← Table of contents
Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

ICALABING ISANG HAPON.

Tomás de Iriarte translation

Si Juan. Ng̃ayon po,y, cung malagay aco sana sa lugar ni Robinson.

Ang ama. ¿Ibig mo baga?

Si Juan. Oo pô, sa pagca,t, mayroon ang lahat na mang̃a quinacailang̃an, at natitira siya sa isang lugar na totoong magaling, na ualang totoong taglamig ó invierno.

Ang ama. ¿Cung sa bagay ay nasa sa caniya ang lahat niyang quinacailang̃an?

Si Juan. ¿Di pô baga siya,y, mayroong patatas, at lamang cati, at asin, at dayap, at isdà, at pagong, at talaba, at gatas na caniyang guinagatas sa mang̃a hayop na llama? ¿Di pô baga siya macagagauà nang mantica at queso?

Ang ama. Mangyayari ng̃ayong mang̃a ilang arao ay macagauà siya.

Si Juan. ¿At di pô baga naman mayroon siyang isang panà at isang sibat; at ang lalonglalo pa ay mayroon siyang isang mabuting tahanan? ¿Cung gayon ano pa ang iibiguin?

Ang ama. Ang lahat nang ito,y, quiniquilala at pinahahalagahan ni Robinson nang ualang hangan, at pinasasalamatang macalilibo sa Dios; at gayon ma,y, ibibigay niya ang calahati nang mang̃a arao nang caniyang buhay sa natitira, cung pagcacalooban siyang may dumating na isang sasac-yan nang siya,y, macaoui sa canilang bayan.

Si Juan. Datapoua,t, sabihin pô ninyo sa aquin. ¿ano pong quinuculang sa caniya?

Ang ama. Maraming bagay, totoong marami, at halos masasabi co sa iyo na quinuculang siya sa lahat nang bagay. Uala siya niyong mang̃a cagaling̃an na iquina-paguiguing mapalad nang tauo dito sa mundo: uala siya sa casamahan nang mang̃a tauo, uala siyang caìbigan, uala siyang capoua tauong sucat ibiguin at umibig sa caniya. Nalalayô siya sa caniyang mang̃a magulang, na totoong nagpipighati dahil sa pagcaualà niya, naualay siya sa caniyang mang̃a catoto, na ualà ng̃ang pagasang sucat pa niyang maquita cailan man, nalalayò siya sa lahat nang tauo dito sa lupa ... ¡Cahabaghabag na Robinson sa gayong cahambalhambal na calagayan! ¿Cahit ano bagang casaganaan niya sa lahat nang bagay dito sa lupa, ay ipagcacamit caya niya nang caaliuan? Ticman mong minsan na icao ay lumagay na isang arao sa isang suloc na ualang casama sinoman, at maquiquilala mo cung ano ang mabuhay na nagiisa.

Bucod dito,y, hindi pa niya natatacpan ang ibang mang̃a cailang̃an na nacapagbibigay hirap sa caniya. Ang lahat nang damit na nasa catauan ay naaagnas gulagulanit, at hindi niya maalaman cung paano ang dapat niyang gau-ing paggauà nang bago.

Si Nicolás. Cahit ualang damit ay mangyayari siyang tumahan sa isang pulò, na totoong mainit, at doo,y, hindi nagdaraan ang invierno ó totoong taglamig.

Si Luisa. ¿Paano? ¿lalacad baga siyang hubad doon?

Ang ama. Totoo ng̃a,t, hindi quinacailang̃an ang damit, sa pagca,t, doo,y, hindi totoong malamig; datapoua,t, quinacailang̃an ang siya,y, maligtas sa mang̃a lamoc na totoong marami sa pulóng yaon. Ang mang̃a lamoc doon ay totoong masasaquit sisiguid at totoong pinahihirapan ang mang̃a nagsisitahan doon, at namamagâ ang lugar na masiguid at totoong masaquit na para nang siguid nang bubuyog at pucyutan; at caya ng̃a ang muc-hâ at camay ni Robinson ay palaguing namamagâ. Tingnan ninyo cung gaano ang caniyang sindac, nang maquitang naaagnas na ang caniyang damit.

Ang bagay na ito at ang daquilang pagnanasang maquita ang caniyang mang̃a magulang, ó ang macasama naman nang mang̃a tauo, ay dahil sa mang̃a bagay na ito,y, napipilitan siyang magbuntong hining̃a sa touitoui nang mailing̃ap ang matang lumuluhà sa malauac na dagat, na ualà siyang naquiquita cundi ang tubig at lang̃it lamang. ¡Gaano ang casayahan nang caniyang pusò, na napadadala sa magdarayang pagasa cung nacaquiquita sa impapauid nang isang munting ulap, na sa caniyang guniguni ay inaaring isang sasac yan ná naglalayag! At capag napagquilala ang caniyang camalian, ¡ay gaano ang pagbagalbal nang luhà sa caniyang mang̃a mata, at parang iniinis ang caniyang pusong nagbabalic sa caniyang tahanan!

Si Luisa. Ang nararapat niyang gau-in ay magsacdal sa Dios, na marahil ay padadalhan siya nang isang sasac-yan.

Ang ama. Ganito ng̃a ang caniyang guinagauà; datapoua,t, idinadagdag na palagui ang ganitong pang̃ung̃usap: houag mong papangyarihin, Pang̃inoon co, ang calooban co, cundi ang calooban mo.

Sa pagaalaala ní Robinson, na bacá sacali ay mayroong dumaan sa malapit sa caniyang pulò, ó matiguil caya doon ang alin mang sasac-yan sa oras na siya,y, nalalayô sa tabi nang dagat, ay inacalà niyang maglagay sa isang pulô nang isang tandâ na pagcaquilanlan nang alin mang sasac-yan doon ay magdaan, na doo,y, may humihing̃i nang tulong. Nagtayò ng̃a roon nang isang mahabang cahoy na binitinan nang isang bandilà.

Si Juan. ¿At saan pò quinuha ang bandilang iyan?

Ang ama. Sasabihin co sa iyo. Naquiquita niyang masamâ na ang lagay nang caniyang barò, na di na niya maisoot na muli; at quinuha niya ang pinacamalaquing piraso, at ibinitin niya sa caitaasan nang mahabang cahoy na caniyang itinayò. Sacá ninanasà niyang masaquit na lag-yan nang sulat iyong cahoy na caniyang itinayo nang mapagquilalang maliuanag ang mahigpit niyang cailang̃an; datapoua,t, ¿paanong gagau-in niya ito? Ang nacaisa isang paraan na caniyang magagauà ay ang sulatan niya nang dulo nang caniyang sundang na bató; datapoua,t, ang lalong mahirap ay ang caniyang matalastas cung anong uica ang caniyang ilalagay. Cung isulat niya sa uicang francés ó inglés, ay mangyayaring dumating ang isang sasac-yang holandés, castila ó portugués, at marahil ay sinoman sa mang̃a nasasacay ay hindi nacatatalastas nang mang̃a pang̃ung̃usap na yaon sa capalaran niya,y, naalaala ang ilang mang̃a uicang latin na itinuro sa caniya sa alisagà niyang pagaaral, na dahil dito,y, naipahayag ang caniyang inaacalà.

Si Juan. Datapoua,t, ¿mauunauà caya ito nang mang̃a tauong nasasacay sa daong, na bacá sacali maparaan doon?

Ang ama. Dapat mong matalastas na ang uicang latin, baga ma,t, hindi ipinang̃ung̃usap sa alin mang lugar, gayon man ay nacacalat at napaguunauà sa lahat nang nacion sa Europa: at halos ang lahat nang tauo na may camunting pinagaralan, ay macatatalastas nang caunti nang uicang ito. Naaayon ng̃a sa catouiran ang pagasa ni Robinson, na ang alin mang sasac-yan na doo,y, mapasadsad, ay hindi mauaualan nang macatatalastas nang caniyang isinulat na uicang latin.

Si Juan. ¿At ano pò ang isinulat na yaon?

Ang ama. Ito ang isinulat: Ferte opem misero Robinson. ¿Natatalastas mo baga ito, Juan?

Si Juan. Ang cahulugan pò nito,y, Tulung̃an ninyo ang caauaauang si Robinson.

Ang ama. Ualang totoo siyang pinaghihirapan, para nang pagcasira nang caniyang sapin at medias, at ang mang̃a lamoc ay sinisiguid na mainam ang caniyang paa na di niya maitiguil sa saquít; datapoua,t, sa boong panahon nang paguulan ay dumaming totoo ang mang̃a hayop na ito, at dahil sa canilang mang̃a siguid ay namamagâ ang caniyang muc-hâ, mang̃a camay at paa.

¡Di mamacailang siya,y, umupò sa suloc na caniyang pinagcucuruan, at nang caniyang mapagisipisip ang mang̃a paraan nang pagcacaroon nang damit! datapoua,t, ualà siyang napapaquinabang; cailan man ay siya,y, quinuculang nang alin mang casangcapan at nang ucol na carunung̃an, nang mangyaring caniyang macamtan ang lalò niyang ninanasà at ang lalò niyang quinacailang̃an.

Cung gagau-in niyang damit ang mang̃a balat nang mang̃a hayop na llama ay inaacala niyang siyang lalong madaling paraan; datapoua,t, ang mang̃a balat ay magagaspang at matitigas, at cailan man ay hindi niya natalastas, at di man pinagmasdan niya cung paano ang guinagauà nang mang̃a nagpapalambot nang balat, at cung sacali ma,t, natutuhan niya ang bagay na ito, ay ualà naman siyang carayom at sinulid na maitahi, at nang macagauà siya nang papaano mang damit.

Gayon ma,y, totoong malaqui ang caniyang pagcacailang̃an, sa pagca,t, sa arao ma,t, sa gabi ay hindi siya pinababayaan nang mang̃a lamoc at iba pang hayop na naniniguid, na cung di niya lalag-yan nang paraan sapilitang siya,y, mamamatay.

Si Enrique. At ¿anong dahil at quinapal nang Dios iyang mang̃a ualang casaysayang hayop, na ualang guinagauà cundi ang pahirapan tayo?

Ang ama. Maitatanong co naman sa iyo, ¿baquit linalang ca nang Dios, at aco naman, at ang lahat nang tauo? Ang caniyang cagaling̃an ay totoong daquila, na hindi inibig na siya lamang ang mapalad, cundi inibig naman na pati nang caniyang mang̃a quinapal ay maguing mapalad. At itong mang̃a hayop na pinauaualan mong halaga, ¿di caya nagcacamit naman nang canilang capalaran at caguinhauahan?

Si Enrique. Oo pô, sa pagca,t, naquiquita natin na naliligaya sa caliuanagan nang arao at sa cainitang tinatangap sa caniya, at naliligaya naman sa canilang quinacain at sa iba pang maraming bagay.

Ang ama. Cung gayo,y, dito mo mapagcucurò, na linalang sila nang Dios, nang magcamit sila dito sa lupà nang mang̃a caguinhauahang iyan at nang capalarang sucat macamtan nila. ¿Di caya ito,y, isang panucalà na carapatdapatan sa isang Dios na cagalinggaling̃an at lubhang maauàin?

Si Enrique. Totoo ng̃a pô; datapoua,t, ang ibig cong sabihin; ay mangyayaring houag lalang̃in nang Dios yaong mang̃a hayop na nacapagpapahirap canino man.

Ang ama. Magpasalamat ca sa Dios at hindi guinauà ang gayong bagay.

Si Enrique. ¿At baquit pô?

Ang ama. Sa pagca,t, cung iyan ang caniyang guinauà, ay icao man, aco man, at sino man sa atin ay hindi mabubuhay sa mundo, sa pagca,t, tayong mang̃a tauo ang siyang lalong nacapagpapahirap. Hindi lamang ating alipin ang ibang may caramdaman at buhay, cundi naman pinapatay natin sa toui nating maibigan, at nang ating macain ang canilang laman, at nang ating paquinabang̃an ang canilang balat, cung minsan nama,y, nang houag tayong siguirin, ó cung minsa,y, maraanan lamang natin ay pinapatay natin, at sa catapusa,y, cahit ualang cadahilanang ayon sa catouiran ay pinapatay natin. Cung sa bagay, ¿di lalong may catouiran ang mang̃a hayop, sa pagtanong na cung baquit linalang nang Dios ang tauo na totoong malupit at tampalasan sa canila? At ¿anong isasagot mo sa isang lang̃ao na tumanong nang ganito?

Si Enrique. Iyon pô ang hindi co naaalaman.

Ang ama. Paquingan mo, at aquing sasagutin ang tanong nang lang̃ao: ang iyong tanong ay totoong pang̃ahas, at maliuanag na napagtatalastas na ualà cang pagiisip na sucat macapagcurò; sa pagca,t, cundi gayon, ay sucat na lamang ang sandaling pagiisip, na ang Dios, dahil lamang sa caniyang cagaling̃an ay linic-hà ang caniyang mang̃a quinapal, na ang isa ay magcacailang̃an sa isa at nang mabuhay, yayamang ang mang̃a halaman at mang̃a bung̃a nang cahoy ay dili sucat na macabusog sa sarisaring hayop na nang̃abubuhay. Nang mangyaring ang boong mundo ay mabuhay, yayamang sa tubig, sa lupa at sa hang̃in ay may mang̃a hayop na nang̃aliligaya sa canilang cabuhayan, at nang houag naman dumaming lubha ang alin mang bagay na hayop na macasasamâ sa iba; ay inibig nang ualang hangang carunung̃an nang Dios na ang isa,y, macain nang iba. At caya ng̃a icao, lang̃ao, na iniitit mo ang dugò nang ibang mang̃a hayop, at pati man nang dugò naming mang̃a tauo, ¿baquit mo aariing masamâ ang icao,y, hulihin nang gagamba, at icao ay canin nang lang̃aylang̃ayan?

¿Anong uica mo rito, Enrique? cung ang lang̃ao ay may pagiisip, ¿di caya pahihinuhod sa sagot na ito?

Si Enrique. Aco,y, totoong napahihinuhod.

Ang ama. Cung gayo,y, pagbalican natin ng̃ayon ang ating Robinson. Sa malaquing caguipitan niya, ay guinugol ang buo niyang casipagan sa pagpapalambot nang balat nang hayop na llama sa caniyang sundang na bató: ang unang guinauà ay isang sapin, at pagcatapus ay gumauà nang pinacamedias, baga ma,t, totoong masamâ ang pagcagauà. Sa pagca,t, di mangyari niyang tahiin, ay binutasan na lamang at caniyang tinalian nang capirasong lubid, na ilinapat niya sa caniyang paa, na baga ma,t, totoo siyang pinahihirapan; at cahit caniyang ilinabas ang may balahibo, ay toui na,y, nararamdaman niya ang malaquing cainitan sa paa, at ang matigas na balat ay nacagagasgas nang caniyang paa sa munti siyang lumacad. Gayon ma,y, minamagaan niya ang cahirapang ito sa mang̃a siguid nang mang̃a lamoc.

Ang capirasong balat, na totoong matibay at matamboc ay guinauà niyang máscara na linag-yan niya nang dalauang butas sa dalauang matá, at isang butas sa bibig nang siya,y, macahing̃a. At yayamang nagauà na niya ito, ay hindi pinabayaang di mayari ang isang pinacabarò at isang pinacasalaual: tunay ng̃a at totoong mahirap gau-in ito; datapoua,t, ¿aling bagay ang nacacamtan nang ualang capaguran? ¿At aling cahirapan ang di nagagahis nang casipagan at catiisan? Sa catunaya,y, naquita ni Robinson nang boong caligayahan na nayari ang caniyang gauà.

Ang caniyang pinacabarò ay tatlong pirapiraso, dalauang piraso sa dalauang camay at isang piraso sa catauan, na paraparang natatali: ang caniyang pinacasalaual ay dalaua namang piraso, sa harapan at sa licoran, na nang̃atatali rin: at nang matapus na niyang maisoot ang bago niyang damit ay itinagò niya ang sirasirang lumang damit, at ang caniyang nasá ay isoot sa mang̃a malalaquing capiestahan, at nang caniyang maipagdang̃al ang mang̃a cumpleaños nang caniyang mang̃a magulang.

