KABANATANG IV. Inang Malingap
Reading edition
Ang mga bata’y nag-iiyakan at humihingi ng pagkain.
Si Maring ay nanghiram ng gunting sa isang kapit-bahay at pinutol ang kaniyang mayabong na buhok saka binalot ng papel.
Pagdaka’y pinanyuan ang ulo at nanaog.
—¿Baka po may nais kayong bumili ng buhok?,—aniya sa isang taong nasalubung sa daan.
—Tingnan natin,—ang sagot ng kausap.
Matapos makita nito ang buhok, ay pinagmasdang mabuti si Maring, at ng makita ang kaniyang marálitang anyó at pananamit, ay siya’y pinangdilatan.
—¿Saan mo ninakaw ang buhok na iyan?—aniya.
—Hindi ko po ninakaw,—ang sagot ni Maring.
—¿Hindi mo ninakaw?,—ang ulit ng kaniang kausap.—¿At saan ka kumuha ng ganiyan kagandang buhok? Ang mga mayayaman ay siya lamang nagkakaroon ng buhok na ganiyan karikit, at ikaw ay hindi ka mayaman.
—Kung ayaw po ninyong bilhin ay huwag,—ani Maring.—Hindi ko naman ipinamimilit.
At siya’y umalis.
Nagkátaon ay may nagdadaang pulis sa pook na yaon. Itó ay kinalabit ng kausap ni Maring.
—¿Nakikita ba ninyo ang babaing yaon?,—aniya.
—Opo,—ang sagot ng pulis.
—Habulin ninyó, at iyan ay magnanakaw,—anang nagsumbong.—Kagabi, ang isa kong kapit-bahay ay ninakawan ng maraming hiyas. Ang gayon ay alam na ninyó marahil, sapagka’t ipinagbigay alam na sa pamunuan ng pulis. Kasamang nawala ng mga nasabing hiyas ang isang mayabong na buhok na talagang gagawing postiso ng may-ari. Ang buhok na sinabi ko ay dala at ipinagbibili ng babaying yaon.
—¿Siya nga ba?,—ang biglang tanong ng pulis, saka matuling hinabol si Maring.
—Oy,—ang tawag sa kaniya.—¿Anó iyang dalá mong nakabalot?
—Buhok po,—ang sagot ni Maring.
—Tingnan ko,—anang pulis.
Ibinigay ni Maring ang buhok.
Binuksan ng pulis ang balutan, at pagkakita sa buhok, ay muling binalot at isinilid sa kaniyang lukbutan.
—Sumama ka sa akin,—ang utos kay Maring.
Si Maring ay parang napaakyat sa langit inakala niyang bibilhin ng pulis ang kaniyang buhók.
—¿Bibilhin po ba ninyó?,—ang kaniyang masayang tanong.
—Oo, bibilhin ko,—ang tuya ng pulis.—Halina at sumama ka sa akin.
—Mahaba pong buhok iyan at mayabong, bukod sa malinis at makinang,—aní Maring samantalang sila’y lumalakad.
Sila’y nagtuloy sa cuartel ng pulís sa Tundó.
—¿Bakit po dinala ninyó akó dito?,—ang tanong ni Maring.
—Huwag kang kumibo,—ang kagulat-gulat na bulas ng pulís saka itinulak si Maring sa bilanguan, at isinima ang pinto.
Si Maring tumangis ng di gayon lamang. Naala-ala niya ang mga batang iniwang gutom.
Siya’y parang ulól sa loob ng bilanguan: tumatadyak sa sahig, kinakalampag ang pinto, saka sumigaw ng ubos lakás.
—Ako’y ilabas ninyó dito,—anang aba.—Wala akong ginagawáng kasalanan. ¿Bakit at ako’y ibinilanggo ninyo?
Binuksan ng sargento ang pinto, at pagkakita sa kagandahan ni Maring, ay kaniyang linapitan.
—¡Kay ganda mo!,—ang kanyang biro.
—¿E di kasi ako’y ibinilanggo ninyo dahil sa ako’y maganda?,—ani Maring.—Pagbabayaran ninyó sa akin itó: ako’y magsasakdal sa mga pinuno.
Anaki’y tinampal ang sargento sa pangahás na banta ni Maring.
—Doon sa Bilibid ka magsakdal.
—¿Anong Bilibid?,—ang nagngingitngit na tanong ni Maring.—¿Bakit? ¿Anó bagáng kasalanan ang nagawa ko?
Siya’y tinitigan ng sargento.
—¡Kay gandang magnanakaw nito!,—aniya, saka biglang isinima ang pinto.
Ang salitang “magnanakaw” ay narinig ni Maring, nguni’t hindi niya natausan ang kahulugan.
—¿Akó kaya ang pinanganlang magnanakaw?,—ang tanong sa kaniyang sarili.—Hindi: ako’y nagkariringan lamang. ¿At sino sa sangdaigdigan ang makapagsasabing ako’y magnanakaw?
Muling kinalampag ang pinto.
—¡Teniente! ¡Capitan!,—ang kaniyang ubos lakás na sigaw.
Muling binuksan ng sargento ang pinto ng bilangguan, may dalang yantok na pamalo, pumasok at hinampas sa mukha si Maring.
—¡Huwag kang maingay!,—ang kaniyang kakilakilabot na bulas.
Nagputok ang tinamaan ng dulo ng mabangis na yantok. Sinugod ni Maring ang sargento at pinan-gigilang kinagat sa kamay. Bumaón ang kaniyang mga ngipin sa kamay na kinagat, tumalsik ang dugo, nawaray ang laman, kaya’t nakabitiw ang mga nagngangalit na ngipin, nguni’t bigla niyang binaltak at inagaw ang malupit na yantok, at ubos lakás na inihampas sa mukha ng sargento. Tumama sa matá nitó ang dulo ng yantok, at nagputok ang balintataw ng kaniyang matá.
Pumasok sa bilangguan ang mga kawal, hinawakan si Maring at saká ginapos.
—Naulol, naulol,—anilang lahat.
Dumating ang Capitán.
—Huwag po kayóng lumapit,—anang mga kawal,—sapagka’t siya’y naulól.
—Silá po ang naulol,—ani Maring sa Capitán.—Tingnan po ninyó, ginoong Capitán, ako’y ibinilango nila, pinapagputok nila ang aking mukha, at ako’y ginapos pa nilá, sa ako’y walang ginagawang kasalanan.
Ang Capitán ay pumasok sa kaniyang tangapan.
—Alisan ninyó ng gapos ang babaying iyan at iharap sa akin,—ang kaniyang utos.
Ipinag-utos ng isang kabo sa mga kawal na alisan ng gapos si Maring at ilabás sa bilanguan.
Ang mga inutusan ay naghihiliang tumupad sa utos. Sila’y natatakot na baká sila’y bunuin ng “ulol”.
Ang kabo, bagá ma’t malaki rin ang pangambá, sa takot sa Capitán ay siya na ang tumupad sa utos.
Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto, sumilip muna, tinanaw ang kinatatakutang “ulol”, at pagkakitang itó ay tumatangis na mag-isa, nakalupagi sa sahig, ay biglang sinugod at hinawakan sa kamay, at inalisan ng gapos.
Paglabas sa bilanguan ni Maring, ay inirapan ang mga kawal na kaniyang nadaanan. Ang mga itó ay nagsipangatal ng takot.
—¡Kay tatapang na mga kawal!—ani Maring.
Siya’y iniharap sa Capitán.
—¿Sino ang humuli sa babaying itó?—ang usisa ng Capitán.
—Akó po,—ang sagot ng isang kawal na kaharap.
—¿Anó ang kaniyang kasalanan?,—ang ulit ng Capitán.
—Siya po ang nagnakaw kagabi ng mga hiyas at buhok sa bahay ni D.a Consuelo Jimenez. Ang buhok po ay lumitaw na, at kaniyang ipinagbibili: narito po.
At ibinigay ng kawal ang buhók sa Capitán.
—¿Saan mo kinuha ang buhok na ito?—ang tanong ng Capitan kay Maring.
—Ang buhók pong iyan ay akin,—ang sagot ni Maring.
—Oo nga at iyo,—ang ulit ng Capitán;—nguni’t, ¿saan mo kinuha?
—Sa ulo ko po,—ang tugon ni Maring.
Saka inialis ang kaniyang panyo sa ulo.
Biglang namangha ang lahat na kaharap. Maliwanag ang katunayang ang buhok ay hindi nga nakaw. Ang kulay at putol nitó ay kaisá at kaakma ng may mga isang dangkal na naiwan sa ulo ni Maring.
Tiningnan ng matang nanglilisik ng Capitán ang kawal na dumakip kay Maring, at isinauli sa kaawa-awang babayi ang kaniyang buhok.
—¿Sino ang pumutol ng iyong buhok?,—ang tanong ng Capitán kay Maring.
—Akó po,—ang sagot nitó.
—¿Bakit mo pinutol?,—ang ulit ng Capitán.
—Ipinagbibili ko po,—ang tugon ni Maring:—ako’y walang sukat na maipakain sa aking mga anak.
—Umuwi ka na at ipagbilí mo,—anang Capitán.
—¿At papaano po itong mukha kong nagputok?,—ang tanong ni Maring.
—Ikaw ay nakagantí na,—ang sagot ng Capitán,—sapagka’t binulag mo naman ang sa iyo’y pumalo.
—Hindi po kailangang ang siya’y mabulag man,—ang tutol ni Maring,—sapagka’t ako’y kaniyang tinampalasan, nguni’t pinapagputok niya ang aking mukha, gayóng ako’y walang munti mang kasalanan.
—Tunay nga,—ang pakli ng Capitán,—at dahil dian ay asahan mong mapaparusahang lahat ang mga lumapastangan sa iyo.
Si Maring ay nagpa-alam, muling pinanyuan ang kaniyang ulo, matuling lumabás sa kuartel at napatungo sa dako ng simbahan. Siya’y lumapit sa isang tindahang bayan.
—¿Baka po ibig ninyong bumili ng buhok?
—Tingnan po natin,—ang sagot nitó.
Ibinigay ni Maring ang buhók. Nagdumami ang mga nanonood na tao.
—¡Karikit na buhok!,—anang isá.
—At mahaba,—ang saló ng isá pá.
—Mainam nga sana,—ang katlo ng may tindahan,—nguni’t buhok ng patay.
—Iyan po’y buhók ng buhay,—ang tutol ni Maring.
—Buhók nga ng patáy,—anang isang babaying nandoon.—¿At sino ang buháy na puputol ng ganiyan kagandang buhok?
Ibig na sanang sabihin ni Maring na iyon ay kaniyang buhok, nguni’t doon ay maraming tao, at ikinahihiya niyang ipakita ang kaniyang ulong gapas.
Siya’y umalis at humanap ng ibang tindahan nguni’t gaya rin ng una, ay siya’y pinagkulumutan ng maraming tao, at sinabi niláng iyon daw ay buhok ng patay. Hindi nilá makayang paniwalaan na ang isang babaying buháy ay magputol ng gayóng karikit na buhok.
Umalis na naman si Maring, datapuwa’t biglang sumagi sa kaniyang bait ang nagugutom na iniwang anák sa bahay, kaya’t agad nagbalik sa tindahang pinangalingan.
Gaya rin kangina, ay nagdumami ang mga tao.
—Hindi po buhok ng patay ang aking ipinagbibili,—aniya—itó po ay buhók ng buháy, at ang katunayan ay narito.
Inalís ni Maring ang panyo sa kaniyang ulo.
Naghalakhakan ng tawa ang mga taong nandoon pagkakita nila sa ulong gapas ni Maring. Inakala nilang itó ay ulol.
Palibhasa’y nakikita nilang si Maring ay na sa malaking kagipitan, kaya binabaratán ang halaga ng kaniyang buhók. Talagang gayón sa buhay na ito: kung sino na nga ang nalulunod, ay siyang lalong pinagdidiinan.
Sa dalawang puong piso man ay mura pa ang buhók ni Maring, nguni’t natawaran lamang ng dalawang piso. Ng makita niyang ayaw ng sumulong ang tawad, ay ibinigay na niya sa nasabing halagang dalawang piso.
Siya’y bumili ng tinapay at mantequilla, halos tumatakbong umuwi ng bahay at kanyang pinakain ang mga batang gutom.
Ang Capitán ng pulis ay tumupad sa kaniyang pangako. Ikatlong araw ay nangatiwalag sa kanilang tungkulin, ang kawal na dumakip kay Maring at ang nabulag na sargentong nagpaputok ng kanyang mukha. May balitang ang sargentong itó, ng wala ng makain, ay namuhay sa mga gubat at nanulisan.
Isang lingo pa lamang ang lumipas, si Maring ay wala na namáng maibili ng pagkain.
Ang kaniyang mga anak ay nagiiyakan ng gutom.
Wala nang mahirap kalabaning gaya ng mga bata. Hindi nilá nalalaman ang kahirapan, at walang taong may matigás na loob na makalalaban sa kanilang daing. Ang kalaban ni Maring ay dalawang batang lalaking kalikut-likutan. Si Maring ay nakalaban sa isang mabangis na sargento; at kasalukuyang lumalaban sa salot ng kahirapan, nguni’t siya’y hindi mandin makalaban sa hibik ng dalawang batang humihingi ng pagkain.
Sa likot ng mga bata, ay kinuha ang Santo Cristo sa dambana at pinagbali-bali nila. Dinatnan ni Maring na kagat ng bunso ang isang paa ng nasabing Santo Cristo.
—¿Bakit sinira ninyó ang Santo Cristo?,—ang tanong ni Maring sa mga bata.
—Ako’y nagugutom,—ang sagot ng matabil na bunso,—kaya kinakain ko ang kaniyang paa.
Si Maring ay parang tinarakan sa puso.
Kinuha niya ang bali-baling Santo Cristo, pinulot sa sahig ang mga paa at kamay na natanggal, iginapos sa cruz at muling ipinako.
Sa lagay na iyon ni Maring ay kahalintulad ng mga judiong nagpako kay Cristo; ang kahigitan lamang ni Maring, bukod sa ipinako niya ang kaniyang Cristo, ay binilibiran pa ng gapos na kawad sa Cruz, buhat sa paa at sa kamay hangang liig.
Si Maring ay nanaog, dalá ang kaniyang Santo Cristo, at ipinagbibili sa mga bahay-baháy.
Ngayon namán ay siya’y tulad kay Judas. Ang kaibhan lamang ay ang pagbibilí nitó kay Cristo sa halagang tatlong puong salapi; datapuwa’t ang Cristo ni Maring ay mura at ipinagbibili lamang sa halagang “isang salapi”.
At sa halagá mang itó ay wala pang makabili, sapagka’t ang Cristo ni Maring ay Cristong nagkapilay-pilay, Cristong nagkabali-bali ang mga kamay, paa, baiwang at liig.
Si Maring ay napatungo sa Divisoria at doon niya ilinako ang kaniyang Santo Cristo.
Siya’y nasagasaan ng isang nagtutumuling may pasáng batulang, tumapon ang Santo Cristo sa bató at gumulong sa putik.
Pinaliguan ni Maring sa grifo ang kaniyang Santo Cristo, at pagkatapos, ay nakita niyang tapias ang ilong, bungi ang labi at bulag ang mata.
¡Caawa-awang Santo Cristo! Sa lahat ng Santo Cristo sa sanglibután ay malaki ang pinagdaanang hirap ng Santo Cristo ni Maring.
Siya’y may natanawang isang kamatis na sirang nakatapon sa pangsol (canal) sa tabi ng kabiak na tinapay. Maliksi niyang dinampot kapuwa, tinakpan ng mangas ng baro ang kaniyang bibig, saka minsang isinubo ang kamatis. Siya’y nahihilo na ng gutom.
Anyó na namang isubo ang tinapay, nguni’t biglang natigilan, iniurong ang kaniyang kamay sa bibig at isinilid ang tinapay sa lukbutan. Naalala niya ang kaniyang mga anak, at ang tinapay ay itinira sa kanilá.
Nadaanan niya ang matong ng layak. Matuling linapitan ni Maring, dinampót ang isang sirang bayabas na doo’y kaniyang nakitang nakatapon; nguni’t siya’y biglang itinulak ng isang sanitario, inagaw nito ang bayabas sa kamay ng kaawa-awang babayi, muling itinapon sa matong, at siya pa’y pinagbantaang dadalhin sa kuartel.
Si Maring ay tumangis, hindi dahil sa siya’y nasaktán, kundi dahil sa bayabas na hawak na niya’y sinambilat pa sa kaniyang kamay.
—Inagaw sa akin ang bayabas,—aniya sa sarili,—at ibinigay lamang sa matong ng layak. ¡Mahal pa kay sa akin ang matong na iyan!
Mawiwika marahil ng ginoong bumabasa na si Maring ay hindí dapat dumanas ng gayong kalaking hirap, sapagka’t dito sa Filipinas ay marami ang madudulugan at mahihingan ng pagkain, damit at ibá pa. Nguni’t ¿anó kaya ang magagawá natin, kung si Maring ay siyang aayaw manghinging talaga? Si Maring ay dalá na. At bukod sa kasamaan ng kapwa tao na kaniyang dinanas, na walang ibang adhika kundí ang siya’y paglaruan, ay siya’y may katutubong mataas na loob, maramdaming dangal at matibay na pananalig sa lakas niyang sarili sa laot ng kahirapan. Ang mga taong gaya ni Maring ay maaaring mangamatay ng gutom, nguni’t hindi maaaring kailan pa man ang sila’y sumuko sa magdarayang biro ng buhay.
Si Maring ay nagtuloy sa sadsaran (muelle) at doon naman inilalako ang kaniyang Santo Cristo.
Makapal ang taong umahon, galing sa isang sasakyang bagong dating.
Si Maring ay sumalubong.
—Bilhin na pó ninyó itong Santo Cristo,—aniyang sumisigaw.
Siya’y biglang niyakap ng isang lalaking payat, maputlá at susuray-suray.
—¡Maring!,—anang lalaki.
Siya’y liningon ni Maring, at...
—¡Gonsalo! ¡¡¡Gonsalo ko!!!,—ang kaniyang matalim na sigaw, at biglang hinimatay.
Si Maring ay madaling isinakay ni Gonsalo sa isang calesa at saká siya inuwí ng bahay.
Ng mahimasmasan si Maring ay na sa kandungan siya ng kaniyang asawa sa kanilang bahay.

