KABANATANG II. Simula ng Kahirapan
Reading edition
Si Gonsalo ay kinayag ng isa niyang kaibigan, upang sila raw ay mamili ng kabayo sa Pulong Mindanaw. Alinsunod sa balita ay mura doon ang kabayo at malaking lubha ang kanilang tutubuin. Ang sagot ni Gonsalo ay hindi siya maka-aalis, sapagka’t wala siyang salaping iiwan sa kaniyang asawa’t mga anak, nguni’t siya’y binigyan ng limang piso, at pinangakuan pa siyang sa kanilang pagbabalik, mga ilang araw lamang ay siya’y bibigyan pang muli, at di kailangang hintayin pang mabili ang kanilang kabayong kalakal.
Si Gonsalo ay natuwa ng di gayon lamang.
Ang limang pisong kaniyang tinanggap ay ibinigay kay Maring ng walang bawas kaunti man.
Kinabukasan, pagkatapos niyang hinagkan ang kaniyang dalawang anak, ay niyakap si Maring, nanaog at sumakay sa isang daong.
Si Maring ay tumangis pagtalikod ni Gonsalo: siya’y kinabahan sa pag-alis nito.
Si Gonsalo ay nadaya. Ang daong na kaniyang sinakyan ay hindi napatungo sa Mindanaw, kungdi sa Hongkong, saka nagtuloy sa Hawaii.
May mga dalawang buwan pa lamang ang pag-alis ni Gonsalo, ay naipagbili na’t naisanglang lahat ni Maring ang kaniyang damit, at wala ng natitira kungdi ang kaniyang suot sa katawan at ang isang kabihisang nakababad sa batya.
Araw-araw ay siya’y nakapangalumbaba sa durungawan, at kaniyang hinihintay si Gonsalo, nguni’t ito ay hindi dumarating, at wala man lamang balitang tinatanggap hinggil sa kanya. Bawa’t maghapong lumipas ang damdam ni Maring, ay maluat pa kay sa isang taong pagtitiis.
Ang anak na panganay ni Maring ay may pag-iisip na’t kaya ng alagaan ang kaniyang kapatid na bunso.
Isáng gabi, si Maring ay napatungo sa bahay ng isáng matandang babaing dati niyáng kakilala, at ipinakiusap niyang siyá’y ihanap ng bahay na mananahian.
Noon din ay siya’y ipinagsama ng matanda sa isáng bahay na malaki.
Silang dalawa’y pumasok sa silid.
Doon ay may dinatnan siláng isáng lalaking kastila at balbasan. Ang lalaking itó ay kinausap ng lihim ng matanda, at pagkatapos ay nagpaalam; doon ay iniwan si Maring.
Si Maring ay pinagmasdan ng kastila.
—Ang kinakailangan ko, ay hindi mananahi, kungdi asawa.
Si Maring ay nanginig at namutla ng galit.
Hindi niyá akalaing siyá’y makatagpo ng gayong pagkadulingas.
—Ang hinahanap ko po,—ang matigas niyang tugón;—ay hindi asawa, kundi tahi.
—Mahirap ang tahi,—ang pakli ng kastila;—dapuwa’t mayaman ang asawa: narito ang salapi.
Saka anyong iniabot kay Maring ang isáng bilot na salaping papel.
Si Maring ay parang tinampal sa mukha, at siyá’y napahiya sa kaniya ring sarili. Gayón pa man ay kanyang tiniis yaong mahapding libak, inirapan ang kastila, biglang tinalikdan at anyong lisanin. Nguni’t bago nakalakad ng dalawang hakbang, ay siyá’y hinabol ng kastila; at hinawakan sa kaliwang kamay. Si Maring ay maliksing pumihit, hinarap ang kastila, ubos lakás na tinampal sa mukha, saka sumigaw ng malakás.
—¡Polisya!,—aniya.
Ang kastila’y nagtaanan.
Sa bahay na yaon ay walang tao isá man. Yao’y isáng bahay na talagang pinagpupungalan ó pinagkukulungan ng mga babaying sawing palad. Sa Maynila ay marami ang gayóng bahay, at bihira ang babaing napapanhik doon na di nasisilaw sa kislap ng pilak at ginto.
Isá mang polisya ay walang dumalo sa sigaw ni Maring. Karamihan ng polisya ay talagang gayón: parang nakikipaglaro ng “piko-piko.” Samantalang silá’y “pumipiko” sa inyong palad ay silá’y makikita mo, nguni’t pagkatapos ay hindi na; silá’y lumulubog na parang bula.
Si Maring ay umuwi sa kaniyáng bahay. Dinatnan niyáng umi-iyak ng gutom ang kaniyang mga anak. Siyá’y nanghingi ng kanin sa mga kapit-bahay at nang siya’y mabigyan ng kaunting tutong, ay itó’y siyáng kaniyang ipinakain sa mga bata.
Si Maring ay hindi kumain ng hapunan, hindi dahil sa siyá’y ayaw, kungdi dahil sa talagang walang makain.
Kinabukasan, at bago sumikat ang araw, ay siyá’y naglakad at humanap ng labáhin. Siyá’y umuwing may sunong na maraming damit na marumi, at salaping kulang lamang ng kaunti sa dalawang piso, salaping hiningi niya, upáng may maibili ng sabón at almirol.
Siyá’y bumili ng pananghalian, at pagkatapos niyang kumain saka naglaba.
Ika-apat na araw ay natapos ang damit at kaniyang inihatid.
Ang isá sa kaniyang mga ipinaglalaba ay lalaking balo, may mataas na katungkulan at may malaking sahod na salapi.
—¡Kay ganda mo!—aniya kay Maring.
Si Maring ay kinabahan, tiningnan ang marangal na ginoo, saka yumuko.
—Hindi bagay sa iyo ang maglaba,—ang dugtong ng dakilang lalaki,—bagay lamang sa iyo ang maging poon. Dito ka na tumirá sa bahay, at ikáw ay aking popoonin.
—Ang isáng maralitang gaya ko—ang sagot ni Maring,—ay di dapat maging poon.
—Hindi, hindi ka maralita;—ang sabat ng ginoo,—ikáw ay mayaman, sapagka’t ang lahat kong ari, ay parang ari mo ring tunay.
—Pinasasalamatan ko po ang inyong magandang kalooban,—ang pakli ni Maring,—datapuwa’t hindi ko matatanggap. Ibigay na lamang ninyo sa akin ang kaupahang sukat sa linabhan kong damit. Ito po ay siyáng tunay kong pag-aari, sapagka’t ito’y isáng bungang tunay ng aking pawis.
Siya’y inabutan ng limang pisong salaping papel.
—Ako po’y walang isusukli,—ani Maring.
—Iyo ng lahat iyan,—ang sagot ng ginoo.
—Wala po akong tatanggapin,—ang tutol ni Maring,—kungdi lamang ang tatlong salaping kulang sa aking pinagpaguran.
Siyá’y binigyan ng tatlong salapi.
Si Maring ay umalis at hindi na tumanggap ng labahin sa bahay na yaon.
Siyá’y nagtuloy sa isá pa niyáng ipinaglaba at naghatid din ng damit. Pinangusapan siyá nito ng matatamis na salitang ukol sa pag-ibig.
—Ako po’y naparito,—ani Maring,—upang maghatid ng damit, at di upang makipagsintahan.
Ang kausap ay napahiya, binayarang kay Maring ang inihatid na damit, at gaya rin ng una, ay hindi na tumanggap ng labahin.
Kinabukasan ay siya’y nasok na mananahi sa isáng “sastreria.”
Sumapit ang sabado, at ng kaniyang sinasahod ang kaniyang pinagpaguran, ay siya’y pinangusapan ng may-ari.
—Maring,—aniya,—kung ibig mo sana ay huwag ka ng manahi ng damit na ginagawa dito sa “sastreria”.
—¿Bakit po?—ang tanong ni Maring.
—Naninibugho ang puso ko,—anang may-ari,—kung nakikita kong hinahawakan ng maririkit mong kamay ang damit ng ibá. Ang ibig ko sana, ay damit kong sarili ang iyong hipuin. ¡Mapalad ang lalaking lingapin mo!
—Ako po’y naparito,—ang tugon ni Maring,—upang maghanap-buhay, at di upang makipagligawan.
Si Maring ay umuwi at hindi na muling pumasok pa sa nasabing “sastreria.”
Siya’y pumasok namang tagapagbili sa isang tindahan ng chinelas na ari ng isáng insik. Ikatlong araw ng kaniyang pangangasiwa ay siyá’y tinawag nitó, hinawakan sa kamay at ilinagay sa kaniyang palad ang mga iláng salaping papel.
—¿Anó iyán?—ang tanong ni Maring.
—Iyan ay salapí,—ang sagot ng insik.
—¿At bakit mo ibinibigay sa akin?—ang ulit ni Maring.
—Inihahandog kong talagá sa iyó,—anang insik,—at mamayang gabi ay dadaláw akó sa inyong bahay.
—¡Ah!,—ang bulas ni Maring.—¿Ibig mong bilhin ang aking kahirapan? Nagkamali ka. Ang buhay mo at sampu pa ng iyong boong angkán ay hindi magkakasiyang ibayad sa aking kadalitaan.
Isinauli ni Maring ang salaping papel, at hiningi lamang ang nararapat sa tatlong araw na kaniyang pangangasiwa sa tindahan, at saka umuwi.
—Masama ang maganda,—aniya sa sarili.—Mabuti pa ang pangit.
At sapol pa noon si Maring ay hindi na nagkotso, hindi na nagsinelas, hindi na nagbakya, at hindi na inayos ang kaniyang bihis.
Unti-unti ay naubos ang kaniyang kinitang salapi.
Nang siya’y wala ng sukat na maipakain sa kaniyang mga anák, ay ipinagbili namán, kahit mura, ang kaniyang mga tapayan, kalan, palayok, pingan at ibá pang kasangkapan. Ang pinagbilhan ay pinuhunan sa pagtitinda ng mais. Akala niya’y kung magtubo, ay muling makabibili ng kasangkapan.
Nagtinda nga siyá ng mais sa tapat na kaniyang bahay, nguni’t siyá’y dinakip ng pulis, dahil daw sa siyá’y walang licencia.
Kinabukasan ay siyá’y nahatulang “magmulta” ng limang piso. Sapat na sapat lamang na ibinayad sa multang itó ang lahat na pinagbilhan niyá ng mga tapayan, palayok, kalan, pingan at ibá pang kasangkapan.
Ngayón ay wala na siyáng maipagbiling anó man, at wala rin siyáng kaunti mang salapi.
Ang kaniyáng mga anák ay nag-iiyakan at humihingi ng pagkain. Nangaglalambitin sa kaniyáng liig at nagsisidaing ng gutom. Kulang lamang ay di maulol si Maring. Sinasabunutan ang kaniyáng buhok. Ibig niyáng tumangis, nguni’t napakalaki ang pagtitiis, kaya walang tumulo kapatak mang luha, at malalagot mandin ang kaniyáng hininga.
Biglang napasigaw sa malaking tuwa. Naalaala niyá ang kaniyáng ngiping ginto, yaong ngiping pinakadakilang palamuti ng kaniyáng marikit na bibig. Binunot niya ang nasabing ngipin sa kaniyang gilagid at naipagbili ng dalawang piso.
Ibinili ng pagkain ang kaniyang mga anák, at ang natira ay ipinamili ng isdang sariwa sa Bangkusay, at ipinagbili sa Divisoria.
Lubhang mabili ang kaniyang tindang isda at hindi niya halos malaman ang kaniyang harapin sa maraming tumatawad.
Nabiling lahat ang kaniyáng isda.
¡Anong laki ng tuwa ni Maring!
Akala niyá’y malaki ang kaniyang naging tubo kaya’t naisipan niyang ibili ng damit ang kaniyang mga anák. Ang suot nila sa katawán ay gutay-gutay na at wala siyáng maihalili.
Dinampot sa lupa ang kaniyang bilao, siyá’y tumindig, at samantalang dinudukot sa kaniyang lukbutan (bulsa) ang kaniyang pinagbilhan ay aniyang nagsasalitang sarili:
—Ibibili ko ng kakanin ang aking mga anák at ngayon pa lamang silá makatitikim ng...
Siya’y biglang namutla. Nanginig ang kaniyang boong katawan at nanglumo. Siyá’y napalupagi sa lupa. Nagdilim ang kaniyang tingin at malalagot mandin ang hininga. Pagdukot sa kaniyang lukbutan ng kaniyang kamay, itó ay lumusot sa kabila. Wala siyáng nasalat kahit isá mang belis. Ang kaniyang lukbutan ay ginupit at pinutol ng mga mangdurukot.
Ang malaking tuwa ni Maring ay biglang nápalitan ng lalong malaking hapis. Ang kaniyang pangarap na buhay ay biglang napalitan ng masidhing hapis.
Siya’y susuray-suray na umuwi ng bahay, namamalisbis ang kaniyang matipid na luha, at kulang lamang ay di mawasak ang kaniyang dibdib.

