← Table of contents
Agawan ng Dangal

PANGUNANG HAKA NI G. Rosendo S. Cruz

Reading edition

Hiniling ng̃ pinagpipitaganang kong Bb. Fausta Cortés, kumatha ng̃ aklat na ito, na ako ang siyang magbigay ng̃ pang-unang salita dito sa kaniyang akdang AGAWAN NG̃ DANG̃AL. Pagkapalibhasa’y naging ugali ko na ang di marunong sumuay sa mg̃a ganitong pithaya, lubha pa’t ang humihiling ay isang gaya ni Bb. Fausta Cortés na di marapat pagkaitan, kaya mahirap man sakali sa akin ang tumungkol sa ganitong bagay ay tutupad ako at tahasang ilalahad ang aking mg̃a kuro-kuro.

May ilan nang taong lumipas ng̃ayon na ang suliranin ng̃ feminismo dito sa ating bayan ay napagtalunan hanggang sa mg̃a pahayagan. Pinagkuro kong matamán ang mg̃a katwirang pinanghawakan ng̃ mg̃a sangayon at di sangayon, hanggang sa ang naging wakás ay napanig ang aking paniniwala sa salung̃at.

Parang pagsurot sa aking pagpanig sa mg̃a di sangayon sa feminismo ay walang kaabogabog ay sumipot naman ang mg̃a kilalang kapisanan ng̃ mg̃a babae na ang mg̃a pamagat ay “Liga de Mujeres Filipinas” at “Ang Babae Ngayon”. Ang mg̃a kapisanang ito, na pawang itinataguyod ng̃ mg̃a babae ay nagpakita ng̃ kanikanilang kasiglahan at kapuripuring kabayanihan. Nang mapagmalas ko ang ganitong kilusan ng̃ mg̃a babae ay unti-unting nahahapay ang aking pananalig sa di pagsangayon sa kababaihan. Unti-unting nawala ang aking pag-aakalang ang mg̃a babae ay dapat lamang maging reina ng̃ mg̃a tahanan, bulaklak na humahalimuyak sa isang halamanan.

Hindi ng̃a lamang ito ang siyang nakapaghawi sa tabing ng̃ mali kong akala, kundi ng̃ matunghayan ko ang mg̃a ilang aklat na katha ng̃ mg̃a babae na ang mg̃a ito ay ang “Sawing Pagasa” ni Bb. Francisca Laurel, ang “Nang Bata pa Kami” ni Bb. Pura L. Medrano, at ang “Tagumpay ng̃ Api” ni Bb. Pascuala Pintor. Ang pagsipot ng̃ mg̃a nasabing aklat ay siyang lubusan na nagpagupo sa aking pananampalataya na ang mg̃a babae ay batbat lamang ng̃ hiwaga, palamuti ng̃ isang tahanan, at aliwan sa magusot na buhay na ito. Ng̃ayon ako nanalig na ang mg̃a babae ay hindi ng̃a lamang pala isang kasangkapan sa loob ng̃ ating mg̃a tahanan, ni bulaklak na samyuan ng̃ bang̃o, kun di ang mg̃a babae ng̃a pala ay isang tunay ding lakás, isang bahagi ng̃ lahi na may karapatan at kakayahang makatulong ng̃ pagpapaanyo ng̃ isang bayan, ng̃ isang lahi, at ng̃ sangkatauhan.

Dapat alisin ang piring ng̃ ating mg̃a mata at ititig diyan, sa mg̃a babaeng may mg̃a ginintuang pagkukuro. Dapat hang̃aan ang kanilang katalinuhan at kailan man ay di nararapat ipalagay ng̃ kahi’t sino na ang babae ay alang̃an sa pagkukuro ng̃ isang lalaki.

¿May alinlang̃an pa kayo?

Naririto ang isa pang matibay na saksi ng̃ aking mg̃a pang̃ung̃usap. Basahin ninyo ang kathang AGAWAN NG DANGAL na bung̃a ng̃ isipan ng̃ isa ding babae na si Bb. Fausta Cortés at pagkatapus ay dilidilihin ninyo ang mg̃a nasasaysay, tutupin ang inyong dibdib at sabay na tanung̃in ang inyong sarili kung tunay ng̃ang ang ganitong panulat ay dapat hang̃aan at sampalatayanan.

Ang aklat na ito ay isang matibay pa ng̃ang saksi (aking inuulit) ng̃ katalinuhan ng̃ mg̃a babae, lalo’t higit ang sa kaniya’y kumatha. Dumadaliri ang aklat na ito sa maling kinahimaling̃an ng̃ ilan na pagmamaimbot ng̃ sandat at imbing karang̃alan, pagwawalang bahala na sa lahat, mangyari na ang ano mang mangyayari makaagaw lamang at magtagumpay ang pagiimbot ng̃ dang̃al. Anopa’t ang aklat na ito ay nararapat maging salaming malinaw ng̃ mg̃a masasama at mabubuting kalooban. Ang suliraning idinudulot ng̃ aklat na ito ay nasa babasa ang kaibigan, alalaon baga’y, kung ang mangbabasa ay walang takot na maging ganid at matapang ang loob na maging asal Kain ay pupulutin niya ang mg̃a pakana ng̃ may masamang asal na nalalarawan sa aklat na ito. Ng̃uni’t kung ikaw na mangbabasa ay kapatid ni Mabuting asal at anak ni Malinis na budhi ay pupulutin mo naman ang mg̃a bagay na kapuripuring tinungkol ng̃ ulirán ng̃ magagandang asal.

Dapat ng̃ang hang̃aan ang panulat at pagkukuro ng̃ babaing may katha ng̃ aklat na ito. Ang isang kabaro ni Eva na may ganitong katalinuhan ay katang̃i-tang̃i. Ito’y talagang taglay ng̃ kabihasnan.

¡Sulong kayo kababaihan! Ng̃ayon ay panahon ng̃ pagkilos. Pagbibigti ang pagwawalang kibo at pagpapakaimbi ang paghahalukipkip.

Rosendo S. Cruz. Agosto 2, 1914.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings