BAKAS ÑG SAMAHAN
Reading edition
O ANG UNANG BAHAGI ÑG KASAYSAYAN ÑG
“KAMI NAMAN”
(SAMAHAN ÑG MAHIHIRAP)
SAPUL SA PAGKATATAG HANGGANG SA WAKAS ÑG PAÑGUÑGULO NI G. ANGEL DE LOS REYES.
Sinulat ni Bb. Gorgonia de Leon.
Noon ay ika 25 ng̃ Agosto ng̃ 1912. Sa umagang yaon ay isang panahong tagulan ang nagisnan ng̃ mg̃a taga Pako. Ang liwanag ng̃ ilaw ng̃ sangdaigdig ay di mang makagitaw sa makapal na ulap sa pang̃onorin. Nabigo ang mg̃a ibong sa tuwing umaga’y nagpupuri sa bagong liwayway. Walang nasisiyahan sa mg̃a sandaling yaon kung hindi ang mg̃a bulaklak na nagpapakasawa sa ulang hindi tumitila. Noon nasiyahan ang kanilang uhaw. ¿Ilan kayang puso’t kalulwa ang sumusumpa noon sa panahon dahil sa pagkapinsala ng̃ kanilang tipan?
Datapwa’t nagmasung̃it man noon ang panahon, ay may isang binatang nagtatanghal ng̃ kanyang kagiting̃an. Siya ay si G. Francisco V. Dizon, kawal ng̃ bagong kabihasnan. Siya ang lalong nagsikap na magsabog ng̃ liwanag ng̃ araw ng̃ sigla ng̃ kabataan sa nayon ng̃ Sapote sa Pako. Ang ulan ay di niya ikinabalino, bagkus sa pamamagitan ng̃ isang payong ay isa isang sinusundo ang kanyang mg̃a kaibigan upang magtulongtulong sa pagbalangkas ng̃ isang Samahan. Ano pa’t walang alinlang̃ang dapat sabihin na utang sa kanya ang kilusang yaon ng̃ kabataan.
Sa isang tahanan sa nayon ng̃ Sapote, Pako, Maynila, ay doon nagkatipon ang ilang magkakapanalig. At sa pang̃ung̃ulo ng̃a ni G. Dizon, ay sumipot sa silong ng̃ lang̃it ng̃ Pilipinas ang isang bigkis ng̃ kabataang pilipino. Sa mungkahi ni G. Luciano Suarez ay bininyagan ng̃ “Kabataang Sikat”. At, palibhasa’y pawang tinitibukan ng̃ isang pusong uhaw sa dunong at aliw, ang mg̃a nagkakatipong yaon, ay «magpalakas at magpatalino» ang pinagsaligan ng̃ pagkabuo ng̃ Samahan. Aralan ang mg̃a pinagkaitan ng̃ ilaw ng̃ dunong at aliwin ang mg̃a ulila sa ligaya, iyan ang tang̃ing layon. At sa gayon ay nayari ang balak ni G. Dizon. Dapat alalahaning kinabukasan ng̃ araw na yaon, ay siyang ika 26 ng̃ Agosto, araw na napakaningning sa dahon ng̃ kasaysayan ng̃ Pilipinas, sapagka’t siyang araw ng̃ unang pagsigaw ng̃ kalayaan ng̃ bayang api ng̃ kapwa bayan.

G. Amado Jacinto.
Naging Pang̃ulo ng̃ Samahang “Mapagsikap” sa Malabon, Rizal
(Tunghayan ang dahong ika 19)
Nang sumunód na Linggo, unang araw ng̃ Septiyembre, ay nagpulong na muli ang mg̃a nagsisigasig sa pagbang̃on ng̃ “Kabataang Sikat”. Sa mungkahi ni G. Angel de los Reyes, ay binago ang pamagat at pinalitán ng̃ “Kami Naman”. “Kami Naman” ang ipinamagat, sapagka’t sa ibabaw ng̃ kalansay ng̃ mg̃a samahang nabuwag na, ang ibig sabihin ay “Kami naman ang magtutuloy ng̃ layong itaguyod ang buhay ng̃ mahihirap sa tugatog ng̃ dang̃al”....
Katulad din ng̃ ibang mg̃a Samahan at Kapisanan ay inabot ng̃ sakit na ning̃as-kugon ang “Kami Naman”. Salamat sa ilang matatalinong manggagamot at ang sakit ay naihanap din ng̃ lunas. Baga man ang “Kami Naman” noon ay para ng̃ bangkay na malamig, dahil sa pagpapabaya ng̃ ilan, ay muling sumigla. At noong ika 19 ng̃ Oktubre ng̃ taong 1912 rin, ay nagbitiw ng̃ tungkulin si G. Francisco V. Dizon at si G. Angel de los Reyes ang napahalili, na naging Pang̃ulo ng̃ Samahan.
Ang bagong pang̃asiwaan ay nagpahayag noon din ng bagong palakad at binago na pati ang layon ng̃ “Kami Naman”. Boong puso namang pinagtibay ng̃ lahat at sinalubong ng̃ magiliw na palakpakan.
Ang mapanglaw na daing ng̃ mahirap, ang malungkot na taghoy ng̃ api, ang malumbay na hibik ng̃ mahina, iyan, iyan ang nagbukas ng̃ bagong isipan sa puso at diwa ng̃ bagong Pang̃ulo. Binago ng̃a ang dating saligan ng̃ Samahan. Ang layong magliwaliw at magpatalino ay dinagdagan ng̃ pagdadamayan. Sa gayon, ay hindi pawang kabataan lamang ang yumakap sa “Kami Naman”, kung hindi sampu ng̃ may mg̃a gulang na ay nakitulong.
“Buhayin ang naghihingng̃along pagkakapatiran” ang naging saligan na ng̃ “Kami Naman”. At ang naging pananalig ay “Ang hirap ay bung̃a ng̃ kapabayaan, at na sa tiyagá ang pagtatagumpay”.
Kapalaran mandin ang siyang sumubaybay sa bagong pang̃asiwaan at ng̃ sumunod na Sabado ng̃ pagkahalal sa kanila ay nagtanyag na ng̃ kanilang di karaniwang lakas at magagawa. Sa bahay paaralan sa daang Dart, Pako, ay ginanap ang pagtatanghal ng̃ Samahan. Sa lamayang yaon ay may apat na raang tao ang dumaló. Ilang matatalino at litaw na mananalumpati ang nagpaningning sa pagdiriwang. (Ang buong tala ng̃ kasayahang yaon ay matutunghayan sa pang̃alawang aklat ng̃ Aklatang “Kami Naman” na Tuntunin ng̃ Pulong.)

G. Aurelio Tolentino
Bantog na mandudula, matalinong manunulat at matapang na mamamahayag. Sa larang̃an ng̃ pananagalog ay kinikilalang isa sa mg̃a may mataas na uri at may tang̃ing pananalaysay. Siya ang kumatha ng̃ dulang “Bagong Kristo” na nagtamo ng̃ isang gantingpalang panulat na ginto. Siya rin ang lumikha ng̃ bantog na dulang “Kahapon, Ng̃ayon at Bukas”; dahil sa kagiting̃an ng̃ dulang ito ay piniit siya ng̃ Pamahalaang Amerikano. Siya ang sumasagot kung ano ang unang aklat ng̃ Aklatan ng̃ “Kami Naman”.
(Tunghayan ang dahong ika 19)
Dahil sa bagyong nanalanta sa Sebú noong Oktubre ng̃ 1912, ang “Kami Naman” ay nagsimula ng̃ pakikisama sa bayan. Binahaybahay na tinawagan ang maawaing pusó ng̃ pilipino sa Sapote, at lumikom ng̃ isang halagang iniabuloy sa mg̃a nasawi. At dahil sa pagkamatay ng̃ ilang angkan ng̃ mg̃a kanayon na kapwa anak-dalita, ay dumulog na naman ang “Kami Naman” sa bahaybahay upang abuluyan ang kapatid na dinatnan ng̃ palad. Dapat talastasing ang mg̃a unang inabuluyan ng̃ “Kami Naman” ay mg̃a taong ni ayaw man lamang makiyakap sa Samahang ito.
Sa ikapapaanyo ng̃ damayan ay bumalangkas ng̃ mg̃a batas na susundin ng̃ magkakapatid; at mula ng̃ unang araw ng̃ Disyembre ng̃ 1912 ay nagsimula sa pag-iral. Marami rin ang mg̃a namatay at namatayang mg̃a kapatid. Sa malinis at maselan na pang̃ang̃asiwa ng̃ Ing̃atyamang si G. Dario Malonzo, lahat ay pawang tumanggap ng̃ abuloy na nararapat. Walang nabinbin sa kanyang karapatan, bagkus ang lahat ay pawang nagtamo ng̃ nauukol sa kanila sa lalong madaling panahon.
Dumatal ang ika 30 ng̃ Disyembre ng̃ 1912, araw na ipinang̃ing̃ilin ng̃ lahat ng̃ pilipino. Ang “Kami Naman” at ang nayong Sapote ay nagtuwang sa pagbubunyi sa lalong dakilang taga Silang̃an. Nagdaos ng̃ isang dulang hayag, nagkaroon ng̃ tugtugan, nagilaw ang boong nayon at nagtayo ng̃ mg̃a arko. Ang lalong kapunapuna ay ang pagiisa ng̃ nayon na pawang parol ng̃ “Kami Naman” ang ginamit. At natapos sa ganap na kasyahang loob ng̃ lahat. Ang salaping lumabis sa pagdiriwang ay inihandog sa “Kami Naman” ng̃ kapulung̃an ng̃ nayon, na parang ganting pala sa maayos na pang̃ang̃asiwa sa pagdiriwang.
Sumunod na ibinunsod ng̃ Samahan ay ang balak ni G. Marcelino Dizon na lumikom ng̃ isang kusang ambagan upang ibili ng̃ kasangkapang pang-apula ng̃ sunog. Nakatagpo ang balak na ito ng̃ mg̃a balakid at binaka ng̃ ilang di nasisiyahan. Gayon man ay pinang̃atawanan din ng̃ Samahan at nakabili rin ng̃ mg̃a palakol at timba na magagamit karakaraka sa isang simula ng̃ sunog. Hanggang ng̃ayon ay nakatanghal at nakahanda ang mg̃a kasangkapang ito sa nayong Sapote.
Ang munisipyo ng̃ Maynila ay siya namang hinarap ng̃ “Kami Naman”. Sunodsunod na daing at kahiling̃an ang iniharap upang ang nayong kinatatayuan ng̃ Samahan ay ipaayos. Pinilit na maglagay man lamang ng̃ gripo, sapagka’t noon ay nagkakahalaga ng̃ anim ó limang sentimos ang bawa’t dalawang timba ng̃ inumin sa pook na yaon. Bihirang linggo ang walang panawagan sa pitak ng̃ pahayagan sa Maynila. At humangga sa paglalagay ng̃a ng̃ gripo at pagtatakda ng̃ pamahalaan ng̃ apat na libong piso sa ikaaayos ng̃ nayon. Ito ang lalong malaking tagumpay na tinamo ng̃ “Kami Naman”.
Upang iligtas sa sakit ang mg̃a kanayon dahil sa malabis na paglulusak sa pook ng̃ Sapote, ang “Kami Naman” ay nagtayo ng̃ mg̃a tulayang kawayan sa tulong ng̃ nayon.

G. Honorato H. de Lara
(Tunghayan ang dahong ika 21)
Nang hakutin ng̃ mg̃a sanitaryo ang mg̃a kawani sa Limbagan ng̃ Pamahalaan at kulung̃in sa Pagamutang San Lasaro, dahil sa mikrobyo ng̃ dipterya, ang “Kami Naman” ay siyang tang̃i at kusang umabuloy sa mg̃a napinsalaang yaon. Wala ni isang kasapi sa “Kami Naman” na napalahok doon, datapwa’t ginawa ang pagdamay sa paniniwalang magkakapatid na lahat ang mahirap. At ito’y tinugon ng̃ di gagaanong pasalamat ng̃ mg̃a dinamayan. Noon ay Marzo ng̃ 1913.
Sa gayong mg̃a ipinakisama ng̃ “Kami Naman” sa bayan ay marahang sumusung̃aw ang kanyang kabantugan. At lalo pang nabantog siya pagkatapos ipagbunyi ang ika isang taong buhay ng̃ Samahan. Paano’y dalawang araw na ginawa ang kasayahan: ika 13 at ika 14 ng̃ Septiyembre ng̃ 1913. Nagbukas ng̃ timpalak ng mg̃a dula at gilasan ng̃ artista, na siyang kaunaunahang timpalak na may ganitong uri na idinaos sa sangkapuluang Pilipinas. Nagdaos pa ng̃ isang misang alaala sa lahat ng̃ mg̃a kasaping nang̃amatay sa ilalim ng̃ watawat ng̃ “Kami Naman”. Nagkaroon ng̃ binyag at kumpil at maghapong mg̃a palaro. Ang nabantog na banda ng̃ Meralko ay siyang tumugtog. At tinapos ang kasayahan sa isang magiliw na salosalong kapatid. Alinsunod sa mg̃a pahayagan dito sa Maynila ay mahigit na apat na libong tao ang dumalo sa mg̃a pagdiriwang na yaon. Dapat namang magkatotoo, pagka’t may mg̃a nagtayo pa ng̃ mg̃a tindahan at lahat halos ng̃ tahanan sa Sapote ay may kanikanyang handa. Ano pa’t ang pagdiriwang ng̃ “Kami Naman” ay naging parang pista ng̃ nayon. Sapul na noon ang “Kami Naman” ay nabantog na ng̃ gayon na lamang at ang lalong nakatawag sa diwa ng̃ marami ay ang mg̃a kartelong nagsabit sa trambiya na nagbansag ng̃ kasiglahang ipamamalas ng̃ “Kami Naman”.
Ang isa pa sa mg̃a pagdiriwang ng̃ Samahang ito na hinang̃aan din ng̃ madla ay ang pagtatanghal ng̃ mg̃a “Bituin” ng̃ “Kami Naman”. Ginanap noong ika 21 ng̃ Disyembre ng̃ 1913, sa Dulaang Angel sa Singalong. Mahigit sa tatlong libong tao ang nanood. At noon ay minsan pang itinampok ang mayamang uri ng̃ mg̃a babaing pilipina.

G. Rosendo S. Cruz
Kumatha ng̃ “Tuntunin ng̃ Pulong” na ikalawang aklat ng̃ Aklatan ng̃ “Kami Naman”
(Tunghayan ang dakong ika 19)
Sa mg̃a pamamahayag ng̃ bayan ang “Kami Naman” ay palaging nakikilahok; ng̃uni’t pakikilahok na di sa gayongayon na lamang, kung hindi pakikilahok na kapunapuna; yaong nakapagpaparing̃al at umaani ng̃ papuri. Kung walang karrosa ang “Kami Naman” ay nakalulan naman sa sasakyan ang kanyang mg̃a kinatawan. Datapwa’t hindi sa iisang sasakyan lamang kung hindi sa pito o labing apat kaya. At sa loob ng̃ dalawang taon ay labing dalawang ganting pala ang tinamo ng̃ “Kami Naman”. ¿Ano pang sigla ang hahanapin? ¿Ano pang kilos ang magagawa? Wala na. Hanggan diyan na lamang talaga ang isang samahan.
Kasabay ang pagsisigasig na magtamo ng̃ lalo at lalong karang̃alan, ang “Kami Naman” ay nagpapakatatag sa kanyang tayo. Inakala ng̃ Pangulong De los Reyes na ang pagkakaibaiba ng̃ hilig ng̃ mg̃a kasapi ay dapat tapatan ng̃ kanikanyang ikasisiyang loob. Dahil dito ay binahagi niya ang “Kami Naman” sa iba’t ibang Lupon na may kanikanyang uri, layon, pananalapi, at mg̃a kaanib.
Ang unang Lupon ay ang Damayan. Magabuloy sa namatay o namatayang kasapi ang layon. Lupon sa Kalakal ang pang̃alawa at nagsimula ng̃ pagkilos noong Pebrero ng̃ 1913. Disyembre ng̃ 1913 itinatag ang Lupon ng̃ mg̃a Bituin na binubuo ng̃ pawang mapanghalinang binibini. Sila ay mg̃a kasaping pangdang̃al sa “Kami Naman”. Disyembre ring yaon ng̃ itatag ang Lupon sa Pagpapalakas. Bago sumipot ang masikap at masiglang Lupon ng̃ mg̃a Manunulat.
Lahat ng̃ lupon na ito ay nagtanghal ng̃ kanikanyang lakas at magagawa. Bawa’t isa’y naghandog ng̃ matatayog na papuri sa boong Samahan. At sa lubos na paghang̃a ng̃ isang kasapi sa “Ilog Beata” sa kakisigan ng̃ “Kami Naman” ay tinula niya ang kasunod:

G. Ramon S. Torres
Kalihim Tagapahayag ng̃ Samahan ng̃ mg̃a mananagalog na “Ilog Beata” at tumula ng̃ tulang “Kami Naman”
(Tunghayan ang dahong ika 12)