Di sucat masabi at catacatacang anyò ni Robinson sa damit na yaon, at ang mang̃a sandata at casangcapan na caniyang dala: nababalot magmulâ sa paa hangan sa ulo nang may balahibong balat; nasasacbat sa licod ang malaquing palacol na bató; nasasabit sa balicat ang caniyang supot, ang caniyang panà at mang̃a palasô; tang̃an sa caniyang canang camay ang caniyang sibat na totoong mahabà; sa caliuang camay ay ang caniyang payong na dahon nang niyog; at isang sombrero na parang buslong matulis ang dulo na nababalot nang balat nang hayop. Pagisipisipin ninyo cung ano ang maguiguing lagay niya. Sino mang macaquita sa caniya ay hindi macapagsasabi ni sa ilàlim nang damit na yaon ay natatagò ang isang tauong may pagiisip; at pati siya ay hindi natiis ang pagtataua nang maquita ang caniyang anyò nang siya,y, manalamin sa isang tubig na malinao.

Sa pagnanasà niyang ipatuloy ang paggauà niya nang palayoc, ay gumauà siya sa sandaling panahon nang hurno; at nang maticman niya agad na cung sa carahasan nang apuy na nacuculong ay magcaroon nang pinacabarnis ang lupa, ipinasoc sa naturang hurno ang caniyang mang̃a palayoc at mang̃a cauali, at untiunting dinadagdagan nang apuy hangan sa nagalab ang boong hurno. Pagcatapus na caniyang maapuyan sa loob nang maghapong arao, ay pinabayaan niyang untiunting nagbauas ang init at nang caniyang maquita cung ano ang masasapit. ¿At ano caya ang nangyari? Ang unang palayoc ay hindi rin nagcabarnis, cahit anong casipagan ang caniyang guìnauà; gayon din ang icalaua at ang lahat naman; datapoua,t, nang caniyang pagmalasin ay natagpuan niya na ang isang cauali sa pinacapuit ay may pinacabarnis.

Inacalà niyang ito,y, isang bagay na di sucat mapagcuro. ¿Ano cayang bagay aniya, na ang isa lamang na ito ang magcacaroon nang barnis at ang iba,y, hindi yayamang ang lahat nang ito,y, iisa ring lupa, at iniluto sa iisa ring hurno? Matagal na pinagisip niya ito; datapoua,t, sa calaunan ay caniyang natagpuan ang cadahilanan, na naalaala niya na may caunting asin na nailagay siya sa caualing yaon, niyong isoot niya sa hurno: at dito inacalà niya na ang asin ang naguing dahil nang barnis na yaon.

Si Juan. ¿Tunay pô baga? ¿At ang asin pô baga ang gumauà niyon?

Ang ama. Tunay ng̃a: ang natutuhan ni Robinson ay ang napagtatalastas na mahabang panahon, at siyang guinagauà sa Europa, na sa asin ay nagcacabarnis ang lupang inilulutò sa apuy. Binabasáng magaling ang mang̃a palayoc sa tubig na maalat, ó hinuhulugan ang hurnong nagnining̃as, cung gayon ang caniyang guinauà, ay ang lahat sana,y, nagcaroon nang barnis, at ito ang caniyang naranasan.

Caniyang pinaning̃as na ang hurno; binasâ na niya nang tubig na maalat ang ilang mang̃a palayoc at cauali, at ang iba,y, linag-yan niya nang asin at nang maticman niyang sabay ang dalauang paraan, datapoua,t, sa casalucuyan nang caniyang paggauà ay dinatnan siya nang isang sacunang totoo niyang iquinatacot na macalilibo: isang saquit.

Naramdaman niya ang mahihigpit na saquit nang ulo, pagsisicsic nang dibdib at malaquing panghihinà sa boong catauan na sa gayong cahirapan ay ano ang masasapit nang isang tauong ualang sucat magalagà sinoman.

¡Dios co! ang sigao niya ¿anong masasapit co, cung aco,y, mahigá sa banig dito na ualà sinomang mahabaguing tauo na magalagà sa aquin at tumulong, cung aco,y, manghinà; ualà cahit isang caibigan na pumahid nang malamig cong pauis, ó magbigay nang munting caguinhauanhan? ¿Ano, ang ipinagtalaga mo sa aquin, Macapangyarihang Dios?

Capagcauica nang mang̃a pang̃ung̃usap na ito, sa malaquing capighatian at cahirapan, ay nabual sa lupang naghihimatay.

Dito ng̃a ang mahigpit na pagsuboc nang lang̃it na ibig maticman ang caniyang catiisan, ay quinailang̃an niyang totoo na mahiguit sa una ang isang matibay at mapacumbabang pagasa sa Pang̃inoon nang dilang caauaan na sumasalahat nang bagay. Sa gayong calagayan na ualà sinomang tumulong, sa gayong panghihinà, ¿ano cayang caniyang sasapitin cundi ang mamatay na nalilipos nang di mamagcanong casalatan at cahirapan?

Sa pagcahandusay sa lupa, na nacahaluquipquip nang mahigpit na halos di macapang̃usap, at di man macapagisip, ay naquiquibaca sa di mamagcanong cahirapan; at manacanacà lamang ay nacacating̃in sa lang̃it, at inahihintò ang mataos niyang paghibic, at hinihing̃an niyang tulong ang Amang Dios sa pamagitan nang maauaing Mananacop nang mang̃a tauo at nang caniyang calinislinisang Ina.

Datapoua,t, ang caniya ring pagcabalisa sa saquit na caniyang tinitiis ay hindi ipinahintulot na siya,y, malagay na mahabang oras sa lupà; at caya ng̃a pinilit ang natitira niyang lacás, at ang nasà niya,y, ilapit sa caniyang hihigan, cung mangyayari, yaong mang̃a totoong cailang̃an na caniyang cacanin, bago maglubhâ ang caniyang saquit na di na macabang̃on, at di na siya macacuha nang anoman; nangyaring nailapit niya, baga ma,t, di mamagcanong cahirapan ang caniyang tiniis, sa caniyang hihigan ang dalauang bauo nang niyog na punò nang tubig, ilang mang̃a patatas na naquita niyang lutò, at apat na dayap, na siyang natira lamang sa caniyang mang̃a itinagó; bahaguia na lamang natatapus ang gauang ito, ay nahapay siya sa pagod at nahapay siya sa caniyang hihigan.

Totoong icaliligaya ni Robinson na sa oras na yaon ay cunin na siya nang Dios sa buhay na ito, na biglang lagutin ang caniyang buhay, at nacapang̃ahas pang hing̃in niya ang camatayan na parang isang tang̃ing biyaya; datapoua,t, di naglaon at caniyang nagunamgunam na hindi ayon sa catouiran ang panalang̃ing ito. ¿Di caya, aniya, aco,y, anac nang Dios? ¿di caya naman siya ang aquing Ama, at Amang maauain, macapangyarihan, at sacdal nang carunung̃an? Cung gayo,y, ¿baquit caya aco mang̃ang̃ahas na magtuturò nang gagau-in sa aquin? ¿Di caya niya natatalastas ang lalong nararapat sa aquin? At ¿di caya gagau-in niya sa aquin ang lalong nauucol sa icagagaling co? ganito ng̃a ang ualang pagsalang gagau-in sa aquin niyong maauaing Pang̃inoon. Sumapayapà ca, caloloua co; at sa ganitong pagiisa na ualang magampon ay magsacdal ca sa Macapangyarihang tagapagtangol nang mang̃a tauo sa pamag-itan nang lubhang masintahing Virgen María, at sapilitang tutulung̃an ca, oo, tutulung̃an ca sa cabuhayan at sa camatayan.

Dito nanghinapang ang caniyang loob sa mang̃a paggugunamgunam na ito, na nagmamacaauà siya sa Lang̃it na siya,y, pagcalooban nang pagtitiis, nang houag siyang lubhang magdalamhati sa caralitaang yaon; datapoua,t, pinasucan siya nang isang malacás na lagnat. Cahit totoong nagbalot nang mang̃a balat nang hayop na llama ay hindi siya maginit, na tumagal ang pang̃ing̃iqui nang mang̃a dalauang oras. Sumunod ang pagiinit na parang apuy, na nanalaytay sa lahat nang mang̃a ugat, ay parang iniihao ang loob nang caniyang catauan; at sa laguing tiniboctiboc at quinabacaba nang caniyang dibdib ay parang siyang totoong napapagod. Dito sa cahambalhambal na calagayan, ay bahaguia na lamang nadampot ang isang bauong tubig at caniyang nainom, nang malamiglamigan ang nanunuyô niyang dilà. Pagcatapus ay pinagpauisan nang catacot-tacot, na nacapagbigay sa caniya nang caunting caguinhauahan; dahil dito,y, pagcatapus nang isang oras ay lumacaslacás siya nang caunti.

Bumungô sa caniyang pagiisip na bacá sacali mamatay ang apuy, cung di niya dagdagan ang gatong, at pinagpilitan niya, cahit siya,y, totoong nanghihinà at nahihilo, na lumapit sa sigâ, at lag-yan niya nang mang̃a cahoy na inaacala niyang casucatan hangan sa quinabucasan, sa pagca,t, niyo,y, matagal nang lumubog ang arao. Sa boò niyang buhay ay hindi siya nacaranas nang gayong calumbaylumbay at maligalig na gabi. Ang lamig at init nang lagnat na naghahalihaliling ualang pucnat, at ang lagui at matictic na saquit nang ulo ay hindi niya nacuhang maipiquit ang mata sa boong magdamag; at caya ng̃a lalong pinaghirapan niya sa quinabucasan ang pagdaragdag nang cahoy sa caniyang sigâ.

Pinagpilitan niyang dagdagan din ang cahoy nang sigà sa gabi; datapoua,t, totoong naglubhâ ang caniyang saquit na hindi na niya nacuha. Napilitan siyang ihintò ang caniyang nasà, at inari niyang ualang cabuluhan ang pagiing̃at nang caniyang apuy, sa pagca,t, inacalà niyang tila malapit na ang caniyang camatayan.

Sa gabing ito,y, lalò siyang nabalisa na mahiguit sa una. Ang caniyang apuy ay napugnao na, ang tubig na na sa bauo ay lumangtot na, at si Robinson ay hindi na macapihit sa caniyang hihigan. Nang inaacalà niyang nararamdaman na niya ang mang̃a cabalisanhang tagapang̃una sa camatayan, ay pinapanghinapang niya ang caniyang loob, sa paghahanda sa camatayan sa pamag-itan nang isang mataimtim na panalang̃in, na panibagong huming̃i siya nang tauad sa Dios sa caniyang mang̃a casalanan, mapacumbabang nagpasalamat siya sa mang̃a biyayang ipinagcaloob sa caniya habang siya,y, nabubuhay, baga ma,t, di siya carapatdapat; at tang̃i naman pinasalamatan ang mang̃a cahirapang ipinahatid sa caniya na icapagbago niya nang buhay, at quinilala niyang totoong nacagaling sa caniya ang mang̃a cahirapan ito. Sacá tinapos ang caniyang mang̃a panalang̃in sa pagmamacaauà sa Dios na big-yang caaliuan at magandang capalaran ang mang̃a cahabaghabag na magulang; at nang maipagtagubilin na ang caniyang caloloua sa ualang hangang caauaan nang Maycapal, ay hinintay nang boong pagasa ang huling sandali nang caniyang buhay.

Tila ang camatayan ay nagtutuling lumalapit sa caniya: nauululan ang pagcabalisa; cacabacaba nang dibdib, at untiunting naghihirap nang paghing̃a. Tila dumarating na ang caquilaquilabot na sandali; nagdamdam siya nang isang caquilaquilabot na saquít na biglang nacainis sa caniyang pusò, nagsiquip ang caniyang paghing̃a na iquinapang̃inig niya, nalung̃ayng̃ay na marahan ang ulo ni Robinson, naualan nang caramdaman, at nanlalamig ang boong catauan.

—Matagal na di na nacaquibo at di nanacaimic ang mang̃a batang naquiquinig, na parang iguinalang ang pagcaalaala doon sa canilang catoto na cailan ma,y, hindi naquita. ¡Caauaauang Robinson! ang uicà nang iba na nagbubuntong hining̃a. «¡Salamat, aniya, sa Dios! ang sigao naman nang iba, at natapus na ang caniyang mang̃a cahirapan¡» At saca lumigpit na sila, at taglay sa isip ang isang paggugunamgunam at isang di maipagcailang pagdaramdam sa pagcatapus nang cauiliuiling historia dahil sa pagcamatay ni Robinson, na di pa nila inaacalang mamamatay na.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings