IV.
Reading edition
Alinsunod dito sa mang̃a sinabi co magpahang̃an ng̃ayo,i, marahil nasain mo, cristianong bumabasa, ang ilang malinao,t, tapat na hatol, na parang pinacareglang aalinsunurin; na cun sundin mo naman ay macapang̃ing̃ilag ca sampon nang iyong mang̃a casambahay, mang̃a caibigan nama,t, caquilala, sa mang̃a daquilang pang̃anib na laguing nasusumpung̃an sa pagbasa nang mang̃a masasamang libro. Isasaysay co ng̃a sa iyo ang mang̃a inaacala cong lalong quinacailang̃an at lalong bagay sa pagtatamo nang ninanasa nating paquinabang.
Una-una. Capag banta mong bumili cun bumasa nang anomang libro, munti ma,t, malaqui man, nang diariong may mang̃a lamina,t, uala, nang auit man, tula man, maguing limbag maguing sulat camay, ay bago mong bilhin ó basahin ay dapat mong usisain muna cun baual, cun dili caya; ó cun dapat maguing baual sapagca,t, masama.—Ang pag-uusisa nito,i, nacacailang̃ang siyasatin mo cun ang librong bibilhin ó babasahin ay natatamaan nang alin man sa mang̃a pitong utos na paraang pagcacaquilanlan nang mang̃a librong dapat na ipagbaual, na baual na talaga; at ang lalong maigui sa lahat ay magtanong ca sa Confesor, cun sa Cura caya, cun sa canino mang banal na sacerdote; at ang paraan na ito,i, lalong magaling, sapagca,t, malalayo ca sa pang̃anib nang pagcacamali.
Icalaua. Dapat mong tandaang pinacalandas di dapat sinsayan ang houag bumili, at houag bumasa nang ano mang libro, auit, at casulatang uala sa unang fojas na may lubos na pahintulot ang mañga PUNO. Sapagca,t, ang ayao huming̃i nang pahintulot sa mang̃a Puno ay marahil hindi cristiano, at cun ganoon sucat nang ipaquibilang sa mang̃a baual ang quinathang libro; at cun cristiano naman, at ayao huming̃i nang pahintulot ay hayag siyang souail na cristiano, at masasapantahang magtuturo nang camalian.
Tanto cong magaling na yaong ibang libro,i, di nagcacailang̃an nang pahintulot, at nang mailimbag; at mababasa ng̃a cahit uala ang gayong pahintulot; datapoua,t, sang-ano man ang pag-iing̃at tungcol dito,i, alang̃an pa; sapagca,t, sa casamaang nang mang̃a panahong quinalalag-yan natin ay pati sa mang̃a librong di nagcacailang̃an nang pahintulot, cun magcabihira,i, iguiniguiit din ang mang̃a erejía at mang̃a lisiyang aral: caya ng̃a cailang̃an din sumigao na ualang tugot: ¡Caing̃at cayo sa mang̃a masasamang libro,t, casulatan!
Napagunaua mo na marahil, na sa toui cong sinasabing cailang̃an ang pahintulot nang mang̃a Puno, ang tinutucoy cong mang̃a Puno ay ang sa santa Iglesia, ang Santo Papa baga at ang mang̃a Poong Obispo, palibhasa,i, sila na lamang ang macahahatol nang cagaling̃an at casamaan nang ano mang libro.
Icatlo. Cun totoong totoo,t, ninanasa mong houag magcamali dito sa daquilang bagay na ito, ang lalong mabisang paraan, na nasasaclauan nang lahat na mang̃a ibang paraang iyong mapipili, ay ito ng̃a: Na houag cang bumili, at houag bumasa nang ano mang libro, diario, auit at ano mang casulatan na di ca maquipagsanguni muna sa iyong Confesor, sa iyong Amang Cura, cun sa ibang banal na Sacerdote. At ito rin ang dapat mong ipasunod sa iyong mang̃a nasasacupan. Sapagca,t, doon pa sa mang̃a librong hindi masama, at may pahintulot ang mang̃a Puno sa paglimbag, ay marami rin ang di mo nararapat basahin, sapagca,t, marahil macasasama sa iyo; at caya ualang macapaghahatol sa iyo nang tapat gaya nang mang̃a may catungculang magsaquit sa icagagaling nang iyong caloloua.
Sundin mo ng̃a, guilio cong cristiano, itong mang̃a bilin co sa iyo, at ipasunod mo naman sa iyong mang̃a nasasacupan, at hindi ninyong icapapang̃anyaya ang mang̃a masasamang casulatan. At cun sacali,t, dala nang di ninyo carunung̃an nang dacong arao ay may pinatuloy cayo sa inyong bahay na mang̃a librong masasama ay inyong pagsicapang hanapin, ay dalhin ninyo agad sa Amang Cura cun sa Confesor, na ito ng̃a ang lalong magaling; ng̃uni,t, cun di ninyo magagaua ito,i, sunuguin ninyong tambing. Sunuguin, sunuguing ualang aua,t, hinayang sa salaping ibinili niyong mang̃a libro, at nang houag cayo,i, masunog sa infierno dahilan sa canila.
¡Ay capatid co! cun tularan mo sana ang magandang halimbauang ipinaquita niyaong isang babaying nang̃ang̃alacal nang libro, ayon sa sinasalita ni P. Mach sa caniyang librong «Tesoro del Catequista»:
Nang malapit nang mangyari yaong balitaa,t, malaquing pagcagulo doon sa caharian nang Francía, ay may isang babaying nang̃ang̃alacal nang libro na dinatnan nang balita, na si P. Borgar (Beauregard) ay lubhang mariquit na magsermon, na caya ng̃a hinahang̃aan siya nang lahat na taga Paris. Dala nang balitang ito,i napasa simbahan nang Nuestra Señora de Paris ang nasabing babayi, at gayac siyang maquiquinyig nang pang̃ang̃aral nang Pareng yaon; at nagcataon naman na ang mang̃a sinasabi nang Pare noong gabing yaon ay pauang nauucol sa mang̃a masasamang libro. Ang naturang babayi, baga ma,t, timtima,t, may puri, ay nagbibili nang mang̃a librong laban sa ating santa Religión at laban din sa magagaling na asal. Anaqui nabulagan siya nang casaquiman sa salapi, gaya nang pagcabulag nang maraming naglalaco,t, nang̃ang̃alacal nang mang̃a mahahalay na palasintahan, auit, corrido at iba,t, iba pang mang̃a masasamang casulatan, at di nila inaanumana ang mang̃a casalanang di mabilang na quinacamtan nila, at ang mang̃a quinacamtan nang iba dahilan sa canila. Ng̃uni,t, ang babaying yao,i, dahil sa pang̃ang̃aral nang Pare ay iminulat niya ang mata nang caniyang isip, caya,t, napagquilala, na ang mang̃a tampalasang librong lumalaban sa santa Religión, at umaaquit sa maruruming hilig nang catauan, ay parang bucal nang camatay-matay na lasong sumisira sa caloloua,t, puso nang tauo; at ang mang̃a nagpapalimbag, nagbibili, cun tumutulong sa papaano mang paraan nang pagcacalat sa mang̃a gayong libro ay catulad nang mang̃a manglalason; at darating ang arao, at sila,i, hihing̃an nang Pang̃inoong-Dios nang mahigpit na pagsusulit sa mang̃a caguluha,t, casalanang nangyari dahil sa canila. Halos di ng̃a magcasiya sa loob nang babaying yaon ang sisi sa sarili, at napag-unaua na ang pang̃ang̃alacal niya,i, lubhang di carapat-dapat sa isang calolouang may iniing̃atan pang cahihiyan at pagquilala sa Dios; caya ng̃a,t, minabuti niyang lisanin magpacailan man ang paghahanap buhay na yaon. Nang matapus ang sermon ay tinung̃o niya ang bahay nang Pare, at nagsabi sa caniya nang ganito: Aquin napagquiquilala, Ama co, ang cadaquilaan nang aquing pagcacasala sa pagbibili co nang mang̃a masasamang libro; ng̃uni,t, yayang minulan na ninyo ang paggamot sa aquing caloloua,i, lubusin ninyong pagcagaling̃in: pumaroon po cayo sa aquing tindahan, tignan ninyo ang mang̃a librong naroroon, at sunuguin po ninyo ang lahat na mamasamain ninyo. Sang-ano man ang maguing capang̃aluguihan co, at mauala man sa aquin ang lahat cong mang̃a tinubo, ay mamagaanin cong lahat, houag lamang mapacasama ang aquing caloloua. Pinuri ni P. Borgar ang gayong magandang banta, at nang̃acong tutulong̃an siya sa pagganap nang caniyang ninanasa. Quinabucasa,i, naparoon siya, ibinucod ang mang̃a masasamang libro,t, itinuro sa babayi, na quinuha nito,t, isinugbang lahat sa isang malaquing siga na caniyang inihanda. Ang halaga nang mang̃a sinunog na libro,i, mahiguit dao sa sanglibo,t, dalauang daang piso; at magmula noo,i, pinagtiticahan niyang mahigpit na hindi na magbibili nang mang̃a ibang libro, cundi yaon lamang macapagpapagaling sa mang̃a caloloua.
¡Tularan naua itong magandang halimbaua nang mang̃a sederang naglalaco nang mang̃a bagay bagay na auit at masasamang libro! Tularan mo rin ng̃a, guiniguilio cong bumabasa, cun sacali,t, sa mang̃a nacaraang arao,i, di ca nagpacaing̃at capara nitong babayi; at tungcol sa haharaping arao ay houag cang lumihis munti man sa mang̃a itinuro sa iyo dito sa libritong ito. At isinasamo co pa sa iyo na ipaquilala mo ang libritong ito sa iyong mang̃a hinlog, mang̃a catoto,t, mang̃a caquilala, at nang sila nama,i, gumanap nang mang̃a bilin dito: at cun magcaganoon ay mahahadlang̃an ang marami sa mang̃a capahamacang dala nang masasamang libro,t, casulatan.
¡Loobin naua nang catamis-tamisang Puso ni Jesús at nang calinis-linisang Puso ni Maria, sampon nang maloualhating Poon san José, na pagpalain nila,t, gauaran nang mahal nilang bendición itong munti cong pagod, upang mapaquinabang̃an nang mang̃a caloloua, at mapatungcol na lahat sa lalong capurihan nang Dios. Siya naua.
Fr. José Rodriguez
Religioso sa Orden ni san Agustin.