← Table of contents
¡Caiñgat Cayo!

II.

Reading edition

Ang caunaunaha,i, baual ang lahat na mang̃a libro sa Santong Casulatan na inihulog nang mang̃a ereje sa uicang castila, cun sa uicang tagalog, cun sa alin mang uica; cun sacali,t, cristiano man ang maghulog ay cun ualang pahintulot ang mang̃a Puno.—Caya ng̃a ang lahat na mang̃a libritong hang̃o sa santong Sulat sa bagong Testamento, na ipinagcacalat na limbag sa Oxfort at sa Hong-kong sa uicang castila at cung magcabihira,i, sa tagalog, ay pauang baual; sampon niyang mang̃a Evangeliong uicang castila cun tagalog caya, na iniing̃atan nang marami, cun isinasabit sa liig na parang anting-anting, ay baual din naman.

Ang icalaua,i, baual din ang mang̃a librong sadyang nagtutucoy, nagsasalita, cun nagtuturo caya nang calibugan, cahit doo,i, ualang nahahalong maling aral cun erejía caya.—Alinsunod dito,i, baual iyang lahat na mang̃a palasintaha,t, auit at corridong paraparang mahahalay, na totoong quinauiuilihang basahing nang caramihang mang̃a tagalog, lalaqui man at babayi man. ¡Daming ba pa nang mang̃a nang̃apapang̃anyayang caloloua dahil dito sa mang̃a tampalasang auit at palasintahan! Cun touirin ninyong mabuti ay agad matatalastas na ang pagcapang̃anyaya nang di mabilang na mang̃a bagong-tauo,t, dalaga,i, nagmula sa pagbasa nitong mang̃a baual na auit at palasintahan.

Ang icatlo,i, baual naman ang mang̃a devociones cun tauaguin, ang mang̃a panalang̃in, at mang̃a casulatang quinapapalamnan nang mang̃a pang̃acong sinung̃aling, na di umano,i, ang mang̃a gayo,t, gayon ay ualang di pangyayari.—Caya ng̃a,t, alinsunod dito,i, iyang mang̃a panalang̃in, at iyang mang̃a casulatan na di umano,i, nalaglag sa Lang̃it, at nasumpung̃ang nacababao sa santo Sepulcro, sa altar cayang pinagmimisahan nang santo Papa, at iba,t, iba pang ganito na ipinalimbag sa mang̃a panahong ito sa uicang castila ma,t, sa uicang tagalog, at ipinagcacalat na mainam nang mang̃a alagad nang demonio, ay pauang baual, at ipagcacasala nang sino man ang pagdarasal at ang pagbasa noon, pati nang pagcacalat at pagiing̃at niyon.

Ang icapat ay baual din naman ang lahat na mang̃a libro, mang̃a munting fojas, at munti man mang̃a casulatang nagtuturo nang panghuhula, panggagayuma, pangculam, at iba,t, iba pa.—Ayon dito,i, ipinagcacasala ang pagbasa,t, pag-iing̃at ang mang̃a lunario, cun tauaguin nang iba; at iyang lahat na mang̃a casulatang iniing̃atan nang mang̃a hang̃al na ualang namumuang̃an; na marahil cun caya iniing̃ata,t, pinaniniualaan ay di umano,i, sulat yaon nang mang̃a matatanda, na mang̃a hang̃al pa sa canila.

Ang icalima,i, baual na lahat ang mang̃a libro na hangan sa taon 1584 at hangan ng̃ayo,i, nilimbag ó lilimbaguing ualang itinuturong pang̃alan nang sumulat ó cumatha, nang nagpalimbag, nang pinaglilimbagan, pati nang panahong ipinagpalimbag; at cun sacali ma,t, may itinuro ang lahat nang ito,i, mang̃a hindi totoo ang itinuturo, at paconouari lamang; sapagca,t, ito,i, nagpapaquilalang dapat pang̃anibang may taglay na lico,t masasamang aral na di dapat basahin nang isang cristiano.—Alinsunod dito,i, ang lahat na mang̃a auit at corrido, na arao-arao,i, ipinalilimbag na ualang pahintulot, at ualang itinuturong may catha, (na palibhasa,i, iquinahihiya ang sinulat ay di ibig na maquilala) ay paraparang baual na lahat; lalong lalo na,t, ang caramihan niyang mang̃a auit ay mang̃a punong puno nang mang̃a camaliang di naayon sa mang̃a aral nang santa Iglesia.

Gayon din naman iyang mang̃a libro,t casulatang ipinagcacalat ng̃ayon sa uicang castila at sa uicang tagalog na uala ring itinuturong may gaua,t, may palimbag; at ang laman niyon ay pauang cabulaanang laban sa señor Arzobispo at sa mang̃a Pareng religioso, na pati nang mang̃a cagalang-galang na mang̃a Madre religiosa, ay di rin quinaalang-alang̃anan nang tampalasan nilang pluma, ay ang lahat na ganiyang mang̃a libro,t, casulatan ay baual na basahin, at ipagcacasala nang daquila ang pagbasa,t, pag-iing̃at noon, at lalong lalo na ang pagcacalat.

Pauang cabulaanan, uica co; sapagca,t, cun mapatotohanan nila sana ang canilang mang̃a sinasabi ay hindi nilang ipagmamacahiyang maalaman ang canilang mang̃a pang̃alan; at cun totoo sana ang laman niyang mang̃a carimarimaring sulat ay ualang sucat icatacot ang may catha man, ang lumimbag man, ó ang nagpapalimbag, at nagpapacalat caya, cahit sila,i, ipaghabla,t, isacdal sa Justicia nang mang̃a pinararatang̃an nila nang gayong mang̃a casamaan. ¡Tunay ng̃a pala na ang mang̃a nagcacalat nang mang̃a gayong sulat na anónimo (ualang pang̃alan) ay sucat ipaquibilang sila sa mang̃a tauong ualang hiya!

