UNANG HAPON.
Tomás de Iriarte translation
Si Teodora. ¿Dito baga tayo, ama?
Ang Ama. Oo, dito sa ilalim nang punò nang manzano.
Si Nicolás. Ito,y, isang lugar na totoong cauiliuili.
Ang Lahat (nang̃aglucsuhan sa malaquing toua at ang uica nila,y,). Cauiliuiling totoo dito.
Ang Ama. Datapoua,t, ¿anong iniisip ninyong gauin habang sinasalita co sa inyo ang Historiang ito? Caraniua,y, ayao cayong magtung̃ang̃a lamang: ang ualang guinagaua cailan man ay di mabuti.
Si Juan. Nararapat na tayo,y, magcaroon nang anomang paglilibang̃an dito.
Ang ina. Aco,y, may dala náng gulay na hihimayin. ¿Sinong ibig tumulong sa aquin?
Ang Lahat. Aco, aco, aco.
Si Teodora. Caming dalaua ni Luisa, at icao, Cárlos, ¿maghihimay baga tayo nang gulay?
Si Luisa. Aco,y, hindi, sa pagca,t, gagauin co ang tanicalang itinuturo sa aquin nang ating ina.
Si Teodora. Cung gayo,y, tayo,y, maghimayhimay na dalaua lamang. Halica, Cárlos, umupo ca.
Si Basilio (naquiupo naman, at naguica:) Ibig co namang gumaua na para ninyo.
Si Ramon. At aco naman.
Si Enrique. Dito,y, maluag. Tingnan natin cung sino pa ang maghihimay.
Ang Ama. Lumagay cayo na mangyaring maquita ninyo ang paglubog nang arao, sa pagca,t, ng̃ayon ay totoong mariquit ang lagay nang lang̃it.
(Nagsiupong lahat, at pinasimulan ang paggaua nila.)
Ang Ama. Ng̃ayon, mang̃a anac co, sasalitin co sa inyo ang isang Historia, ó isang nangyaring totoong cacaiba, na sa pasimula,y, maninindig ang inyong mang̃a buhoc, at pagcatapus ay ilulucso ninyo sa touà.
Si Tedodora. Oh! houag sanang totoong malungcot.
Si Luisa. Cung totoong malungcot, ay houag; sa pagca,t, iiyac caming ualang pagsala.
Si Juan. Pabayaan natin, at naaalaman nang ating ama ang caniyang guinagaua.
Ang Ama. Houag cayong matacot, mang̃a anac co, at sasalitin co sa inyo nang boong pagiing̃at, nang houag magcaroon nang anomang bagay na totoong malungcot.
Sa ciudad nang Hamburgo ay may isang tauong ang apellido,y, Robinson, na may tatlong anac. Ang pang̃anay ay nacaibig na magsundalo; nagsundalo na ng̃a, at namatay sa isang digmà laban sa mang̃a francés. Ang icalaua,y, nahilig sa pagaaral, at isang arao sa paginom nang tubig na malamig sa oras na totoong naiinitan, ay nagcasaquit nang dibdib at namatay.
Si Luisa. Caya ng̃a ang uicà nang ating ama, ay capagca tayo,y, totoong naiinitan, ay di dapat uminom.
Ang Ama. Ualang natitirá cundi ang anac na bunsò, na ang ng̃ala,y, si Conrado; at caya ng̃a ang ama at ina magmulà niyon ay ang boong pagasa,y, inilagay sa nacaisaisang anac, na iniibig na parang balintatao nang mang̃a mata; datapoua,t, ang canilang pagmamahal ay hindi mabuti.
Si Teodora. ¿At anong ibig ninyong sabihin, ama co, dito sa hindi mabuting pagmamahal?
Ang Ama. Ng̃ayo,y, ipahahayag co sa iyo.—Cayo,y, iniibig naman namin, para nang natatalastas na ninyo: datapoua,t, gayon man ay pinagpipilitan namin na cayo,y, matutong gumaua, tinuturuan namin cayo nang maraming bagay na nacauiuili at paquiquinabang̃an, sa pagca,t, natatalastas namin na sa paraang ito ay cayo,y, babait, at cung gayo,y, ualang pagsalang cayo,y, magcacapalad. Datapoua,t, ang mang̃a magulang ni Conrado ay iba ang pagpapalagay, sa pagca,t, pinababayaang gauin ang balang maibigan nang minamahal nilang anac; at pagca,t, ang munting caballero,y, ualang iniibig cundi ang maglaro, at ayao magsipag at magaral nang anomang bagay, pinababayaang ualang guinagaua at maglicot sa boong maghapon; na sa macatouid, ay sa pagaaral at sa mabuting turò nang magulang ay ualang pinapaquinabang. Ito ng̃a, anac co, ang tinatauag na pagmamahal na hindi mabuti.
Si Teodora. Ng̃ayon co natalastas.
Ang Ama. Lungmalaqui ang batang si Robinson na ualang matutuhang paglag-yan sa caniya. Ninanasà nang ama na magaral nang pang̃ang̃alacal; datapoua,t, hindi ibig nang anac, sa pagca,t, ayon sa caniyang uicà, ang lalong ibig niya,y, macaquita nang mundo at magpagalagala: sa catagang uica,y, ualang iniibig cundi ang siya,y, mabuhay na pagayon lamang, ualang gauà at ualang quinapapacanan, na parang hindi tayo itinalaga sa alin mang calagayan na sucat paquinabang̃an. Sa catunaya,y, ang batang ito,y, ualang munting pagiisip nang pagsasalità. Cung siya,y, nagaral nang mang̃a bagay na sucat paquinabang̃an at quinacailang̃an, ay ibang iba sana ang caniyang pananalità; datapoua,t, ¿anong mahihità sa paggalà sa mundo nang isang binatang ualang munting pinagaralan na para ni Conrado? Capag nagnanasang maghanap buhay sa alin mang bayan ay quinacailang̃an ang pagcatalastas at catalasan; at ang ating Robinson ay hindi nag-iisip nang ganitong bagay.
Tumuntong na siya sa labing pitong taon, at hangan nion ay ualang guinagaua cundi ang acsayahin ang panahon sa pagpapalibotlibot sa lahat nang oras. Ualang arao na di inuung̃utan ang caniyang ama na siya,y, big-yang pahintulot na maglayag; datapaoua,t, ang sagot nang ama, ay ang caniyang ninanasà ay isang malaquing caululan, cailan man ay ayao na mariring̃ig ang bagay sa paglayag. Isang arao ...
Si Luisa. Ng̃ayon, pasisimulan ang salita.
Si Nicolás. Houag cang magiing̃ay.
Ang Ama. Isang arao, na ayon sa caniyang caugalian, ay naglilibot sa tabi nang dagat, ay nasumpung̃an ang isa niyang caibigan. Ito,y, anac nang isang Capitan sa isang sasac-yan, at nahahandang paroon sa Lóndres na casama nang caniyang ama.
Si Cárlos. ¿Saan sila sasacay, sa carruaje baga?
Si Enrique. Hindi, Cárlos; nang mangyaring macarating sa Lóndres ay quinacailang̃an ang lumayag, at daanan ang malaquing bahagui nang tubig, na tinatauag na dagat sa Hilagaan.
Ang Ama. Itinanong nang caniyang casama ibig niyang sumama sa paglalayag. Totoong ibig co, ang sagot ni Conrado Robinson; datapoua,t, hindi magsisipayag ang aquing mang̃a magulang.—Hayo, ang sagot nang isa; sumama ca sa aquin: sa loob nang tatlong lingo ay magbabalic na tayo; at cung ayao cang pumayag dahil sa iyong ama at iyong ina, ¿mayroon pa cayang dapat gauin, cundi ang sabihin ang quinalalag-yan mo?—Datapoua,t, uala acong salapî sa supot, ang uicà ni Conrado Robinson.—¿Anong cailang̃an? ang sagot nang isa: ipinagbabayad quita sa paglayag.—Napahintong sandalî si Robinson, at pagcatapus caracaraca,y, tinapic ang camay nang caniyang casama, at naguicà: «caibigan, tayo,y, magcamay at sumacay na tuloy.»
Capagca uica nito ay ipinagbilin sa isa na sa loob nang ilang oras ay paroon siya sa caniyang ama at ina, at sabihing siya,y, lumayag, at nang macarating lamang sa Inglaterra, at caracaraca,y, sila,y, magbabalic. Tambing na lumulan ang dalauang magcaibigan.
Si Juan. Ay, ay! hindi co naiibigan yaong si Robinson.
Si Nicolàs. Aco man.
Si Basilio. ¿At baquit?
Si Juan. Sa pagca,t, iniuan ang caniyang mang̃a magulang na uala silang pahintulot.
Si Basilio. Mayroon cang catouiran, Juan: gumaua siya nang malaquing camaliang dapat nating icahabag. Mabuti na lamang at bihira ang binatà na di nacatatalastas nang dapat gauin sa canilang mang̃a magulang.
Si Nicolás. ¿Sa bagay ay mayroong ibang catulad si Robinson?
Si Basilio. Hangan ng̃ayo,y, uala acong naquiquitang sinoman; datapoua,t, ang natatalastas cong malinao ay ualang mangyayaring magaling sa mang̃a binatang para niya.
Si Juan. Cung gayo,y, paquingan natin ang nangyari cay Robinson.
Ang Ama. Ang mang̃a marinero,y, itinaas ang mang̃a sinipete, at iniladlad ang mang̃a layag; humihip ang hang̃in at tumulac ang sasacyan, at ang Capita,y, napaalam sa ciudad at macaanim na nagpaputoc nang cañon. Si Robinson ay na sa ibabao nang cubierta ó carang, casama nang caniyang caibigan, at ualang pagcasiyahan nang touâ, sa pagcaquitang siya,y, nacapaglayag din.
Ang arao ay mapayapa, at ang hang̃in ay ayon sa canilang patutung̃uhan, caya caracaraca,y, di na nila maquita ang ciudad nang Hamburgo; at nang sumunod na arao ay na sa calauacan na sila nang dagat. Ang lupa,y, unti-unting nanaualà sa canilang mang̃a mata; datapoua,t, ¡laquing pagcagulat ni Robinson sa pagcaquitang uala siyang natatanao sa caliua,t, canan, sa licod at harapan, cundi pulos na tubig, at sa itaas naman ay lang̃it!
Si Teodora. Marahil ay iya,y, totoong mariquit pagmasdan.
Ang Ina. Hindi malayong iyong mapagmasdan ng̃ayong mang̃a ilang arao ang naquita ni Robinson.
Si Teodora. Cung gayo,y, ¿tayo pô baga naman ay paparoon?
Si Ramon. Paparoon tayo cung ating isasaloob ang pagtuturò sa atin nang Geografia, at capag natutuhan natin ang pagpapalipatlipat sa iba,t, ibang lugar.
Ang Ama. Cung sa lagui ninyong pagsusumaquit sa paggaua, at sa inyong casiyahan sa pagcain at sa paginom ay magcaroon nang lacas ang inyong catua-an, nang mangyaring cayo,y, macapaglayag doon, marahil ay tayo,y, macapagpasial isang arao hangang Travemunda, na doon ang mulà nang dagat na tinatauag na Báltico.
Ang Lahat. ¡Oh, totoong buti cung gayon!
Ang Ama. Diya,y, lululan tayo, at tayo,y, dadalhin sa dagat hangang sa may icaapat na leguas. (Capagcaring̃ig nito,y, agad nagtindigang lahat, at niyacap sa liig ang canilang ama. May naglalambitin sa caniyang camay, at mayroong yumayacap sa caniyang mang̃a paa, na ipinaquiquilala ang canilang mang̃a catouaan sa paglulucsahan at pagtatacbuhan.)
Si Luisa. ¿Ipagsasama po naman ninyo aco?
Ang Ina. Oo, cung sacali,t, icao ay malacas na, na sucat cang madala roon.
Si Luisa. Datapoua,t totoong malayò, ¿ano pô, di pô baga ganoon? Marahil ay malayò pa sa Vandesbec,[1] na tinatahanan nang Sr. Claudio, at nang isang Caballlero na may isang bahay na malaqui, at isang halamanan na totoong malaqui, malaquing di palac sa halamanan natin. Aco,y, naparoon na niyong arao na humahanap tayo nang mang̃a batóng sarisaring culay; at niong....
Ang ama. At niong pinanonood natin ang pagaararo nang lupa.
Si Luisa. Oo ng̃a pò; at niong tayo,y, pumasoc sa pandayang malapit sa daan.
Ang ama. At tayo,y, umaquiat sa guiling̃an.
Si Luisa. ¡Aba! oo ng̃a pò: doon inilacpac nang hang̃in ang aquing sombrero.
Ang ama. Ang sombrero na pinulot at iniabot sa iyo nang batà sa guiling̃an.
Si Luisa. Yao,y, isang batang mabuti, ¿ano pô?
Ang ama. Isang batang totoong mabuti, na nagpautang sa atin nang loob, cahi,t, di tayo niya naquiquilala.
Si Luisa. ¿At inyo pò baga namang guinanti?
Ang ama. Oo: ang baua,t, isa ay dapat gumanti sa nagpapautang sa atin nang loob. Datapoua,t, tila nalilimutan natin si Robinson. Magmadali tayo,t, cung hindi, ay di na natin siya aabutan, sa pagca,t, parang inalilipad ang caniyang paglayag.
Dalauang arao ay nagcaroon sila nang mabuting panahon at mabuting hang̃in. Sa icatlong arao ay nagdilim ang lang̃it at ang dagat, at nararagdagan nang nararagdagan ang dilim, at saca humihip ang hang̃ing totoong malacas. Cung minsa,y, totoong manining̃as ang quidlat, na anaqui tila nagaalab ang lang̃it; cung minsa,y, totoong nagdidilim na anaqui hating gabi; sacá sumusunod ang ualang licat na culog; catacottacot ang ulán, na anaqui ibinubuhos, at ang alon ay catacottacot na parang bundoc.
¡Cung ating maquiquita ang linucsco-lucso nang sasac-yan! Sinasalubong nang isang mataas na alon na iquinatataas; sacá biglang ibinubulid sa cailaliman. Ang mang̃a tauo,y, humahanap nang macapitan, at nang houag silang mang̃ahulog sa guiniuang guiuang nang sasac-yan. Si Robinson na hindi datihan sa mang̃a bagay na ito, ay totoong nalulà, ualang licat ang pagsusucá na halos mamatay.
Si Juan. Ito ang caniyang napalâ.
Ang ama. «¡Ay ama,t, ina co! ang palaguing isinisigao ni Robinson: cailan ma,y, di na ninyo aco maquiquita. ¡Laquing capalamarahan ang guinaua co sa pagbibigay sa inyo nang ganitong capighatian!»
Saca biglang naring̃ig na umalatiit sa ilalim nang cubierta ó carang. «¡Mahabag ca pô sa amin. Pang̃inoon namin!» ang isinisigao nang mang̃a marinero, na nang̃amumutlang di hamac. ¿Ano iyan? ¿ano ang nangyari? ang tanong ni Robinson, na halos mamatay sa tacot.—¡Ca auaaua tayo! ang tugon sa caniya: tayo,y, mamamatay: ibinual nang culog ang palong trinquete, (sa macatouid, ay isa sa mang̃a tatlong árbol na matotouid nang isang sasac-yan, itong nabali ay siyang lalong nalalapit sa daong) at ang árbol mayor ay bahaguia na lamang tumatayò, na cailang̃ang putulin at ihulog sa tubig.
«¡Tayo,y, mamamatay!» ang uicà nang isang na sa bodega: «ang sasac-yan ay mapupunò nang tubig.»
Capagcaring̃ig nito ni Robinson na nacaupò sa camarote, ay naghimatay. Ang lahat ay nagsipaglimas, at nang cung mangyayari ay houag lumubog ang sasac-yan. Nang maquita nang isang marinero na si Robinson lamang ang hindi cumiquibò, ay siya,y, itinulac, at pinagsabihan na cung siya lamang ang hindi gagaua nang anoman.
Tinicman ni Robinson na siya,y, nagbang̃on, cahi,t, totoong nanghihinà, at siya nama,y, naquilimas. Sa oras na ito,y, nagutos ang Capitan na magpaputoc nang cañon, at nang cung may nalalapit na ibang sasac-yan ay nang matalastas ang capang̃anibang quinalalag-yan nila. Hindi natalastas ni Robinson ang dahilan nang putoc na yaon, ay inacalang nabiac ang sasac-yan, at dahil dito,y, muling naghimatay. May isang marinero na sa maquitang hindi siya cumiquilos ay itinulac siya,t, sinicaran at inacalang siya,y, patay.
Sinasaquit ang paglilimas, datapoua,t, ang tubig ay lalong dumarami, at ualang inaantay cundi ang lumubog ang sasac-yan. Nang mangyaring gumaangaan, ay inihaguis sa dagat ang mang̃a bagay na hindi nila totoong quinacailang̃an, para nang mang̃a cañon, mang̃a cahoy at iba pa; datapoua,t, uala ring quinasapitan. Naring̃ig nang isang sasac-yan ang putoc nang cañon na palatandaan na may humihing̃ing tulong na ibang sasac-yan, at inilapit sa canila ang isang bangcá at nang maligtas ang mang̃a tauo; datapoua,t, ang bangcang ito,y, hindi macalapit, sa pagca,t, totoong malacas ang alon. Sa catapusa,y, nacalapit din sa popa ó huli at sila,y, hinaguisan nang lubid nang na sa pang̃anib na sasac-yan, at sa paraang ito,y, nailapit na mabuti ang bangcà at caracaraca,y, nagsilipat na lahat. Si Robinson na hindi macatayó ay inihaguis sa bangcà nang ibang mang̃a marinerong may auà sa caniya.
Bahaguia na lamang nacagagaod, ay ang sasac-yan na hindi pa nalalayò sa canila ay lumubog. Mabuti na lamang at pumayapà na ang panahon, at cundi ay lalamunin din nang alon ang bangcang punô nang tauo. Nang macaraan na sa di mamagcanong capang̃aniban, ay dumating din sa isang sasac-yan, at doon sila,y, pinalulan.
Si Teodora. Mabuti na lamang at ang mang̃a tauong ito,y, di nang̃alunod.
Si Nicolás. ¡Totoong aco,y, nagaalaala at baca ng̃a mang̃alunod sila!
Si Luisa. Cung gayo,y, madadalâ si Robinson, at hindi na gagauang mulî nang gayong capang̃ahasan.
Ang ina. Ito rin ang inaacalà co; at marahil ay magcacabait na.
Si Enrique. ¿At ano ang guinagaua sa caniya?
Ang ama. Ang sasac-yang linipatan nila ay napatung̃o sa Lóndres. Nang macaraan ang apat na arao ay na sa sa uauà na sila nang Támesis; at sa icalimang arao ay dumoong na sila sa tapat nang ciudad nang Lóndres.
Si Cárlos. ¿Ano pong cahulugan niyong uicang Támesis?
Si Basilio. Ang Támesis ay isang ilog na Ingalaterra, na para naman nang ilog natin ditong Albis, na pinapasucan sa dagat at hindi nalalayô sa Lóndres. Capag nalalapit na sa dagat ang isang ilog ay tinatauag na uauà.
Ang ama. Ang lahat ay nagsiahon sa lupà nang malaquing touà at naligtas sila sa capang̃aniban. Datapoua,t, ang unang guinauà ni Robinson ay ang panonood nang daquilang ciudad nang Lóndres, at nacalimutan ang caniyang sasapitín. Gayon ma,y, siya,y, nagdamdam cagutuman, at napagtalastas niya na ang pagtirá sa ciudad nang Lóndres ay hindi nacabubusog; at caya ng̃a inisip niyang siya,y, magsalità sa Capitan, at ipagmacaauà niyang siya,y, ipagsalo. Tinangap siya nang Capitan nang magandang loob, at quinasalo sa pagcain, at habang sila,y, cungmacain ay itinanong cay Robinson cung ano ang dahilang iquinaparoon niya sa Lóndres, at cung ano ang ninanasa niyang gau-in doon. Sinalitâ sa caniya ni Robinson nang maliuanag, na caya siya naglayag ay sa pagaalio lamang, at idinugtong pang nang̃ahas siya nang ualang pahintulot ang caniyang mang̃a magulang, at ng̃ayo,y, ualâ náng matutuhang gau-in.
«Hindi pala naaalaman nang iyong mang̃a magulang.» ang uicà nang nagugulumihanang Capitan; at nahulog sa camay ang cuchillong guinagamit niya sa pagcain. «¡Dios co! maanong naalaman co muna ang bagay na ito. Paniualaan mo aco, pang̃ahas na binatà; na cung napagalaman co ito sa Hamburgo, disin ay di quita tinangap sa aquing sasac-yan, cahit aco,y, hinandogan mo nang isang millon.» Ibinabâ ni Robinson ang mang̃a matá; ang cahihiyan ay napagquilala sa caniyang muc-hà, at hindi macaimic.
Ang may puring Capitan nang sasac-yan, ay ipinatuloy ang pagpapahayag sa caniya nang lahat niyang camalian. Sinabi sa caniya, na cailan ma,y, hindi siya maguiguing mapalad, liban na lamang cung baguhin niya ang caniyang loob, at huming̃ing tauad sa caniyang mang̃a magulang. Si Robinson nama,y, umiiyac.
«Datapoua,t, ¿anong dapat cong gau-in?» ang tanong ni Robinson.—«¿Anong dapat mong gau-in?» ang sagot nang Capitan: «magsauli ca sa bahay nang iyong mang̃a magulang, humalic ca sa canilang mang̃a paa, at huming̃i cang tauad dahil sa iyong mang̃a camalian, para nang isang anac na may mabuting turò.»
Si Luisa. Ah! iniibig cong totoo ang Capitang iyan. ¡Totoong mabuting tauo siya!
Ang ama. Ang guinaua niya,y, ang dapat nating gau-ing lahat, capag naquiquita natin na ang ating capouâ tauo ay nagcacamit nang anomang camalian: itinurò niya cay Robinson ang pagganap nang caniyang catungculan.
«¿Ibig ninyong aco,y, ihatid na mulî sa Hamburgo?» ang tanong ni Robinson sa Capitan.—«¿Paanong paghahatid co sa iyo? ¿Nalimutan mo na baga na ang aquing sasac-yan ay nalubog? Hanggang hindi aco macabili nang iba, ay hindi aco macababalic, at marahil ay totoong magtatagal ca dito, cung yaon ang hihintin mo. Icao,y, nararapat na lumulan sa unang sasac-yan na patutung̃o sa Hamburgo, at houag mong palibanin ng̃ayon ó bucas.»—«Ng̃uni,t, ualà acong salapi,» ang uica ni Robison.—«Cunin mo, ang sagot nang Capitan, itong mang̃a guinea.»
Si Teodora. ¿Ano ang ma~nga guinea?
Ang ama. Ang guinea ay salaping guintô na guinagamit sa Inglaterra, at ipaquiquita co sa iyo ang isa, capag tayo,y, nagbalic sa bahay.
Si Juan. Ating ipatuloy.
Ang ama. «Narito ng̃a, ang uicà nang Capitan, itong mang̃a guinea na ipinahihiram co sa iyo; cahit aco,y, may malaquing cailang̃an nang caunting salaping natira sa aquin. Paroon ca sa lalauigan, at itanong mo cung magcanong ibabayad sa pagsacay sa sasac-yan. Cung tunay ang pagbabago nang loob mo, ay pagpapalain nang Dios ang iyong pagouî, na di para nang pagparito mo.»—Pagcatapus ay quinamayan na siya,y, magcaroon nang isang payapang paglayag. Lumacad na si Robinson ...
Si Nicolás. ¿Cung sa bagay ay oouî na sa caniyang bahay? Á Dios; cung gayo,y, tapus na ang salità, at ang isip co,y, ng̃ayon lamang pinasisimulan.
Ang ina. ¿At di mo iquinatotouâ, Nicolás na siya,y, magbalic sa bahay nang caniyang mang̃a magulang, at nang mapayapà ang catacot-tacot na pagcalingatong at pagcasindac nila?
Si Ramon. ¿At di mo iquinaliligaya ang pagcatalastas niya nang caniyang camalian, at nang houag namang gauing mulì?
Si Nicolás. Oo ng̃a, datapoua,t, gayon ma,y, ang acalà co ay may mangyayari sa caniya na sucat nating icaalio.
Ang ama. Hintay ca muna, at hindi pa natin masasapit. Paquingan natin ang mang̃a nangyari sa caniya.
Habang siya,y, lumalacad na patung̃o sa lalauigan, ay sarisaring bagay ang pungmapasoc sa caniyang pagiisip. «¿Anong sasabihin caya nang aquing mang̃a magulang,» ang uicà niya sa sarili, «cung aco,y, magbalic sa bahay? Marahil aco,y, parurusahan nila dahil sa guinauà co. At pagtatauanan nang aquing mang̃a caquilala at iba pang mang̃a tauo ang madali cong pagbalic. Pupulaan nila aco na ualang naquita cundi dalaua ó tatlong lansang̃an sa Lóndres.» Ito at mang̃a ganganitong mang̃a bagay ang sungmasagui sa caniyang pagiisip.
Cung minsa,y, hungmihintô, at parang nagmumulimuli, at hìndì mapasiya ang loob na siya,y, umalis agad; cung minsa,y, nadidilidili ang sinabi sa caniya nang Capitan; sa macatouid, cailan ma,y, di siya maguiguing mapalad, cung hindi siya magbabalic sa bahay nang caniyang mang̃a magulang. Nagsasalauahan siya nang mahabang panahon, na di maalaman cung ano ang gagauin, at gayon ma,y, nagpatuloy siya nang paglacad sa lalauigan ó hinihimpilan nang mang̃a sasac-yan. Datapoua,t, malaqui ang caniyang touà, nang matalastas na ualà pang sasac-yang patung̃o sa Hamburgo, na ibinabalità sa caniya nang isa sa mang̃a Capitan na palaguing lungmalayag sa Guinea.
Si Cárlos. ¿At ano ang paglalayag sa Guinea?
Ang Ama. Ipaaaninao sa iyo ni Enrique, at caniyang natatalastas.
Si Enrique. ¿Di mo naaalaala na may isang bahagui nang mundo na tinatauag na África? at ang Guinea ay isa sa mang̃a lugar na malapit sa dagat.
Ang Ama. At sa Guinea sila naghahanap buhay. Ang tauong nagsasalitâ cay Robinson ay isa sa mang̃a Capitan sa mang̃a sasac-yang caraniuang naglalayag sa Guinea.
Natotouà ang Capitan na maquipagpanayam cay Robinson, at inanyayahan siyang uminom nang isang tasang cha sa caniyang Cámara. Pungmayag naman si Robinson.
Si Juan. ¿Cung sa bagay ang Capitan ay marunong nang ating uica?
Ang Ama. Nacalimutan cong di nasabi sa iyo, na sa Hamburgo ay natuto si Robinson nang uicang inglés, na siyang sinasalitâ sa Inglatérra.
Nang maring̃ig nang Capitan na siya,y, may nasang maglayag, at totoong dinaramdam nang caniyang loob ang pagbabalic sa Hamburgo, ay itinanong sa caniya cung ibig niyang sumama sa Guinea. Nang bago bago pa,y, quiniquilabutan si Robinson, datapoua,t, nang patutoohanan sa caniya nang Capitan na ang paglalayag nila ay totoong masayá, at ipagsasama siyang ualang bayad, na uala siyang pagcacagugulang anoman: at bucod dito,y, mangyayaring macaquita siya nang maraming salapì; ay totoong naibigan ni Robinson, at totoong nagcaroon nang malaquing nasà, na caracaraca,y, nacalimutan ang lahat na inihatol sa caniya nang may puring Capitan na taga Hamburgo, at gayon din naman ang pinagticahan niya sa loob na pagouî sa bahay nang caniyang mang̃a magulang.
Datapoua,t, nang siya,y, macapagisip-isip, ay sinabi niya sa Capitan: «aco,y, ualang salapì cundi tatatlong guinea. ¿Saan co gugugulin itong caunting puhunan sa paghahanap buhay sa bayang paroroonan natin?»
—«Pahihiramin quita nang anim, ang uicà nang Capitan; at mayroon ca nang sucat icapamili nang pagtutubuan nang malaqui sa Guinea, cung tayo,y, sasangayunan nang capalaran.»
—«¿At ano ang nararapat cong bilhin?» ang tanong ni Robinson.—«Ang sagot nang Capitan, ay mang̃a sarisaring bagay, para nang mang̃a laroan, mang̃a abalorio, mang̃a sundang, mang̃a gunting, at iba pang mumurahin, na totoong naiibigan nang mang̃a taga África, na babayaran sa iyo nang totoong mahal; ang ibabayad sa iyo,y, guintò, garing at iba pang bagay.»
Capagcaring̃ig nito, ay malaquing touà ni Robinson, at nacalimutan ang caniyang mang̃a magulang, ang caniyang mang̃a caibigan at bayan, at naguicà nang malaquíng caligayahan: «pinasisiya co na sa loob ang sumama sa iyo, maguinoong Capitan.» Nagcamay sila, tandà nang canilang pagcacasundò sa paglayag.
Si Juan. Natapus na: hindi co na caaauaan, cahit anong mangyaring sacunâ diyan sa hunghang na cay Robinson.
Ang ama. ¿Diyata,t, di mo na caaauaan siyang mulî?
Si Juan. Hindi na pô: yayamang siya,y, totoong tampalasan, na nuling nacalimot sa caniyang catungculan sa mang̃a magulang niya, ay nararapat namang parusahan siyang mulî nang Dios.
Ang ama. ¿At inaacalà mo bagang ang isang caauaauang tauo, na nacalimot sa caniyang mang̃a magulang, at pinipilit niya ang Dios na siya,y, parusahan, at nang magbago ang caniyang loob, ay di caya dapat cahabagan? Tunay ng̃a at siya rin ang naguing dahil nang lahat nang sacunang sucat marating niya; datapoua,t, dahil dito,y, ¿di caya lalò pang iquinapaguiguing cahabaghabag niya? ¡O anac co! Yadia ca nang Dios, at caming lahat naman, sa lalong caquilaquilabot sa mang̃a capighatian, ang pagcaquilala baga na ang sinoman ay siyang nagcusang gumauà nang sauì niyang capalaran. Cailan ma,t, macariring̃ig tayo na may caauaauang tauo, ay acalain natin na siya,y, ating capatid na nasisinsay: tang̃isan natin ang caniyang capahamacan, at dalang̃inan natin sa lang̃it ang caniyang cagaling̃an.
Sandaling ualang umiimic na sinoman, at pagcatapus ay ipinatuloy nang ama ang pagsasalita.
Nagmadaling lumacad si Robinson sa ciudad, ipinamili ang caniyang siyam na guinea nang mang̃a calacal na sinabi sa caniya nang Capitan, at ipinadala sa sasac-yan. Nang macaraang ilang arao, sa pagca,t, ang panahon ay mabuti, ay tumulac na sila, at naglayag na patung̃o sa Guinea.
Ang ina. Tila panahon na namang nararapat na tayo,y, lumayag na patung̃o sa bahay, at tayo,y, cumain nang hapunan. Matagal náng lumubog ang arao.
Si Teodora. Ualà pa acong ibig na cumain nang hapunan.
Si Luisa. Aco man, lalò co pang ibig ang maquinyig.
Ang ama. Bucas, bucas, mang̃a anac co, ipatutuloy natin ang pagsasalità nang nangyari cay Robinson. Ng̃ayo,y, tayo,y, cumaing maaga, na para nang dati.
Ang Lahat. Tayo,y, cumain nang hapunan.