← Table of contents
Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

SINALIN SA TESTO

Tomás de Iriarte translation

Nang

INCA GARCILASO DE LA VEGA.

Decorative motif
Decorative motif

Sa unang bahagui nang mang̃a Comentarios reales ay nababasa sa capitulo VII. itong susunod:

«Ang islang (capuloan baga sa tagalog) tinatauag na Serrana, na na sa pag-itan nang Cartegena at Habana, ay tinauag nang gayon, dahil sa isang castilang ang pang̃alan ay Pedro Serrano, na ang caniyang daong ay napahamac na nabagbag sa malapit sa pulóng ito, at siya lamang ang nacaligtas, sa pagca,t, totoong mabuting lumang̃oy, at nacarating sa naturang pulô na uala isa mang bahay; di sucat matirahan nang tauo, ualang tubig at cahoy, doon siya tumahang may pitong taon, at sa caniyang casicapan ay nagcaroon siya nang cahoy at tubig, at nacacuha nang apuy, (ang nangyaring ito,y, isang bagay na catacataca, na marahil ay sasabihin natin sa ibang lugar.) Sa apellídong Serrano ay tinauag ang pulóng yaong Serrana, at Serranilla ang isang pulô namang calapit niyaon; at nang houag pagcamal-an ang baua,t, isa.»

Saca sinasabi sa capitulo VIII.

«Nararapat munang bago natin ipatuloy, ay sabihin nating ang nangyari cay Pedro Serrano. Si Pedro Serrano ay lumang̃oy sa pulóng yaon na dati,y, ualang ng̃alan, na ang pagcasabi, ay may dalauang leguas sa binilogbilog. Gayon din halos ang sinasabi sa sulat nang paglalayag na ipinaquiquilala na may tatlong pulông totoong maliliit, na may maraming cababauan ó pungtod............................. at sinasabing gayon din ang pagcalagay niong tinatauag na Seranilla, na yao,y, limang maliliit na pulô na may lalong maraming pungtod mahiguit sa Serrana; at caya ng̃a lumalayò doon ang mang̃a sasac-yan dahil sa capang̃anibang ito ...»

«Si Pedro Serrano ay napahamac sa paglalayag dito, at nacarating nang lang̃oy hangang sa naturang pulô, sabihin ang lumbay nang siya,y, naroroon na, sa pagca,t, ualang maquitang tubig, cahoy at halaman man na ipagpatid uhao, ó anomang bagay na sucat niyang pagcalibang̃an, at ninanasang magdaan ang alin mang sasac-yan, nang siya,y, macaalis doon, at nang houag siyang mamatay sa gutom at uhao, na inaari niyang lalò pang mabang̃is sa cung siya,y, nalunod doon, sa pagca,t, lalong madalî ang hirap. Caya sa unang gabi ay uala siyang guinaua cundi tang̃isan ang sauî niyang capalaran, at di mamagcano ang lumbay dahil sa gayong capiitan na sucat icapighatî nang sinoman. Nang maguumaga na,y, muling linibot ang pulô, at naquita niya,y, maraming mang̃a alimang̃o, hipon at iba pang ganganito na nangagaling sa dagat, humuli siya nang ilan at caniyang quinain nang hilao, sa pagca,t, uala siyang apuy na paglutoan.

Dito,y, humintò siya hangang siya,y, nacaquita na may lumalabas na mang̃a pagóng: nang maquita niyang malayò sa dagat ay hinandulong niya ang isa, at caniyang ibinaligtad; gayon din ang guinaua niya sa iba na caniyang nahuli, at nang houag macatacbo; at sacá quinuha niya ang isang sundang na caniyang daladala sa bayauang, na siyang dahil na iquinaligtas niya sa camatayan, hiniua niya ang isa sa naturang pagóng, at ininom niya ang dugô. sa pagca,t, ualang totoong maquitang tubig: ganito rin naman ang guinaua niya sa ibang mang̃a pagóng; ang lamán ay ibinilad niya sa arao, at caniyang cacanin, na guinaua niyang pindang ó tapa, at nang mangyaring ang balat ay magaua niyang sahuran nang tubig cung umuulán, sa pagca,t, doon ay totoong maulán. Sa paraang ito,y, siya,y nabuhay, at nacacain sa mang̃a unang arao na pagcatirá niya doon; pinapatay niya ang lahat nang mang̃a pagóng na caniyang mahuli; at mayroong totoong malalaqui na hindi niya ma ibaligtad, at natatalo siya sa lacas; at cahit quinucubabauan niya at sinsac-yan ay hindi niya matalo, at itinatacbo siya sa dagat; caya natalastas niya cung alin ang mang̃a pagóng na caniyang nahuli at cung alin ang hindi. Sa canilang talucap ay maraming nasahod na tubig si Serrano, sa pagca,t, mayroong totoong malalaqui na naglalaman nang dalauang arrobang tubig at mayroon namang mumunti na cacaunting tubig ang nasisilid.

Nang maquita ni Pedro Serrano na marami siyang baon na cacanin at iinumin, ay inacalà niya na cung siya,y, macaquita nang apuy, nang mailutò niya ang caniyang cacanin, at nang siya naman ay macapagpausoc, cung may dumadaang alin mang sasac-yan, sa pagca,t, ito,y, isang palatandaan, ay uala nang cuculang̃in sa caniya. Sa pagnanasang ito, sa pagca,t, siya,y, tauong magdaragat, na sa alin mang cahirapan ay madaling gumaua nang paraan sa iba, humanap siya nang bató na magagauang pingquian, sa pagca,t, ang caniyang sundang ay gagauin niyang binalol ó pamingquî; at sa pagca,t, ualang maquitang bató sa pulô, at yao,y, nababalot nang buhang̃ing patay, ay ang guinaua,y, napasadagat, sumisid siya at humanap sa ilalim nang bató; at sa totoong pagpipilit ay nacacuha nang mang̃a pinquian, at pinili niya ang lalong mabuti, at caniyang binibiac na pinaguumpog ang dalauang bató nang magcaroon nang talím na pagpipingquian, tinicman niya na piningqui nang caniyang sundang, at nang maquitang linalabasan nang apuy ay pinagpunitpunit niya ang capisang niyang barò, at pinagligasligas niyang maliliit, na siya niyang guinauang lulog, at sa caniyang catiyagaan at cauulit nang pagpingquî ay nacucuha siya nang apuy.

Nang mangyaring houag mamatay at houag mapugnao ang caniyang apuy ay cumuha siya nang maraming yaguit na ipinapadpad sa tabi nang mang̃a alon sa dagat, at pinamumulot niya ang mang̃a capicapisang na cahoy, na tinatauag sa castila na ovas marinas, at mang̃a tabla nang mang̃a sasacyang nadudurog sa dagat, at mang̃a talaba at mang̃a butó nang isdà, at iba pang mang̃a bagay na magdidiquit sa apuy. At nang houag mamatay sa ulán, ay gumaua nang isang cubocubohan na pinagugnay-ugnay ang mang̃a talucab nang mang̃a pagóng na pinatay niya, at totoong pinacaing̃atan na houag mamatay.

Sa loob nang dalauang bouan, at marahil ay culang culang pa, sa cauulán, sa arao at sa calamigan nang lugar na yaon ay siya,y, naguing hubo,t, hubad, dahil na nabuloc ang caniyang damit na bahaguià na lamang nacatatataquip sa caniya. Dahil sa totoong cainitan nang arao ay nahahapó siyang masaquit, sa pagca,t, damit man ay uala siya, lilim man ay uala siyang masilung̃an. Capag siya,y, totoong nahihirapan nang init, ay lungmulubog siya sa tubig. Nabuhay siya nang tatlong taon sa ganitong cahirapan, at sa panahong ito ay nacaquiquita siya nang mang̃a ilang sasac-yan na nagdaraan doon; datapoua,t, cahit siya,y, nagpapausoc, na siyang tandà sa dagat nang tauong nasisinsay at napapahamac, ay hindi napupuná nang mang̃a sasac-yan, ó dahil caya sa catacutan sa mang̃a pungtod ay hindi macapang̃ahas lumapit sa caniyang quinalalag-yan at nagpapatuloy nang paglayag. Ang bagay na ito,y, totoong ipinagpipighati ni Pedro Serrano, na pipiliin ang camatayan, houag lamang magtiis nang ganoong cahirapan. Sa sing̃ao nang lugar na yaon ay totoong humahabà ang balahibo nang boong catauan, na anaqui balat nang hayop, na tila sa baboy damo; ang buhoc at ang balbas ay dungmarating hangang sa bayauang.»

«Nang macaraan ang tatlong taon, isang hapo,y, malayò sa gunità ni Pedro Serrano ay nacaquita nang isang tauo sa pulóng yaon, na sa gabing nacaraan ay napahamac siya sa mang̃a pungtod ó cababauan doon, at ang caniya lamang natimbulan ay capisang na tabla nang sasac-yan, caya siya nacarating doon; at sa pagca,t nang magliuanag ay naquita niya ang usoc nang apuy ni Pedro, sinapantaha niyang may tauo roon, linapitan niya sa lang̃oy, na ang caniyang quinacapitan ay ang naturang tabla. Nang magcalapit na ang dalaua, ay di sucat matalastas cung sino ang lalong napapamang̃a sa dalaua. Inisip ni Serrano na ang caniyang naquiquita ay ang demonio na naganyong tauo na tutucso sa caniya, nang siya,y, magpatiuacal. Ang isip naman nang bagong dating ay si Serrano ay ang tunay na demonio, sa pagca,t, totoong habà nang mang̃a balahibo, balbas at mang̃a buhoc. Capoua nagsitacbo, at si Pedro Serrano ay naguicà nang ganito: «Jesus, Jesus, iligtas mo aco, Pang̃inoon co, sa demonio.» Capagcaring̃ig nito ay naalis ang tacot nang isa at inacalà na si Pedro Serrano ay tauo ring capoua niya, caya pinagbalican at pinagsabihan nang ganito: «houag cang lumayò sa aquin, capatid co, sa pagca,t, aco,y, cristiano ring para mo» at nang siya,y maniualà ay dinasal niya nang malacas ang Sumasampalataya, at nang maring̃ig ni Pedro ay pinagbalican niya, at ang dalaua,y, nagyacap nang daquilang pagibig, at dinaluyan ang canilang mang̃a mata nang maraming luhà, yayamang sila,y, pinagsing isang palad sa iláng na yaon, na uala nang pagasang macaalis pa. Halihaling sinasalita ang pinagdaanan nilang buhay. Inacalà ni Pedro na ang caniyang casama,y, nagugutom, ay binigyan niya nang pagcain at pagìnom; dahil dito,y, naauasuasan ang caniyang paghihinagpis, at pagcatapus ay pinagusapang mulî ang canilang pamumuhay sa macacayanan, na pinagbahabahagui ang mang̃a oras nang arao at gabi sa paghanap nang canilang icabubuhay sa dagat, at ang mang̃a cahoy at mang̃a buto nang isdâ, at iba pang mang̃a bagay na icapagdidiquit nang apuy; at lalong lalò na ang laguing paglalamay, na sila,y, naghahalihalili, nang houag mamatay ang apuy. Ganito ang canilang pamumuhay nang mang̃a ilang arao; datapoua,t, hindi naglaon at sila,y, nagcaalit, at dahil dito,y, sila,y, nagbucod nang pagcain, na ang culang na lamang ay magbabag: nang dito,y, mapagquiquilala ang casam-an nang ating mang̃a caugalian. Ang dahil nang canilang pinag-aauayan ay ang pagsasabi nang isa sa isa, na hindi quinacaling̃a ang dapat gauin; at ang cagalitang ito,t, mang̃a pang̃ung̃usap ay siyang ipinagcaalit nila at ipinagcahiualay. Datapoua,t, sila rin, nang macapagmunimuni na, ay naghing̃ian nang tauad, at nagcaibigang mulî, at macasamang nabuhay na may apat na taon. Sa panahong ito,y, naquita nilang dungmaan ang ilang sasac-yan, at sila,y, nagpausoc; datapoua,t, hindi nila pinaquinabang̃an, at hindi sila napansin nang mang̃a sasac-yan; caya ng̃a di mamagcano ang canilang capighatian, na culang na lamang ay malagot ang canilang hining̃a.»

«Sa catapusan nitong mahabang panahon ay nagcataong dumaan doon ang isang sasac-yang totong nalalapit sa canila, na nacaquita nang canilang pagpapausoc, at ibinunsod sa canila ang bangca, at sac-yan nila sa pagparoon sa daong. Si Pedro Serrano at ang caniyang casama na capoua nagsihabà na ang canilang mang̃a balahibo at balbas, ay nang malapit na ang bangca, ay nang houag acalain nang mang̃a marinero na sila,y, demonio, ay dinasal nila ang Sumasampalataya at sinambit nila nang malacas ang ng̃alan nang ating Mananacop; at dahil dito,y, hindi nang̃atacot ang mang̃a marinero, cahit sila,y, ualang anyong tauo. Dinala na sila sa canilang sasac-yan, na di mamagcano ang pagtataca nang balang sa canila,y, macaquita at macaring̃ig nang mang̃a cahirapang canilang pinagdaanan.

Ang casama,y, namatay sa dagat nang papatung̃o sa España. Si Pedro Serrano,y, dumating dito, at lumipat sa Alemania, na siyang quinalalag-yan nang Emperador sa panahong yaon: hindi inaahit ang caniyang balahibo, balbas at buhoc, at nang maguing tandâ at catunayan nang caniyang pagcabagbag, at nang lahat nangyari sa caniya. Sa lahat nang bayang caniyang pinagdadaanan, cung ibig niyang paquita ay nagcacaroon siya nang maraming salapi. Ilang mang̃a guinoo at mang̃a caballero na nacaibig macaquita nang lagay niya, ay pinagcacalooban siya nang gugugulin sa caniyang paglacad; at ang Emperador sa pagcaquita sa caniya at pagcaring̃ig ay pinagcalooban siya nang apat na libong piso, na bouis sa taon taon. Nang cucunin niya, ay namatay siya sa Panamá, na hindi niya nacamtan.»

«Ang lahat nang salitang ito, para nang nabanguit na, ay sinasalita nang isang Caballero na ang ng̃ala,y, si Garci-Sánchez de Figueroa, na sa caniya co napaquingan, at nacaquilala cay Pedro Serrano; pinatotoohanan niya na sa caniyang bibig napaquingan, at nang matapus na siya,y, maquita nang Emperador ay binauasan nang cauntì ang caniyang buhoc at balbas nang houag dumating hangan sa bayauang; at cung siya,y, natutulog sa bagi ay pinupusód niya, at cung hindi gayon, ay sungmasabog sa hihigan na nacalilingatong sa caniyang pagtulog.»

Decorative motif
Decorative motif
Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings