KABANATANG VI. Tinugis ng Lisyang Palad
Reading edition
Hindi lubhang malayo sa dampang tinuluyan nila Maring ay may isang malaking palaisdaan, ari ng bantog na mayamang si Capitang Juan.
Si Maring ay natangap na bantay sa palaisdaang yaon, kaya’t sila’y madaling lumipat sa kaniyang dampa.
Isang hapon, nagtatakip-silim na, si Maring ay sumasalap ng hipon, upang sila’y may ulamin sa hapunan.
Dumating si Capitang Juan sa palaisdaan at lumapit kay Maring.
—Maring,—aniya,—labis mo ng nahahalata marahil ang maluwat ng mataimtim kong nais sa iyong kariktan. At yayamang ako’y mayaman, ay ibig kong ikaw ay yumaman din naman.
—Hindi po mangyayari ang inyong nais,—ang sagot ni Maring,—batid po ninyong ako’y may asawa.
—Paka-asahan mong walang makakaalam na sino pa man,—ani Capitáng Juan.
—Mayroon po,—ang tugon ni Maring:—ang Maykapal at akó. Akó’y nahihiya sa Maykapal at sa aking dangal na sarili.
—Akalain mong si Gonsalo ay may sakit,—ang ulit ni Capitáng Juan.—Kapag siya’y namatay ay walang lilingap sa iyo at sa iyong mga anak.
—Akó po namán ay may sariling lakás,—ang pakli ni Maring.
—Kapag hindi nangyari ang aking nais,—ang banta ni Capitang Juan,—ay aalisin ko sa iyo ang palaisdaan.
—Ari po ninyo ang palaisdaan,—ang tahimik na sagot ni Maring,—at magagawa ninyó ang balang ibigin.
—¡Kay-tigás namán ng loob mo!,—ang malambing na samo ni Capitang Juan at anyong yayakapin si Maring.
Si Maring ay umurong ng dalawang hakbang.
—Capitang Juan,—ang nakangiting paklí ni Maring:—Marahan at huwag po kayóng mangahas. May mga babaying maamo pa kay sa inakay na kalapati, kung sila’y hindi linalapastangan; nguni’t kapag hindi iginalang ang kanilang karapatan, ay marurunong din namang manuka at mangamot na masahol pa kay sa lawin.
Si Capitang Juan ay napahiya, kasabay ng malaking galit na biglang sumilakbó sa kaniyang puso at utak.
Yaong bantog na Capitáng Juan na hindi na halos mabilang ang mga babaying kaniyang nabihag; yaong Capitang Juan na may himalang titig na sa tuwi-tuwi na’y sinusukuan ng mga dalaga’t babaying may asawang natitisuran sa paglakad ng kaniyang maligayang buhay, ay naroroon ngayon at pinangdidilatan at hinahamunan ng isang marálitang bantay palaisdaan.
—¡Napakataas ng iyong pangungusap!,—ani Capitang Juan.
—Sa katwiran po lamang,—ang sagot ni Maring.
—¿Anó bagang katwiran ang isinasatsat mo?,—ang bulas ni Capitang Juan.—Magpasalamat ka’t ikaw ay napiling naisin ng aking pita. Panunghan mo ang iyong kaliitan, at tingalain mo ang aking kalakhan, saka ka magsabi kung...
—¡Oh bulag na matanda!,—ang sabat ni Maring.—¡Paslang na mayaman! Ang kaluluwa mo’y kasing-dumi ng salaula mong kalooban. Hindi ka pa nasiyahan sa pamumutawi sa iyong mga labi ng mga salitang mahalay, laban sa marangal na ugali, at ngayon ay nag-anyó ka pang lumapit sa akin, upang lapastanganin mo ang aking pagka-babayi... ¡Ulol! Akalain mong ikaw, sa gitna ng iyong masagwang kayamanan, ay maliit ka pa kay sa hanip nguni’t ako, sa laot ng aking marangal na kadalitaan, ay kasinglaki akó ng kalinisan, ng karapatán at ng katwiran. At ang katunayan ay narito.
Dinukot ni Maring sa kaniyang lukbutan ang isang lanseta, at dagling binuksan. Ang talim nito ay kumislap.
—Lumapit ka ngayon,—ang dugtong ni Maring. Si Capitang Juan ay nangatal ng takot. Ang katutubong tapang ng kaniyang puso at utak ay dagling bumaba sa kaniyang talampakan, at sa katunayan ay siya’y mabilis na lumayas.
Ng siya’y malayo na, at inakala niyang siya’y hindi na aabutan ni Maring, sakali mang siya’y habulin, ay sumigaw ng malakas:
—Iwan ninyó ang dampa ngayon din,—aniya.
Si Maring ay umuwi. Dinatnan niyang nagkakaumpok ang tatlong mag-aama.
Si Gonsalo ay lumalakas lakas na nguni’t hindi pa makalakad.
—Gonsalo,—ani Maring,—tayo’y pinaaalis dito ni Capitang Juan ngayon din.
—¿Bakit daw?,—ang malumbay na tanong ni Gonsalo.
—Ewan nga,—ang sagot ni Maring.
Ipinagkaila ni Maring ang dahilán, ala-ala niya’y baka lalong sumama ang loob ng kaniyang kaawa-awang asawa.
Maluwat na di nakaimik ang dalawa.
Ngayong pinagmamasdan ni Maring ang kaniyang dalawang paslit na anak at ang asawang may sakit, yaong puso niyang kasingtigas ng bakal ay naging marupok, at anaki’y sasabog sa mariing hampas ng lisyang palad.
—¿At papaano tayo ngayon?,—ang kahambal-hambal na tanong ni Gonsalo.
—Tayo ay umalis dito ngayon,—ang lalong kahabag-habag na sagot ni Maring.
Ang dalawang bata ay nangakatanga sa pakikinig sa salitaan. Tila wari ibig niláng mataosan ang káhulugan ng usapan ng kanilang amá’t ina; nguni’t ang kanilang malalagong utak, ang kanilang maliliit na puso, ay wala pang kayang lumasap ng lasong handog sa kanila ng lahat ng bagay na nangyayari.
—¿At saan tayo titira ngayon?,—ang lubhang malungkot na tanóng ni Gonsalo.
Si Maring ay ngumiti, ngiting pilit, ngiting malumbay pa kay sa tangis, ngiting mapait pa kay sa apdó.
—Malapad ang lupang matitirahan,—aniya,—at maaliwalas ang langit na masisilungan. Ang lahat ng parang, gubat at bundok ay pawang nangaghahandog ng kamote, gabe, mga ubod, sari-saring bungang kahoy, bukod pa ang maraming tikling at iba’t ibang ibon at hayop; gayón din naman ang mga sapa, ilog at dagat, ay pawang nangaghahandog ng walang katapusang biyaya, gaya ng mga suso, kabibi, palaka at laksa laksang isdang hindi sukat maubos ng tao sa habang panahon.
—Tunay na nga,—ang pakli ni Gonsalo,—nguni’t akó ay may sakit at... ¡Kaawa-awa ka namán, Maring!
Saka siya biglang napatangis.
—¿Bakit?,—ang masintahing tanong ni Maring.
—Kaawa-awa ka naman, sapagka’t ako’y hindi makatulong sa iyo kaunti man,—ang himutok ni Gonsalo.
—Tatay,—anang matabil na bungso,—akó ay tutulong sa inang ko.
—Akó mán,—ang dagling dugtong ng panganay.
—¡¡¡Dios ko!!!—ang malakás na sigaw ni Gonsalo, saka niyakap na mahigpit ang dalawang anak.
—Ako’y mag-aararo at magtatanim ng palay,—ang ulit ng panganay.
—Ako’y mamamalakaya at ipagbibili namin ng inang sa bayan,—ang dugtong ng di mapakaling bungso.
—¡¡¡Dios ko po!!!,—ang matalim na sigaw ni Maring.—¡¡¡Anong kaliliit ng aking mga anak!!!
Saka minsang niyakap ang tatlong mag-aamá.
¡Kakila-kilabot na larawan!
May mga larawang hindi mangyayaring dalubhasain ng lalong pantas na panulat. Ang larawan nila Maring, Gonsalo at dalawang anak ay isá sa mga binangit.
Ang mag-asawang Maring at Gonsalo ay sabay na tumangis. Ang malalagong utak at maliliit na pusó ng dalawang paslit ay nangahawa mandin sa hinagpis ng kanilang ama’t ina, at sila’y tinablan ng mapait na luhang dumadagisdis at pumapatak sa kanilang ulo, kaya silá ay nagsi-tangis din.
Ang mag-asawa at ang kanilang mga anak ay ayón at nagkakayakap at nagsisitangis na walang lubay. Sila’y parang binigkis ng lalong masaklap na kamatayan.
Ang silong ng bahay ay nabasa sa kadadagisdis ng kanilang luha.
¡Kaawa-awang Maring! Ang sinumpaan man ng mga katalunan ay hanggan doon na lamang ang hirap. Karamihan sa babayi ay nangapapala dahil sa kanilang kagandahan; nguni’t si Maring, sapol pa man sa una, sapol pa noong siya’y agawin ni Gonsalo, ay siya’y tinugis na ng mababangis na ligalig, dahil lamang sa kaniyang hiwagang dilag.
Iwan natin ang kabanatang itó, sapagka’t napakalumbay.

