ang bagay na ipaparis ay dapat ilagáy sa pangtukoy at ang pagpaparisan ay sa pang-arì at ang para ó gaya ay dapat mahulí sa pangturing, hal.: Si Pelisa’y magandáng para ni Mameng; akó’y mabuting gaya niyá; ang mg̃a matá mo’y maniningníng na parang bituwín. Dapat alamíng ang paris at tulad ay kawangkî rin ng̃ para ó gaya.
Dapat ding matantô na, kung may ka sa unahán, na sa madalìáng sabi ay nagigíng kapara, kagaya, kaparis, katulad, at ang ibá pang kasing-urì rin nitó gaya ng̃ kawang̃ís, kahambíng, kawangkî, kamukhâ, kahalimbawà, kahalintulad, ay ginágamit ding maminsanminsan katulad ng̃ para ó gaya lalòng lalò na kung hindî lubhâng mahabà ang isáng kaisipán, hal.: Si Lucio’y katulad ni Fidel; ang pusà’y kaparis ng̃ tigre. Lalòng angkáp kung gagamitin sa pagkakailâ ó kayâ’y dagdagán sa una ng̃ walâ, hal.: Si Yoyong ay walâng kahalintulad sa karunung̃an; si María’y walâng kahalimbawà sa kahinhinán.
G. ¿Kailán ginágamit ang magkapara ó magkatulad?
N. Ang magkapara ó magkatulad at ibá pang gangganitó ay dilì ibá’t nanggaling sa kapara, katulad, kaparis, atbp. na inangkapán ng̃ mag. Ginágamit ang mg̃a itó sa mg̃a bagay na pinagpaparis ng̃ walâng lámang̃an, na, ang mg̃a pinagpapara ay dapat ilagáy sa pangtukoy at ang pangturing ay sa hulí, hal.: Si Petra at si María’y magkapara ng̃ gandá; si Siso at si Mente ay magkatulad ng̃ dunong.
G. ¿Kailán ginágamit ang sing ó kasing?
N. Ginágamit ang sing ó kasing kailan ma’t pinagpaparis ang isáng bagay sa kapwà bagay nang walâng lámang̃an, at kailang̃ang ilagáy sa pangtukoy ang pang̃alan ó bagay na ipaparis at sa pang-arì namán ang ng̃alan ó bagay na pagpaparisan, hal.: ang mg̃a anák ni Lucio’y singlakí ko, si Mateo’y kasingtaás ni Karlos. Kung tumutukoy sa dalawá ó marami’y kailang̃ang ulitin ang unang pantíg ng̃ ugát ng̃ pangturing, hal.: ang mg̃a anák ni Lucio’y singlalakí ko, ang mg̃a áso’y kasínglalakí ng̃ baboy.
G. ¿Kailán namán ginágamit ang magkasíng?
N. Ginágamit ang magkasíng kailan ma’t ang mg̃a pinagpaparis ay na sa pangtukoy at nagsasaád ng̃ dalawáng bagay na magkahalintulad ó magkakapantáy, hal.: si Pedro at si Huan ay magkasingdunong, ang anák mo’t ang anák ko ay magkasingbuti. Kung bumabanggít sa bilang na dalawá ó marami ang bawà’t isá sa mg̃a pinagpaparis ay kailang̃ang ulitin ang ikalawáng pantíg ng̃ magkasíng, at sa katagâng sabi’y gawíng magkakasíng, hal.: ang mg̃a anák ko ay magkakasingbuti; ang mg̃a kababayan mo’t mg̃a kababayan ko’y magkakasingtulad ng̃ ugalì.
G. ¿Paano ang gagawín kung ibig tumukoy ng̃ isáng ng̃alan ó bagay na nakahihigít?
N. Sa tatlóng kaparaanáng sumúsunód:
1.—Ilagáy sa pangtukoy (ó nominativo) ang nakahihigít at sa panglayon (ó acusativo) ang náhihigtán, hal.: si Andoy ay marunong kay Pedro; ang áso’y mataás sa pusà.
2.—Ang ganitó ring ayos na pinang̃unahan lamang ng̃ lalò ang salitâng pangturing, hal.: Si Lucio’y lalòng mataás kay Huan; ang manggá’y lalòng masaráp sa bayabas.
3.—Ang gayón ding ayos na nilagyán ng̃ pa sa hulí ng̃ pangturing, hal.: si Yoyong ay maputî pa kay Husé; ang araw ay magandá pa sa buwán.
SA MG̃A SALITÂNG PANGTAÁS (Ó SUPERLATIVO)
G. ¿Anó ang salitâng pangtaás?
N. Salitâng pangtaás ay siyáng nagpapakilala sa mg̃a pangturing ng̃ kanyáng kataasán, hal.: Si Pedro’y mabuting mabuti, si Lucio’y lubhâng marunong.
G. ¿Paano ang pagtatatág ng̃ mg̃a salitâng pangtaás?
N. Sa ibá’t ibáng kaparaanán:
Una.—Ilagáy sa una ó hulí ang lubhâ ng̃ salitâng pangturing, hal.: Si Ricardo’y lubhâng mabuti, ó kayâ: Si Ricardo’y mabuting lubhâ.
Ikalawá.—Ilagáy ang totoó sa una ó hulihán ng̃ salitâng pangturing, hal.: Si Ricardo’y totoóng mabuti, ó kayâ: Si Ricardo’y mabuting totoó. Maáarì rin itóng dalawahín at gawíng totoóng totoó, hal.: Si Ricardo’y totoóng totoóng mabuti.
Ikatló.—Ilagáy sa una ó hulihán ng̃ salitâng pangturing ang dî sapalâ, hal.: Si Ricardo’y dî sapalâng mabuti, ó kayâ: Si Ricardo’y mabuting dî sapalâ.
Ikaapat.—Ilagáy sa una ó hulihán ng̃ salitâng pangturing ang dî hamak, hal.: Si Ricardo’y dî hamak na mabuti, ó kayâ: Si Ricardo’y mabuting dî hamak.
Ikalimá.—Ulitin ó dalawahín ang salitâng pangturing na paglalakipin sa pamamagitan ng̃ pang-anib (ó ligazón) na náuukol, hal.: Si Ricardo’y mabuting mabuti; ang pag-áaral ay mahirap na mahirap.
Ikaanim.—Ulitin ó dalawahín ang salitâng pangturing at pang̃unahan ng̃ anyông ka at an ó han sa hulihán, hal.: Si Ricardo’y kábutibutihan; ang sampagita’y kagandagandahan sa tanáng bulaklák.
Ikapitó.—Ang mg̃a salitâng ugát ó dalisay na inangkapán sa una ng̃ nápaka, hal.: Si Ricardo’y nápakabuti; ang sampagita’y nápakagandá.
Ikawaló.—Ang mg̃a pangwatas ay may iláng pangtaás, na, ang ginagawâ ay inúulit ang buông ugát na sining̃itan ng̃ ng̃, hal.: tawa ng̃ tawa, tawag ng̃ tawag, kain ng̃ kain.
SA MG̃A SALITÂNG PANGLAKÍ (Ó AUMENTATIVO)
G. ¿Anó ang salitâng panglakí?
N. Salitâng panglakí, yaóng nagpaparagdág sa kahulugán ng̃ ugát.
G. ¿Paano ang pagbubuô ng̃ mg̃a itó sa ating wikà?
N. Sa dalawáng kaparaanán lamang:
1)—Ilagáy sa una ng̃ ugát ang salitâng malakí, hal.: malakíng tao, malakíng hayop, malakíng lalaki, malakíng babae, malakíng bahay, malakíng pusà, malakíng susô, atbp.
2)—Sugpung̃án ng̃ an ó han ang iláng salitâng ugát, hal.: sa ulo ay uluhán, sa matá ay matahán, sa ilóng ay ilung̃án, sa bibíg ay bibigán, sa ng̃usò ay ng̃usùán, atbp. Dapat alamíng ang mg̃a salitâng itó’y maáarì ring sabihin sa pamamagitan ng̃ malakí, hal.: malakíng ulo, malakíng matá, malakíng ilóng, atbp.
SA MG̃A SALITÂNG PANGLIÍT (Ó DIMINUTIVO)
G. ¿Anó ang salitâng pangliít?
N. Salitâng pangliít, yaóng nagpapábawas ó nagpapákulang sa kahulugáng tagláy ng̃ salitâng ugát.
G. ¿Paano ang paraáng ginagawâ sa ganitóng pagbabawas?
N. Sa mg̃a kaparaanáng sumúsunód:
1.—Ang mg̃a pangdiwàng dalisay ay inúulit ang buô ó ang unang dalawáng pantíg ng̃ ugát at sakâ sinusugpung̃án ng̃ an ó han, hal.: sa harì ay harìharìan; sa dios ay diusdiusan; sa tao ay taútauhan; sa ibon ay ibunibunan; sa matandâ ay matamatandâan; sa bulaklák ay bulabulaklakan; atbp.
2.—Ang mg̃a pangdiwàng mayhalò sa pamamagitan ng̃ ka at an ó han ay nagigíng pangliít kailan ma’t dinagdagán sa una ng̃ may, hal.: may kalakasan, may kabutihan, may kahinàan, may kasamâan, may kapulahán, atbp.
3.—Ang mg̃a pangturing na mayhalò sa pamamagitan ng̃ ma ay nagigíng pangliít kailan ma’t inúulit ang salitâng ugát, hal.: maasímasím, malakáslakás, mabutibuti, matamístamís, masamâsamâ, mapulápulá, atbp.
4.—Ang mg̃a pangwatas (ó verbo) na binaybáy sa ibá’t ibáng anyô (ó partícula) ay nang̃agigíng pangliít kailan ma’t inulit ang mg̃a salitâng ugát, hal.: tumatakbótakbó, nagtutulógtulog, nahihigâhigâ, binabasabasa, inilalakadlakad, pinagsalisalitâ, atbp.
5.—Nagigíng pangliít din sa mg̃a salitâng kauntî, muntî, maliít, ang mg̃a ugát na ibá’t ibá, hal.: kauntîng tubig, muntîng bahay, maliít na manggá, atbp.
SA IBÁ PANG BAHAGI NG̃ SALITÂNG PANGTURING
G. ¿Anó pang bahagi mayroón ang salitâng pangturing?
N. Ang mg̃a itó: Bilang na pangbatay (ó número cardinal), bilang na panghanáy (ó número ordinal), bilang na pang-ulit (ó número adverbial) at bilang na pangbahagi (ó número distributivo).
G. ¿Anó ang bilang na pangbatay (ó número cardinal)?
N. Bilang na pangbatay, yaóng tang̃ìng tumutukoy sa karaniwang bilang, hal.: isá, dalawá, sampuô. Kung ibig humigít dito’y kailang̃ang dagdagán sa una ng̃ labíng, at kung magkaganitó’y magigíng: labíng isá, labíng dalawá, labíng siyám. Kung ibig pa ring humigít dito ó kayâ’y tumukoy ng̃ mataástaás ay dapat dagdagán sa hulí ng̃ puô, at kung magkagayo’y magigíng: dalawáng puô, tatlóng puô, siyám na puô, at ibá’t ibá pang pagdaragdág kung ibig tumukoy ng̃ lalòng mataás na bilang.
G. ¿Anó ang bilang na panghanáy (ó número ordinal)?
N. Yaóng ginágamit sa pagbilang na sunódsunód, hal.: una, ikalawá, ikatló, ikasangpuô.
G. ¿Pano ang pagtatatág ng̃ mg̃a bilang na itó?
N. Madalî pò: sukat na ang dagdagán ng̃ ika ang mg̃a bilang na pangbatay, maliban lamang ang una na dî nang̃áng̃ailang̃an nitó.
G. ¿Anó ang bilang na pang-ulit (ó número adverbial)?
N. Yaóng ginágamit sa pagbilang nang kung mákailang ginawâ ó ginanáp ang isáng bagay, hal.: minsan, makalawá, makatló, makalimá, makasangpuô.
G. ¿Pano namán ang pagtatatág ng̃ mg̃a ganitóng bilang?
N. Dinaragdagán ng̃ maka sa mg̃a bilang na pangbatay, liban lamang ang una na dî kailang̃ang dagdagán.
G. ¿Anó namán ang bilang na pangbahagi (ó número distributivo)?
N. Yaóng ginágamit sa pagbilang na pahatìhatì ó paulitulit, hal.: isáisá, tig-isá, isá.
G. ¿Paano ang pagtatatág ng̃ mg̃a bilang na ganitó?
N. Sa mg̃a paraáng sumúsunód:
Una.—Ulitin ó dalawahín ang mg̃a bilang na pangbatay na kung minsa’y inúulit ng̃ buô at kung minsa’y iláng pantíg lamang, hal.: isáisá, daládalawá, sangpûsangpuô.
Ikalawá.—Lagyán sa una ng̃ anyông tig sa mg̃a bilang na pangbatay na kung minsa’y náwawalâ ang unang titik ng̃ salitâng ugát, at mulâ sa limá ay inúulit ang unang pantíg; hal.: tig-isá, tigalawá, tigatló, tiglilimá, tigpipitó, tigsasangpuô.
Ikatló.—Ulitin ó dalawahín ang unang pantíg ng̃ mg̃a bilang na pangbatay, hal.: íisá, dádalawá, sasangpuô.
TALABABÂAN
V KABANATA Salitâng Pangtayô (ó Pronombre)
Gurò. ¿Anó ang kahulugán ng̃ salitâng pangtayô?
Nag-aaral. Ang pangtayô ay isáng pangkát ó bahagi ng̃ kaisipán (ó oración) na siyáng inilálagáy ó inihahalili sa pangdiwà (ó sustantivo) upáng maiwasan ang malimit nitóng pag-úulitulit.
G. ¿Mangyayari bang ipaliwanag ang bagay na itó sa pamamagitan ng̃ isáng halimbawà?
N. Oo pò; masamâng dinggín ng̃ sino man kung sabihin sa halimbawà: Si Lucio’y naparoón sa pulong at sa pulong si Lucio’y nagtalumpatì. Ng̃unì’t maúunawàan ng̃ lahát kung sabihing ganitó: Si Lucio’y naparoón sa pulong at dito siyá ay nagtalumpatì. Ang pangtayông dito ay siyáng humalili sa pulong, at siyá kay Lucio.
G. ¿Iláng bahagi ang sakláw ng̃ salitâng pangtayô?
N. Limá ang kanyáng sinásakláw: Pangtayô sa ng̃alan ng̃ tao (ó pronombre personal), pangtayô sa pagtuturò (ó pronombre demostrativo), pangtayô sa pag-áarì (ó pronombre posesivo), pangtayô sa pagtatanóng (ó pronombre interrogativo), at pangtayô sa pagbabalak (ó pronombre indeterminado).
PANGTAYÔ SA NG̃ALAN NG̃ TAO (Ó PERSONAL)
G. ¿Anó ang pangtayô sa ng̃alan ng̃ tao?
N. Yaóng salitâng inilálagáy ó inihahalili sa pangdiwà na tumutukoy sa pang̃alan ng̃ tao, at kung minsa’y sa mg̃a pang̃alan ng̃ hayop ó bagay.
G. ¿Ilán ang mg̃a pangtayông itó?
N. Tatló: akó, ikáw, siyá, na pinamámagatáng una, ikalawá at ikatlóng katawán (ó persona).
G. ¿Saánsaán ginágamit ang tatlóng katawáng itó?
N. Ang akó ay siyáng inilálagáy ó inihahalili sa ng̃alan ng̃ táong nang̃ung̃usap; ang ikáw ay siyáng inihahalili sa ng̃alan ng̃ táong kinakausap; at siyá ay siyáng inihahalili sa ng̃alan ng̃ tao ó bagay na pinag-úusapan.
G. ¿Paano ang pagbábaling (ó declinación) ng̃ mg̃a pangtayô sa ng̃alan ng̃ tao?
N. Gaya ng̃ mg̃a paraáng sumúsunód:
PAGBÁBALING NG̃ MG̃A PANGTAYÔ SA NG̃ALAN NG̃ TAO.
Unang katawán.
Bilang na íisá Bilang na dalawá ó marami
Pangtukoy Akó. Pangtukoy { Tayo ó kamí.
{ Kitá ó katá.
Pang-arì { Akin. Pang-arì { Atin ó natin.
{ Amin ó namin.
{ Ko. { Kanitá ó nitá.
{ Natá ó ta.
Panglayon Sa akin. Panglayon { Sa atin, sa amin.
{ Sa kanitá, sa natá.
G. ¿Kailan ginágamit ang na sa lagáy na pangtukoy?
N. Gaya na ng̃ namalas ang pangtukoy ay may apat na urì na may ibá’t ibáng kágamitán: akó sa íisá, at tayo, ó kamí at kitá ó katá sa dalawá ó marami.
Unang urì.—Ginágamit ang akó kailan ma’t inihahalili sa ng̃alan ng̃ táong nang̃ung̃usap, hal.: Akó ay mahirap, ibig sabihin nitó’y mahirap ang táong nagsasalitâ, na kung ang táong itó sa halimbawà’y nang̃áng̃alang Pedro, ang salitâng yaó’y katumbás ng̃ Si Pedro ay mahirap.
Ikalawá.—Ginágamit ang tayo kung tumutukoy sa dalawá ó marami, kailan ma’t ang táong nang̃ung̃usap at ang táong kinakausap ay nasásakláw kapwà at ibá pa, hal.: Tayong mg̃a pilipino ay marurunong, ibig sabihin ng̃ halimbawàng itó na marunong ang nagsasalitâ, sakláw ang kanyáng kausap at patí ng̃ ibáng kababayan natin.
Ikatló.—Ginágamit namán ang kamí sa dalawá rin ó marami, kailan ma’t ang táong nagsasalitâ ay hindî sinásakláw ang kanyáng kausap kundî ang ibáng kababayan ó kasamahán niyá, hal.: Kamíng mg̃a pilipino ay marurunong, ibig sabihin nitó’y marunong ang nang̃ung̃usap sakláw ang kanyáng mg̃a kalahì ó kasama kayâ, ng̃unì’t ang kausap ay hindî nasásakláw.
Ikaapat.—Ginágamit ang kitá ó katá kailan ma’t tumutukoy sa dalawá lamang at hindî maáarìng humigít dito, at ang dalawáng nátura’y ang nang̃ung̃usap at ang kinakausap; hal.: kitá ay marunong, ó katá ay marunong, mg̃a salitâng katumbás na sabihing kitá ó katáng dalawá ay marunong.
G. ¿Kailán ginágamit namán ang na sa pang-arì?
N. Dapat munang matantô na ang pang-arì ay may limáng urì na, kung gamiti’y nagkakaibáibá: Akin ó ko kung sa íisá at atin ó natin, amin ó namin, kanitá ó nitá at natá ó ta kung sa dalawá ó marami.
Unang urì.—Sa íisá’y ginágamit ang akin kailan ma’t itó’y náuuná sa pangdiwà ó pangwatas, at ko kailan ma’t náhuhulí sa mg̃a itó; hal.: Ang aking bahay ay marikít, ó ang bahay ko ay marikít.
Ikalawá.—Sa dalawá ó marami’y ginágamit ang atin ó natin kailan ma’t ang nagsasalitâ’y sinásakláw ang kanyáng kausap at ibá pa. Dapat gamitin ang atin kailan ma’t náuuná itó sa pangdiwà ó pangwatas, at natin kailan ma’t náhuhulí, hal.: Ang ating baya’y lubhâng magandá, ó ang bayan nati’y lubhâng magandá.
Ikatló.—Sa bilang na dalawá ó marami’y ginágamit din ang amin ó namin kailan ma’t ang nang̃ung̃usap ay hindî sinásakláw ang kinakausap kundî ang ibáng kasamahán ó kapanalig niyá. Dapat gamitin ang amin kailan ma’t náuuná sa pangdiwà ó pangwatas, at namin kailan ma’t náhuhulí, hal.: Ang aming lupà ay malawak, ó ang lupà namin ay malawak.
Ikaapat.—Ang kanitá ó nitá ay ginágamit sa dalawáng dalawá lamang at dî maáarìng humigít, kailan ma’t tang̃ìng tumutukoy ó sumasakláw sa dalawáng nag-úusap. Ginágamit ang kanitá kung na sa una ng̃ pangdiwà ó pangwatas at nitá kung na sa hulí nitó, hal.: Ang kanitáng bahay ay muntî, ó ang bahay nitá ay muntî.
Ikalimá.—Ang natá ó ta ay ginágamit din sa dalawáng dalawá lamang na nakákatulad ng̃ kanitá ó natá. Ang kaibhán lang niyó’y hindî maáarìng gamitin sa una at hulihán ng̃ pangdiwà ó pangwatas na dî gaya nitó, kundî sa hulíng hulí lamang, hal.: Ang bahay natá ay muntî, ó ang bahay ta ay muntî.
G. ¿Kailán namán ginágamit ang na sa panglayon?
N. Dapat din munang matantô na ang panglayon ay may apat na urì na kung gamiti’y may ibá’t ibáng kahulugán: sa akin kung sa íisá, at sa atin, sa amin at sa kanitá kung sa dalawá ó marami.
Unang urì.—Ginágamit ang sa akin kailan ma’t tumutukoy sa íisá, hal.: Itóng aklát ay sa akin.
Ikalawá.—Ginágamit ang sa atin kailan ma’t tumutukoy sa dalawáng nag-úusap at sa ibá pa kung mayroón, hal.: Itóng aklát ay sa atin.
Ikatló.—Ginágamit ang sa amin kailan ma’t tumutukoy sa nang̃ung̃usap at sa ibá pang kasamahán nitó, ng̃unì’t hindî nasásakláw ang kinakausap, hal.: Itóng aklát ay sa amin.
Ikaapat.—Ginágamit ang sa kanitá kailan ma’t tang̃ìng bumabanggít sa dalawáng nagpapanayám, hal.: Itóng aklát ay sa kanitá.
G. ¿Paano namán ang pagbábaling ng̃ ikalawáng katawán?
N. Paris ng̃ paraáng sumúsunód:
IKALAWÁNG KATAWÁN.
Bilang na íisá Bilang na dalawá ó marami
Pangtukoy { Ikáw. Pangtukoy Kayó.
{ Ka.
Pang-arì { Iyó. Pang-arì { Inyó.
{ Mo. { Ninyó.
Panglayon Sa iyó. Panglayon Sa inyó.
G. ¿Kailan ginágamit ang na sa lagáy na pangtukoy?
N. Ginágamit ang ikáw ó ka sa íisá at kayó sa dalawá ó marami kailan ma’t inihahalili sa ng̃alan ng̃ táong kinakausap. Ikáw kailan ma’t náuuná sa pangdiwà ó pangwatas, at ka kailan ma’t náhuhulí, hal.: Ikáw ay isáng tao, ó isáng tao ka. Ang kayó kailan ma’t tumutukoy sa dalawá ó marami, malagáy man sa una ó hulí ng̃ pangdiwà ó pangwatas, hal.: Kayó’y may salapî, ó may salapî kayó.
G. ¿Kailán ginágamit ang na sa pang-arì?
N. Ginágamit ang iyó ó mo sa íisá at inyó ó ninyó sa dalawá ó marami. Iyó kailan ma’t na sa una ng̃ pangdiwà ó pangwatas, at mo kung sa hulí, hal.: Ang iyóng mukhâ, ó ang mukhâ mo. Inyó kung náuuná sa pangdiwà ó pangwatas, at ninyó kung náhuhulí, hal.: Ang inyóng mg̃a bahay, ó ang mg̃a bahay ninyó.
G. ¿Kailán namán ginágamit ang na sa panglayon?
N. Ginágamit ang sa iyó sa bilang na íisá at sa inyó sa bilang na dalawá ó marami, mapauná ó mapahulí man sa pangdiwà ó pangwatas, hal.: ang aklát na itó ay sa iyó; ang aklát na itó ay sa inyó.
G. ¿Paano ang pagbábaling ng̃ ikatlóng katawán?
N. Gaya ng̃ sumúsunód:
IKATLÓNG KATAWÁN.
Bilang na íisá Bilang na dalawá ó marami
Pangtukoy Siyá. Pangtukoy Silá.
Pang-arì { Kaniyá. Pang-arì { Kanilá.
{ Niyá. { Nilá.
Panglayon Sa kaniyá. Panglayon Sa kanilá.
G. ¿Kailan ginágamit ang na sa pangtukoy?
N. Ginágamit ang siyá sa íisá at silá sa dalawá ó marami kailan ma’t siyáng inihahalili sa ng̃alan ng̃ tao ó bagay na pinag-úusapan, hal.: Siyá ay marunong; silá ay mangmáng.
G. ¿Kailan ginágamit ang na sa pang-arì?
N. Ginágamit ang kaniyá ó niyá sa íisá at kanilá ó nilá sa dalawá ó marami. Kaniyá kung na sa una ng̃ pangdiwà ó pangwatas, at niyá kung na sa hulí, hal.: Ang kaniyáng kapatíd, ó ang kapatíd niyá. Ang kanilá kung náuuná sa pangdiwà ó pangwatas, at nilá kung náhuhulí, hal.: Ang kaniláng tániman, ó ang tániman nilá.
G. ¿Kailán ginágamit ang na sa panglayon?
N. Ginágamit ang sa kaniyá sa íisá at sa kanilá sa dalawá ó marami, hal.: Iyáng panulat ay sa kaniyá; itóng sinamay ay sa kanilá.
PANGTAYÔ SA PAGTUTURÒ (Ó DEMOSTRATIVO)
G. ¿Anó ang pangtayô sa pagtuturò?
N. Yaóng salitâng ginágamit sa pagtuturò sa pang̃alan ng̃ tao ó bagay.
G. ¿May ilán ang sakláw ng̃ pangtayông itó?
N. Tatló: itó ó yarí, iyán at yaón.
G. ¿Paano ang paggamit ng̃ bawà’t isá?
N. Ginágamit ang itó ó yarí kung ang isáng pang̃alan ng̃ tao ó bagay na itinuturò ay malapit sa nang̃ung̃usap kay sa nakikiníg. Iyán kung ang itinuturò ay malapit sa nakikiníg kay sa nang̃ung̃usap. At yaón kung ang bagay na itinuturò ó pinag-úusapa’y malayò sa dalawáng nag-úusap.
G. ¿Paano ang pagbábaling ng̃ mg̃a pangtayô sa pagtuturò?
N. Gaya ng̃ mg̃a kaparaanáng sumúsunód:
PAGBÁBALING NG̃ MG̃A PANGTAYÔ SA PAGTUTURÒ.
Itó ó Yarí.
Bilang na íisá. Bilang na dalawá ó marami.
Pangtukoy Itó ó yarí Pangtukoy Itóng mg̃a ó yaríng mg̃a
Pang-arì { Dito sa ó dini sa Pang-arì { Dito sa mg̃a ó dini sa mg̃a
{ Nitó ó nirí { Nitóng mg̃a ó niríng mg̃a
Panglayon { Nitó ó nirí Panglayon { Nitóng mg̃a ó niríng mg̃a
{ Dito sa ó dini sa { Dito sa mg̃a ó dini sa mg̃a
Iyán.
Bilang na íisá. Bilang na dalawá ó marami.
Pangtukoy Iyán Pangtukoy Iyáng mg̃a
Pang-arì { Diyán sa Pang-arì { Diyán sa mg̃a
{ Niyán { Niyáng mg̃a
Panglayon { Niyán Panglayon { Niyáng mg̃a
{ Diyán sa { Diyán sa mg̃a
Yaón.
Bilang na íisá. Bilang na dalawá ó marami.
Pangtukoy Yaón Pangtukoy Yaóng mg̃a
Pang-arì { Doón sa Pang-arì { Doón sa mg̃a
{ Niyaón ó noón { Niyaóng mg̃a ó noóng mg̃a
Panglayon { Niyaón ó noón Panglayon { Niyaóng mg̃a ó noóng mg̃a
{ Doón sa { Doón sa mg̃a
G. ¿Paano ang paggamit ng̃ mg̃a pangtayô sa pagtuturò?
N. Nábubuô sa mg̃a ganitóng kaparaanán:
Una.—Ginágamit ang itó ó yarí sa íisá at itóng mg̃a ó yaríng mg̃a sa dalawá ó marami kailan ma’t na sa pangtukoy at ang bagay na itinuturò ay malapit sa nagsasalitâ kay sa nakikiníg, hal.: Itóng aking pusò, ó yaríng aking pusò; itóng mg̃a matá ko, ó yaríng mg̃a matá ko.
Ikalawá.—Ginágamit ang iyán sa íisá at iyáng mg̃a sa dalawá ó marami kailan ma’t na sa pangtukoy at ang bagay na itinuturò ay malapit sa nakikiníg kay sa nang̃ung̃usap, hal.: Iyáng damít mo; iyáng mg̃a bisig mo.
Ikatló.—Ginágamit ang yaón sa íisá at yaóng mg̃a sa dalawá ó marami kailan ma’t na sa pangtukoy at ang bagay na itinuturò ay malayò sa dalawáng nag-úusap, hal.: Yaóng punò ng̃ saging ay malayò; yaóng mg̃a bulaklák ay magagandá.
Ang mg̃a lagáy na nasa sa pang-arì at panglayon ay ginágamit katulad din halos ng̃ mg̃a nang̃aunáng pangtayô.
G. ¿Paano ang dapat gawín kung ang pagtuturò sa isáng bagay ay tinitiyák ó tinutukoy na mabuti?
N. Kung ang anó mang pangtayô (ó pronombre) ay na sa unahán ng̃ pangdiwà ay inúulit ang pangtayông na nasa pangtukoy sa hulihán nitó, kahì’t na ang una (pangtayô) ay na sa lagáy na pang-arì ó panglayon, hal.: itóng batàng itó; dukhâ ang amá niyáng batàng iyán.
G. ¿May ibá bang paraán upáng huwág dalawahín ang pangtayô kahì’t na ang isáng bagay ay tinitiyák na mabuti?
N. Mayroón pò, at sa bagay na itó’y dapat lagyán ng̃ pang-akbáy ang pangdiwà at sa hulí nitó’y ang náuukol na pangtayông dapat taglayín, hal.: ang batàng itó ay malikót, sa lugál na sabihing: itóng batàng itó ay malikót; mahirap ang buhay ng̃ matandâng yaón, sa lugál na sabihing: mahirap ang buhay niyaóng matandâng yaón.
PANGTAYÔ SA PAG-ÁARÌ (Ó POSESIVO)
G. ¿Anó ang pangtayô sa pag-áarì?
N. Yaóng salitâng ginágamit sa pag-angkín ó pag-arì ng̃ anó mang bagay, hal.: Ang aking bahay, ang iyóng lupà, ang kaniyáng manók.
G. ¿Alínalín ang mg̃a pangtayô sa pag-áarì?
N. Lahát ng̃ mg̃a pang-arì (ó genitivo) ng̃ mg̃a pangtayô sa ng̃alan ng̃ tao (ó pronombre personal).
G. ¿Paano ang ginagawâng pagbábaling?
N. Sa pamamagitan ng̃ mg̃a pang-akbáy ng̃ mg̃a pang̃alan ng̃ bagay.
PAGBÁBALING NG̃ MG̃A PANGTAYÔ SA PAG-ÁARÌ.
Akin.
Bilang na íisá. Bilang na dalawá ó marami.
Pangtukoy Ang akin ó ko Pangtukoy Ang aking mg̃a ó ko
Pang-arì { Ng̃ akin ó ko Pang-arì { Ng̃ aking mg̃a ó ko
{ Sa akin ó ko { Sa aking mg̃a ó ko
Panglayon { Sa akin ó ko Panglayon { Sa aking mg̃a ó ko
{ Ng̃ akin ó ko { Ng̃ aking mg̃a ó ko
Iyó.
Bilang na íisá. Bilang na dalawá ó marami.
Pangtukoy Ang iyó ó mo Pangtukoy Ang iyóng mg̃a ó mo
Pang-arì { Ng̃ iyó ó mo Pang-arì { Ng̃ iyóng mg̃a ó mo
{ Sa iyó ó mo { Sa iyóng mg̃a ó mo
Panglayon { Sa iyó ó mo Panglayon { Sa iyóng mg̃a ó mo
{ Ng̃ iyó ó mo { Ng̃ iyóng mg̃a ó mo
Kaniyá.
Bilang na íisá. Bilang na dalawá ó marami.
Pangtukoy Ang kaniyá ó niyá Pangtukoy Ang kaniyáng mg̃a ó niyá
Pang-arì { Ng̃ kaniyá ó niyá Pang-arì { Ng̃ kaniyáng mg̃a ó niyá
{ Sa kaniyá ó niyá { Sa kaniyáng mg̃a ó niyá
Panglayon { Sa kaniyá ó niyá Panglayon { Sa kaniyáng mg̃a ó niyá
{ Ng̃ kaniyá ó niyá { Ng̃ kaniyáng mg̃a ó niyá
Ang atin ó natin, ang inyó ó ninyó at kanilá ó nilá ay binabaling ding kaparis ng̃ mg̃a náuná.
PANGTAYÔ SA PAGTATANÓNG (Ó INTERROGATIVO)
G. ¿Anó ang pangtayô sa pagtatanóng?
N. Ang inihahalili sa ng̃alan ng̃ tao ó bagay sa mg̃a pagtatanóng.
G. ¿Sa ilán nábubuô?
N. Sa tatló: sino, anó at alín.
G. ¿Pano ang pagbábaling sa tatlóng itó?
N. Gaya nitóng sumúsunód:
SINO
Bilang na íisá. Bilang na dalawá ó marami.
Pangtukoy Sino Pangtukoy Sinosino ó sinong mg̃a
Pang-arì { Kanino Pang-arì Kaníkanino ó kaninong mg̃a
{ Nino
Panglayon Sa kanino Panglayon Sa kaníkanino ó kaninong mg̃a
ANÓ
Bilang na íisá. Bilang na dalawá ó marami.
Pangtukoy Anó Pangtukoy Anóanó ó anóng mg̃a
Pang-arì { Sa anó Pang-arì { Sa anóanó ó anóng mg̃a
{ Ng̃ anó { Ng̃ anóanó ó anóng mg̃a
Panglayon { Sa anó Panglayon { Sa anóanó ó anóng mg̃a
{ Ng̃ anó { Ng̃ anóanó ó anóng mg̃a
ALÍN
Bilang na íisá. Bilang na dalawá ó marami.
Pangtukoy Alín Pangtukoy Alínalín ó alíng mg̃a
Pang-arì { Sa alín Pang-arì { Sa alínalín ó alíng mg̃a
{ Ng̃ alín { Ng̃ alínalín ó alíng mg̃a
Panglayon { Sa alín Panglayon { Sa alínalín ó alíng mg̃a
{ Ng̃ alín { Ng̃ alínalín ó alíng mg̃a
G. ¿Paano ang paggamit ng̃ sino, anó at alín?
N. Ginágamit ang sino kailan ma’t ang pagtatanóng ay tumutukoy sa tao ó pang̃alan ng̃ tao, hal.: ¿Sino ang hinahanap mo?—Si Pedro; ¿Sino ang tinátawag niyá?—Si Huan.
Ginágamit ang anó kailan ma’t tumutukoy ang pagtatanóng sa mg̃a bagay lamang, hal.: ¿anó ang ibig mong makain?—Ang tinapay; ¿anó ang hawak niyá?—Ang aklát.
Ginágamit namán ang alín kailan ma’t ang pagtatanóng ay bumabanggít sa mg̃a pang̃alan ng̃ tao ó sa mg̃a bagay, hal.: ¿alín ang magandá kay Petra at kay María?—Si María; ¿alín ang minamasdán mo?—ang dagat.
G. ¿Paano ang paggamit sa kanino at nino?
N. Ginágamit ang kanino kailan ma’t ibig mabatíd kung sino ó alín ang kinaúukulan ng̃ isáng bagay, hal.: ¿Kaninong aklát itó?—Kay Lucio; ¿kanino itóng kanin?—Sa pusà.
Ginágamit namán ang nino kailan ma’t hindî nawatasan ang sagót sa pagtatanóng, hal.: ¿kaninong bahay yaón?—Kay Menang.—¿Nino?
PANGTAYÔ SA PAGBABALAK (Ó INDETERMINADO)
G. ¿Anó ang pangtayô sa pagbabalak?
N. Yaóng tumutukoy sa mg̃a pang̃alan ng̃ tao ó bagay na dî nátitiyák.
G. ¿Alínalín ang mg̃a pangtayông itó?
N. Ang karaniwang gamiti’y itóng mg̃a sumúsunód: Anó man, bahagyâ ó kauntî, balàng, sino man, ilán, isá, ibá, ibá pa at walâ. Halimbawà: Walâ akóng mamalas na anó man; bahagyâ nang umulán kahapon; balàng araw; walâ siyáng makitang sino man; may naparitong iláng tao; may ibáng táong dumating; at ibá pa.
SA MG̃A ANYÔNG ISINÁSAMA SA MG̃A PANGTAYÔ
G. ¿Mayroón ba sa ating wikà ng̃ mg̃a anyô (ó partícula) na isinásama sa mg̃a pangtayô?
N. Mayroón pò, at ang mg̃a pang̃ulo ay itó: Ba ó bagá at kayâ.
G. ¿Anó ang kabutihang nátatamó sa ganitóng pagsasama?
N. Ang kabutihan nitó’y nagpapagandá sa mg̃a salitâ at nagbibigáy lakás sa mg̃a pagtatanóng.
G. ¿Saánsaán ginágamit ang ba ó bagá at kayâ?
N. Ang mg̃a itó’y malimit gamitin sa mg̃a pagtatanóng, at kung minsa’y kahì’t hindî sa bagay na itó. Dapat matantô na ang mg̃a iyá’y inilálagáy sa hulihán ng̃ mg̃a pangtayô, hal.: ¿Anó ba ang hawak mo? ó kayâ’y ¿anó bagá ang hawak mo? ¿Sino kayâ ang táong itó?
VI KABANATA Salitâng Pangwatas (ó Verbo)
Gurò. ¿Anó ang kátuturán ng̃ salitâng pangwatas?
Nag-aaral. Salitâng pangwatas ay isáng bahagi ó pangkát ng̃ kaisipán na siyáng másasabing diwà ng̃ isáng wikà, na, nagbabadyá ng̃ lasa ó halagá, gawâ, ayos ó lagáy na lagìng nagpapahayag ng̃ panahón (ó tiempo), bilang (ó número) at katawán (ó persona).
G. ¿Bakit ang salitâng pangwatas ay siyáng diwà ng̃ isáng wikà?
N. Sapagkâ’t ang pangwatas ay siyáng nagbibigáy buhay ó kátuturán sa mg̃a salitâ at kaisipán, hal.: Si Pedro ay susulat, ang sanggól ay umíiyák, ang pusà ay kakain. Ang mg̃a pangwatas sa halimbawàng itó’y ang susulat, umíiyák at kakain.
G. ¿Sa anó nabábahagi ang salitâng pangwatas?
N. Ang pangwatas ay nabábahagi sa mg̃a sumúsunód: pangdaán (ó transitivo), pangtatág (ó intransitivo), pangpalít (ó recíproco), pangtagò (ó impersonal), pangbalak (ó activo) at pangtiyák (ó pasivo).
G. ¿Anó ang tinátawag na pangwatas na pangdaán?
N. Ang pangwatas, na, ang kanyáng gawâ ó kahulugá’y dumaraán ó maáarìng dumaán sa ng̃alan ng̃ tao ó bagay na siyáng layon ó pangtung̃o (complemento) ng̃ kaisipán, hal.: UMIBIG sa Dios, BUMASA ng̃ aklát, HUMUKAY ng̃ lupà.
G. ¿Anó ang pangwatas na pangtatág?
N. Ang pangwatas, na, ang kanyáng gawâ ó kátuturá’y hindî dumaraán ó lumalampás sa isáng ng̃alan ng̃ tao ó bagay, hal.: matulog, mamatáy, mahigâ.
G. ¿Anó ang tinátawag na pangwatas na pangpalít?
N. Ang pangwatas na nagbabadyá ng̃ kilos ó galáw ng̃ dalawá ó ang pagpapalitan ng̃ gawâ ng̃ dalawá ó maraming tao, hal.: si Lucio at si Pedro ay NAGSUSULATAN; siná Mameng ay NAG-AAWITAN; ang mg̃a batà’y NAGKUKUTUSAN.
G. ¿Anó ang pangwatas na pangtagò?
N. Ang pangwatas na hindî nagbabadyá ng̃ pang̃ulo (ó sujeto) at sa pag-íisip ay kailang̃ang may itagòng anó man, hal.: umulán, umaraw, bumagyó, kumulóg, kumidlát, gumabí, humápon, umumaga, at ibá pang gangganitó. Dapat alamíng ang mg̃a pangwatas na itó’y tang̃ìng magagamit sa mg̃a pangbadyá (ó infinitivo) at sa ikatlóng katawán (ó persona) ng̃ bilang na íisá sa lahát ng̃ panahón.
G. ¿Anó ang pangwatas na pangbalak?
N. Ang pangwatas na tumutukoy ó nagbabadyá ng̃ anó mang pang̃alan ó bagay na hindî tiyák, hal.: sumulat, magsaing, mang̃isdâ, mahigâ.
G. ¿Anó ang pangwatas na pangtiyák?
N. Ang pangwatas na bumabanggít ó nagbabadyá ng̃ anó mang pang̃alan ó bagay na tiyák, hal.: basahin, iluto, sulatan.
G. ¿Paano ang pagbubuô ng̃ salitâng pangwatas?
N. Sa ating wikà’y binubuô ang salitâng itó ng̃ ugát (ó raíz) at ng̃ anyô (ó partícula) na may ibá’t ibáng hugis.
G. ¿Anó ang tinátawag na ugát?
N. Tinátawag na ugát ang salitâng dalisay ó kayâ’y ang walâng halòng anó man, gaya ng̃ basa, sulat, lakad, takbó, kain, tulog, larô, upô, higâ, bahín, atbp.
G. ¿Anó ang tinátawag na anyô?
N. Tinátawag namáng anyô ang iláng titik ó pantíg na ang karamiha’y walâng kátuturáng tagláy kung sa kanyáng sarili lamang, na siyáng iniáangkáp, isinising̃it ó isinusugpóng sa mg̃a salitâng ugát upáng itó’y magkaroón ng̃ ibá’t ibáng ayos at kahulugán sa ating wikà.
G. ¿Sa anó dapat hatìin ang mg̃a anyô?
N. Upáng maiwasan ang pagkakálahóklahók, ang mg̃a anyô ay dapat bahagiin sa tatlóng kátawagán: Anyông pang-angkáp, anyông pangsing̃it, at anyông pangsugpóng.
G. ¿Anó ang kátuturán ng̃ anyông pang-angkáp?
N. Yaóng anyông inilálagáy ó iniáangkáp sa una ng̃ salitâng ugát upáng magíng pangwatas, hal.: UMibig, MAGsaing, MANGbugbóg, MAligò.
G. ¿Anó ang tinátawag na anyông pangsing̃it?
N. Yaóng anyông inilálagáy sa gitnâ ó isinising̃it sa unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg ng̃ salitâng ugát upáng magíng pangwatas, hal.: tUMakbó, gUMibik, sUMugat.
G. ¿Anó ang kahulugán namán ng̃ anyông pangsugpóng?
N. Ang anyông inilálagáy sa hulihán ó idinurugtóng sa salitâng ugát upáng magíng pangwatas, hal.: ibigIN, pulutIN, tugtugAN, utang̃AN.
G. ¿Lahát ó anó mang ugát sa ating wikà ay nagagawâ bagáng pangwatas?
N. Oo pò, kahì’t na ang mg̃a ugát na itó’y magíng salitâng pangdiwà (ó sustantivo) at salitâng pangturing (ó adjetivo), sa pamamagitan ng̃ ibá’t ibáng anyô na ináangkáp, isinising̃it at isinusugpóng.
G. ¿Marami bagá ang mg̃a anyông ginágamit sa ating wikà?
N. Lubhâng marami pò, at ang mg̃a naggigilasang anyông itó ay lubhâng malakí ang itinutulong sa ating salitâ at siyáng bumubuô nitó magíng sa tinátawag na pangdiwà, sa pangturing, sa pangwatas at sa ibá’t ibáng pangkát ó bahagi ng̃ kaisipán.
SA MG̃A PANG̃ULONG BAHAGI NG̃ MG̃A ANYÔ
G. ¿Alín ang mg̃a bahaging lalòng mahalagá ng̃ mg̃a anyô?
N. Ang pinakapang̃ulong bahagi nitó’y dalawá lamang: anyông pangbalak (ó partícula indeterminada) at anyông pangtiyák (ó partícula determinada).
G. ¿Anó ang kátuturán ng̃ anyông pangbalak?
N. Ang mg̃a anyông kung iangkáp, ising̃it ó isugpóng sa mg̃a ugát ay nang̃agigíng pangwatas na pangbalak na tumutukoy ó nagbabadyá ng̃ anó mang bagay ó pang̃alang hindî tiyák, hal.: bUMasa ka ng̃ aklát, at sa ganitó’y kahì’t anóng aklát; MAGlutò ka ng̃ manók at sa ganitó’y kahì’t anóng manók; MANGhuli ka ng̃ palakâ at sa ganitó’y kahì’t anóng palakâ.
G. ¿Anó ang kátuturán ng̃ anyông pangtiyák?
N. Ang mg̃a anyông kung iangkáp, ising̃it ó isugpóng sa mg̃a ugát ay nang̃agigíng pangwatas na pangtiyák na nagbabadyá ng̃ anó mang tiyák na bagay ó pang̃alan na siyáng katugmâ ng̃ mg̃a anyông pangbalak. Halimbawà: basaHIN mo itóng aklát at sa ganitó’y tinutukoy ang aklát na babasahin; lutùIN mo iyáng manók, at sa ganitó’y tinitiyák ang manók na lulutùin; huliHIN mo yaóng palakâ, at sa ganitó’y dinadalirì ang palakâng huhulihin.
G. Ang mg̃a anyông pangbalak at pangtiyák, ¿sa anó dapat hatìin?
N. Magíng ang pangbalak at magíng ang pangtiyák ay dapat bahagiin sa dalawá: pang̃ulo at pangtulong. Tinátawag na pang̃ulo ang anyông lalòng mahalagá at malimit gamitin, na, siyáng nagpapagaláw sa ating mg̃a pangwatas. Tinátawag namáng pangtulong ang anyông kung pakasusurìing maigi ay hindî kailang̃an, ng̃unì’t mahalagá rin sapagkâ’t bukód sa siyáng tumutulong sa mg̃a pang̃ulo ay siyá pang lalòng nagpaparikít sa ating mg̃a salitâ.
G. ¿Alínalín ang mg̃a pang̃ulo at mg̃a pangtulong na anyô sa pangbalak?
N. Ang mg̃a pang̃ulong anyô sa pangbalak na siyáng pinanununtunán ng̃ ibá ay apat: ang um, ang mag, ang mang at ang ma. Itóng mg̃a anyông itó ay nang̃agigíng pangwatas kailan ma’t iniangkáp, isining̃it ó isinugpóng sa mg̃a ugát, gaya sa halimbawà ng̃ utang ay UMutang, ng̃ larô ay MAGlarô, ng̃ hulà ay MANGhulà, ng̃ tulog ay MAtulog. Ang mg̃a pangtulong ay lubhâng marami at dahil dito’y lubhâng mahirap itanghál ng̃ páminsanan. Sakâ na itó mapapag-aralan kung sumapit na sa kanyáng kabanatang kinaúukulan.
G. ¿Alínalín namán ang mg̃a pang̃ulo at mg̃a pangtulong na anyô sa pangtiyák?
N. Ang mg̃a pang̃ulong anyô sa pangtiyák na siyáng pinagbábatayán ng̃ mg̃a ibá ay tatló: ang in, ang i at ang an. Kung ang mg̃a anyông itó ay iangkáp ó isugpóng sa mg̃a ugát ay nang̃agigíng pangwatas din na siyáng ginágamit sa pagtukoy ó pagdalirì ng̃ anó mang ng̃alan ó bagay; hal.: sa sulat ay sulatIN, sa subò ay Isubò, sa hulà ay hulàAN. Ang mg̃a pangtulong na anyô ay nakakápatas sa karamihan ng̃ mg̃a pangtulong sa pangbalak at kung minsa’y humihigít dito, kayâ’t hindî na dapat itanghál sa kabanatang itó kundî sa kanyáng kinaúukulan.
G. Sa madalìáng sabi, ¿alín ang mg̃a pang̃ulong anyô na sinásakláw ng̃ pangbalak at ng̃ pangtiyák?
N. Náitó ang sakláw ng̃ isá’t isá na siyáng pinakapang̃ulo: anyông pangbalak: um, mag, mang at ma; at anyông pangtiyák: in, i at an.
G. ¿Anó ang tinátawag na anyông um?
N. Tinátawag na anyông um, ang pangwatas na kinasising̃itan ó kinaáangkapán ng̃ um ang salitâng ugát. Ang um ay pangsing̃it kung ang ugát ay nagpapásimulâ sa pangtinig (ó consonante), gaya ng̃ bUMasa, lUMakad, tUMakbó; at pang-angkáp kung nagpapásimulâ namán sa ting̃ig (ó vocal), paris ng̃ UMulán, UMakay, UMutang.
G. ¿Anó ang tinátawag na anyông mag?
N. Tinátawag na anyông mag ang pangwatas, na, naáangkapán ng̃ mag ang salitâng ugát, paris ng̃ MAGsaing, MAG-alay, MAGlarô.
G. ¿Anó ang tinátawag na anyông mang?
N. Tinátawag na anyông mang ang pangwatas na ang salitâng ugát ay ináangkapán ng̃ mang, paris ng̃ MANGbihag, MANG̃ahoy, MANG̃usá.
G. ¿Anó ang tinátawag na anyông ma?
N. Tinátawag na anyông ma ang pangwatas, na, kinaáangkapán ng̃ ma ang salitâng ugát, gaya ng̃ MAhulog, MAgulat, MAhigâ.
G. ¿Anó namán ang tinátawag na anyông in?
N. Tinátawag na anyông in ang pangwatas na kinasusugpung̃án ng̃ in ang salitâng ugát, paris ng̃ buhatIN, tapusIN, ulitIN.
G. ¿Anó ang tinátawag na anyông i?
N. Tinátawag na anyông i ang pangwatas na may pang-angkáp na i sa salitâng ugát, paris ng̃ Isulat, Isumbóng, Ilakad.
G. ¿Anó ang tinátawag na anyông an?
N. Tinátawag na anyông an ang pangwatas, na, ang salitâng ugát ay sinusugpung̃án ng̃ an, gaya ng̃ utang̃AN, sumbung̃AN, tuksuhAN.
VII KABANATA Ukol sa pagbabaybáy (ó conjugación)
Gurò. ¿Anó ang tinátawag na pagbabaybáy (ó conjugación)?
Nag-aaral. Tinátawag na pagbabaybáy ang pagkakasunódsunód ng̃ nangyayaring pagkakabagobago sa pangwatas.
G. ¿Sa anó nabábahagi itóng pagbabaybáy?
N. Nabábahagi sa apat na siyáng pinagmumulâan ng̃ pagkakáibáibá ng̃ pangwatas: Ayos (ó modo), panahón (ó tiempo), bilang (ó número) at katawán (ó persona).
SA MG̃A AYOS NG̃ PANGWATAS
G. ¿Anó ang mg̃a ayos ng̃ pangwatas (ó modos del verbo)?
N. Tinátawag na mg̃a ayos ng̃ pangwatas, yaóng mg̃a karaniwang hugis na ibá’t ibá sa pagsasaysáy ó pagbabadyá ng̃ pangwatas.
G. ¿Ilán ang mg̃a ayos na ginágamit sa ating wikà?
N. Apat, katulad ng̃ sa kastilà: Pangbadyá (ó infinitivo), panghiwatig (ó indicativo), pang-utos (ó imperativo) at pangsukob (ó subjuntivo).
G. ¿Anó ang ipinahahayag ng̃ ayos pangbadyá?
N. Ang pangbadyá ay nakákawangkîng totoó ng̃ mg̃a salitâng pangdiwà (ó sustantivo) na may hugis pangwatas at siyáng pinanggagaling̃an ng̃ ibá’t ibáng ayos, hal.: Sumulat, magtago, manglibák, mahinog. Dapat mabatíd na ang ayos na itó ay hindî maáarìng magbadyá ng̃ panahón, ng̃ bilang ni ng̃ katawán (ó persona).
G. ¿Anó ang sinasaysáy ng̃ ayos panghiwatig?
N. Ang panghiwatig ay nagpapahayag ng̃ lubós, malayà at tápatang kátuturán ng̃ pangwatas, na hindî nang̃áng̃ailang̃an ng̃ anó mang tulong ng̃ ibá, at dahil dito kung kayâ siyáng lalòng madalás gamitin kay sa ibá, hal.: Akó’y bumabasa, siyá’y sumusulat, tayo’y nang̃ing̃isdâ, silá’y nang̃agsasaing.
G. ¿Anó ang ibinabadyá ng̃ ayos pang-utos?
N. Ang pang-utos ay nagbabadyá ng̃ pag-úutos, panunuyò, pang̃ang̃aral ó pagpapahintulot; hal.: bumasa ka, mang̃usá tayo, tumakbó kayó.
G. ¿Anó namán ang sinasabi ng̃ ayos pangsukob?
N. Ang pangsukob ay hindî nagbabadyá ng̃ anó mang kátuturán kung sa kanyáng sarili lamang kundî nang̃áng̃ailang̃an ng̃ tulong ng̃ kapwà pangwatas, at ginágamit kailan ma’t nagsasaysáy ng̃ pagnanais ó pakikibagay (ó condicional), hal.: Kung susulat siyá ay sabihin mo sa akin, kung nang̃ung̃usap ka’y nagagalit akó.
SA MG̃A PANAHÓN NG̃ PANGWATAS
G. ¿Anó ang mg̃a panahón ng̃ pangwatas (ó tiempos del verbo)?
N. Tinátawag na mg̃a panahón ng̃ pangwatas, yaóng ibá’t ibáng panig ng̃ pagbabaybáy (ó conjugación) na nagpapakilala ng̃ panahóng ginagawâ ó nangyayari ang kátuturán ng̃ pangwatas.
G. ¿Ilán ang mg̃a panahón ng̃ pangwatas na dapat gamitin?
N. Ang mg̃a panahóng itó, kung talagáng titiyaking maigi ay may tatló lamang na siyáng matatawag na ganáp: ang kasalukuyan (ó presente), ang nakaraán (ó pasado) at haharapín (ó venidero), ng̃unì’t itóng dalawáng náhuhulí ay hinahatì pa sa ibá’t ibáng bahagi.
G. ¿Ilán ang mg̃a panahóng sakláw ng̃ ayos panghiwatig (ó modo indicativo)?
N. Sa Wikàng Tagalog ay apat lamang: kasalukuyan (ó presente), nakaraán (ó pretérito perfecto), nakaraán na (ó pretérito pluscuamperfecto) at haharapín (ó futuro). Sa ibáng pangwatas ay may isá pang panahóng idinaragdág na tinátawag na kararaán pa (ó pretérito imperfecto).
G. ¿Anó ang ipinahahayag ng̃ kasalukuyan ng̃ panghiwatig (ó presente de indicativo)?
N. Ang kasalukuyan ng̃ panghiwatig ay nagbabadyáng ang kátuturán ng̃ pangwatas ay ginaganáp, ginagawâ ó nangyayari sa ng̃ayón, hal.: Akó’y bumabasa, siyá’y sumusulat, silá’y naglalarô.
G. ¿Anó ang sinasaysáy ng̃ nakaraán (ó pretérito perfecto)?
N. Ang nakaraán ay nagsasaysáy na ang kátuturán ng̃ pangwatas ay nangyari ó lumipas na, hal.: Siyá’y nag-aral, akó’y natulog, tayo’y naglakád.
G. ¿Anó ang ibinabadyá ng̃ nakaraán na (ó pluscuamperfecto)?
N. Ang nakaraán na, ay nagbabadyá na ang kátuturán ng̃ pangwatas ay nangyari na, higít pa sa panahóng nakaraán; hal.: nakasulat na akó nang dumating ang liham; nang umulán ay nakapaligò na siyá.
G. ¿Anó ang sinasabi ng̃ panahóng haharapín (ó futuro)?
N. Ang haharapín ay nagsasaysáy na ang kátuturán ng̃ pangwatas ay mangyayari, gagawín ó gaganapín, hal.: Akó’y mang̃ing̃isdâ, siyá’y maglalakbáy, tayo’y magpupulong.
G. ¿Ilán ang panahóng sakláw ng̃ ayos pang-utos (ó modo imperativo)?
N. Íisá pò lamang, at ang isáng itó’y tinátawag na kasalukuyan (ó presente), sapagkâ’t ang salitâng nagbabadyá ng̃ pag-úutos, panunuyò, at ibá pa ay sápilitáng na sa panahóng násabi, kahì’t na ang pag-úutos na itó at panunuyò ay ginaganáp ó gaganapín pagkátapos; hal.: Itóng sulat ay dalhín mo ng̃ayón, ó itóng sulat ay dalhín mo bukas. Dapat matantô na ang panahóng itó ay walâng unang katawán, (ó primera persona) sapagkâ’t hindî mangyayari kailan man na ang isáng nag-úutos ay mag-utos sa kanyáng sarili.
G. ¿Ilán ang panahóng sakláw ng̃ ayos pangsukob (ó modo subjuntivo)?
N. Tatló lamang: kasalukuyan (ó presente), nakaraán (ó pasado) at haharapín (ó futuro).
G. ¿Anó ang sinasaysáy ng̃ panahóng kasalukuyan?
N. Ang nagbabadyá ng̃ ginaganáp ó nangyayari sa ng̃ayón kailan ma’t nagkakahulugán ng̃ pagnanais ó pakikibagay, hal.: Kung bumabasa akó ay sumusulat ka; kung kumakain ka ay huwág kang maglalarô.
G. ¿Anó ang ipinahahayag ng̃ panahóng nakaraán?
N. Ang panahóng nakaraán ay nagpapahayag na ang kátuturán ng̃ pangwatas ay nangyari na, at nagkakahulugán ng̃ pagnanais ó pakikibagay; hal.: bumasa ka sana at akó’y babasa rin; kung ikáw’y lumakad ay nakita mo sana ang prusisión.
G. ¿Anó ang ibinabadyá ng̃ panahóng haharapín?
N. Ang panahóng haharapín ay nagbabadyáng ang kátuturán ng̃ pangwatas ay mangyayari ó gagawín, at nagkakahulugán ng̃ pagnanasà ó pakikibagay; hal.: kung áalís ka’y sabihin mo sa akin; kung babasa ka ay bumasa ka ng̃ marahan.
SA MG̃A BILANG AT SA MG̃A KATAWÁN
G. ¿Anó ang bilang ng̃ pangwatas (ó número del verbo)?
N. Bilang ng̃ pangwatas ang nangyayaring pagkakabagobago na nagbabadyá kung ang pang̃ulo (ó sujeto) ay náuukol sa isá ó maraming tao ó bagay.
G. ¿Ilán itóng mg̃a bilang ng̃ pangwatas?
N. Dalawá, kaparis ng̃ ibáng bahagi ng̃ kaisipán: bilang na íisá at bilang na dalawá ó marami. Kung tumutukoy lamang sa isáng tao ó bagay ay dapat gamitin ang bilang na íisá, gaya ng̃ Si Pedro ay bumabasa, si Lucio ay sumusulat. Kung bumabanggít namán sa dalawá ó maraming tao ó bagay, ay dapat gamitin ang bilang na dalawá ó marami, gaya ng̃ tayo ay kumain, silá’y maglutò.
G. ¿Anó ang katawán (ó persona) sa urì ng̃ Balarilà?
N. Tinátawag na katawán ang alín mang salitâng pangdiwà (ó sustantivo) ó pangtayô (ó pronombre) na siyáng pang̃ulo (ó sujeto) ng̃ pangwatas.
G. ¿Ilán ang mg̃a katawán?
N. May anim na lahát: tatló ang náuukol sa bilang na íisá: akó, ikáw at siyá; hal.: Akó’y bumabasa; ikáw’y sumusulat; siyá’y naglalarô; at tatló rin ang sa dalawá ó marami: tayo ó kamí, kayó at silá, hal.: tayo ó kamí ay nag-áaral, kayó’y naglulutò, silá’y lumálakad. Dapat matantô na ang ikáw ay nagigíng ka kailan ma’t náhuhulí sa pangwatas, gaya ng̃ ikáw’y sumusulat, ó sumusulat ka.
VIII KABANATA Ang pangbalak na anyông “UM”
Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông um?
Nag-aaral. Tinátawag na anyông um ang pangwatas na may pangsing̃it ó pang-angkáp na um sa salitâng ugát.
G. ¿Anó ang káhalagaháng tagláy ng̃ anyông itó?
N. Malakí pò, sapagkâ’t sa kanyá nanggagaling ang lubhâng maraming pangwatas na tagalog na siyáng nagbibigáy kápakanán sa ating mg̃a salitâ, at dahil dito kung kayâ ang um ay dapat ibilang sa isáng mahalagá at pang̃ulong anyô sa ating wikà.
G. ¿May iláng hugis (ó forma) itóng anyông um?
N. Dalawá: Una, kung ang um ay nákukulóng ng̃ dalawáng titik ng̃ unang pantíg ng̃ salitâng ugát na nagsisimulâ sa pangtinig (ó consonante); at ikalawá, kung naáangkáp sa salitâng ugát na nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal).
MG̃A TUNTUNIN SA PAGBABAYBÁY
G. ¿Paano ang pagbabaybáy (ó conjugación) sa unang hugis ng̃ anyông “um”?
N. Bago tumung̃o sa pagbabaybáy ay kailang̃an munang matantô ang mg̃a tuntunin nitó, at itóng mg̃a sumúsunód:
Una.—Ang pangbadyá (ó infinitivo) ay binubuô ng̃ salitâng ugát na nagsisimulâ sa pangtinig at ng̃ anyông “um” na isinising̃it itó sa unang dalawáng titik niyón, gaya ng̃ sumulat, gumamót, lumayô.
Ikalawá.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ panghiwatig (ó presente de indicativo) ay binubuô ng̃ pangbadyá at inúulit ang unang pantíg ng̃ salitâng ugát, gaya ng̃ sumusulat, gumagamót, lumalayô.
Ikatló.—Ang panahóng nakaraán (ó tiempo pasado) ay katulad din ng̃ pangbadyá, na, binubuô ng̃ salitâng ugát at ng̃ pangsing̃it na um gaya ng̃ sumulat, gumamót, lumayô.
Ikaapat.—Ang panahóng nakaraán na (ó pluscuamperfecto) ay may dalawáng paraán ng̃ pagbubuô: una, ináangkapán ng̃ naka ang salitâng ugát at sa hulí’y dinaragdagán ng̃ na gaya ng̃ nakasulat na, nakagamót na, nakalayô na; at ikalawá, ang pangbadyá at dinaragdagán pa sa hulí ng̃ na, gaya ng̃ sumulat na, gumamót na, lumayô na.
Ikalimá.—Ang panahóng haharapín (ó futuro) ay binubuô ng̃ salitâng ugát at ang pag-ulit ng̃ unang pantíg nitó, gaya ng̃ susulat, gagamót, lalayô.
Ikaanim.—Ang pang-utos (ó imperativo) ay ang ginágamit sa pangbadyá ó kayâ’y ang ugát na sining̃itan ng̃ um sa unang pantíg nitó; gaya ng̃ sumulat, gumamót, lumayô.
Ikapitó.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ pangsukob (ó presente de subjuntivo) ay binubuô ng̃ kasalukuyan sa panghiwatig at sakâ pinang̃ung̃unahan ng̃ salitâng kung; gaya ng̃ kung sumusulat, kung gumagamót, kung lumalayô.
Ikawaló.—Ang panahóng nakaraán (ó tiempo pasado) ay binubuô ng̃ nakaraán sa panghiwatig at sa una’y nilálagyán ng̃ kung; gaya ng̃ kung sumulat, kung gumamót, kung lumayô.
Ikasiyám.—Ang panahóng haharapín (ó tiempo futuro) ay binubuô ng̃ haharapín sa panghiwatig at sa una’y dinaragdagán ng̃ kung; gaya ng̃ kung susulat, kung gagamót, kung lalayô.
G. Ng̃ayóng máitatág na ang mg̃a tuntunin ukol sa unang hugis ng̃ anyông um, ¿paano ng̃â ang kanyáng pagbabaybáy?
N. Sang-ayon sa mg̃a tuntuning náilagdâ ay dapat baybayín ang unang hugis ng̃ um na siyáng isinising̃it sa unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg ng̃ ugát na nagpapásimulâ sa pangtinig (ó consonante) sa paraáng sumúsunód. Ilagáy na halimbawà ang ugát na sulat at sing̃itan natin ng̃ um ang unang pantíg nitó, na nagigíng pangwatas na sumulat.
PAGBABAYBÁY SA ANYÔNG “UM”
Unang hugis.
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá Sumulat.
Panghiwatig Kasalukuyan Sumusulat.
„ Nakaraán Sumulat.
„ Nakaraán na { Nakasulat na.
{ Sumulat na.
„ Haharapín Susulat.
Pang-utos Sumulat.
Pangsukob Kasalukuyan Kung sumusulat[13].
„ Nakaraán Kung sumulat[14].
„ Haharapín Kung susulat.
G. ¿Paano namán ang mg̃a tuntunin ng̃ pagbabaybáy sa ikalawáng hugis ng̃ anyông um?
N. Ang mg̃a tuntuning ginamit sa pagbabaybáy sa unang hugis ay katulad din nitóng ikalawá, ng̃unì’t ang kauntîng kaibhán lamang ay iniáangkáp dito ang um sa mg̃a salitâng ugát na nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal) samantalàng doó’y isinising̃it. Baybayín natin ang ugát na ibig sang-ayon sa ikalawáng hugis ng̃ anyông um, sa makatwíd ang pangwatas na umibig.
PAGBABAYBÁY SA ANYÔNG “UM”
Ikalawáng hugis.
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá Umibig.
Panghiwatig Kasalukuyan Umíibig.
„ Nakaraán Umibig.
„ Nakaraán na { Nakaibig na.
{ Umibig na.
„ Haharapín Íibig.
Pang-utos Umibig.
Pangsukob Kasalukuyan Kung umíibig.
„ Nakaraán Kung umibig.
„ Haharapín Kung íibig.
G. ¿Anó ang dapat ipaalaala ukol sa anyông um?
N. Na, ang anyông um magíng sa una at ikalawáng hugis, sa iláng lálawigang nagsasalitâ ng̃ Wikàng Tagalog ay ginagawâng na sa panahóng kasalukuyan, hal.: Si Pedro ay násulat, siyá’y nábulong, akó’y náinóm sa lugál na sabihing sumusulat, bumubulóng at umíinóm.
G. ¿Anó pa ang mg̃a kabaguhang nangyayari ukol sa um?
N. Bukód sa mg̃a tuntunin nang náilagdâ ukol sa pagbabaybáy, ay mayroón pang isáng paraáng sinúsunód na siyáng másasabing tang̃ì ó bukód na tang̃ìng mangyayari kailan ma’t ang pangwatas ay may dalawáng pantíg at nagpapásimulâ sa titik na b, k ó p, na, alín man sa mg̃a itó’y nagigíng m kung sa pangbadyá (ó infinitivo) at pang-utos (ó imperativo), at nagigíng n kung sa kasalukuyan at nakaraán ng̃ panghiwatig (ó indicativo). Ang ibáng mg̃a panahón ay sinúsunód ang dating tuntunin. Halimbawà itóng sumúsunód:
Ugát Pangbadyá Pang-utos Kasalukuyan Nakaraán
Bihag. Mihag. Mihag. Nínihag. Nihag.
Kuha. Muha. Muha. Núnuha. Nuha.
Payag. Mayag. Mayag. Nánayag. Nayag.
KÁGAMITÁN NG̃ ANYÔNG “UM”
G. ¿Kailán ginágamit ang pang̃ulong anyông itó?
N. Sa ibá’t ibáng pangkát na náuuwî sa sarìsarìng bagay. Náritó ang mg̃a tuntuning sumúsunód ukol sa kanyáng paggamit:
I.—Sa pagpapahayag ng̃ pagbabago ng̃ anó man, hal.: pumutî, umitím, pumulá, lumakí, lumiít, umuntî, tumaás, bumabà, atbp.
II.—Sa pagsusulit ng̃ pagbabago ng̃ katawán ng̃ tao ó hayop, hal.: pumayát, tumabâ, umunlád, lumakí, tumaás, tumangkád, pumandák, gumalíng, lumubhâ, sumamâ, bumuti, atbp. Ang ilán nitó’y ginágamit sa mag, gaya ng̃ magbuntís, maghirap, maglubhâ atbp.
III.—Sa pagsasaysáy ng̃ kilos na kinukusà ng̃ tao, hal.: lumakad, tumakbó, gumapang, tumaób, dumapâ, tumagilid, umupô, lumuhód, tumindíg, tumihayà, tumalón, lumusong, lumang̃óy, lumuksó, atbp.
IV.—Sa pagsasabi ng̃ mg̃a katutubòng gawî ng̃ katawán, hal.: lumuhà, umiyák, tumang̃is, dumahák, lumurâ, sumuka, kumain, lumamon, uminóm, lumagók, kumamot, humikáb, bumahín, atbp.
V.—Sa pagbabadyá ng̃ mg̃a sariling gawî ng̃ damdamin kung sinasadyâ, hal.: tuming̃in, duminíg, umamóy, lumasáp, numamnám, humipò, dumumí, atbp. Ang ilán nitó’y ginágamit sa mag, gaya ng̃ magmasíd, magmalas, atbp.
VI.—Sa pagsusulit ng̃ kusàng pagsirà, paglupít ó pagsakít, hal.: pumatáy, sumugat, sumunog, sumirà, gumibâ, bumasak, bumalì, sumuntók, pumutók, kumurót, kumalabít, tumampál, sumikad, sumipà, atbp.
VII.—Sa pagpapahayag ng̃ sarìsarìng katayùán ng̃ halaman, hal.: tumubò, sumuplíng, sumibol, lumitáw, lumakí, tumaás, lumagô, lumusóg, tumabâ, umunlád, umusbóng, sumang̃á, sumariwà, atbp. Ang ilán nitó’y ginágamit sa mag, mang ó ma, gaya ng̃ mag-ugát, mamulaklák, maunsiyamî, atbp.
VIII.—Sa pagsasaysáy ng̃ ibá’t ibáng kilos ó galáw ng̃ tubig, hal.: bumukál, bumalong, lumakí, bumuhâ, lumiít, kumati, umalon, tumapon, umagos, tumilansík, atbp.
IX.—Sa pagsasabi ng̃ paggawâ ng̃ anó man sa ibá, hal.: gumupít, gumamót, kumamot, sumukláy, umahit, kumapit, tumang̃an, humilot, atbp.
X.—Sa pagsasaád ng̃ mg̃a kilos na may tinatanggáp ang kumikilos ó ang gumagawâ, hal.: umutang, bumilí, umabót, humuli, sumunggáb, dumaklót, kumuha, tumanggáp, atbp.
XI.—Sa pagbabadyá ng̃ mg̃a kilos ng̃ dalawá, kailan ma’t tumutukoy lamang sa íisá, hal.: sumama, sumabáy, sumunód, sumalo, sumunò, tumirá, atbp. Kung bumabanggít sa dalawá ay ginágamit sa anyông mag, gaya ng̃ magsama, magsabáy, magsunód, magsalo, atbp.
XII.—Sa pagsusulit ng̃ lagáy ng̃ panahón at ng̃ lakad ng̃ ibá’t ibáng tangláw sa kalang̃itán, hal.: umaraw, umulán, umumaga, tumanghalì, humápon, gumabí, humatinggabí, sumikat, sumilang, lumiwanag, dumilím, kumulimlím, kumisláp, numingníng, atbp. Tumutukoy rin kung minsan sa mg̃a anyông mag at mang, paris ng̃ magdilím, mamanaag, atbp.
XIII.—Sa pagsasaád ng̃ mg̃a katutubòng pangyayari sa pang̃anorin at sa katalagahán, hal.: humang̃in, bumagyó, umulán, umambón, kumidlát, kumulóg, lumindól, atbp.
XIV.—Sa pagsasaysáy ng̃ pagsigíd ó pagkagát ng̃ anó mang hayop, hal.: kumagát, sumigíd, tumukâ, sumakmál, pumupog, kumamot, sumuwák, sumipà, atbp.
XV.—Sa pagsasabi ng̃ mg̃a sigáw ó huni ng̃ anó mang hayop, hal.: sumigáw, humuni, umung̃al, tumahól, ng̃umiyáw, tumilaok, sumiyáp, kumakag, atbp.
XVI.—Sa pagbabadyá ng̃ mg̃a sarìsarìng pagtugtóg ó pag-awit na ginagawâ ng̃ tao sa sarili niyá ó sa ibá’t ibáng kasangkapan, hal.: umawit, kumantá, tumugtóg, humihip, tumipâ, sumutsót, pumito, atbp.
XVII.—Sa pagsusulit ng̃ nahihinggíl sa poók ó dako, hal.: lumapit, lumayô, gumitnâ, tumabí, dumoón, dumito, dumiyán, pumarito, pumaroón, pumarini, pumariyán, atbp.
XVIII.—Sa paggamit ng̃ ibá’t ibáng hugis ng̃ kasangkapan sa paggawâ ng̃ anó man, hal.: sa baríl ay bumaríl, sa sibát ay sumibát, sa sumpít ay sumumpít, sa bató ay bumató, sa lagarì ay lumagarì, sa paít ay pumaít, sa guntíng ay gumuntíng, sa tabò ay tumabò, sa saguwán ay sumaguwán, sa timbâ ay tumimbâ, atbp.
TALABABÂAN
IX KABANATA Ang pangbalak na anyông “MAG”
Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông mag?
Nag-aaral. Tinátawag na anyông mag ang pangwatas na may pang-angkáp na mag sa salitâng ugát.
G. ¿Mahalagá rin bagá ang anyông itó na paris ng̃ um?
N. Kung ang um ay may mataás na urì at lubhâng makabuluhán sa ating mg̃a pangwatas gayón sa ating wikà, ang mag namán ay mayroóng ding urìng dakilà at káhalagaháng tagláy; kayâ’t ang mag ay nábibilang na pang̃alawá ng̃ um.
MG̃A PANUTO SA PAGBABAYBÁY
G. ¿Paano ang mg̃a tuntuning sinúsunód sa pagbabaybáy nitóng anyông mag?
N. Ang mg̃a panuto ó pátakaráng dapat sundín sa pagbabaybáy ay itóng mg̃a sumúsunód:
Una.—Ang pangbadyá (ó infinitivo) ay binubuô ng̃ salitâng ugát at ng̃ pang-angkáp na mag, gaya ng̃ MAGlarô, MAG-isip, MAGnasà.
Ikalawá.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ panghiwatig (ó presente de indicativo), ang mag ay dapat gawíng nag at ulitin ó dalawahín ang unang pantíg ng̃ salitâng ugát, gaya ng̃ naglalarô, nag-íisip, nagnanasà.
Ikatló.—Ang panahóng nakaraán ay binubuô ng̃ salitâng ugát at sakâ nag na siyáng nagíng kapalít ng̃ mag, gaya ng̃ naglarô, nag-isip, nagnasà.
Ikaapat.—Ang panahóng nakaraán na ay may dalawáng kaparaanán ng̃ pagbubuô: una, ang pangbadyáng mag ay dapat gawíng pag at sakâ angkapán ng̃ naka bago sa hulí’y dinaragdagán ng̃ na, gaya ng̃ nakapaglarô na, nakapag-isip na, nakapagnasà na; at ikalawá, ang panahóng nakaraán at sakâ dinaragdagán sa hulí ng̃ na, gaya ng̃ naglarô na, nag-isip na, nagnasà na.
Ikalimá.—Ang panahóng haharapín ay binubuô ng̃ pangbadyá at sakâ inúulit ó dinadalawá ang unang pantíg ng̃ salitâng ugát, gaya ng̃ maglalarô, mag-iisip, magnanasà.
Ikaanim.—Ang pang-utos (ó imperativo) ay katulad din ng̃ pangbadyá ó kayâ’y ang ugát na inangkapán ng̃ mag, gaya ng̃ maglarô, mag-isip, magnasà.
Ikapitó.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ pangsukob (ó presente de subjuntivo) ay binubuô ng̃ kasalukuyan sa panghiwatig at sakâ pinang̃ung̃unahan ng̃ kung, gaya ng̃ kung naglalarô, kung nag-íisip, kung nagnanasà.
Ikawaló.—Ang panahóng nakaraán ay binubuô ng̃ nakaraán sa panghiwatig at nilálagyán sa una ng̃ kung, gaya ng̃ kung naglarô, kung nag-isip, kung nagnasà.
Ikasiyám.—Ang panahóng haharapín ay binubuô ng̃ haharapín sa panghiwatig at sakâ nilálagyán sa una ng̃ kung, gaya ng̃ kung maglalarô, kung mag-iisip, kung magnanasà.
G. ¿Paano ng̃ayón ang hugis ng̃ pagbabaybáy ng̃ anyông mag?
N. Sang-ayon sa mg̃a náilagdâng tuntunin ay dapat baybayín sa kaparaanáng sumúsunód. Ilagáy na halimbawà ang ugát na larô at angkapán itó ng̃ mag, na nagigíng pangwatas na maglarô.
PAGBABAYBÁY SA ANYÔNG “MAG”
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá Maglarô.
Panghiwatig Kasalukuyan Naglalarô.
„ Nakaraán Naglarô.
„ Nakaraán na { Nakapaglarô na.
{ Naglarô na.
„ Haharapín Maglalarô.
Pang-utos Maglarô.
Pangsukob Kasalukuyan Kung naglalarô.
„ Nakaraán Kung naglarô.
„ Haharapín Kung maglalarô.
KÁGAMITÁN NG̃ ANYÔNG “MAG”
G. ¿Kailan dapat gamitin ang anyông “mag” na siyáng ikalawáng pang̃ulo ng̃ mg̃a anyông pangbalak?
N. Sa mg̃a bagay at kaparaanáng sumúsunód:
I.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagtatapon, pagbibiyayà ó pagpapahayag, hal.: magtapon, maglabás, magbigáy, magkaloób, magbiyayà, magtulot, magsulit, magsalitâ, magsaysáy, magtalumpatì, magpahayag, atbp.
II.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagkilos ó paggaláw na ginagawâ sa ibá, hal.: mag-alís, maglagáy, maglapit, maglayô, magpanhik, magpanaog, atbp. Kung ang pagkilos ó paggaláw na itó’y ibinabagay lamang sa sarili ay dapat iukol sa um, hal.: umalís, lumagáy, lumapit, lumayô, pumanhík, pumanaog, atbp.
III.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagkilos ó paggawâ na ginaganáp ng̃ sino man sa kaniyáng sarili, hal.: mag-ahit, maggupit, maghilamos, maghugas, magsukláy, atbp.
IV.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagsusuút ó ng̃ paggamit sa katawán na nanggaling sa mg̃a ng̃alan ng̃ kasúutan, hal.: sa barò ay magbarò, sa salawál ay magsalawál, sa tapis ay magtapis, sa singsing ay magsingsing, sa hikaw ay maghikaw, sa salakót ay magsalakót, sa payong ay magpayong, sa tungkód ay magtungkód.
V.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagigíng anó man na nagbuhat sa mg̃a ng̃alan ng̃ katungkulan, na lalòng kapit na kapit sa mg̃a salitâng hirám, hal.: magdiputado, (diputado); mag-abogado, (abogado); maggobernador, (gobernador); maggurò, (gurò); magmédiko, (médiko); atbp.
VI.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ paggawâ ng̃ anó mang lutò na nagbuhat sa mg̃a salitâng pangdiwà (ó sustantivo), hal.: sigáng, magsigáng; paksíw, magpaksíw; gulay, maggulay; kanin, magkanin; gisá, maggisá; lutò, maglutò; ihaw, mag-ihaw; bagong, magbagong; atbp.
VII.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ paggamit, na nanggaling sa mg̃a pangdiwà (ó sustantivo), hal.: sukà, magsukà; patís, magpatís; asín, mag-asín; ulam, mag-ulam; atbp.
VIII.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagtatangkilik ó paggawâ ng̃ anó man na nanggaling sa mg̃a salitâng pangdiwà (ó sustantivo), hal.: bahay, magbahay; aklát, mag-aklát; prinsá, magprinsá; asarol, mag-asarol; pisì, magpisì; katám, magkatám; susì, magsusì; atbp.
IX.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ sumakáy ó maglakbáy na nagbubuhat sa mg̃a pang̃alan ng̃ sasakyán, hal.: bangkâ, magbangkâ; trambia, magtrambia; tren, magtren; bapor, magbapor; globo, magglobo; karitón, magkaritón; atbp.
X.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pakikipanig ó pakikitulad sa asal at kasúutan ng̃ mg̃a bansá, bayan ó lahì na nang̃agsipagbuhat sa mg̃a ng̃alan ó kátawagán ng̃ mg̃a itó, hal.: amerikano, mag-amerikano; kastilà, magkastilà; intsík, mag-intsík; atbp.
XI.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ anó man sang-ayon sa ugát na tagláy, na nanggagaling sa mg̃a salitâng hirám, hal.: sombrero, magsombrero; tsikolate, magtsikolate; misa, magmisa; martilyo, magmartilyo; asukal, mag-asukal; atb.
XII.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ mg̃a kilos ng̃ dalawá kung ang mg̃a itó’y nábabanggít kapwà, hal.: magkita, mag-usap, mag-away, magtalo, magsama, magpulong, magyakap, atbp. Kung bumabanggít sa tatló ó marami ay dapat ulitin ang buông ugát ó ang dalawáng pantíg nitó, at ang mag ay dapat ilagáy na palagì sa pang-angkáp; hal.: magkitakita, magtalotalo, magyakapyakap, atbp.
XIII.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ paggagawàan ó pagkikilusán ng̃ dalawá magíng sa anó man tumutukoy, at sa mg̃a pangwatas na itó’y dapat na sugpung̃án ng̃ an ó han, hal.: mag-aliwan, magyakapán, magsintahan, magsayahan, magtuksuhan, magtawanan, atbp. Upáng tumukoy sa tatló ó marami ay dinadalawá ang ugát, hal.: mag-alíwalíwan, magtuksútuksuhan, magyakápyakapan. Ukol sa hulíng bagay na itó ay may isá pang paraáng ginagawâ, at itó’y ang paglalagáy sa bilang na dalawá ó marami (ó número plural) ng̃ pangwatas, hal.: mang̃ag-aliwan, mang̃agtuksuhan, mang̃agyakapan.
XIV.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagkukunwarî ó pagdadahilán, at ang pagbubuô nitó’y dinadalawá ó inúulit ang salitâng ugát na may dalawáng pantíg na ináangkapán ng̃ mag at sinusugpung̃án ng̃ an ó han; hal.: magbulagbulagan, magsakítsakitan, mag-iyakiyakan, atbp. Kung may tatlóng pantíg ay dapat ulitin lamang ang unang pantíg at ang unang dalawáng titik ng̃ ikalawáng pantíg ng̃ ugát, hal.: maghimuhimutukan.
XV.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagmamayabáng ó pamamarali ó pagsasayá na nagbubuhat sa mg̃a salitâng pangturing (ó adjetivo) na inangkapán ng̃ ma, hal.: magmabutí, magmataás, magmalakí, magmarunong, magmabihís, magmagilás, magmasayá, magmagalák, atbp.
XVI.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ mg̃a kilos na pagpaparami ó pagpapalabis, na kung sa um ay nagkakahulugán ng̃ íisá, at ang mg̃a pangwatas na itó’y dapat bigkasíng mariín sa hulíng pantíg; hal.: sumulat, magsulát; tumawa, magtawá; bumasa, magbasá; atbp. Ng̃unì’t kinakailang̃ang ulitin ó dalawahín ang unang pantíg ng̃ ugát ng̃ iláng pangwatas ng̃ um, hal.: bumilí, magbibilí; tumakbó, magtatakbó; atbp.
XVII.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagdaragdág ó pagpapalawig, kailan ma’t dinadalawá ó inúulit ang salitâng ugát, hal.: magkuròkurò, magnilaynilay, magdilìdilì, mag-isipisip.
XVIII.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ paglalakip ng̃ dalawá ó ang náuukol sa mg̃a kamag-anak, katoto, kapanalig, hal.: mag-amá, mag-iná, mag-anák, magbiyanan, magkaibigan, magkatoto, magbayáw, atbp.
XIX.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ pagpípitagan ó pag-áanyayà, kailan ma’t dalawá ang tinutukoy, hal.: magpugay, magkamáy, magyakap, magpaalam, mag-anyayà, magyakag, magyayâ, atbp.
XX.—Sa mg̃a bilang na marami kung ipinangbabahagi sa hanáy, pulutóng ó tumpók, at sa bagay na itó ay inúulit ang unang dalawáng pantíg kahì’t na magkaroón itó ng̃ pantíg na dalawá ó tatló, hal.: mag-isáisá, magdaládalawá, maglimálimá, atbp.
XXI.—Sa mg̃a pangwatas na nagkakahulugán ng̃ ibá’t ibáng kilos ng̃ paghahalaman ó pagtataním kailan ma’t tumutukoy sa pagkakaroón, hal.: magtaním, magpunlâ, mag-usbóng, magsang̃á, magbung̃a, magdilíg, mag-ugát, magdahon, atbp.
XXII.—Ang mg̃a salitâng ugát na nagpapásimulâ sa m na hindî maáarìng baybayín sa um, ay ginagawâng pangwatas sa pamamagitan ng̃ mag, hal.: magmatá, magmasíd, magmalas, magmana, atbp.
XXIII.—Ang mg̃a salitâng ugát na nagpapásimulâ sa w na hindî maáarìng baybayín sa um, ay ginagawâng pangwatas sa pamamagitan ng̃ mag, gaya sa warì ay magwarì, sa wastô ay magwastô, sa wikà ay magwikà, sa wilíg ay magwilíg, sa walís ay magwalís, atbp.
X KABANATA Ang pangtiyák na anyông “IN”
Gurò. ¿Anó ang tinátawag na anyông in?
Nag-aaral. Tinátawag na anyông in ang pangwatas na may sugpóng na in sa salitâng ugát.
G. ¿Anó ang káhalagahán ng̃ anyông itó?
N. Malakí pò, sapagkâ’t nanggagaling sa kanyá ang mg̃a pangwatas na tagalog na nagbabadyá ng̃ anó mang tiyák na bagay ó pang̃alan, na siyáng nagigíng katugmâ ng̃ mg̃a anyông pangbalak; kayâ’t ang in ay siyáng pang̃ulo sa mg̃a anyông pangtiyák.
G. ¿Paano ang paggamit sa anyông in?
N. May dalawáng paraán ang paggamit sa anyông itó: Una, kung ang salitâng ugát ay nagtatapós sa pangtinig (ó consonante), ó kayâ’y sa ting̃ig (ó vocal) na may kudlít na banayad (`) ó salakót (^) ay ginágamit ang in, gaya sa lasáp ay lasapín, sa hasâ ay hasâin, sa larô ay larùin, atbp. Ikalawá, kung ang salitâng ugát ay nagtatapós sa ting̃ig (ó vocal) na walâng diín ó kudlít, ó kayâ’y sa ting̃ig na may kudlít na mariín (´), ang anyông in ay dapat gawíng hin, gaya sa mana ay manahin, sa hila ay hilahin, sa damá ay damahín ó damhín, sa batá ay batahín ó bathín.
G. ¿Alín ang mg̃a kabaguhang dapat mangyari sa pagsusugpóng nitóng in sa salitâng ugát?
N. Itóng mg̃a sumúsunód:
Una.—Kung e ang katapusáng titik ng̃ salitâng ugát ay dapat gawíng i, gaya sa page ay pagihin, sa gabe ay gabihin, sa butsé ay butsihín, sa kapé ay kapihin.
Ikalawá.—Kung ang katapusáng pantíg ng̃ ugát ay may e na pinagigitnâan ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante), ang náturang e ay dapat gawíng i, gaya sa kiskés ay kiskisín, sa atés ay atisin.
Ikatló.—Kung o ang katapusáng titik ng̃ salitâng ugát ay dapat gawíng u, gaya sa tuksó ay tuksuhín, sa larô ay larùin, sa pasò ay pasuin.
Ikaapat.—Kung ang katapusáng pantíg ng̃ ugát ay may o na pinagigitnâan ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante), ang násabing o ay dapat gawíng u, gaya sa bunot ay bunutin, sa kahoy ay kahuyin, sa pukpók ay pukpukín.
Ikalimá.—Kung ang katapusáng pantíg ng̃ salitâng ugát ay nagdudulo sa ad, ed, id, od, ó ud, na ang mg̃a itó’y maáarìng baybayín sa in, ang d ay dapat gawíng r sang-ayon sa talagáng tuntuning sinúsunód ukol dito; gaya sa tilád ay tilarín, sa lipád ay liparin, sa sisid ay sisirin, sa ubod ay uburin, atbp. Kung minsan ay hindî nagbabago ang d, at dahil dito ay náwawalâ ang i ó ang o sa mg̃a salitâng nagtatapós sa id ó od, gaya sa patíd ay patdín, sa bukód ay bukdín.
Dapat matantô na ang dalawáng tuntuning náuuná ay bihiràng mangyari, sapagkâ’t sa Wikàng Tagalog ay madalang kung dî man másasabing walâ ang mg̃a salitâng mayroóng e sa katapusáng pantíg ng̃ mg̃a salitâng ugát.
HUGIS NG̃ “IN” AT ANG KANYÁNG MG̃A TUNTUNIN SA PAGBABAYBÁY
G. ¿Mayroóng ilán ang hugis (ó forma) ng̃ in?
N. Katulad din pò ng̃ um na may dalawáng hugis: Una, kung ang ugát ay nagpapásimulâ sa pangtinig (ó consonante) ay ginágamit ang in sa pangsing̃it at pangsugpóng; at ikalawá, kung ang ugát ay nagpapásimulâ sa ting̃ig (ó vocal) ay ginágamit namán ang in sa pang-angkáp at pangsugpóng.
G. Tungkól sa unang hugis, ¿alín ang mg̃a panutong sukat mapagpátakarán ukol sa pagbabaybáy (ó conjugación)?
N. Ang mg̃a sumúsunód na tuntunin, sang-ayon sa kaniyáng mg̃a ayos at mg̃a panahón:
1.—Ang pangbadyá ay binubuô ng̃ salitâng ugát at ng̃ pangsugpóng na in, gaya ng̃ tawagin, basagin, hampasín.
2.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ panghiwatig ay binubuô ng̃ ugát na sining̃itan ng̃ in sa unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg at sakâ inúulit ang unang pantíg ng̃ náturang ugát, gaya ng̃ tinátawag, binabasag, hinahampás.
3.—Ang panahóng nakaraán ay binubuô na ugát at sakâ sinising̃itan ng̃ in sa unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg ng̃ náturang ugát, gaya ng̃ tinawag, binasag, hinampás.
4.—Ang panahóng nakaraán na ay binubuô ng̃ panahóng nakaraán at sakâ sa hulí’y sinusundán ng̃ na, gaya ng̃ tinawag na, binasag na, hinampás na.
5.—Ang panahóng kararaán ay binubuô ng̃ ugát na inulit ang unang pantíg nitó, sakâ ináangkapán ng̃ ka at sa hulí’y sinusundán ng̃ pa; gaya ng̃ kátatawag pa, kábabasag pa, káhahampás pa.
6.—Ang panahóng haharapín ay binubuô ng̃ pangbadyá at sakâ inúulit ang unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg ng̃ salitâng ugát, gaya ng̃ tatawagin, babasagin, hahampasín.
7.—Ang pang-utos ay katulad din ng̃ pangbadyá ó kayâ’y ang ugát na sinugpung̃án ng̃ in, gaya ng̃ tawagin, basagin, hampasín.
8.—Ang panahóng kasalukuyan ng̃ pangsukob ay binubuô ng̃ kasalukuyan sa panghiwatig at sakâ nilálagyán sa una ng̃ kung gaya ng̃ kung tinátawag, kung binabasag, kung hinahampás.
9.—Ang panahóng nakaraán ay binubuô ng̃ nakaraán ng̃ panghiwatig at may kung sa una, gaya ng̃ kung tinawag, kung binasag, kung hinampás.
10.—Ang panahóng haharapín ay binubuô ng̃ haharapín ng̃ panghiwatig at nilálagyán sa una ng̃ kung, gaya ng̃ kung tatawagin, kung babasagin, kung hahampasín.
G. Ng̃ayóng náilagdâ na ang mg̃a tuntunin ng̃ pagbabaybáy nitóng in, ¿paano namán ang kanyáng hugis?
N. Sa pagbabaybáy nitóng unang hugis ng̃ in ay ilagáy na halimbawà ang ugát na tawag at sakâ sugpung̃án ng̃ in na nagigíng pangwatas na tawagin, pangwatas itóng katugmâ ng̃ tumawag na binaybáy sa um.
PAGBABAYBÁY SA ANYÔNG “IN”.
Unang hugis.
Ayos. Panahón. Pagbaybáy.
Pangbadyá Tawagin.
Panghiwatig Kasalukuyan Tinátawag.
„ Nakaraán Tinawag.
„ Nakaraán na Tinawag na.
„ Kararaán Kátatawag pa.
„ Haharapín Tatawagin.
Pang-utos Tawagin.
Pangsukob Kasalukuyan Kung tinátawag.
„ Nakaraán Kung tinawag.
„ Haharapín Kung tatawagin.
G. ¿Sinúsunód bagá sa tuwîtuwî na ang ganitóng pagbabaybáy sa unang hugis ng̃ anyông in?
N. Hindî pò, at may isáng pásubalìng (excepción) dapat matatág na siyáng kinagawìáng gawín ng̃ marami, tang̃ì sa madalîng bigkasín at magandáng pakinggán. Ang náunáng pásubalì ay náuuwî sa ganitó: Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng ugát, na nagpapásimulâ sa mg̃a pangtinig na l, w, at y na binabaybáy sa anyông pangtiyák na in, itó (ang in) ay nagigíng ni at hindî isinising̃it kundî iniáangkáp, na tang̃ìng mangyayari sa mg̃a panahóng kasalukuyan (ó presente), nakaraán (ó pasado) at ang mg̃a sakláw nitó, ng̃unì’t sa ibá pang panahón ay dapat sundín ang talagáng tuntuning sinúsunód ng̃ in. Náitó ang iláng halimbawà ukol sa dalawáng tuntuning pangkalahatán at pásubalì:
Ugát. Panahón. Pangkalahatán. Pásubalì.
Lináng Kasalukuyan Linilináng Nililináng
Nakaraán Linináng Nilináng
Wastô Kasalukuyan Winawastô Niwawastô
Nakaraán Winastô Niwastô
Yantók Kasalukuyan Yinayantók Niyayantók
Nakaraán Yinantók Niyantók
G. Tungkól sa ikalawáng hugis, ¿alín namán ang mg̃a panutong dapat taluntunín sa pagbabaybáy?
N. Gaya rin ng̃ mg̃a pátakaráng náilagdâ at sinunód sa unang hugis, ng̃unì’t ang kauntîng kaibhán lamang ay sa ikalawáng hugis na itó’y ang in ay iniáangkáp sa mg̃a lugál na pinagsising̃itan sa unang ayos. Baybayín natin ng̃ayón ang ugát na agaw sang-ayon sa ikalawáng hugis ng̃ in, sa makatwíd ang pangwatas na agawin.