Ang icaanim ay baual ang lahat na mang̃a librong sulatin cun ipang̃alat, na ang taglay na laman ay mang̃a maling caisipa,t, mang̃a aral na laban sa pinasasampalatayanan sa atin nang santa Iglesia.—Gaya nang̃a baga nang librong catha nang Dr. Rizal, na ang pang̃ala,i, Noli me tangere, na pinupuri,t, binabasang ualang agam-agam nang maraming natuturang cristiano, baga ma,t, sa pagbasang ito,i, nagcacamit sila nang casalanang daquila; sapagca,t, ang nasabing libro,i, punong puno nang mang̃a erejía,t, mang̃a aral na laban sa ating santa Religión. Halos sa baua,t, fojas at sa baua,t, talata ay may mababasa roong mang̃a sabing sinung̃aling, mang̃a udyoc na capangahasan, mang̃a nacamumuhi,t, mahalay na iparing̃ig sa mang̃a tunay na cristiano, mang̃a paglalapastang̃an sa mang̃a cagalang-galang na Puno nang santa Iglesia at sa caramihang cristiano, mang̃a pagsisiphayo sa Dios, mang̃a camangmang̃a,t, cahunghang̃ang humihicayat sa pagcampi sa tacsil at sucab na si Lutero at sa iba pang mang̃a ereje, mang̃a aral na lubhang lihis at mang̃a erejíang tunay; ano pa,t, hangan sa umuudyoc upang houag sampalatayanang may Dios. Ang lahat nang ito,i, pauang mababasa diyan sa tampalasang libro, at caya baual na basahin, at ang pagbasa noo,i, isang lubhang mabigat na casalanan. At ang may catha noon, ang Dr. Rizal baga, cun taimtim sa caniyang loob ang mang̃a sinulat niya sa nasabing libro at hindi pa niya pinagsisisiha,t, tinatalicdan, ay dapat na ariin siyang tacsil at tampalasan sa Dios, ereje at excomulgado.

Tingni, mang̃a guiniguilio cong tagalog, tingni,t, masdan itong caauaaua capoua ninyong tagalog, na pinupuri nang marami sa inyo na parang ualang capara sa carunung̃an; ualang dao ga sino si Rizal; di umano,i, capurihan dao nang lahi ninyong tagalog, na sucat ninyong ipagparang̃alan. ¡Ay sa aba co! At lalong catampatang sabihin, na sucat inyong ipagmamacahiya ang gayong cahabag-habag na bulag na loob; sapagca,t, siyang caunaunahang tagalog na cusang gumamit nang caniyang camay sa pagsulat nang mang̃a catacot-tacot na catampalasanan sa Dios, sa ating santa Religión cristiana, at sa mang̃a sinasampalatayanan natin.

Bucod pa sa siya,i, tampalasan, ay hañgal pa naman sa madlang bagay; sapagca,t, cun siyasatin ang pagcagaua nang nasabing libro,i, isip ninyong hindi ang camay nang may bait na tauo, cundi ang paa nang isang mangmang ang isinulat noon; at halos sa lahat nang fojas ay mapagmamalas na ang gumaua,i, hang̃al na hang̃al sa paghahanay nang masanghayang pananalita, lalong lalo na sa uicang castila; ang totoong tang̃ing matatanghal doon ang sino man ay ang isang sucab at tacsil na pagcapoot niya sa ating santa Religión at sa España.

Ang icapito,t, catapusa,i, baual ang lahat na mang̃a librong malaqui ma,t, maliliit, ang mang̃a munting calat na casulatan, ang mang̃a diario, at balang nang sulat na ang laman ay lumalaban sa mang̃a aral nang santa Iglesia; ang tanang casulatang nagpupuri sa mang̃a camaliang hinati,t, sinala nang santo Papa, gaya nang mang̃a sinala ni Pio IX sa caniyang casulatang padala sa sangcacristianohan, nang 8 de Diciembre de 1864; ang balang nang sulat na cumucut-ya sa mang̃a Santong guinagalang nating sa mang̃a altar, cun nagsasalita caya nang mang̃a cabulaana,t, ipinataratang sa canila nang mang̃a gaua, mang̃a uica,t, mang̃a acalang di ucol sa cabanalan; ang lahat nang mang̃a librong nanunuya sa mang̃a Sacramento,t, sa mang̃a ugaling paraang na ipinag-uutos nang santa Iglesia sa pagmimisa, pagdarasal, at sa iba,t, ibang mang̃a gauang magaling; at sa cauacasa,i, ang dilang casulatang sa conouari ma,t, di conouari ay cumacampi sa mang̃a camaliang aral na laban sa pananampalataya at sa mang̃a mabanal na asal.—Laban dito sa cautusang itong bigay nang santo Papang si Pio IX, upang masaula ang mang̃a cristiano sa pagbasa nang mg̃a masasamang diario, ay hindi lamang nagcasala ang mang̃a bumabasa nang balang na sa mang̃a nasabing casulatan, cundi pa naman ang nang̃acacatulong sa pagpalimbag at sa pagcacalat, gaya baga cun limbaguin, ipagbili, bilhin, pasulat, at iba pa.

Ang pitong utos na ito,i hang̃ong lahat sa libro nang indice sa naturang casulatan ni Pio IX na dapat nating talimahi,t, ganapin, cun tunay nating ibig na mapacagaling.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings