← Table of contents
Maring (Dangal at Lakas)

KABANATANG III. Pusong Matibay

Reading edition

Kapapanhik pa lamang ni Maring sa kaniyang bahay, ay dumating si D. Eduardo Sanchez.

Sa kabila ng mahigit sa apat na taong lumipas, ay nagkitang muli ang dating nagkakasintahan, ang dalawang pusong biglang pinagwalay ng saliwang palad noon pa namang malapit ng magkabuluhan sa haba ng buhay.

Sa unang pagpipinkian ng dalawang tingin, anaki ay nagbalik na lahat ng panahong lumipas; anaki ay muling nanariwa yaong nasangal na pagmamahalan.

Si D. Eduardo ay kinabahan, dahil sa kaniyang pagsinta kay Maring. Kinabahan din si Maring, dahil naman sa kaniyang pagmamahal kay Gonsalong ama ng kaniyang mga anák.

Maluwat na hindi nakaimik ang dalawa.

Pagkamasid ni D. Eduardo doon sa halos gibang dampang walang anó mang kasangkapan, pagkamasid niya kay Maring at sa mga batang may gutay gutay na damit, kulang lamang ay di mawasak ang kaniyang puso sa malaking habag.

—¿Kaninong mga anák itó?—ang kaniyang tanong.

—Mga anak ko,—ang sagot ni Maring.

Parang linason ang pag-iisip ni D. Eduardo. Kaniyang napagnilaynilay, na kung hindi inagaw ang kaniyang kasintahan, ay siya’y may dalawa na sanang anák na gaya rin noong dalawáng batang kaniyang pinagmamasdan.

Maluwat na namang kapuwa hindi nakaimik ang dalawá.

Sa akala ni D. Eduardo ay kung nandoon lamang sana si Gonsalo, ay sampu man ang kaniyang buhay ay kulang pang ibayad sa kapaslangang kaniyang ginawa. Pag-agaw niya kay Maring, ay parang inagaw sa kaniyang puso ang lahat ng tuwa sa sangsinukuban.

—Maring,—ani D. Eduardo,—¿Nalimutan mo na bagá ang kanitang pagsisintahan?

Si Maring ay hindi nakasagot: siya’y nahahabag sa napakalumbay na anyo ni D. Eduardo: ang tingig nitó ay lubhang kalunos-lunos; basag na anaki tingig ng pusong tumatangis.

—Ikaw, Maring,—ang dugtong ni D. Eduardo,—ay hindi mo tinupad ang iyong pangako sa akin, at nag-asawa ka kay Gonsalo; datapuwa’t akó, akó ay tumupad sa aking pangako sa iyó, at ang katunayan ay ako’y bagong-tao hangga ngayon.

—Hindi akó nakatupad,—ang pakli ni Maring,—hindi dahil sa kusang pagtalikod sa iyó, kungdi dahil sa kusang paghabol ko sa aking puring nalugso.

—Si Gonsalo ay taksil,—ani D. Eduardo,—nguni’t ikaw ay banal. Ikaw ay hindi mangyaring suminta kay Gonsalo, sapagka’t ang kabanalan ay hindi dapat suminta sa kataksilan.

—Ang kataksilan,—ang tugon ni Maring,—kung hinggil sa pag-ibig, ay mangyayaring hugasan ng kapatawaran ng pinagtaksilan. Dahil dito, sakali mang si Gonsalo ay nagtaksil laban sa aking puri, ay siya’y malinis na ngayón, sapagka’t siyá’y pinatawad ko ng lubos.

—¿At papaano ang kanitang pagsisintahan?—ang malumbay na tanong ni D. Eduardo.

—Paglabanan mo,—ang sagot ni Maring,—gaya ng aking paglaban hangga ngayon. Akalain mong kapag ako’y nabuwal sa putik, ay mapuputikan din sampu ng aking mga anák.

—Ikáw ay dinaya ni Gonsalo,—ang dugtong ni D. Eduardo.—Siya’y hindi napatungo sa Mindanaw, kungdi sa Hawaii.

Si Maring ay biglang namutla. Ngayon niya napagnilay-nilay ang dahilan ng maluwat na di pag-uwi ng kaniyang asawa.

—Siyá’y babalik din dito,—ang kaniyang sagot.

—Hindi mo na siyá makikita kailan pa man,—ang tutol ni D. Eduardo,—sapagka’t matunog ang balitang siyá ay nag-asawa na doon.

Hindi nakakibo si Maring. Biglang sumagi sa kaniyáng puso ang masidhing kamandag ng panibugho. Datapuwa’t palibhasa’y siya’y may katutubong lakás, kaya agad niyang dinaig ang gayong udyok, at pagdaka’y sumagot ng banayad:

—Ako’y hindi naniniwala,—aniya.

—Maniwala ka’t marami ang nagbabalita ng gayon,—ang ulit ni D. Eduardo.—Hindi mo na makikitang muli si Gonsalo.

—¿Papaanong hindi ko siya makikita,—ang tugon ni Maring,—sa talagang siyá’y nakikita ko nga sa lahat ng sandali? Si Gonsalo ay hindi nakakanlong kailan pa man sa mga mata ng aking pag-iisip.

—¡Oh Maring!—ang buntong hininga ni D. Eduardo.—¡Anóng katigas ng iyong puso! ¡Walang pinag-ibhan sa batong hindi mapayanig ng malumbay kong himutok! Ikaw ay minahal kong mahigpit pa kay sa aking sariling buhay; nguni’t ikaw ay pinagtaksilan at kinaladkad sa burak ni Gonsalo. ¿Sino sa aming dalawa ang iyong minamabuti?

—Ako’y minahal mong mahigpit pa kay sa iyong sariling buhay, at ikaw ay minahal ko ring mahigpit pa kay sa aking pagkatao, nguni’t kita’y hindi magkaisang palad. Tunay din naman ang wika mong ako’y pinagtaksilan ni Gonsalo, nguni’t siya naman ay naging kabiyak ng aking kaluluwa’t katawan, at dahil dito ay katungkulan kong damayan siyá sa lahat ng bagay. Ang amá ng aking mga anák ay mamahalin ko hanggang sa libingan.

—¡Anong kalupit mo, Maring!—ang hibik ni D. Eduardo.—Ikaw ay sininta kong taimtim, mahigit kay sa lahat ng pagsinta sa silong ng langit. Ang pagkapanganyaya mo kay Gonsalo ay tinanangisan ko ng walang lubay, gabi’t araw sa lahat ng sandali...—“Lumubog na si Maring”—ang aking himutok sa tuwi-tuwi na.—“Lumubog na ang araw ng aking pag-iisip, ang sula ng aking buhay, ako’y linisan at hindi na babalik, kaya dapat na siyang limutin.” Nguni’t ¡ay! Samantalang pinagpipilitan kong katkatin sa aking guniguni ang iyong ala-ala, ang iyong larawan naman ay lalo pang nalilimbag sa kaubud-uburan ng aking kaluluwa.

“Sapol pa noong gabing ikaw ay agawin ng mga buhong ay hindi na ako nakakain at hindi na ako nakatulog. Inakala kong natapos na ang mundo sa akin. Sa boong buhay ko ay walang ibang tumitibok kundi pawang kamatayan.

“Tunay nga sana at sa kabila ng kamatayan ay may namamanaag na walang katapusang ligaya sa langit, nguni’t,... nguni’t ligayang luksa, kasayahang mapanglaw, langit na malungkot, sapagka’t ikaw Maring, ay wala ka doon. ¿Anhin ko ang langit, kung ikaw ay naritó sa lupa?

“At sapol pa noon ay ako’y lumakad na walang tinutunguhan, ako’y nagngingitngit na walang kinagagalitan; akó’y tumatawa ng walang kinatutuwaan; ako’y nagsasalita ng walang kinakausap... Saka... Saka biglang lumabo ang aking pag-iisip. Ewan kung anó ang nangyari, nguni’t,... nguni’t naparam sa akin ang boong linaláng.

“Lumipas ang kung ilang taon. Nanag-uli sa akin ang nawala kong pag-iisip. Pinagmasdan ko ang aking kinalalagyan, at... ¿Nalalaman mo ba kung saan akó nandoon? ¡Sa San Lazaro!”

—¿Bakit?,—ang biglang tanong ni Maring.—¿Nagkasakit ka bagá?

—Hindi akó nagkasakit,—ang sagot ni D. Eduardo.—Akó lamang ay NAULOL.

Sabay tumalon ang luhang kangina pa gumigilid sa kanilang mga pilikmata.

—Ako’y kakaiba, Maring, sa lahat ng tao,—ang baság na tingig ni D. Eduardo.—Kung kailan ako’y ulól, ay noon akó matino; at kung kailán akó matino, ay noon ako ulol.

—¿Bakit namán?,—ang malumbay na tanong ni Maring.

—Dingin mo,—ang tugon ni D. Eduardo.—Noong ako’y ulól at nakakulong sa San Lazaro, ay ako’y tahimik at ako’y nakakakain, ako’y nakakatulog ng mahimbing at ako pa raw ay masayá. Nguni’t ngayong ako’y matino na, ay ako’y balisá, lagalag na walang pinatutunguhan hindi akó makatulog, at wala akong kinakain kungdi ang mapait kong luha, mabisang pait na nagsusumiksik hangang sa kaubud-uburan ng puso kong naghihingalo.

—At sapol pa noong ako’y tumino, ikaw ay hinanap kong walang lubay sa mga gubat at parang. Nabalitaan ko ngang ikaw ay nagbalik dito at iniwan ka ni Gonsalo. At ngayong kita’y nakikitang may wasak na damit ngayong maputla ka’t naparam na ang dating luningning ng iyong hiwagang karikitan, ngayong ikaw ay may dalawa ng anak, ngayong nalugso na ang iyong dalisay na puri, ngayong ayaw ka ng batiin at kinaiinipan ng magdarayang buhay, ay ngayóng pa kita lalong sinisinta, ngayón pa kitá lalong dinadalanginan. Maring, ¿nalalaman mo kung kaya gayón? Dahil sa ang sinisinta ko sa iyó ay hindi ang abang katawan, kungdi ang kalooban mong wagas pa kay sa sinag ng araw, ang kaluluwa mong kaluluwang virgen. Maring, Maring, mahabag ka na sa akin. Kapag-hindi ka lumingap sa aking mga daing, ay pagka-asahan mong ako’y mamamatay sa madaling panahón, kungdi kaya ako’y mauulol na muli.

Si Maring ay hindi sumagot ng kahit iisang bigkás. Samantalang naririnig ang mga hibik ni D. Eduardo ay parang naiinis ang kanyang hininga.

—¿Anó ang iyong kasagutan?—ang tanong ni D. Eduardo.

—Hindi mangyayari,—ang mátatag na tugon ni Maring.

—¡Hindi raw mangyayari!,—ang dugtong ni D. Eduardo.—Huwag ka ng mahabag sa akin: mahabag ka na lamang sa iyong mga anak at sa iyong sariling buhay. ¡Damit man ninyo ay wala...! Maring, ¿ibig mo na bagang kayo’y mangamatay ng gutom?

—Masakit nga sana ang mamatay ng gutom,—ang pakli ni Maring,—nguni’t lalo pang masakit ang mamuhay sa kasamaan. Ako’y hindi mangyayaring suminta sa iyo.

Maluwat na di nakakibo si D. Eduardo, at pagkatapos nagnilay-nilay ay nagsalita ng ganito:

—Maring, ikaw ay ibibilang kong parang tunay na kapatid, nguni’t iligtas mo ang buhay ninyong mag-iina. Ako’y may inihahandang bahay na talagang titirahan ninyo: malaki at may maraming kasangkapan. Sa tabi nito ay may isang mahabang bahay na may sampung pintong sadyang paupahan. Ang malaking bahay na aking binangit, at gayon din ang may sampung pintuan ay inyong lahat, ari ninyong sarili, upang kayo’y may ipamuhay.

—Salamat,—ang sagot ni Maring,—nguni’t hindi ko matatangap.

—¿Hindi mo matatangap at bakit?,—ang nangigilalas na tanong ni D. Eduardo.—Ako’y hindi dadalaw sa inyo kailan pa man; hindi. Nalalaman kong ako’y hindi mo ibig makita at ikaw ay hindi ko bibigyan ng kahit munting samá ng loob. ¿Nalalaman mo bagá Maring kung bakit ipinagkakaloob ko sa inyó ang aking dalawang bahay? Sa pagka’t ako’y ulila sa ama’t sa ina, walang kapatid, walang kamaganak, walang kaibigang tapat. Dahil dito ay hindi ko ibig na ang aking mga ari-arian ay masayang bukas ó makalawang ako’y mamatay ó muli kayang maulol.

Sabay na napatangis ang dalawa.

Sa tingig ni D. Eduardo ay may kahambal-hambal na tunog na anaki hibik ng naghihingalo.

—¿Tatanggapin mo?,—ang nabubulunan niyang tanong.

—Hindi,—ang matatag na sagot ni Maring.

—¿Bakit?,—ani D. Eduardo.

—Hindi nga sana masama,—ang tugon ni Maring,—kung tanggapin ko naman ang iyong handog; nguni’t, ¿ano kaya ang wiwikain ng madla? Nalalaman ng lahat ng tao na kita’y nagkasintahan, at kung tatanggapin ko ang iyong bahay, ay may magsasabi kayang ako’y hindi mo...

—Sabihin nila ang ibig sabihin,—ani D. Eduardo.—Kung ikaw ay walang ginagawang masama ay...

—Hindi gayon,—ang sabat ni Maring.—Hindi kailangang libakin man ang talagang gumagawa, ng masama. Nguni’t kung ang hindi gumagawa ng masama ay siyang libakin, dahil sa siya’y nagbigay ng daan, upang siya’y... ¡Ah! Hindi mangyayari. ¡Eduardo, hindi mangyayari!

Si Eduardo ay tumindig. Hindi niya malaman kung dapat niyang kagalitan, sintahin ó igalang ang babaying yaón; nguni’t ibig manding masira ang kaniyang pagiisip.

—Huling tanong—aniya,—¿tatanggapin mo ó hindi?

—Hindi,—ang matatag na sagot ni Maring.

Ang sagot na itó ay nakasabay ng sigaw ng mga bata.

—Inang,—anilá,—nagugutom na kami.

Pagkaringig ni D. Eduardo sa daing ng mga bata ay siya’y nangatal sa malaking lunos.

Binuksan ang kaniyang “cartera,” kumuha ng sampung salaping papel na tigdalawang puong piso bawa’t isa, at kaniyang inilagay sa ibabaw ng hapag ng dambana.

Pagkakita ni Maring sa salapi, ay siya’y kinabahan, nangdidilat ang kaniyang mga matá, at tila wari ibig niyang damputin. Nanglamig ang kaniyang boong katawan, parang umakiat sa kanyang ulo ang lahat niyang dugo, at tila mandin masisira ang kaniyang pag-iisip. At hindi nga malayong magkagayon, sapagka’t si Maring ay maluwat nang hindi nakakakita ng gayong karaming salapi. Dalawang daang piso. Hindi man lamang niya napangarap ang gayong kayamanan, saka ngayon ngayón ay tinatanaw niya sa ibabaw ng kaniyang dambana, at ipinagkaloob pa sa kaniya.

Gayon pa man, palibhasa’y si Maring ay may katutubong hinhin, ay nanaig ang kaniyang gawing bait; saka nagsalita ng banayad.

—¿Anóng salapi iyan?,—ang kaniyang tanong.

—Iyan ay handog ko sa mga bata,—ang sagot ni D. Eduardo.

—Salamat,—aní Maring,—nguni’t hindi ko matatanggap.

—¡Inang!,—ang halos nakapanabay na sigaw ng mga bata.—Kami ay nagugutom.

Ang hibik ng mga paslit ay tumagos hanggang sa kaibuturan ng kaluluwa ni Maring.

—¿Hindi mo tatangapin?,—ang ulit ni D. Eduardo.

—¡¡¡Inang!!!,—ang sabat ng mga bata.—¡¡¡Kami ay nagugutom!!!

—Hindi ko tatanggapin,—ang matatag na sagot ni Maring.

Kinuha niya ang salapi sa dambana, hinawakan ang kamay ni D. Eduardo, saka inilagay ang salapi sa kaniyang palad.

—Kapag tinangap ko ang iyong salapi,—aniya,—ay hindi mangyayaring hindi ko rin tangapin ang iyong pag-ibig. Eduardo sinabi mong kami ay iyong minamahal. Kung gayón ay dapat kang mahabag sa akin, dapat kang mahabag sa aking mga anak, at huwag mong ipilit ang iyong salapi. Ibig mo na bagáng ang aking mga anak ay tawaging anak ng...

—¡¡¡Sus!!!,—ang piping sigaw ni D. Eduardo at biglang umalis na anaki’y ulol.

Illustration from Maring (Dangal at Lakas): Ulirang Buhay Tagalog
Illustration from Maring (Dangal at Lakas): Ulirang Buhay Tagalog
Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings