ICASIAM NA HAPON.
Tomás de Iriarte translation
Magmulâ nang salitin nang ama ang caquilaquilabot na sasapitin ni Robinson, na di mapagcuro nang mang̃a batà, ay nagcaroon nang totoong maraming caabalahan, na nacaraan ang maraming hapon na di nagcalouagang ipatuloy ang historia.
Totoong naiinip ang mang̃a batà, ibig matalastas cung ano ang nangyari sa caauaauang cay Robinson, at ipagpapalit na malouag ang canilang trompo ó ang lalong minamahal na laroan, macaquita lamang nang magsasalitâ sa canila nang nangyari cay Robinson sa gabing yaon, na hindi ipinatuloy na sinalitâ nang canilang ama. Datapoua,t, ang casam-an ay sino ma,y, di macapagsalitâ sa canila cundi ang canilang ama lamang, ng̃uni,t, di minamarapat na salitin, hangan sa siya,y, matahimic, at nang masalitâ niya nang boong cahusayan.
Hangang di nasisiyasat ang bagay na ito, ay ualang malamang gau-in ang mang̃a batà nang paghuhulohulò; mayroong nagsasabi nang ganito, at ang iba nama,y, ganoon; datapoua,t, sino ma,y, di macatuclas nang tunay na nangyari, at sa pagca ng̃a,t, di nila natatalastas.
¿At baquit ayao pa pô ninyong paalaman sa amin? ang tanong nila. Ang sagot nang ama,y, sa pagca,t, may cabagayan.
Ang mang̃a batà, na sa mabuting pagcaturò ay nahihirating tumahimic capag ganoon ang isinagot nang canilang ama, ay hindi na umuulit na tumanong, at nagtiis na naghintay cung cailan sasalitin sa canila ang lihim na yaon.
Datapoua,t, sa pagca,t, ang mang̃a tauong may cabaitan ay madaling macapaguauari nang na sa sa loob nang mang̃a batà, ay capagdaca,y, natalastas nang ama sa muc-hâ nang caniyang mang̃a tinuturoan, na itinatanong nang baua,t, isa sa canilang sarili. ¿At baquit ipagcacait nang ating ama itong ating ninanasà? ¿Anong cahirapan sa caniya ang sabihin sa atin ang ating icatotoua? Inacala niyang mabuting ipahayag niya nang mahusay; at caya ng̃a ganito ang sinabi: nang matalastas ninyong hindi sa caayauan cong magbigay sa inyo nang icalulugod, at ang itiniguil co ang historiang yaon, ay sa pagca,t, mayroon tayo ng̃ayong mang̃a mahalagang bagay na gagau-in, ng̃ayon, mang̃a anac co, maghanda cayo, at bucas nang umagang umaga ay tayo,y, paparoon sa Travemunda sa tabi nang dagat Báltico.
—¿Sa Travemunda pò baga tayo paroroon? na malapit sa dagat Báltico? ¿Bucas pò baga nang umaga? ¿At aco pò baga nama,y, macacasama? ang tanong nang baua,t, isa sa mang̃a batà.
Pinaoohan silang lahat; di masabi ang pagcacaing̃ay nila. ¡Paparoon tayo sa Travemunda! ¡Paparoon tayo sa Travemunda! ¿Saan naroroon ang aquing tungcod, Juanito, saan naroon ang aquing mang̃a bota? magmadali tayo: dalhin ang cepillo; ang suclay; magdala tayo nang damit na malinis. Sa pagcacaing̃ay sa boong bahay, ay halos hindi magcarinigan.
Ang lahat ay humahanda sa pagalis sa quinabucasan, at sa malaquing catouaan nila ay hindi magcaintindihan. Totoong pinaghirapan ang pagpapatulog sa canila sa gabing yaon: sa pagca,t, totoong nagugulo sila, at ang ibig ay magumaga na.
Nang quinabucasa,y, pinasimulan na ang pagcacaing̃ay nang boong bahay; at nagguiguising̃an sila hangan sa nagbang̃ong lahat.
Bucod tang̃i ang ama na di nagpapaquita nang caligayahan, quinucusot ang matá at naguica nang ganito: ¡ay, mang̃a anac co, malaquing caligayahan ang cacamtan co sa inyo, cung aco,y, inyong pababayaang houag tuparin ang aquing ipinang̃acò!—«¿Ano pong pang̃aco yaon?» ang tanong nang lahat nang mang̃a batà na napapang̃ang̃a ang bibig, na tila nang̃atatacot.
Ang ama. Sa ipinang̃aco co sa inyong tayo,y, paroroon sa Travemunda.
Naragdagan ang catacutan: sinoma,y, di macapang̃usap nang cataga man lamang.
Pinagcurocurò co sa gabing ito, na isang malaquing caululan ang paglacad natin ng̃ayon.
Ang lahat. Nang̃asasamáan nang loob, at pinipiguil ang luhà. ¿At baquit pò?
Ang ama. Sasabihin co sa inyo ang aquing catouiran, at aco,y, pahihinunod sa marapatin ninyo. Ang unang una,y, sa pagca,t, mang̃a ilang arao nang humihihip ang amihan, na nagtataboy nang malacas sa dagat nang lahat nang tubig nang ilog Trava, na ang sasac-yang papasoc at lalabas sa uaua nang Travemunda, ay may malaquing capang̃aniban ¿anong cailang̃an at lalagay tayo sa capang̃aniban dahil sa isang pagaalio lamang?
Si Juan. Mangyayari pô namang magbago ng̃ayon nang hang̃in.
Ang ama. Ang icalaua,y, may isa pa acong naisipan. Mangyayaring iliban natin mang̃a sangbouan ang ating paglacad, sa pagca,t, siyang capanahunan nang pagpasoc nang isdang arenque sa Baltico na nangagaling sa Glasial, at dumadating ang sangbunton sa uaua nang ilog na Trava, na doo,y, hindi pinaghihirapan ang paghuli nang totoong maraming isdâ. ¿Di caya magcacaroon cayo nang isang malaquing caligayahan sa panonood nang pang̃ing̃isdâ?
Si Nicolás. Oo pò; datapoua,t, gayon man pô ...
Ang ama. Paquimatiagan pa ninyo ng̃ayon ang lalò pang malaquing catouiran. ¿Ano ang sasabihin sa atin nang ating mang̃a caibigan na si Mateo at si Fernando, na sa loob nang isang bouan ay darating dito sa bahay, cung canilang matalastas na tayo,y, nagsipagalio doon, na di na natin inantay sila? ¡Laquing pagdaramdam nila sa touing sasalitin natin ang ating caaliuan doon! Sa catunaya,y, sisisihin tayo nang ating pusò na cung baquit hindi natin guinauà sa canila ang nìnanasà nating gau-in sa atin. ¿At dahil dito,y, ano ang minamarapat ninyo?
Dito,y, ualang nacasagot sino man.
Ipinatuloy nang ama. Natatalastas na ninyo na cailan ma,y, hindi aco nagpapacasira sa pang̃ung̃usap; at caya ng̃a cung nagpipilit cayo, ay lumacad tayo; datapoua,t, cusang cayo,y, napahihinuhod na aco,y, maligtas sa aquing capang̃acuan, ay isang malaquing caaliuan ang ibibigay ninyo sa aquin, at sa ating dalauang catoto na ating inaantay, at pati sa inyo naman. ¿Ng̃ayo,y, sabihin ninyo ang inyong minamarapat?
Ang lahat. Hihintin pò namin, ang sagot nila, at naliban ang canilang paglacad.
Ating mapaguunaua na marami sa mang̃a batà ang papipilitan lamang sa pagsunod, at hangan tanghali na hindi sila naquiquitaan nang cahit calahati nang dating casayahan, ito,y, naguing dahil na sila,y, pang̃usapan nang canilang ama nang ganito:
Ang ama. Ang nangyari sa inyo ng̃ayon, mang̃a anac co, ay mangyayari sa inyong macaisang libo habang cayo,y, nabubuhay. Totoong cayo,y, umaasa sa alin mang cagaling̃an at caguinhauahan dito sa lupa: totoong napapanatag ang inyong pagasa, at pinagnanasaan ninyong masaquit na maganap. Datapoua,t, sa oras na inaacala na ninyong maaabot na nang camay ang inyong capalaran, ay ang carunung̃ang ualang hangan nang Dios ay hindi sinusunod ang inyong nasà, at nasisira ang inyong pagasa.
Anong mang̃a catouiran ang tinataglay nang inyong Ama sa lang̃it sa pagaasal sa inyo nang ganito, ay bihirang bihira ninyong maquiquilala nang totoong maliuanag, at di para nang pagcaquilala ninyo nang mang̃a catouiran co caya di natutuloy ang ating pagparoon sa Travemunda, sa panahong totoong nagugulo ang inyong loob, at lubos ninyong inaasahan; sa pagca,t, ang Dios na ualang hangan nang carunung̃an, ay natatalastas ang darating, cahit anong layò pa, at totoong madalas na ipinahihintulot niya sa icagagaling natin, na tayo,y, datnan nang mang̃a bagay na hindi natin napagtatalastas ang cagaling̃an hangan sa malaong panahon, at madalas ay hangan sa icalauang buhay. Datapoua,t, ang aquing pagpapatalastas ay hindi nalalayô, at sa mangyayari lamang sa loob nang isang bouan. Ng̃ayo,y, cung sa inyong cabataan ay ang lahat nang mangyayari ay maaayon sa inyong caibigan, cung ang lahat ay mangyayari sa oras na inyong inaantay, ¡ay totoong samà nang inyong pagcacaugalian, mang̃a anac co! ¡mahihirati sa masamâ ang inyong pusò! ¡Laquing pagdaramdam ninyo sa touing mangyayari ang anomang bagay na hindi ninyo naiibigan at macasasamâ nang inyong loob! at sa catunaya,y, darating ang panahon na inyong mararanasan, para nang nararanasang lahat nang mang̃a tauo; sa pagca,t, magpahangang ng̃ayon ay uala pa sa lupa na isa mang tauong macapagsabi na ang lahat niyang ninanasà ay nangyayaring lahat.
At ng̃ayo,y, ¿sabihin ninyo sa aquin, mang̃a anac co, cung ano ang inyong gagau-in? Uala na cundi ang cayo,y, maghirati sa pagcauala nang alin mang caguinhauahan cahit ang lalong ninanasà; ang pagtatagumpay na ito,y, inyong paghihirapan cung bagobago pa, pagcatapus ay di na ninyo lubhang mamabigatin; at sa cauulit ay magcacaroon cayo nang isang catibayan nang loob, na sa boong buhay ninyo,y, inyong matitiis na mapayapa ang mang̃a cahirapan ó caralitaang ipahahatid sa inyo nang marunong at maauaing may ari nang capalaran nang lahat nang tauo.
Sa paraang ito,y, natatalastas ninyo, mang̃a anac co, ang cadahilanan na caming mang̃a punò, ay di na namin ipinagcacaloob sa inyo ang anomang caaliuan, at cung minsan pa,y, ipinaglilihim namin sa inyo ang mang̃a catouiran sa paggauà nang gayon; na ang caraniuang pinacadaquila, ay ang pagtuturô sa inyo nang pagtitiis at pagpapacatibay nang loob, na siyang mang̃a cabanalang quinacailang̃an sa pagdaraan dito sa maralitang buhay.
Ng̃ayon nama,y, mapagcucurò ninyo cung baquit di co ipinatuloy na mang̃a ilang arao ang pagsasalitâ nang mang̃a cahang̃ahang̃ang nangyari sa ating Robinson. Natatalastas na ninyo na hindi aco cuculang̃in nang panahon nang pagsasalitâ sa inyo niyon man lamang na capanglaopanglao na nangyari sa caniya na quinatiguilan natin, at totoong hindi ninyo mapagcurò. Datapoua,t, hindi inibig na sabihin sa inyo ang bagay na ito, cahit aco,y, inaamoamò ninyo; baga ma,t, nagcacailang̃an naman aco na magpiguil nang sariling calooban sa pagcacait sa inyo nang anomang bagay. Hindi quinuculang aco nang mabuting calooban sa pagbibigay lugod sa inyo: cung gayo,y, ¿anong dahil nito, Luisa?
Si Luisa. Sa pagca,t, quinacailang̃an pô namin ang cami,y, matutong magtiis.
Ang ama. Hindi ng̃a ibang bagay, at cung mayroon cayong sucat pasalamatan sa aquin balang arao, ay itong paghihirati co sa ínyo na cayo,y, matutong magtiis, cundi ninyo quinacamtan ang totoo ninyong pinagnanasaan.
Nang macaraan ang mang̃a ilang arao na di napagsasalitaan ang tungcol cay Robinson, ay dumating ang ninanasang oras nang ama na big-yang caaliuan ang nagbatang loob nang mang̃a batà, at ipinatuloy ang pagsasalitâ nang historia nang ganito:
Gabi na ng̃a, para nang sinabi co sa inyo, at si Robinson ay nahihigang matahimic sa caniyang hihigang damong tuyô na casama nang maamó niyang hayop, nanaguinip na para nang nacaugalian niya, anaqui quinacausap ang caniyang mang̃a magulang, di caguinsaguinsa,y, nayanig nang malacas ang lupa, at naring̃ig ang isang madagundong na ugong, na may casamang malalacas na patac, na parang nagsabaysabay. Naguising si Robinson na quiniquilabutan, at di niya maalaman cung ano ang nangyayari, at cung ano ang caniyang gagau-in. Hindi naghuhumpay ang sunodsunod na culog, at gayon din naman ang isang marahas na sigua na nagpapabual nang mang̃a cahoy, at sampo nang mang̃a bató, at pinaaalon ang nagng̃ang̃alit na dagat hangan sa cailaliman. Nalilingatong ang mang̃a elementos, at tila nang̃agaauay ang sangsinucuban. Sa malaquing catacutan, ay lumabas si Robinson sa caniyang yung̃ib, at ganito rin naman ang guinaua nang mang̃a natatacot niyang hayop; datapoua,t, bahaguia na lamang nacalalabas, ay biglang lumagpac ang mang̃a malalaquing bató na pinacabubong nang caniyang yung̃ib sa tapat nang caniyang hinihigan, na umugong nang caquilaquilabot. Si Robinson dala nang malaquing catacutan ay nagtatacbo sa pintò nang caniyang bacuran, at nagsisunod naman ang mang̃a caauaaua niyang hayop.
Ang naisipan niya,y, umaquiat siya sa isang malapit na bundoc, sa isang tabi na inaacala niyang hindi siya malalagpacan nang mang̃a nabubual na cahoy, at nang houag siyang mamatay. Nang siya,y, napatutung̃o na roon, ay naquita niya nang malaquing catacutan na nabuca ang bundoc at bumubuga ang asó, ning̃as, abo, mang̃a bató, at isang bagay na mainit at malambot na tinatauag na lava. Cahima,t, lubhang mabilis ang caniyang pagtacbo, ay bahaguia na lamang siya nacaligtas sa capang̃anibang ito; sa pagca,t, ang nagnining̃as na lava, ay lubhang marahas na parang agos, at ibinubuga sa magcabicabila ang mang̃a pisang pisang na bató na bumabacsac na parang ulan.
Nagpatuloy siya nang pagtacbo sa tabi nang dagat, at ang acala niya,y, ualang malaquing capang̃aniban doon; datapoua,t, doo,y, siya,y, inaantay nang isang casacunaan. Isang marahas na ipoipo, na humigop nang maraming tubig, na sa cabigatan ay biglang lumagpac, na naguing isang malacas na ulan, na iquinaapao nang tubig sa sandaling panahon sa lupang yaon.
Si Robinso,y, nangyaring nacaaquiat sa isang cahoy nang totoong malaquing cahirapan; datapoua,t, ang mang̃a caauaaua niyang hayop ay natang̃ay nang marahas na agos. ¡Ah, gaanong pagpipighati nang pusò ni Robinson sa caauaaua nilang pagung̃al! Nang mangyaring houag mamatay ang mang̃a cahabaghabag niyang hayop ay ilalagay sana niya sa pang̃anib ang caniyang buhay, cung hindi totoong napalayo, dahil sa catulinan nang agos.
Nagtagal pa nang mang̃a ilang minuto ang lindol; at saca biglang tumiguil. Humipá ang sigua, ang pagbuga nang apuy sa nabucang lupa ay untiunting nauauala; tumiguil ang ugong, at sa loob nang calahating oras ay cumati ang tubig.
Si Teodora. ¡Salamat sa Dios at nacaraan na ito! ¡caauaaua si Robinson! ¡Caauaaua ang mang̃a hayop!
Si Luisa. ¡Totoong malaqui ang pagcagulat nila!
Si Carlos. ¿At baquit pô lumilindol ang lupa?
Si Juan. Matagal nang panahon sinabi iyan nang ating ama; datapoua,t, uala ca rito niyon.
Ang ama. Ipaaninao mo sa caniya, Juan.
Si Juan. Tingnan mo; sa ilalim nang lupa ay may maraming totoong malalaquing lung̃â, na parang mang̃a yung̃ib; at itong mang̃a lungang ito ay punò nang hang̃in at mang̃a init nang lupa, ó mang̃a sing̃ao. At diyan nama,y, may mang̃a asupre, at iba pang mang̃a bagay na cung minsa,y, nagiinit at nagnining̃as capag nalamigan.
Si Teodora. ¿At baquit nagiinit at nagnining̃as sa calamigan?
Si Juan. ¿Di mo naquiquita na ang apuy capag binusan nang tubig ay tila cumuculà, at capag mainit ang arao at umulan ay ang isinising̃a ay mainit? Gayon din naman sa ilalim nang lupa ay nagiinit ang mang̃a bagay na naroon, capag inaabot nang tubig, at capag nagiinit na sa mang̃a lungang yaon, ay ang hang̃in na ibig lumabas ay ualang paglabasan, at sa pagiibig lumabas ay ito ang inililindol nang lupa, na cung minsan ay pumuputoc at nalalahang ang lupa, at sa lahang na ito ay lumalabas ang mang̃a asupre at iba pang bagay na nagnining̃as.
Ang ama. Ang dito sa mang̃a bagay na nagnining̃as, para nang mang̃a bato, mang̃a tingâ, bacal at iba pa ay nangagaling yaong tinatauag na lava. Nabasa cong minsan sa isang libro, na sino ma,y, macagagaua nang isang bundocbunducan na bumubuga nang apuy. Cung ibig ninyong maquita, ay ating ticmang isang arao.
Ang lahat. Oo pô.
Si Juan. ¿At paano pô ang paggauà nito?
Ang ama. Huhucay sa lupang basà, at bubusan nang asupre at pinagquiquilan nang bacal, at ang mang̃a bagay na ito,y, nag iinit na cusà, at dito naquiquita ang pagcatotoo na cung baquit may lumalabas na apuy sa mang̃a bundoc.
Samantalang si Robinson ay bumababa sa cahoy ay ang caniyang loob ay totoong nagpipighati at totoong nalulupaypay sa casacunaang sa caniya,y, nangyari, na disi na naisipan tuloy na magpasalamat sa nagligtas sa caniyang muli sa isang malaquing capang̃aniban na sucat icamatay. Tunay ng̃a,t, ang caniyang calagayan ay totoong cahabaghabag mahiguit sa dati. Ang caniyang yung̃ib, na nacaisaisang tinatahanan magpahangan sa arao na yaon, ay humuhò na, at tila di na niya matatahanan cailan man: ang mang̃a maamò at minamahal niyang hayop ay natang̃ay nang tubig at inaacala niyang nang̃amatay na ang lahat nang caniyang mang̃a gauà ay nasira at naualang cabuluhan ang caniyang inaacalà. Baga ma,t, ang bundoc ay hindi na bumubuga nang apuy, ay sumising̃ao na paitaas ang isang maitim at macapal na asó, na tila magmula niyaon ay ang bundoc na yao,y, naguing volcan. Sa bagay na ito,y, ¿paanong pangyayari na tumaban doon si Robinson nang iisa mang sandali na di quiniquilabutan ang loob? ¿Di caya nasisindac siya na baca cung lumindol na naman ay bumuga ang apuy? Totoong nasira ang caniyang loob sa capighatian; at bago magsacdal sa Dios, na síya lamang batis nang tunay na caaliuan, ay ang caniyang hinaharap lamang ay ang sasapitin niyang caralitaan, na inaacala niyang di na matatapus.
Lumapit sa punò nang cahoy na caniyang binabaan; at doo,y, nanambitan nang calumbaylumbay na mang̃a paghibic, na nangagaling sa nagsisicsic niyang pusò at nagpalumagui na ualang munting caaliuan sa gayong calagayan, hangan sa mamanaag ang arao na nagpapaquilala nang paguumaga.
Si Teodora. Ng̃ayon co naquita na may catouiran ang ating ama.
Si Ramon. ¿At baquit?
Si Teodora. Inaacala cong di pa nalalaon na si Robinson, sa pagca,t, nagbago nang asal, ay catouirang hang̃oin na siya nang Dios sa mang̃a cahirapan sa pulóng yaon; at ang sagot nang ating ama, ay ang Pang̃inoong Dios ang siyang nacaaalam sa lahat, at hindi nararapat na ating bulaan ang caniyang calooban. Datapoua,t, ng̃ayo,y, naquiquita co na si Robinson ay hindi pa umaasa nang dapat sa Dios, at nauucol na houag muna siyang hang̃oin sa pulóng yaon.
Si Nicolás. Ganito rin naman ang inaacala co, at caya hindi co siya iniibig na para nang dati.
Ang ama. Uastò ang inyong pagdidilidili mang̃a anac co, sa pagca,t, naquiquita nating tunay na si Robinson ay hindi pa napupuspos niyong matibay at ualang pagmamalio na pagasang anac sa Maycapal nang matapus nang caniyang matangap ang maliuanag na catotohanan nang caniyang cagaling̃an at carunung̃an. Datapoua,t, bago natin siya sisihin, ay lumagay tayo sa caniyang calagayan, at siyasatin natin ang ating sariling consciencia, na tumanong tayo sa ating sarili, na cung lalong magaling ang ating gagau-in cung tayo,y, nalalagay sa calagayan ni Robinson. ¿Ano ang acalà mo, Nicolás? cung icao baga,y, si Robinson, ¿ay magcacaroon ca caya nang lalong malaquing pagasa na mahiguit sa caniya?
Si Nicolás. (Sumagot siya nang marahan at pacumbaba.) ¿Ano pô ang quinaalaman co?
Ang ama. Alalahanin mo na niyong icao ay magcasaquit nang malubhâ sa mata at naguing cailang̃an ang tapalan nang cantárida, ay ipinagtiis mo nang malaquing hapdi. Maaalaala mo na ang caculang̃an nang iyong pagtitiis at cahinaan nang iyong loob, baga ma,t, ang iyong saquit ay tumagal nang tatlong arao lamang. Inaacalà co na ng̃ayong icao ay lumalaqui laqui na ay mababatá mo nang lalong malaquing catiisan ang gayong saquit; datapoua,t, ¿magcacaroon ca baga niyong catibayan at capacumbabaan nang loob na quinacailang̃an sa pagbabatá niyong lahat na dinadalita nang caauaauang si Robinson? ¿Ano ang uica mo dito? inaacalà co na ang dimo pagimic ay siyang tunay na casagutan sa itinatanong co sa iyo. Sa pagca,t, (sálamat sa Dios) cailan ma,y, di mo sinapit ang mang̃a caralitaan nang caauaauang si Robinson, ay hindi mo masasabi cung ano ang iyong dadamdamin at aasalin cung nagcagayon ca. At caya ng̃a ang dapat nating gau-in, ay tayo,y, mahirati sa pagtitiis nang mang̃a munting cahirapan, na marahil ay ipagcacamit natin nang catiisan at pagasa sa cagaling̃an nang Dios, at nang cung masanay ang ating loob, ay mangyaring tiisin natin ang lalong mang̃a malalaquing cahirapan na minamarapat nang Dios na ipahatid sa atin.
Naguumaga na ng̃a; at sinicatan nang bagong liuanag na nagbibigay ligaya sa lahat ang caauaauang si Robinson na nacahilig sa cahoy, at na sa isang cahabaghabag na calagayan na para nang sinabi na natin. Hindi napipiquit munti man ang caniyang mata sa boong magdamag, at ang caniyang iniisip ay cung ano ang caniyang casasapitan.
Sa catapusa,y, lumacad siyang hahapayhapay, na para nang isang tauong nagaantoc, at dumating siya sa gumuhò niyang tahanan. Datapoua,t, ¡laquing caligayan ang dinamdam niya nang caniyang maquita sa tabi nang caniyang bacod!... ¿Ano caya ang caniyang naquita?... Ang caniyang mang̃a minamahal na hayop, na mabubuti at malalacas, at nang̃atototouang nang̃aglulucsuhan sa pagsalubong sa caniya. Tila di siya macapaniuala sa caniyang naquiquita; datapoua,t, inalis siya sa pagaalinlang̃an nang mang̃a naturan niyang hayop, na lumapit sa caniya, hinimuran ang caniyang camay, at ipinaquiquilala ang canilang catouaan sa pagsisigauan at paglulucsuhan nang siya,y, maquita.
Si Robinson na magpahangan sa oras na yaon ay tila nauaualang diuà, ay caracaraca,y, pinagsaolan; tiningnan ang caniyang mang̃a hayop, at pagcatapus ay itinaas ang mata sa lang̃it, na lumuluhà, hindi lamang sa catouaan, cundi naman sa pagpapasalamat at pagsisisi sa di niya pagasa sa Dios; at nilarò niya ang mang̃a nagsauli sa caniyang hayop, pagcatapus ay tiningnan cung ano ang calagayan nang caniyang tahanan.
Si Enrique. ¿At baquit pò naligtas ang caniyang mang̃a hayop?
Ang ama. Ualang pagsalang niyong sila,y, madala nang tubig, ay naanod sila sa isang lugar na mababao, at nang sila,y, dumating doon ay sila,y, nagtacbuhan hangan sa sila,y, dumating sa canilang tahanan.
Siniyasat ni Robinson ang caniyang yung̃ib; at malaqui ang panguiguilalas nang caniyang maquita na hindi totoong malaqui ang casiraan, para nang inaacala niya sa caniyang catacutan. Tunay ng̃a at gumuhò ang batong pinacabubong, na casama ang lupang quinatatamnan, datapoua,t, hindi niya totoong pagpapaguran na caniyang alisin ang gumuhò sa loob nang caniyang yung̃ib, na dahil dito,y, magcacaroon siya nang isang tahanang lalong maluang at maguinhaua na mahiguit sa dati.
Bucod dito,y, may isa pang bagay na nagpapaquilalang maliuanag na di ipinahintulot nang Dios ang sacunang yaon sa pagpaparusa cay Robinson, cundi bagcus pa ng̃ang sa pagiing̃at at pagcacaling̃a sa caniya; sa pagca,t, nang siya,y, malapit na at mapagsiyasat ang lupang parang quinatatamnan niyong batong malaqui na naguiguing pinacabubong nang caniyang tahanan, ay quinilabutan siya, sa pagcaquitang nalilibot nang lupang buhaghag, na sa calaunan nang panahon ay sapilitang guguhò dahil sa cabigatan nang batong yaon at sa cabuhaghagan nang lupa. At tingnan ninyo rito ang ualang hangang carunung̃an nang Dios na nacatatalastas na cung hindi mahulog ang batong yaon sa paglindol, ay mababacsacan si Robinsong na sa loob na ualang pagsala; at caya ng̃a inibig na sa paglindol ay umugong, at sa catacutan ni Robinson ay lumabas, at cundi gayon ay sapilitang mamamatay siya.
Dito matatalastas ninyo, mang̃a anac co, na quinacaling̃a siya nang Dios nang tang̃ing pagibig sa oras na inaacalà niyang siya,y, pinababayaan at quinalilimutan, at nang mangyaring siya,y, maipagadya ay guinauang casangcapan ang paglindol na caquilaquilabot, na inaacalà ni Robinson na siyang catapusan niya. Mangyayari naman sa inyo sa inyong pamumuhay ang naranasan ni Robinson, cung pagmamalasin ninyong magaling ang mang̃a guinagauang paraan nang Dios sa pagcaling̃a sa inyo; at sa alin mang calumbaylumbay na calagayan na inyong sasapitin sa mang̃a haharap na arao ay mamamasdan ninyo ang dalauang catotoohanan: ang isa ay ang mang̃a tauo,y, nagaacalang palagui na ang canilang mang̃a casacunaan ay mahiguit sa catunayan; at ang icalaua,y, caya ipinahahatid nang Dios sa atin ang anomang caralitaan ay dahil sa siyang dapat sa catouiran, na cung sa bagay ay ualang pagsalang mapapanuto sa tunay nating capalaran.
Pagpilitan nating touina,y, igalang ang lihim nang Amang Macapangyarihan, sa pagca,t, ang ating boong capalaran ay na sa caniyang mapagpalang camay. Ang lahat nang bagay sa sangmaliuanag capurihan niya ang ibinabansag, at sa ating pusò ay humihicayat paglingcoran siya nang boong pagliyag. Ang lalong mapait sa caralitaan ay isang biyayang tang̃i nang Maycapal, tandang maliuanag na ibig pacamtan sa atin ang touang ualang catapusan.