KAPAKANAN ÑG WIKANG TAGALOG
Reading edition
Ito ng̃ang wikang Tagalog, itong wika nina Solima’t Lakandula, nila Balagtas at Pilapil, nila Rizal na ng̃ayo’y kasalukuyang pinagmamasakitan ng Aklatang KAMI NAMAN, ay hindi lihim, at sa katunayan ay nariyan ang lagda ng mga bantog na mananalaysay na kumilala ng kasakdalan ng wikang ito, palibhasa’y ang wikang Tagalog ay isang wikang may sariling likas, may sariling ganda, may sariling yaman at isang wikang maipagbabadiya ng tanang saloobin at damdaming sumasapuso’t ísip ng tao; anopa’t sa katagang sabi, itong wikang Tagalog na ating kinamulatan, nilakhan at pinaka kaluluwa ng ating bayan ay may dakilang kapakanan ayon sa pagkakaakma’t pagkakabalangkas sa isang paraang tumpak at kagilagilalas.
Sofronio G. Calderón.
Dahil sa talino ng̃ isa sa mg̃a “Bituin” ng̃ “Kami Naman” ang Lupon ng̃ mg̃a Manunulat ay nagkamit ng̃ karang̃alang sa “Kami Naman” nanggaling ang ikatlo sa mg̃a babaing pilipina na kumatha ng̃ kasaysayan. Iyan ay si Bb. Pascuala Pintor na sumulat ng̃ nobelang “Tagumpay ng̃ Api”, na siyang unang aklat na pinalabas ng̃ Lupon ng̃ mg̃a Manunulat. Kung ¿ano ang “Tagumpay ng̃ Api”? ang isang liham ni G. Aurelio Tolentino ang dapat sumagot:
“Bb. Pascuala Pintor.
“Mahal na binibini:
“Tinanggap ko po at pinasasalamatan ang mahalagang handog ninyo sa akin, isang salin ng inyong matalinong nobelang “Tagumpay ng Apí”.
“Kulang ang lahat ng papuring kaya kong sabihin, upang tumbasan ang hiwagang sarap ng aklat na nabanggit. Bukod sa talagang may kalugodlugod na ganda sa pagkakahanay ng mga salitang bihis ng kanyang mayayamang isipan, ay naghahandog pa sa damdamin ng ulirang buhay na gaya ng kay Teban, aralan gaya ng kay Titay at katarungang gaya ng kay Mameng at kay Leon.
“Palibhasa’y marami na ang mga nobelang Tagalog; dahil sa mga mahahalaga rin naman ay maitutulad sa isang kuwintas na gintong sinasagisag ng bagong buhay. Ang “Tagumpay ng Apí”, ngayong mapakituhog sa kuwintas na iyan, ay naging pinakamaluningning na «relicariong» tinampakan ng makikinang na batong diamante, at may mahal na laman sa loob, ang buhay na larawan ng kabaitang nagtagumpay sa dagok ng kapaslangang binigti ng katarungan ng sariling damdamin.
“Naghihintay pagutusan ang talisuyo nilang si
“Aurelio Tolentino.
“Maynila, ika 30 ng Junio ng 1914.”
Sumunod na pinalabas ng̃ mg̃a manunulat ng̃ “Kami Naman” ang aklat ni G. Rosendo S. Cruz. “Tuntunin ng̃ Pulong” ang pamagat at gaya rin ng̃ “Tagumpay ng̃ Api” ay nagtamo ng̃ mg̃a bati at papuri. Isa na rito ang kalatas ng̃ isang taga Malabon, Rizal, na si G. Amado Jacinto. Aniya’y
“Malabon, Rizal, S. P. “Ika 30 ng Okt., 1914.
“G. Rosendo S. Cruz.
“Mahal na kaibigan: Tinanggap ko ang isang salin ng iyong mahalaga at munting aklat na ang pamagat ay “Tuntunin ng Pulong”, at ako’y nagpapasalamat ng marami.
“Rosendo, ang iyong aklat, sa ganang sarili ko, ay dapat mong ipagkapuri. ¿At bakit? Sapagka’t sa aklat mong itong maliit at mura lamang ay mayroon kang isang dakilang bagay na matuturo. At ito’y ang pagpapakilala mo sa iba, na ang kahalagahan ng isang katha’y wala sa kapal at sa laki, kundi nasa uri at saka sa layon: uring siyang bilang pinakapagaari ng isang aklat, at layon namang siyang tunay na ariariang kinapapalamnan ng dañgal ng isang kumatha.
“Ang uring tinutukoy ko rito ñgayon ay hindi ang tungkol sa kalinisan o karumham ng literatura, kundi ang kung nakapagtuturo o hindi nakapagtuturo; at ang sa layon nama’y kung mabuti o híndi, samakatuwid ay kung ang pakinabañgan o makinabang lamang.
“Kapag ang isang aklat ñga’y may uring nakapagtuturo at may mabuting layon, para sa akin ay sukat na, upang kalugdan kong basahin at hanggang sa purihin pa pati ng kumatha.
“¡At lalo pa marahil, kung ang kumathang iya’y isang kaibigang katulad mo! ¿Hindi ba?
“Tungkol sa pagbabasa ng mga aklat ay aking maipagtatapat sa iyong ako ñga’y mayroon ng kakaibang panglasa kay sa dati, at ang sabi ko’y ganito, sapagka’t hindi na ako nalulugod ñgayon sa mga Felipe Trigo at Eduardo Zamacois, diyan sa mga mapaglarawan at mapaglikha ng mga kuwadrong nakapagpapagalaw ng laman at nakapagpapakalam ng balat, na sa mahinang loob ay sapat makapagdulot ng isang masidhing pagkakilití; kundi doon na unti-unting nawiwili ang aking loob sa mga Heberto Spencer at Samanuel Smiles, sa mga Noé Porter at Tomas Stanley.
“At dahil sa ganitong pagbabago ng aking hilig, ay huwag ilalaki ng iyong loob na ipalagay at sabihing kong ang aklat mo’y lalo pang kapuri-puri kay sa di iisa’t dadalawang naghahalaga riyan ng 40 at 50 sentimos, sa pagka’t ang iyo’y nakatutulong sa pagtitipid ng panahon ng mga samahan kung sila’y may pinagpupuluñgan, samantalang ang mga yao’y pawang mga awit ding mistula ng nakalipas na panahon natin, iba ñga lamang ang pañgalan, anyo at bihis; dapuwa’y sing-isa ring walang nagagawa kundi ang magparami ng mga pañgahas, pilyo, at palalo.
“Iyan ang mga sanhi, kung kaya’t baga man may kulang at di mo binuó ang “Tuntunin ng Pulong” na iyong sinulat, ay hinahandugan din kita ng isang maligayang bati, na kasabay ng pakikikamay ko’y tanggapin mo rito sa tapat, at natatalaga mong kaibigan.
(May lagda.) “Amado Jacinto.”
Ang ikatlong aklat na ipinalimbag ay ang “Agawan ng̃ Dang̃al” na akda naman ni Bb. Fausta Cortes. Ang nagpanukala’t nagtatag ng̃ mg̃a balitang “Ilaw at Panitik”, “Aklatang Barusog” (mg̃a Samahan ng̃ mg̃a manunulat na tagalog) at “Hijos del Siglo” na si G. Honorato H. de Lara ay siyang nagpakilala sa madla kung ano ang “Agawan ng̃ Dang̃al”.
Isang liga ng̃ indoor base ball ang itinanyag naman ng̃ Lupon sa Pagpapalakas. Ang bituing Concepcion Magallanes ay siyang naghagis ng̃ unang pukol ng̃ bola. Limang team ang lumaro at ito’y ang “Marte”, “Katubusan”, “Sinag Kapuluan”, “Makabayan”, at “Kami Naman”. Ang “Marte” ang nagtamo ng̃ tang̃ing gantingpala.
Ang Lupon ng̃ mg̃a Bituin ay kalabisan ng̃ sabihin pa kung ano ang nagawa at ginagawa. Sukat ang ipagtapat na utang sa mg̃a “bituing” ito, ang lahat ng̃ ikinilos ng̃ “Kami Naman”. Paano’y sila ang buhay at kalulwa ng̃ Samahan.
Patuloy sa magiliw na pagdadamayan ang Lupon sa Damayan.
Ng̃uni’t ang Lupon sa Kalakal ay napahimbing. Ang Lupon na ito lamang ang nagmintis. Gayon ma’y nakapagtayo rin ng̃ tindahan noong Febrero ng̃ 1913, baga man nabuhay ng̃ may anim na buwan lamang.
Sa mg̃a kasiglahang ito ng̃ mg̃a lupon ng̃ “Kami Naman” ang Samahan ay palaging nakapagwawasiwas ng̃ watawat ng̃ tagumpay sa lahat ng̃ kanyang balak. At man sa tuwing bago siyang panukala, ang mg̃a pahayagan ay nang̃agsabing «Bagong maningning na dahon na naman ang mapaparagdag sa hinahang̃aang kasaysayan ng̃ “Kami Naman”.»
At dapat namang dakilain ang “Kami Naman”, palibhasa’y isang samahang nakikipagkapatiran sa lahat, sampu sa mg̃a nagpapakaimbi sa pagpatay sa kanya. Kung totoo mang may mg̃a kamaliang nagawa ay totoo rin namang lalong marami ang tumpak na pinang̃atawanan.
Diyan natapos ang dalawang taong pamamahala ni G. Angel de los Reyes na nagwagi sa tatlong halalang sunod-sunod sa pagka Pang̃ulo ng̃ Samahan.
¡¡¡Panahon ang humatol sa magiging kapalaran ng̃ mg̃a samahang katulad ng̃ “Kami Naman”!!!
HANGGA