KUROKURO AT PANSIN
Reading edition
NI G. HONORATO H. DE LARA
Sa matalino at mayuming Bbg. Fausta Cortes.
Marang̃al na binibini:
Matapos ko pong mabasa at manamnam ang unang supling na ito ng̃ inyong makisig na panulat; matapos kong mapagukulan ng̃ mahabang pagwawariwari, ay agad ko pong isinakamay ang aking pulpol na panitik upang boong ing̃at na panalaytayin ko sa maputing papel ang napakalaki ninyóng napithaya sa dahop kong kaya na katigan ng̃ mg̃a panghuling kurokuro ang napakamahalagang aklat ninyong ito, ang AGAWAN NG̃ DANG̃AL, na handang iyalok sa lalong may pihikang panlasa, palibhasa’y pagkaing luto sa inyong sariwa at mayamang isipan.
Datapwa’t, ¿paano po kaya ang aking gagawin, marang̃al na binibini, upang makayari ng̃ isang tunay na epílogo?
¿Purihin ko na lamang po kaya ang pagkaing ito, at sabihin kong masarap, at sagana sa mg̃a kailang̃ang sangkap, kahi’t na may nalalasahan akong anghang at pait?
¡Inaakala ko pong hindi wasto ang gayon!
Sapagka’t ayon din po sa pasiya ng̃ isang bantog na polemista, kilalang mang̃ang̃atha, tanyag na mananagalog at datihang mamamahayag na si Inocencio Dilat (humigit kumulang) na, hindi anya kailang̃an ng̃ isang epiloguista ang sabihing ang aklat na ito (halimbawa) ay mainam, may dakilang layong mag-alis ng̃ piring sa mata ng̃ hang̃al, may maningning na mg̃a pang̃ung̃usap, sagana sa mg̃a palaisipang malalim, busog sa mg̃a pantas na pagkukuro at mayamang mayaman sa pananagalog na tabas Balagtas, sapagka’t anya’y isang kalabisan. Ang isang epiloguista ay katulad din anya ng̃ isang crítico, magpasiya at turulin ang isang bagay na kamalian, bago suriin at hatulan, alalaon baga’y punahin ang mali bago itumpak at ilagay sa dapat kalagyan.
Ng̃uni’t ... ito ng̃a kaya ang tunay na epílogo? ¡Iyan ang hindi ko mataya!
Datapwa’t ... para kay Inocencio Dilat ay ganiyan, ganiyang ganiyan.
At ... ipalagay na po nating ganiyan na ng̃a. Punahin ko ang lahat ng̃ kamalian; sabihin kong namimilipit ang inyong mg̃a pang̃ung̃usap; minsang madapilok sa paglalarawan ng̃ lalong mg̃a kailang̃ang ibadha ng̃ inyong panitik; may mg̃a pangyayaring madilim, malabo; may mg̃a bigkasing kayong hawig sa wikang kastila ó ingles, ó ang gayon at ganito ay di mangyayari, anopa’t ang lahat ng̃ kamalian ay isa-isahin kong turulin, suriin, punahin, bago itumpak, at... iwan ang dapat suubin ng kamaniyang, ang dapat purihin, ang dapat itampok sa lalong napakatayog na karang̃alan, alalaon baga’y sabihin kong mapakla at hilaw ó kaya’y mapait at maasim ang inyong ipinalasap na ito sa ating mg̃a mambabasa, gayong ang katotohana’y, sa kabila naman ng̃ lahat ng̃ iyan ay mayroong nalalasahang tamis, sarap, linamnam, ay ... ¿ano po kaya ang wiwikain ninyo sa akin?
¿Hindi po kaya mang̃unot ang inyong noo at sabihin na ako’y masamang epiloguista, kung epiloguista na ng̃ang matatawag kahi’t birobiro ang abang kaliitan?
¡Oh!.. kay laki ng̃ inyong napita; pagkalakilaki... At sa kalakhan, ay hindi ko po tuloy matutuhan kung paano ang aking gagawin upang mapaunlakan ko kayo sa inyong hiling.
Sapagka’t ... ang wika ng̃a po ng̃ isang mangwawagi’t bantog na makata at balitang manlilinang sa napakatamis na wikang ginamit ng̃ ating haring si Balagtas, sa kanyang walang kamatayang Florante at Laura, na si Itang Balbarin, na tubo sa mapalad na libis ng̃ bundok ng̃ Samat, na siyang kinakitaan niya ng̃ unang liwanag ng̃ araw, na: ang isang epiloguista raw po ay hindi dapat mamuna ni maglahad ng̃ ano mang tutuntunin sa pagsulat, sapagka’t, ang isang epiloguista ay kaibangkaiba anya sa isang crítico.
¡May matwid!
At, kung ganito ng̃a ay ... ¿paano po kaya ang dapat kong gawin o saang landás ako tutung̃o upang makayari ng̃ isang wastong panghuling salita?
Para kay Inocencio Dilat ay di wastó ang ganito...
At, para kay Itang Balbarin naman ay lalong di tumpak ang gayon.
¿Alin kaya ang dapat paniwalaan sa kanilang dalawa? ¡Kay laking suliranin!
At ... sa suliraning iyan ay para ko pong nakikinikinita sa dalawang bantog na manunulat na iyan, na darating ang isang pagkakataong maguunawaan din sila; pagtatapisin ang kapwa nila matwid sa pamamagitan ng̃ pagpipinkian ng̃ kanikanilang mg̃a panitik sa larang̃an ng digmaan ng̃ literaturang tagalog.
Ng̃uni’t samantalang tayo po’y nagiintay at upang ako’y makatupad sa inyong napithaya ay wala po akong ibang gagawing batayan sa epilogong inyong hinihing̃i kundi, ang sinabi ng̃ kataastaasang Pang̃ulong Wilson, na, anya’y: justicia y nada mas justicia.
Sa makatwid ay wala kayong sukat maintay sa akin, marang̃al na Bbg. Cortes, kundi ang dalawang bagay: purihin ang dapat purihin, at, punahin ang dapat punahin.
¡Kurokuro!
Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortes, ay isang aklat na tang̃i sa may layong mag-alis ng̃ kulaba sa pangmalas ng̃ mg̃a hang̃al, magakay sa lalong may bulag na pagkukuro, nakapagtuturo pa rin sa ibang kadalagahan, diyan sa mg̃a dalagang dahil sa kinang ng̃ salapi ng̃ sa kanila’y mamintuho, ay nalilikhang sapilitan ang pag-ibig at di inaantay ang kusang tibok ng̃ kanilang puso.
Sa loob ng̃a ng̃ AGAWAN NG̃ DANG̃AL ay parang namamalas ko pa hanggang ng̃ayon ang animo’y mg̃a larawang buhay na nagsisigalaw: ang magandang Dolores; ang mapalad na si Artemio; ang mapagsisting si kapitana Martina; ang antukin at matatakuting si kapitang Andoy; ang mabuting tao, ng̃uni’t masamang kristianong si Simon; ang matapat at walang kasingbuting katoto, ang may diwang Tasio, sa Noli ni Rizal, na si Pastor; ang mapagpansin na si Labadre; at ... ang nakatatawang pagkahuli ni kapitana Martina sa isang batang sisilipsilip ng̃ nag-aagahan na si Beteng, yaong si Beteng na walang tang̃ing ipinang̃ahas mula’t mula pa kundi ang kanyang kayamanan, ang kanyang pilak, sa pang̃ing̃ibig sa mayuming si Dolores, na siyang gumanbala ng̃ kanyang isip, diwa’t pagkatao.
Ang nakakapanaghiling kapalaran ng̃ artistang si Artemio, si Artemiong kapangpang̃an, ang wika ng̃a ni Beteng, yaong si Beteng na hindi makapaglakbay sa lupang pang̃ako, kundi may kasama; hindi makapitas ng̃ ibinabawal na bung̃a ng̃ mansanas kung walang hagdanang matutungtung̃an, ay maging mabisa sanang tampal at matinding hagupit sa ilang mg̃a lalaking kung walang tulay ay di makapang̃ibig sa isang himala ng̃ ganda, sa isang Venus.
Si Dolores, ang kapatid na bunsong ito, ni Maria Clara, sa Noli Me Tangere, ni Meni, sa Banaag at Sikat, ni Celia, sa Florante at Laura, at ni Ligaya sa ¡Kristong Magdaraya! ay pinaglupaypay ninyo ang matigas na puso sa darang ng̃ maalab na pag ibig; pikitmatang pinatalaktak ninyo sa kaharian ni Kupido at pinahintulutan din ninyong magpamalas sa masinsing tabing ng̃ pagkukunwari sa kanyang hinahang̃aang binata, sa umagaw ng̃ kanyang pananahimik: kay Artemio.
At talagang ganyan ng̃a po ang dapat ninyong gawin, marang̃al na binibini, upang magkaroon ng̃ naturalidad ang isang pangyayari na, hindi gaya ng̃ iba nating mang̃ang̃atha na sa pagnanasang huwag masinagan ng̃ bahagya mang gaspang ang isa sa mg̃a kumakatawan ng̃ kanilang aklat, na sapagka’t binigyan na nila sa una ng̃ mg̃a caracter na mahinhin, mayumi ay pakapipilitin patain ó inisin ang itinitibok ng̃ puso.
At upang patotohanan kong minsan pa sa inyo, na talagang hindi kamalakmalak na mangyari ang inyong ginawa na sa kahinhinan at kayumián ni Dolores ay paibabawin ninyo ang kagaspang̃ang nililikha ng̃ pag ibig ay ipahintulot ninyong sipiin ko rito ang matwid ng̃ ating Balagtas sa kalakhan at kadakilaan ng̃ ating tinutukoy:
Oh! pagsintang labis ng kapangyarihan
sampung magaama’y iyong nasasaklaw,
pag ikaw ang nasok sa puso nino man
hahamaking lahat, masunod ka lamang.
¿Ano ang nangyari kay Beteng?
Humigit kumulang na sinasabi sa aklat ninyong ito, na siya, si Beteng ay wala ng̃ sinikap sa gabi’t araw ó sa lahat ng̃ sandali, kundi ang ikalulukso ng̃ dang̃al ng̃ umagaw sa kanyang lang̃it, sa kanyang paraluman. At, di ng̃a inaksaya ni Beteng ang mahabang panahon at karakarakang isinagawa. Inanyayahan isang araw ang dalawa niyang kaibigan, si Simon at si Pastor at isinangguni ang kanyang maruming nais; datapwa’t anong tiwaling pagtitiyap at sa isip at diwa nitong huli, kay Pastor ay itinanim ninyo, ang damdaming Delfín, ang pusong Felipe sa “Banaag at Sikat” ng̃ makatang Lope, na sa harap ng̃ matatalim na upasala at marung̃is na adhika ni Beteng, ay di ninyo pinapagtagal ang puso ni Pastor, pinapanalag ninyo sa mg̃a ulos at taga ng̃ mg̃a kaaway na lihim ng̃ kanyang kaibigan.
At sunodsunod ninyong isinabibig ni Pastor ang ganitong pang̃ung̃usap, sa tulong ng̃ kanyang dilang walang pang̃iming magsabi ng̃ katotohanan:
“Mg̃a kaibigan, huwag ninyong hamakin ang kanyang lahi. Kapangpang̃an man at tagalog ay iisa ang uri, at ang sumira ng̃ pag-iisang iyan, ay yaon ang taksil na dapat pang̃ilagan. Ang taong pumapatay ng̃ pag-dadamayan ng̃ pilipino ay yaon ang kalaban ng̃ bayan. Ang kaluluwang nagtatanim ng̃ pag-iiring̃an ay siyang uod na sumisira ng̃ laya at pag-asa ng̃ lahat”.
¡Anong ningning ng̃ pagkukuro ni Pastor!
At... nakaramdam ng̃ kirot ang dalawang pinagsabihan...
“Hindi mg̃a kaibigan—ang ganti ni Pastor—kailan ma’y di ko magagawa ang sumugat sa kapatid. Ng̃uni’t, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang nagbibinhi ng̃ pag-iiring̃an. Ang buhay ko’y aking itinataya lubha pa’t ang pag-iiring̃an ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking kinakandong ng̃ palad...”
¿Ilan kaya sa mg̃a kababayan natin, Bbg. Cortes, ang makapagtataya ng̃ buhay sa pagtatanggol ng̃ matwid ng̃ isang tao?
¡Kay dakila ng̃ inyong paghahaka!
Matapos magpaalaala ang baliw na si Beteng kay Pastor, na ito’y nasa ibang bahay, ay para ko pang nakikinikinitang nakang̃iti at hantad ang noong sumagot:
“Sa bahay na pinaghaharian ng̃ dilim ay doon ko dinadala ang ilaw”.
Pagkatayogtayog po ng̃ kurokuro ninyong ito, Bbg. Cortes, na sa pamamagitan ng̃ kaunting salita lamang ay halos niyayanig ninyo ang budhi ng̃ mapagdunongdunung̃ang mg̃a hang̃al.
Ang dalawang katalo ni Pastor ay lalo ninyong pinagpuyos ang kapootan.
Ipinagtabuyan si Pastor, ng̃uni’t pang̃iti ring sinabi:
“Dapat ninyo akong itaboy; dapat ninyo akong turang ulol: sapagka’t, ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng̃ mg̃a musmus na tinuturuan.”
Sa harap ng̃ ganyang maigting na pagwawariwari ni Pastor, ay tahasang masasabi ko Bbg. Cortes na ang inyong baguhang panitik ay karapatdapat maisapiling ng̃ lalong mg̃a tanyag at dakilang mg̃a manunulat natin, sapagka’t minsan pa ninyong ipinakilala ang mataos ninyong paggalang at pagmamahal sa wastong matwid.
Si Pastor ay nilakipan ninyo ng̃ kislap ng̃ sosialismo ng̃ mg̃a banal na aral ni Tolstoy, Jaurès at iba pa, na, siya ninyong nais matutuhan ng̃ ating mg̃a kababayan.
Kusa kong iniwan at babayaan na, marang̃al na binibini, ang nakaiinggit na lambing̃an ng̃ dalawang pusong bihag ng̃ pagibig: si Dolores at si Artemio. Hindi ko na po paguukulan ng̃ kurokuro ang kadalisayan ng̃ puso ni Dolores na hindi maalam masilaw sa kinang ng̃ salapi at sa hibo ng̃ kisig. Kusa pong di ko na gagalawin o paguukulan pa ng̃ mg̃a wariwari ang kasiglahan ng̃ handa sa kaarawan ni Dolores, maging ang kasanayan ninyang tumugtog ng̃ alpa; maging ang kalunoslunos na hinangganan ng̃ masayang handaan sa bahay ng̃ ating dalaga; ang di ninyo paglimot sa paglalarawan ng̃ mga kagandahan ng̃ mg̃a bituin ng̃ “Kami Naman” na dumalo sa naturang kasayahan, palibhasa’y ang lahat ng̃ iyan ay inaasahan kong sapat nang makapagudyok sa lahat ng̃ makababasa ng̃ aklat na ito, upang putung̃an kayo ng̃ walang katapusang pagpupuri.
At, ¿kung alinalin ang aking isasakarurukan ng̃ lalong kapurihan?
Wala pong iba Bb. Cortes kundi ang kinawilihan ko ng̃ang paghahaka ni Pastor, na busog na busog ng̃ pagibig sa kanyang mg̃a kababayan, at ... ang mg̃a pang̃ung̃usap ng̃ baliw na si Beteng ng̃ siya’y napipiit na.
Sa ikaapat na kabanata, sa pangkat na naglalarawan ng̃ boong pagsisigasig ni Pastor, sa pagdamay sa kanyang kaibigang Artemio at sa harap ng̃ mg̃a manunugtog na ipagpaparang̃al ni Beteng ay natunghayan ko na naman, matapos ang ilang paliwanag ang lalong dakilang kurokuro ni Pastor:
“Narinig na ninyo—ang saad ni Pastor na linawin natin: hindi raw dapat bigyan ng̃ tungkulin ang isang dapo. Katwiran, ng̃uni’t ¿bakit nila natitiis ang mg̃a dapong naghahari sa ating bayan? at ¿dapo ba si Artemio? ¿Ano kung kapangpang̃an siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari bang magsarili ang tagalog na ang kapangpang̃an ay hindi? ¡Napakarupok na pagkukuro! Ang masasabi ko’y nakikilala ang dapong kapatid din nila, datapwa’t hindi nila nakikilala ang tunay na dapong dito’y tumawid. [...] Ng̃ayon at kalahi ay halos sakmalin. Ng̃uni’t kung maputi kahi’t na lumapastang̃an, ay ng̃ining̃itian din. Sinusurot, dinuduro at pinamumukhaan ang kabalat subali’t ang dayo ay saka lamang mamura kung nakatalikod”.
Kay sakit mo pong susugat Bbg. Cortes. Ng̃uni’t inaakala kong kailang̃an ng̃ang ang mg̃a bulok at uod na makasisira sa mabulas na pagkakaisa ay isa isang lasunin. ¡Patain!
¡Magbinhi nawa ang inyong magandang adhika!
Sa gitna ng̃ pagtataka ng̃ hindi mabilang na mg̃a manggagawa sa bahay palimbagan ng̃ pamahalaan na nakuwarentenas dahil sa sakit na di umano’y dipterya, sanhi sa pakakapag-abuloy sa lahat, kasapi at di man ng̃ malusog na Samahang Kami Naman ay para ko pang nariring̃ig magpahangga ng̃ayon ang matalinghagang mg̃a pang̃ung̃usap ng̃ isang ulol na sagana sa mg̃a katotohanan.
At sa wakas ng̃ kanyang maniningning na sinabi, sa huli ng̃ kanyang mg̃a pang̃arap sa sinasapit ng̃ ating bayan, at pagkakaagwat ng̃ kapalaran ng̃ mayaman sa mahirap, ng̃ pagkakalayo ng̃ mahirap sa mayaman, ay di ko malirip magpahangga ng̃ayon po, Bbg. Cortés, kung bakit naisipisipan ng̃ ulol na si Beteng ang maglawit ng̃ isang panyo at bago sinabi ng̃ makita niyang pinapaspas na ng̃ hang̃in:
“¡Hayan ang watawat ng̃ pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng̃ pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng̃ digmaan ay unahan tayo ng̃ paghawak. Datapwa’t kung pula, tanda ng̃ paglaban, ay magtuturuturuan tayo. ¡Magdarayang tapang!”
Subali’t sino kaya ang pinatatamaan ng̃ ulol na si Beteng?
Kundi ako namamali, ay walang iba kundi ang ibang mg̃a kababayan nating matatapang sa bibig ng̃uni’t wala sa gawa.
¡Napakasasakit na pang̃ung̃usap!
Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortés, ay inaasahan kong sa kahalagahan ng̃ layunin ay magiging isang bagong tipan na ikapagbabago ng̃ likong kaugalian ng̃ marami. Mg̃a pansin:
Bbg. Fausta Cortés: Itulot mo po naman ng̃ayon na ilahad ko ang aking mg̃a puna.
Tulad sa akin ng̃ sinabi, na hahalunkatin ko’t ibubunyag ang dapat purihin at ukol punahin, ng̃ayon ay magtatapat ako sa aking pang̃ung̃usap.
At, magsimula tayo.
Pagkarinig ko ng̃ pamagat ng̃ aklat na ito na AGAWAN NG̃ DANG̃AL, ay kumilos na sa aking guniguni ang larawan ng̃ pag-aagawan sa katungkulan ng̃ ilang kapatid nating araw-araw ay nagbabang̃ay. Inakala ko na’t hinulaan na yaong pag tutunggali ng̃ mg̃a taong gumugulo sa ating bayan ay siya ninyong pinuna. Ang isip ko’y humula ng̃ dalawang pangyayari, at boong boo ang aking pananalig na hindi sasala sa alin man sa dalawa kong akala, ang inilahad ninyo. Kung hindi ang nakahihiyang pag-aagawan sa karang̃alan ng̃ ating mg̃a politico ay walang salang ang ligalig sa mg̃a halalan ang inyong tinuligsa. Ganyan ang boo kong sapantaha at marahil ay siya namang sasapantahain ng̃ iba. Datapuwa’t ¡kay laking pakakamali! ¡Agawan pala ng̃ dalawang puso sa isang pain ng̃ pag-ibig! Hindi ko po sinasabing malayo ang pamagat sa laman. Hindi po, sa pagka’t nalalaman kong may mg̃a taong iba ang pang̃alan sa asal. Lamang ay ipinagtatapat kong sumala ang aking hula.
Sa lahat ng̃ dahon ng̃ AGAWAN NG̃ DANG̃AL ay pawang makabagong pananagalog ang aking napuná. Sa kabaguhan ay mayroong mg̃a talatang nagkapilipilipit ang pagkasalaysay. Aywan ko lamang kung sinadyáng pinaikot ng̃ masiglang panulat ninyó, Bbg. Cortes.
¿Kung alin alin? Na itó po:
“Ang maayos na tabas ng̃ mukha ay napapatung̃an ng̃ maiitím na buhók”.
Paano po kaya ang bikas ng̃ mukháng yaón? ¡Napapatung̃an ng̃ maiitím na buhok! ¡Ina ko, kakilakilabot! Marahil ay sumusunong ng̃ maiitim na buhók at di napapatung̃an. (Maalaala ko pala.) Hindi rin masasabing sumusunong at lalo nang hindi napapatung̃an; sapagka’t lalabas na si Dolores ay panot, paano’y sunong o nakapatong lamang pala ang buhok...
Iba naman:
“..... sinungkit ..... ang mantekilya.....”
¿Sinungkit? ¿Baka po kinahig? At kung ang sinungkit dito ay hindi mali, ay huwag naman kayong tumawa na sabihin kong “ng̃inalot ang tubig.”
Isa pa:
“Tumayo sa mesa.....”
¿Tumayo sa mesa? ¿Saan tumayo: sa ibabaw po ba ng̃ mesa? ¡Sus! ¿Si Dolores, ang mayuming dalaga, ang kaluluwa ng̃ kasaysayang ito, ang tatayo sa mesa? Hindi mangyayari. Bakit noon ay kasalukuyan pa namang sila’y nag aagahan. Baka mayroon pang lalong tumpak na masasabi ang Bbg. Cortes, ay siya sana nilang ginamit.
Ganito at iba pang gaya nito ang sinasabi kong mg̃a nagpandanggong pananagalog na makabago.
⁂
Pagtutuos:
Anhin ko man pong punahin ang mg̃a katang̃ían ng̃ dakilang panulat ninyo, binibining Cortes, ay lagi ring nananaig sa aking diwa at isipan ang mg̃a banal na layuning tinutung̃o ng̃ inyong akda. Ang mg̃a pansin na aking pinuna ay nagiging parang guhit na itim lamang sa isang malapad, matibay, marilag at napakapinong habi na niyári ng̃ inyong bago ng̃uni’t magiting na panitik. Anopa’t nakapagdadagdag lamang ng̃ kainaman ang mang̃ilang̃ilan ninyong bagong ayos ng̃ pananalaysay, sa mahalagang aklat.
At upang patotohanan ay napapakagat-labi ako sa katalinuhan ninyo na makapagsabi ng̃:
“.....ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong ang mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya ang Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan.....”
Sa inyong matataas na isipang iyan ay kabilang ako sa mg̃a humahang̃a at hahang̃a sa inyong panulat.
At talagang marunong kayo sapagka’t marunong kayong magpahesus sa inyong aklat. Niwakasan ninyo sa taimtim at kalugodlugod na pagmamahal ni Dolores kay Artemio. Sinabi pa ninyong:
“¡Kay tamís ng̃ kamatayan kung gayón ang pagmamahal ng̃ mauulila!...”
Akó man po, Bbg. Cortes, ay makapagsasabi rin at talagang nais ko na rin ang mamatay kung may isang Dolores na tatang̃is sa aking pagyaón....
Honorato H. de Lara. Taga “Ilog-Beata.”