Ang mañga anák dálita.
Reading edition
I.
SI TETA.
Sa isáng tahanang lubhang marálita na áalang̃án pa sa pang̃alang dampa'y may isáng babaing yayát at matandá na wari'y may sakít, kaya't nakahiga. Sa kaniyang siping, na abót ng̃ kamáy, ay may isáng mangkók na lugaw ang lamán at sa dakong paa'y mayroong uupán na wari'y gawa pa ng̃ amáng si Adán. Ang tang̃ing kasama ng̃ sangkáp na itó ay isáng tampipi't isáng baul mundo, isáng panahian, kaputol na kayo at ilang balumbón ng̃ sutlang naguló. Ang lahát ng̃ iyo'y siyáng kayamanan niyóng maralita't babaing may damdám kung di mápupuná ang isáng larawan ng̃ himalang gandá na nasa batalán. Isáng binibining ang tindíg at anyo, ay nakaáakay sa gawang sumuyo at ang kanyáng titig na lubhang maamo ay makabibihag sa alín mang puso. Yaóng mg̃a pisng̃í, na nagnakaw mandín ng̃ kulay sa rosa't sa magandáng jazmin, ay natítimbang̃án ng̃ matáng maitím na wari'y hahalay sa mg̃a bituín. Ang isáng makapál at mahabang buhók na nábabalumbón sa malakíng pusód ay inalong dagat ang nákakaayos dahilán sa inam ng̃ pagkakakulót. Itó ang himalang hindi nábibilang sa mg̃a nákita na hiyas sa bahay, kahit masasabing sa kahalagahan ay siya ang lalong palamuting mahál. Lalo't kung mabatíd na siya ang anák ng̃ babaing iyong sa sakít ay lagmák, at siya ang isáng tang̃ing naghahanap at nagmamasakit sa buhay na salát. Siya ang paroon, siya ang parito, gawa niya yaón, gawá niya itó, sa maghapong araw, ang mahinang butó, ay di natitigil ng̃ kahit gaano. At sa dinádaláng sadyáng kaliksiha'y kasangkáp na tagláy iyóng kabaitan, kaya't kahit sinong magíng kapanayám, ay nang̃awiwili na siya'y pakingán. Sa unang sandaling ating pagkákita ay damít ang pigil at siya'y naglabá at nang makatapos, tinignán ang iná kung sa pagkáhiga ay nakabang̃on na. Ng̃uni't nang inabot ang ináng may sakít ay di kumikilos sa hihigáng baníg, kaya't tinulung̃an, sa gawang pagtindíg, upang ang pagkain ay huwag lumamíg. Kanyáng iniupo ang ináng may damdám, at saká kinuha ang laang linugaw; —Kumain ka iná—ang wikang tinuran— ng̃ upáng lumakás ang iyong katawán. —Ay giliw kong bunso—ang sa ináng turing— kung tayo'y mayaman, di mo sasapitin ang hirap na itóng wari'y sapínsapín na nagpapasasang sa ati'y umiríng. Kundi bagá gayó'y akóng isáng iná na dapat tumulong ay nakadagdág pa sa mg̃a gáwaing iyong dinádalá, sa paghahagiláp niyong kakanin ta? Ang tao ng̃a palá, sa mundóng ibabaw, ay dapat mag-impók ng̃ ukol sa buhay, pagka't kung humina'y walang pagkukunan ... "ang hindi nagbaló'y walang tatang̃aran". At pag sumapit na sa panahóng salát ay walang suling̃ang dapat maapuhap at ang nálalabíng kaya niyong palad ay ang maghinagpís, tumang̃is, umiyak. Gaya na ng̃a nitóng sa ati'y sumapit, salát na salát na, akó pa'y may sakít, at ang kahinaan niyang iyong bisig na murang mura pa'y siyang kinakatig. Ikáw, sa maghapo'y walang hintong gawa at di dumadaíng kahit ka na pata ¿sinong pusong iná ang di maáawa sa isáng gaya mong labis mag-aruga? —Aanhín mo iná, sa tayo'y mahirap, —ang maamong sabi ng̃ giliw na anák— ng̃uni kahit tayo madalás magsalát ay wala sa atin namáng isusumbát. Ang tang̃i ko lamang ikinalulumbáy ay ang di paggalíng ng̃ sakít mo ináng; kung sa ganáng akin salát ó mayaman pag nasa piling mo'y ligaya ng̃ tunay. ¿Aanhín ang buhay na lubhang pasasa kundi mákikita ang iná kong mutya? ¿aanhín ang laging walang ginagawa kung ikáw iná ko'y dí kinákaling̃a? Mahang̃a'y ganitóng laging nasasalát at sa bawa't kilos kitá'y nayayakap; ang yaman, sa akin, ay hindi ang pilak kundi ang matamís na iyong pagliyag. Mawika ang gayón, sa noo'y hinagkán at saka niyakap ang ináng magulang; —Itó ang yaman ko—ang muling tinuran— at itó ang tang̃ing aking kasayahan. Matapos masunód ang nasang paghalík, isinakandung̃an ang ináng may sakít. ¡Oh! gayón na lamang ang bukong pag-ibig at gayón na lamang ang likás na baít.


II.
ANG MAG-INÁ.
¡Giliw ng̃ pag-giliw! Kung ang pagmamahál ay ipagagawa ng̃ sadyang larawan, ang anyo at umpók at ayos na lagáy ng̃ ating mag-iná, ang dapat huwarán. Mapalad ang dukha na sa kasalatá'y may kumakaling̃a't dibdíb na hiligán, sapagka't ang gayóng laging kalayawa'y hindi mábibilí ng̃ gano mang yaman. ¡Ilán ang may pilak na sa karamdaman ay wala mang sukat tuming̃í't dumamay! sakaling mayroon, iyón ay upahán, ¡upaháng pagsuyo'y walang kabuluhán! Sandali'y lumipas sa pagayóng anyo't nang nasiyahan na ang sabík na puso, iná'y pinakain, ng̃ irog na bunso, sa tulong ng̃ iláng maliit na subo. Datapwa't sa bagsík niyong kasawiá'y kumilos ang iná't tasa'y tinamaán at ang nálalabíng kaunting linugaw ay tumapong lahát sa silong ng̃ bahay: Sa gayóng nangyari, kapuwa nagitlá ang dalagang hirang at salantang iná, itó'y sa dahiláng nababatid niya na sa kinásidlá'y walang nátitira. At walang kakanin ang anák na mahál pagka't walang bigás ó kusíng man lamang na sukat ibilí ng̃ ikabubuhay na mailuluto hanggáng sa hapunan. Si Tetay, gayon dín, pinasukang hapís, dahil sa nátapon ang lugaw sa sahíg, gayóng wala siyang ibibilí, kahit, ng̃ sapát man lamang sa ináng may sakít. Datapwa't gayón ma'y di nagpahalata, sa kanyáng kandung̃an, iná'y ibinaba, dinampót ang mangkók, pinahid ang basa, at waring lálabas, tung̃o'y sa kusina. —Mag antáy ka muna at aking kukunin ang nátirang lugaw—ang wikang mahinhín— —¿At kukunin mo pa?—ang sa ináng turing— ¿Kung gayón ay anó ang iyong kakanin? Alám kong kagabí'y di ka naghapunan at hangáng sa ng̃ayó'y di nag-aagahan, kundí pa kakain ng̃ pananghalian ¿anó ang daratnín ng̃ iyong katawán? Hapo sa paggawa, kulang sa pagtulog, ang sa sarili mo'y hindi inaayos, kung ikáw'y mapata, ilayó ng̃ Dios, ¿sino ang sa akí'y titing̃ín ng̃ lubós? Ang sagót ng̃ anák—Ay giliw kong iná, kung sa ganang aki'y huwag mag-alala. sapagka't sa kalá'y lubhang marami pa na makakain ko kung matapos ka na. —Anóng pagkagandáng kasinung̃aling̃an!— ang wika ng̃ iná sa anák na mahal— oo't mayroon pa, sakaling balung̃an ang palyók na tuyó na nasa sa kalán. Sa gayóng náding̃íg, si Teta'y náng̃iti pagka't batíd niyang ang iná'y di mali, ng̃uni't ang hinala ni Ata'y pinawi sa magandáng sabing nakabibighani. —Maniwala iná't tunay na mayroón at di kailang̃an ang siya'y bumalong, kung sa ganáng aki'y di pa nagugutom kanya't kukunin ko ang nátira doón. Upáng sa sakít mo'y hindi makadagdág iyang kakulang̃án sa kakaning sapát at kung may malabí, iyon na ay sukat na itatagál ko sa maghapong singkád. Masabi ang gayón, kalán ay tinung̃o't walang itinirá kahit isáng mumo, ng̃uni't ng̃ makitang kaunting totoó ang nakuha niya, ang puso'y nanglomó. Pagka't magtipíd man ang kanyang maysakít, ang gayóng karami'y kulang at di labis; dito namighati ang masuyong dibdíb at luha'y tumulo sa lakí ng̃ sákit. Papanong di siya lubhang magdáramdam sa wala ng̃ sukat dapat na asahang makapagbibigay ó mauutang̃an ng̃ ipamimilí sa kinabukasan. Kaya't ng̃ pumasok na dalá ang tasa ay hindi napigil ang luha sa matá, datapwa'y sa nasang ilihim sa iná ay nagpakunwaring siya'y tumatawa. Ang ina'y namangha sa nakitang anyo ng̃ bugtóng na anák at giliw na bunso: waring nakang̃iti, luha'y tumutulo, bibig nakatawa't matá'y namumugto. —¿Anó ka mayroon?—ang tanóng ni Ata— ¿anó't namumugto iyang mg̃a mata? ¿anó ang hapis mo, bakit di ibadyá? —ang kay Tetang tugo'y—Walang bagay iná. Naalala lamang na kungdi ihatid yaríng aking tahing panyong maliliit ay wala na tayong sukat ipangtawid sa loob ng̃ araw ng̃ lingong sasapit. Kaya't kung ibig mo, ináng ginigiliw, ay maghinahon na't ikaw ay kumain, ng̃ upáng matapos ang aking tahii't aking maihatíd sa ng̃ayón ng̃ayón din. —Ikáw na anák ko ang siyang humigop niyang nátitirang nakuha sa palyók —ang wika ng̃ ináng halos nalulunod sa lakí ng̃ dusang sa puso'y nagdoop. Dito na nangyari ang pagpipilitán, ng̃ bugtóng na anák at sintáng magulang; aayaw ang isá't ang isá ay ayaw, na wari'y kapuwa busóg na ng̃ang tunay. Kahit mapag-aba't matigás na dibdíb ang sa anyong iyo'y minsang makásilip ay mahahabág di't pápasukang pilit niyong pagkaawa sa mag-ináng ibig. Pagka't ang kaniláng pagpapasunuran ay buko ng̃ isáng boong pagmamahál, ang ibig ni Ata'y mabusóg si Tetay at si Tetay namá'y ang kanyáng magulang. ¿Sino ng̃a bang iná ang makababatá na hindi kumain ang anák na sintá? ng̃uni't sinong anák ang makakakaya na makitang gutóm ang giliw na iná? Kaya't ang nangyari, silá'y nagkásundo na ang bawa't isá'y tig-iisang subo doon sa nálabí na pagkaing luto na kaunting lugaw ina may luhang halo!

III.
¡GUMIGILIW!
At ng̃ makatapos, iná'y pinagyama't saka iniupo sa sadyang luklukan na kahit sira na'y mayroong hiligán na nakasasaló sa dakong likurán. At siya'y lumuklók sa dakong ibaba upáng bigyang hanggá ang náhintong gawa, ng̃uni't anóng lakí ng̃ tinamóng mangha nang ang panahia'y kanyáng mausisa. Sapagka't sa loob ng̃ kanyáng tahiin ay may nakatagong kaputol na papel na hindi mabatíd kung saan nangaling, kaya't itinanóng sa inang kapiling. —¿Sino ang may dalá ng̃ sulat na itó? ¿naparito bagá kanina si Pedro?— —Oo—aní Ata—siyang nakita ko na tang̃ing gumaláw ng̃ panahian mo. At saka umalís na tila may lumbáy sapagka't malungkót niyong magpaalam at ang idinugtóng sa huling tinura'y ang bábalík siya sa katanghalian. Ang puso ni Tetay ay halos tumahíp sa sabi ni Ata na kanyáng nading̃íg, pagka't hindi niya lubós na maisip ang pinanggaling̃an ng̃ gayóng ligalig. ¿Anó't ginawa pa ang siya'y sulatan? ¿anó ang sa papelay nápapalamán? yaó'y talinghaga, kaya ng̃a't binuksán, upang mapagtanto ang lamán ng̃ liham. Dátapwa ... ¡Oh lang̃it! Di pa natatapos sa kanyáng pagbasa, ang luha'y umagos, at sabáy sa isáng matinding himutók, mukha'y nápatung̃ó't kamáy pinagduóp. Si Ata'y nágulat sa gayong nákita at biglang tinanóng ang anák na sintá. —Ay iná kong giliw! Anáng pagkapaklá nitóng kapalarang aking dinadalá! Akó, inang irog, ay lubhang mapalad sa gitna ng̃ ating madlang paghihirap at yaring dibdíb ko'y lubós na panatag at walang ligalig akóng mátatawag. Datapwa't aywán ko, aywán ko kung bakit at di ko mapigil ang paghihinagpís dahil sa paglayong sa sulat sinambít ng̃ kapuwa bata't kalaro kong ibig. Yaríng abáng puso'y nalulunod mandín sa bayóng malakas nitóng paninimdim, na sakasakali na tayo'y lisanin ay baka hindi na muling mákapiling. Aywán ko kung bakit, ng̃uni't yaríng luha ay di ko mapigil sa kanyáng pagbaha at kung gunitaín ang bawa't salita ng̃ sulat na itó, akó'y nanglálata. At diwang ang aking boong kaluluwa ay nababalutan ng̃ matinding dusa ... ¿anó kaya itó?—Iyan ay pagsintá— ang pang̃iting sagót ng̃ giliw na iná. —¡Oh! pagsintá itó?—Ang tanóng ni Tetay na tutóp ang dibdíb ng̃ dalawang kamáy, —Oo, aking anák; iyang pagmamahál na tinátagláy mo ay pagsintáng tunay. Iyan ang larawan ng̃ isáng paggiliw na anák ng̃ iyóng pagirog na lihim; di mo natatanto pagka't nahihimbing, sa kapayapaan, ang iyong panimdím. Ng̃uni't ng̃ magdamdám ng̃ munting gambala, gaya ng̃ paglayong hindi inakala'y sumilakbóng agád ang pamamayapa, at nagpakilala sa sabík na nasa. Iyan ang nangyari sa bata mong puso na di nakabatíd ng̃ iba pang suyo liban sa malambíng at tapát na samo nitóng iyong ináng matanda na't hapo. Malaon nang lubhang aking naramdamán ang inyóng matapát na pagsusuyuan, ng̃uni't di pinigil, bagkús binayaan ang binhi ng̃ inyóng sintáng tinatagláy. Sapagka't alám kong totoong malinis ang pagsusuyuang inyóng ginagamit ... —Kung gayón, iná ko—ang kay Tetang sulit— ¿ang unang silakbó ng̃ sintá'y pasakit? Diyata't hindi na mangyaring mabatyág ang lasáp ng̃ sintá kungdi sa pahirap? —Hindi namán gayón—ang sa ináng saad— kung minsa'y ganyán ng̃a't kung minsa'y malunas: Kung minsan, sa piling ng̃ kapayapaa'y núnukál ang binhi ng̃ pagmamahalan at sa pagtatama ng̃ dalawáng simpán, ang muntíng sandali, ay nagiging tuláy. Upang ang pagsuyong sabik sa pahayag ay magpakilala sa irog at liyag at ang puso namáng nagtimping maluwat ay magpahalata ng̃ kanyáng pagling̃ap. Sapagka't ang sintá ay hawig sa puno na ang binhi niya'y ang ng̃alang pagsuyo at pinakadilig, nang upáng lumago, ay ang katamisan ng̃ mg̃a pagsamo. Kahit na maunlád ang kanyáng paglakí ay di mahalata nang may daláng kasi, kungdi matatangki't mapagmunimuni na may ibáng nasa ang pusong sakbibi. Nasáng náhahawig sa isáng gunita, nasa na animo'y uhaw ang kamukha, ng̃uni't kung suriin ay mahahalata na ibá ang ayos, at iba ng̃ang sadya. Sapagka't ang dating iyong pagmamahál sa ibáng kilalá't mg̃a kaibigan ay hindi rin iyon ang suyong bubukál sa isáng pagsintá na bagong dinamdám. Yaón ay taganás na pagmamasakit, pagpapaumanhí't pakikikapatíd, ng̃uni't itóng isá'y damdaming matamís na may panibugho't madlang pagtitiís. Ang bawa't salita nitóng nang̃ung̃usap, sa dibdib ni Teta ay nagpapahirap, pagka't unti unting kanyáng námamalas na pawa ng̃ang tunay ang sa ináng saad. Kaya't, ang kaniyáng kamáy, pinagduop, sa haráp ng̃ iná'y biglang nápaluhód, at sabáy sa luhang sa matá'y nanagos, náwikang:—¡Iná ko, akó'y umiirog! Kung yaring hinagpís nitóng kaluluwa at pagkabagabag ng̃ damdaming dalá ay tanda ng̃ aking paggiliw sa kanyá.... ¡patawad, iná ko!... akó'y sumisintá!... —Patawad! ¿at bakit?—ang kay Atang turing, na lubhang masuyo, sa anák na giliw. —Pagka't nagawa kong sa iyo'y maglihim ng̃ damdaming dalá ng̃ puso't panimdím.

IV.
SI PEDRO.
Isáng manggagawa, ginoo ng̃ sipag, mabikas ang tindíg, noo'y aliwalas, di mayamang suot ay nagpapahayag, na siya'y matalik na kawal ni "Hirap". Ang magandáng ting̃i'y nagpapahalata ng̃ ugaling mahál, kahit marálita, at ang kanyáng labi'y hindi nagbabala ng̃ asal na ganid ng̃ mg̃a kuhila. Itó ang binatang bigláng nakiluhód, sa harap ni Atang nápagitlá halos, na sabáy ang sabing:—Salamat, sa loob na ipinatanaw sa aking pag-irog. Ang ating dalaga'y nagulumihanan, pagka't nákilalang silá'y nápakingán ninyong kapwa-batang kanyáng minámahál at iniirog pa nang higít sa buhay. Mukha'y itinung̃o ng̃ ating dalaga at ayaw isilay ang magandáng matá; waring nahihiya nang ang lihim niya ay hindi na lihim sa tunay na sintá. Ang ináng may sakít, na siyang matanda na nakatataho ng̃ damdaming bata, ay siyang sumagót ng̃ tugóng payapa sa pamamagitan ng̃ ganitóng wika: —Oo, tunay Pedro; ang iyong pag-ibig ay malaon na ng̃ang may sadyang kapalít at kahit nangyaring malabis kong batíd ay hindi humadláng, bagkus nanahimik. Sapagka't alám kong ang iyong paggiliw sa sintá kong Teta'y lubhang taimtím at walang gabahid na ikadudusing ng̃ tagláy na puring kanyáng inaangkín. Batíd ko rin namáng sa isáng gaya mo ay lubhang malayo ang ugaling lilo, kaya't pinayagang ikáw ang magtamó sa pusong malinis ng̃ sintáng anák ko. Datapwa't ang tang̃ing aking dináramdám ay ang lagáy naming lipos kasalatán at wala na mandíng mábangít na yaman liban na sa dagsa nitóng kahirapan. —Iná ko, sukat na ¿yaman pa'y aanhín kung isáng biyaya ang magiging akin? at saka sa kulay ng̃ aking paggiliw ay di náhahalo ang sa yamang ningníng. Akó'y inianák sa pagdadalita at kámpón ni Hirap sapol pagkabata. musmós pa man halos bísig ko'y pinata at nagíng kawal na ng̃ haring Paggawa. Ang tang̃i ko lamang pinakahahanap ay ang isáng pusong mayaman sa ling̃ap at ang pusong itó'y aking natatatap na si Tetay lamang ang siyáng may ing̃at. Datapwa'y gayón man, kahit aking batíd, na, sa sarili ko, siya'y iniibig ay hindi ginawang aking ipagsulit, sa tunay na irog, ang lamán ng̃ dibdíb. At talagá sanang aking itatago nang lubhang malalim sa loob ng̃ puso, at baka sakaling ang kanyáng pagsuyo ay naidulot na sa ibáng sumamo. At kungdi nangyaring akíng nápakingán ang mg̃a salita ng̃ irog kong Tetay, salitang nagbukás niyong kalang̃itán sa palad kong aba, di sana nagsaysáy. —Irog!... Sinung̃aling!—ang wikang banayad ng̃ ating dalaga—kung akó ay liyag, ¿bakit mo nagawa ang lálayo't sukat, gaya nang tinuran sa iyong sinulat? —Iná naming irog; ikáw ang humilíng sa anák mong sintáng akó'y patawarin. —Pinatatawad ka, ng̃uni't sásabihin kung bakit náisip ang kamí'y lisanin. Kayó'y mang̃agtindíg—ang wika ni Ata sa ating binata't sa ating dalaga— kayo'y magsiupo at saka ibadyá ni Pedro ang sanhi ng̃ pag-alís niya.

V.
PAGHABÁG NG̃ PUHUNAN.
Matapos na silá'y makapag-upuan sa papag na siráng ang paá ay kulang, binuksán ni Pedro't agad sinimulán ang sanhing nag-udyók ng̃ kanyáng pagpanaw: —Akó'y isáng bugtóng ni amá't ni iná at batíd na ninyóng malaong ulila, kaya ng̃a't nangyaring kahit hindi kaya nitóng katawán ko, akó'y nagpaupá. Gayón na ng̃a lamang ang isáng mahirap, na walang mag-ampó't sukat na luming̃ap, dapat ugaliin, ang butó, sa batak kung ibig mabuhay at huwag masalát. Bukód pa sa roon, ang taong may dang̃al ay dapat batakin ang butó't magpagal, at huwag mabuhay ng̃ hambáhambalang ó kaya'y umasa sa mg̃a sugalan. Kahit may salapi't nakaririwasa kung ang pamumuhay ay pagalagala at di ginagamit ang butó sa gawa, ay tinatawag din namáng: hampáslupa. Akó ay naglingkód, na bilang nag-aráw, sa isáng gawaan ng̃ di kababayan, ng̃uni't sa pagpasok ay may kasunduang kung maraming gawa'y may upang katimbang. Inihalál akóng magíng katiwala sa isáng pulutóng niyóng manggagawa. na kagaya ko ring pawang maralita ng̃uni't lalong salát sa kaya at haka. ¡Mg̃a abang tao! ¿anong sasapitin? súsunód na lamang sa bawa't sabihin, kung busabusaang animo alipin ay wala ng̃ kibó't mababa ang ting̃ín. Paano'y, ang mangmáng, kahi't may matuwid, ay umíd ang dila at pipi ang bibig; laging nananang̃an sa tuntuning lihís na kabaitan, daw, ang hindi pag-imík. Sa gayón ng̃ gayó'y nákaugalian ng̃ nang̃ang̃asiwa ang paglapastang̃an ... waláng bigong kilos na hindi may tampál, suntók, sikad, batok, sa munting magkulang. ¡O, gayón na lamang ang pag-alipusta sa inuupahang mg̃a maralita! ibayo't ibayo ang dagdág sa gawa at sa upa namán ay baba ng̃ baba. Datapwa't ang tao'y hindi makadaíng pagka't natatakot na silá'y alisín, dahil sa maraming kahit na gayonín ay nakikiagáw, dahil sa kakanin. Sa bawa't umalís na isáng pinasláng ay sampu ang palít na nag-uunahán, kahit na mababa ang upang ibigáy ay tatangapín ding walang agam-agam. Nakikita itó ng̃ lilong mayama't ikinatutuwa ang pagayóng asal ng̃ nagpapaupá, kaya't kadalasa'y malaon mang lingkód ay di tinitingnán. Sa munting magkulang ang kahi't na sino, magíng matanda man ó kaya ay bago, daglíng áalisin at tamád dikono kahit na ang sanhi'y may sakít ang tao. Ang ibig mangyari ng̃ namumuhunan ay ibaibayo ang tubong mákamtán, dapwa't ang katulong na puhunang pagál ay huwag magtamó ng̃ milmá man lamang. ¿Paanong di gayón, ay hindi kabalát? ¡ang puhunang dayo ay walang pagling̃ap..! ¿anó kung mamatáy tayo ritong lahát yumaman lang silá't magbalón ng̃ pilak? ¿Sa kanilá'y anó kung tayo'y masawi, masasawi bagá ang kanilang lahi? silá ay dayuha't dayo ang salapi, kahit makaapí'y walang ng̃iming̃imi.

VI.
HIRÁP ANG MAHIRAP.
Ang bagay na itó'y mapaglalabanan kung ang mangagawa'y mang̃agtútulung̃án, ng̃uni't hindi gayó't bagkús ang iring̃a'y siyang naghahari sa mg̃a upahán. Madalás, na, silá ang nang̃aguudyók ng̃ upáng ang ibá'y magtamóng pag-ayop; silá, sa kasama, ang nang̃aglúlubóg sa nasang maagaw ang sa ibáng sahod. Ang pusong masakím (ng̃ sahól sa kaya) ay walang dalahin kungdi ang mamansá ng̃ madlang pagdusta sa galáw ng̃ ibá yamang di mangyaring mapantayán niya. Si Inggit, si Lihim, si Dimapagtapát ay siyang sambahing laging náuunlák, samantala namáng sa luha'y násadlák si Damay, si Tulong, si Ampó't si Ling̃ap. Walang bigong kilos na hindi kaaway niyong mangagawa ang kapwa upahán, na mapagmapurí't dila ang tangulang ipinangtutulong sa namumuhunan. Sa madaling sabi: di lamang ang lupít ng̃ lilong salapi ang nakaiinís, kung hindi sampu pa ng̃ ugaling ganid ng̃ kaisang uring taksíl sa kapatíd. Kaya't matatawag na silá ang uway na laging panggapos sa mg̃a kawayan; silá ang kapatíd, silá ang kakulay at siláng silá rin ang nakamamatáy. Mahalagá't tunay iyong sáwikaíng: "hiráp ang mahirap sa anomang gawín; hiráp sa harapán ng̃ umaalipin at hiráp sa asal ng̃ kasamang taksíl". Ang bagay na itó'y siyang nangyayari sa pinapasuka't gawaan kong dati, kaya't náisip kong makapagsarilí ó masok sa ibáng hindi mapang-apí. Sapagka't sa aking mg̃a kasamahán ay wala ang budhing marunong dumamay, silá silá na rin ang nag-iinisan gayóng ang marapat ay ang magtulung̃án. Sa gayóng pahayag, si Ata'y sumagót ng̃ payong maraha't salitang malambót, na anyá'y:—Anák ko, huwag panibulos sa bigláng sigabó ng̃ bata mong loob. Kahit anóng gandá sa bigla mong ting̃í'y huwag na mabulag ang iyong damdamin, hindi pawang ginto ang nang̃agniningníng, maná pa'y marami ang magíng kalaín. «Maging anóng buti ng̃ hindi kilala'y mahirap timbang̃án kay sa kilala na» iyong pag-usiging huwag kang mapara sa isáng nangyari. Ikaw'y manaing̃a:
VII.
ISANG ALAMAT NI ATA.
«Sa isáng lupaíng lubhang maligaya na tapát ng̃ lang̃it na laging masayá'y may Mutyang sumibol na tang̃i sa gandá at nakawiwili sa tuming̃íng matá. Kaya't ang sino mang sa kanyá'y lumapit ay nabibighaning sumuyo't umibig at walang matigás, ni bakal na dibdib, na hindi naakay ng̃ tagláy na dikít. Siya'y mapayapa at walang ligamgám, puso'y náhihimbíng at laging tiwasáy, walang ninanasa kungdi ang mabuhay na lubhang malaya, sa katahimikan. Maná isáng araw, na di iniisip, siya'y linapitan ng̃ Dulóng na ganid, na tagláy ang nasa at tangkang magahís ang yaman at gandá ng̃ Mutyang marikít. Datapwa't ang budhing hindi nang̃ang̃alay mag-iwi sa isáng boong kalayaan ay hindi umayon, at sa kalakasan ng̃ Dulóng ay lakás ang ipinatanáw. Ang mahinhíng asal ay bigláng pinawi, sa ng̃ipin ay ng̃ipin ang itinungalí, hanggáng sa mangyaring ang palalong budhi ng̃ manggagahasa'y nagbago ng̃ uri. Agad ikinanlóng ang ng̃iping matalas at ng̃iting magiliw ang ipinamalas, dinaan sa himok ang hindi pumayag sa gahasang iwa't pakikipaglamas. Giliw, suyo, luhog at madlang paraya ang ipinatanáw sa mahinhíng Mutya at itó namán ay agad namayapa, nanalig na lubós, nagboong tiwala. Tinangáp ang haing mg̃a panunuyo at hindi nápuna ang handang panghibo, agád nápalulong ang mahinhíng puso at di inakalang yaó'y isáng silo. Ipinaubaya sa madayang giliw ang lamáng malinis ng̃ boong panimdím; sinunód na lahát ang bawa't máhilíng niyong may tagláy na kataksilang lihim. Sa gayó'y nagdaan ang isáng panahón na lubhang panatag at walang lingatong, hanggáng sa nákitang ang hayop na Dulóng ay nagdating asál; nanila na tulóy. Dito na nangyari ang kasakitsakit, na ang dating laya ay siyang tumang̃is at iyong nang̃ako ng̃ boong pag-ibig ay siyang halimaw na nagpakaganid. Daya, lupig, dahás ang namaibabaw na siyang nápalít sa panuyong asal, walang bigong-kilos na hindi paghalay, kutya at pahirap na karumaldumal. Hanggáng sa nagbang̃on ang magandáng Mutya at nagpang̃arap na ng̃ ikalalaya, iniwan ang laging pagwawalangdiwa at ang puting kamáy, sa dugo'y pinigta. Ng̃unit nagkátaóng noó'y nagkagalít ang masibang Dulóng at yaóng Limatik at ang ating Mutya'y sa hulí humilig dahil sa pag-asang hindi manglulupig. Nakitulong siya, sa Limatik, noon, dahil sa pang̃ako nitóng pag-aampón, dapwa'y nang magahís ang palalong Dulóng ay lalo pang sákit ang kanyáng kinandong. Sa madlang pag-asa'y pawang pag-hihirap ang siyang nápalit: nagipít, nasalát, ang impók na yama'y nasipsíp na lahát niyong magdarayáng may taksíl na hang̃ád. Hanggáng dito yaóng buhay na malungkót ng̃ Mutyang magandáng di naghunos loob; humanap ng̃ ibá at ang nákadulóg ay lalo pang ganid, lalo pang balakyót.»

VIII.
¡¡PANG̃ARAP!!
Masabi ang gayón ng̃ nagsasalaysay, naghintong sandali, at saka nagwikang lubhang malumanay: —Huwag ding mangyaring iyong máparahan ang buhay ng̃ Mutya na aking tinuran. —Hindi po marahil;—sagót ng̃ binatá— pagka't hahanapin ang ikatatagpo ng̃ mg̃a kapuwa na hindi marunong mag-asal kuhila at sa kasamahá'y magpapang̃anyaya. Aking aakiting alisín ang asal niláng mapagbukód, at upang sa gayón ay aming makamtáng mg̃a mangagawa iyong katubusang sa dating ugali'y hindi mahihintáy. At hahanapin din ang mámumuhunán na sa taong dukha ay hindi marunong umapí't humalay; aking hahanapin na mabigyáng dang̃ál ang puhunang pawis ng̃ puhunang yaman. Dahil sa di dapat na pamalagiin ang ugaling itó na walang halagá sa salaping sakím ang pagod na gugol ng̃ matitiising pusong manggagawa na inaalipin. Salapi't Paggawa'y dapat na magtimbáng sa tamuhíng tubo ... —¿At ikáw, anák ko,—ang tanóng ni Atang— ang magpupumilit sa dakilang bagay ang hindi nagawa ng̃ lalong maalam?.... —Aking pipiliti't kung hindi mákamit— anang bagongtao— ay di magsisisi, sa gugol na pawis; ang panúnuntuná'y ang bugtóng na sulit na: "akó'y tumupád sa ng̃alang maghasík". Ng̃uní't kung mabatíd ng̃ kahanapbuhay ang sadyang halagá ng̃ mg̃a katulong ng̃ isang puhuna'y di na mangyayari itóng kalagayan naming mg̃a dukhang wari'y kasangkapan; Na kukunin lamang kapag gagamitin at kung masira na'y itatapontapo't titisúdtisurin, kaya'y babayaan na iwan at datnín ng̃ madlang sakuna't akbáy na hilahil. At ang mg̃a pagod, isip, pawis, puyat na pawang ginugol sa ikalalago ng̃ puhunang pilak ay di magkaroon ng̃ timbáng na bayad liban sa pag-apí at mg̃a pahirap. Aking hahanapin ang ikahahang̃o ng̃ bayang masipag, niyang manggagawang lagi nang siphayo ng̃ mg̃a may yaman, upáng mapalago ang ugaling banál ng̃ di mapaglugso. —Magandáng adhika!—ang putol ni Teta— —Datapwa't pang̃arap!— ang saglít ni Atang walang paniwala— iyá'y mangyayari kung dito'y mawala ang pag-aagawán, inggita't pagpula. Matapos ang gayóng mg̃a salitaan ang ating matanda'y lumapit sa dating baníg na hihigan, dalá palibhasa niyong kahinaan, sa gawang maupo'y hindi makatagál.

IX.
DALAWANG PUSO.
Binata't dalaga'y kapuwa naiwan na magkaagapay sa kináuupán; kapuwa tahimik, kapuwa alang̃án at kapuwa mandín nagkakahiyaan, gayóng magkalapit sa isáng luklukan. Marahil, sa budhi'y kapuwa may tago na ibig sabihin, ng̃uni't di mátagpo kung saan simulán ang usapang wasto na ikatutung̃o at ikabubunggo. sa ibig ihayag ng̃ kaniláng puso. Ang isá at isá'y diwa nag-aantáy sa pagpapáuná niyong kaagapay; ang isá at isá'y ibig na magsaysay, datapwa'y pagsapit ng̃ nasang máturan sa kaniláng labi'y ng̃ing̃iti na lamang. Hangáng sa nangyaring ang ng̃iting palihím ng̃ ating binata'y kay Tetang nápansín ... —Ng̃uming̃iti ka pa—ang wikang mahinhín na may magkahalong hinampó at giliw at diwang ang sintá'y ibig pang sisihin. —¿Bawal ba ang ng̃iti? —Oo, aking bawal sa masamang tao. —Kay dali ba namán ng̃ aking pagsama!! Kakahapon lamang ay mabuti akó ... at ng̃ayóng málaman na minámahál mo'y ... saka pa humalay? —¿Bakit ka naglihim? —Pagka't di ko batíd kung may maáantay ang aking pag-ibig, at hindi ko nasang abutin ang sákit na pagkamitín mo ng̃ tugóng mapaít na mayroon ka nang katipán sa dibdíb. —Kung nagtapát ka ba'y di sana natanto kung anó ang lamán nitóng aking puso ... —¿At kung ang tamuhín ay ang pagkataho na walang pag-asa ang aking pagsuyo ... ¿hindi lalo ko pang ikasisiphayo? Hindi mo lang alám ang lakí ng̃ sintá't ang iniaalay sa isáng kalulwá ... —¿Hindi ko alám? Bah!... —Ng̃uni't di kagaya ng̃ dináramdám ko, niyong di ko taya na títimbang̃án mo ang giliw kong dalá. Ang dibdíb ko niyó'y wari isáng dagat na laging maalo't lubhang mabagabag, nang̃ang̃amba akóng sa iyo'y naagtapát at ang tinátamó'y libolibong hirap kung hindi mangyari ang pagpapahayag. Sa tuwituwi nang akó'y paparito ay handang handa nang magtapát sa iyo, datapwa'y pagsapit, at mákausap mo, ay walang wala na ang madlang simpán ko't walang nalalabí kung di pagkalitó. Kung nasa haráp mo ay piping mistula ang nákakabagay ng̃ labi ko't diwa, ng̃uní't kung wala ka'y sa lahát kong gawa'y ang iyong larawan ang kasalamuha, kasanggusangguni at laging gunita. Kung gabíng malalim at di mákatulog, magbabang̃on akó't maglílibotlibót ... ang akala mo ba kitá'y nalilimot?... sa bawa't suling̃ang lang̃it, daán, sulok, ang iyong larawan ang nápapanood. Kung máhimbing namán, sa sandalíng idlíp, agád agád kitáng mápapanaginip sa wari'y kausap: kung minsán ay galít at kung minsán namá'y iyong iniibig ... at ang boong suyo'y aking kinákamit. Pag ang una'y siyang sa aki'y sumagi, kung akó'y magisíng ... ¡kay laking pighati! ng̃uni't kung ang hulí'y lalong dalamhati pagka't mákikitang sa isáng sandali.... ang aking ligaya ay biglang napawi. Kaya't kung nangyaring di ko námalayan ang tamís ng̃ iyong bukong pagmamahál, dinalá sana hanggáng sa libing̃an ang lihim na sintáng aking tinatagláy.... —Kay sama mong tao! —Inulit na namán!... —Huwag kang magtangól! Kung iyong dinalá hang̃ang sa libing̃an ang lihim mong sintá, ¿di pinagtagláy mo ng̃ dálita't dusa itóng sumusuyó't abang kaluluwa na, kahit di tanto'y, umiirog palá?... Ikáw ay lalaki't iyong nababatíd ang maraming anyo ng̃ isáng pag-ibig, ng̃uni't ang gaya kong pusong matahimik ¿anó ang malay kong ang lamán ng̃ dibdíb ay isáng paggiliw na abót sa lang̃it? ¿Anó ang malay kong iyong agam-agam sa maminsanminsáng hindi mo pagdalaw ay kakulay palá niyong pagmamahál, at ang pagnanasang mákita ko ikáw ay isáng pagsintá't pag-irog na tunay?... Kung takíp-silim na't di ka dumádatíng ang matá ko'y litó at pasulingsuling; itinátanóng ko sa sariling akin kung nasa saan ka, datapwa'y malalim na buntónghining̃a ang madalás kamtín. Kung nápupuná kong ikáw ay may sákit dahil sa mukha mong may larawang hapis, diwa, ay nasa kong sa iyo'y iibís ang gayóng pighati, na lason sa dibdíb, dang̃a't di mahilíng na iyong isulit. Akó'y kasama mo sa iyong pang̃arap ó kung nágigisíng akó ang kaharáp, akó namáng itó, sa lahát ng̃ oras, ay walang adhika kung di ang matatap kung may sayá ka ó kaya'y may hirap. Sa gabíng pagtulog ay nágugulantáng pagka't, sa wari ko, kitá'y kaagapay; kung may ginágawa, ay gayón din namán, sa bawa't lagitlít akala ko'y ikáw ang siyang lalapit sa aking likurán. Ibig kong mangyaring ang lahát mong lihim ay aking matanto, tuguná't damdamín; ng̃uni't kung sumagi sa aking panimdím na baka sakaling ikáw ay may giliw ... akó'y nagdurusa't puso'y nalalagím. Ang lubhang madalás, kung akó'y magdasál at sa Poong Dios ay nanánawagan, aking nápupunáng hindi dumadatál ang dalang̃ing handóg sa ating Maykapál pagka't ikáw'y siyang dinádalang̃inan. Ang lahát ng̃ iyon ay hindi ko batíd na larawan palá ng̃ isáng pag-ibig, kung di ka sumulat at ipinagsulit sa akin, ni iná, ang lamán ng̃ dibdíb.... ¿di akó'y nátirá sa gawang magtipíd? ¿Di sa pagtang̃is ko sa iyong paglayo ay di mababatíd na iyó'y pagsuyo? ¿di nangyari sanang ang aba kong puso ay pinagdusa mo't ipinasiphayo gayóng walang sala namáng natatanto? —Patawad Tetay ko! Akin ng̃a ang sala kaya't inaantáy ang iyong parusa.... —Kay buti-buti mo; ¡parusahan kitá! ¿di pinasakitan ang akin ding sintá, sákit mo't sákit ko'y hindi ba iisá— Ang lang̃it ma'y hindi magandáng pang̃arap at yaó'y sadlakan ng̃ lahát ng̃ lunas ay hindi titimbáng sa tinamóng galák ng̃ puso ni Pedro, dahil sa pahayag ng̃ kaniyang sintáng pinakaliliyag.

X.
ANG LIHIM NI ATA.
Malaonlaón pa bago nahanganán ang gayóng kasaráp na pag-uusapan, hangáng sa natapos ang tahi ni Tetay at siya'y nagbihis nang upang madalá sa paghahatirán at kanyáng masing̃íl ang ipamimili ng̃ ikabubuhay. Kanyáng pinagyaman ang gawang tahii't kay Pedro'y hining̃i ang siya'y hintaín upang may magbantáy sa ináng náhimbíng sa pagkakatulog; at nang may luming̃ap at sukat tuming̃ín (samantalang wala) sa kanyáng may sakít, sakaling mágisáng. Si Pedro'y naiwa't (Si Tetay sumaglít, na, sa isáng kamáy, ang baluta'y kipkíp) ng̃uni't di naglao't si Ata'y nagtindíg sa kinahihigán, pagka't hindi tulóg, gaya ng̃ sinambít ng̃ anák na giliw, at inantáy lamang na itó'y umalís.

Binata't dalaga'y kapuwa naiwan na magkaagapay sa kinauupan; kapuwa tahimik, kapuwa alang̃án at kapuwa mandin nagkakahiyaan, gayóng magkalapít sa isáng luklukan.—(Pág. 35)
Kaniyang tinikís na silá'y lisanin upáng mákausap ang binata natin, dahil sa mula pa nang kanyáng malining ang pagsisintahan ng̃ dalawáng pusong pinakagigiliw ay ibig na niyang ihayág ang isáng mahalagáng lihim. Nagbalík sa dating kaniyang luklukan at ang bagongtao'y pinakiusapang duming̃íg sandali sa madlang tuturan na ukol sa lihim niyong maralita't dukhang kabuhayan niláng mag-iiná; bagay na di taho ng̃ taong sino man. —«Ang bálong si Ata, ang ulilang Teta, ang babaing hapo, ang magandáng bata, dalawáng mag-ináng mananahi kapwa; itó lang ang laging tang̃ing kasagutang kakamtín sa bala mong mapagtanung̃áng kapit-bahay namin.—ang kay Atang wika.— Datapwa't sino ma'y di nakababatíd kung saan nangaling nang dito'y sumapit, at kung anóng bagay ang siyang pumilít na dito'y tumahán, at kung anóng buhay na kasakitsakit ang aming dinaán kung kaya nangyaring sa dusa'y nagtiís. Ikáw na kapwa ri't ulilang hinabág ng̃ palalong yamang sukál sa mahirap, ikáw na malapit mákaisáng palad ni Teta kong sintá'y dapat makabatíd kung saan nagbuhat ang ginigiliw mo; kung siya ay anó't kung kanino anák: Akó'y isáng bukong kinandóng ng̃ sang̃á sa gitna ng̃ madlang ulayaw at sintá; walang agam-agam, ang puso'y masayá, walang munting kilos na hindi kaulóng ang madlang ligaya, ang madlang pagling̃ap ng̃ amáng masuyo't mg̃a kakilala. Datapwa'y sumapit sa giliw kong bayan ang isáng binatang anák ng̃ mayaman at doo'y tumirá upang magparaan ng̃ iláng panahón sa gawang mang̃aso't mg̃a paglilibáng, dalá palibhasa na di kailang̃an ang maghanap buhay. Siya ay bihasá't ugaling Maynila, makiyas ang tindíg, mabikas magwika, walang isáng bangít ng̃ pananalita na malulusután nang isáng tukuyi't handugán ng̃ nasa sa ng̃alang pagsintáng animo'y larawan ng̃ boong adhika. ¿Anó ang dadatnín ng̃ bata kong puso sa gayóng katamís na mg̃a pagsamo?... akó'y nápalulong sa gawang sumuyo at sa bisig niya'y linagók ang tamís ng̃ madlang pang̃ako na di maglililo.... at di babayaang akó'y masiphayo. Hangáng sa sumapit ang isáng panahóng ang punlang pagsintá namí'y nagkausbóng at akó'y iniwang sakbibi at kalong ng̃ mg̃a pang̃ambá: lipós agam agam, kipkíp ng̃ lingatong, balót kahihiyán sa madlang kilalá't sa amáng may ampón. Nápalaot akó sa maraming hirap, sa bawa't sandali puso'y alapaap, wari sa sarili'y batíd na ng̃ lahát ang kalagayan ko, at ang aking lihim ay bantóg at kalát sa boong bayanáng handa sa pagkutya't diladilang libák. Ang pakikisama't pakikipanayám sa kasuyosuyong mg̃a kaibigan ay napawing lahát, aking iniwasan sampung makiulóng sa mg̃a kaanak at madlang pininsan, dahil sa takot ko, na baka matanto yaóng kalagayan. Sa gayón ng̃ gayón, araw ay dumatíng na di na magawang itago ang lihim, at sa pagkatakot sa amá kong giliw, akó ay nagtanan; dinalá ang munting hiyas at dámitin upang mahanap ko ang pinagsanglaán ng̃ puri't panimdím. Aking pinagsadya nang upáng isamo na kanyáng ling̃apin ang sariling dugo, ang bung̃ang malusog ng̃ aming pagsuyo, ng̃uni't ... ¡ay ng̃ palad! nang mátagpuán ko ang giliw ng̃ puso ay walang tinamó kung di ang pagdusta't madlang pagsiphayo: Akó'y itinabóy sa kanyáng tahanan at pinagkamít pa ng̃ wikang mahalay. na, umanó'y, iyong bung̃ang tinátagláy, ay hindi kaniya, at akó'y babaing walang karang̃alan, pagka't sa bala na ay nakilaguyo't nakipagsintahan. Kahit isáng mundó ang biglang bumagsák ay di nakatulíg, sa akin, ang lagpák nang kagaya niyong salitang masakláp sa karang̃alan ko; akó'y bumulagta't ang diwa'y tumakas; ng̃uni't nang magbalík yaong pagkatao'y wala na ang sukáb. Tinulung̃an akó sa gawang magtindíg ng̃ isáng utusáng may tagláy na tubig, at saka nang akó ... ¡sa laki ng̃ hapis! ay namimighati, sinabi sa aking dapat nang umalís at doon ay walang magpapahalagá sa pinag-uusig. At sabáy sa gayóng wikang walang tuós, pitong lilimahing pawang gintóng pulós ang ibiníbigay at iniáabót sa akin ... Bathala!... yaón ang halagáng sa akin ay limós niyong walang budhing nag-abóy sa palad na kalunoslunos. Matá ko'y nagdilím; hindi napaghaka na ang kaharáp ko ay isáng alila, aking sinungabán ang salaping handa't saka inihagis sa harapan niyóng taong alibugha, na sabáy ang sabing: akó'y di babaing walang puri't hiya. Magmula na noon, akó ay naghanap. upang ipaglaban ang buhay na salát; akó ay nanahi hangáng sa nang̃anák at ang sintáng bunso, na ng̃ayó'y tangulan sa madla kong hirap, ay nagíng tao na at siya'y nagtanáw ng̃ unang liwanag. Kaya't iyang bukong iyong linalang̃it ay anák ng̃ isáng mayamang malupít at itóng kaharáp ay isáng nagkamít ng̃ ng̃alang buhaghág, pagka't di nagawang ang puri'y iligpít at naipaglaban sa gahasang udyók ng̃ isáng pag-ibig. Ng̃ayóng talós mo na ang lihim ng̃ buhay nitóng pinara mong tunay na magulang at ng̃ayóng talós din ang pinanggaling̃an ni Teta mong sintá, ikáw ang magsabi, kung ang pagmamahál na tinátagláy mo'y marapat ó hindi magbago ng̃ kulay.» Sa gayóng tinuran, si Pedro'y nagwika, na tutóp ang dibdíb—Dang̃a't magagawa na pagibayuhin ang sintáng alaga, dapat pong alamíng, dinagdagán sana, pagka't naunawa ang inyóng tiniís sa laláng ng̃ isáng lalaking kuhila. ¿Sino ang may sala: ang pusong naghandóg ng̃ isáng matapát at boong pag-irog ó ang nagkuhila, dumaya't umayop sa nagkatiwala? Kung sa ganáng akin, ang dapat mahulog sa lusak ng̃ kutya'y ang sa kanyáng dugo'y natutong lumimot. —Salamat, anák ko,—ang putol ni Atang— at di ka kagaya ng̃ ibang isipan; magíng awa, kahit, ang iyong tinuran ay nagpapahayag na sa iyong piling ay di sisilayan ang giliw kong bunso ng̃ isáng pagdusta sa pinanggaling̃an.

XI.
ANG YAMAN AT ANG PURI.
Isang bagong Creso kung sa kayamanan at isang Atila sa kaugalian, isang Carlo-Magno sa nauutusan at Cingong alipin sa pinápasukan. Walang karang̃alang di nasa kaniya, ang lahát ay daíg, sa mg̃a pamansá, walang liniling̃ap na katwirang ibá liban sa katwiran ng̃ kanyáng bituka. Wikang kababayan, ay isang salita na ang kahulugán, sa kanyá, ay bula; ¿kalahi, ay anó? ¿anó kung madusta may salapi lamang na sukat mápala? Sa loob ng̃ bahay na pinápasukang gawaang tabako'y walang pakundang̃an sa mg̃a mahirap na nang̃ag-aaráw na kung pagmurahín ay gayón na lamang. Ng̃uni't kung sa haráp ng̃ namumuhunan ay piping mistula at mababang asal, sumagót pa'y waring binibining banál na hindi marunong magtaás ng̃ tanáw. Itó ang ginoong sa dukha ay hari datapwa'y alipin niyóng may salapi, at siya rin namán ang taong mayari ng̃ mg̃a gawaing kay Teta'y patahi. Siya'y, nagpagawa sa ating dalaga ng̃uni't hindi dahil kailang̃an niya, kung hindi sapagka't ang tagláy na gandá niyong binibini'y kanyáng pinipita. Yao'y isáng silo, laláng at pakana upang maihayag ang tagláy na nasa, ang nasang mahalay na palaging gawa sa mg̃a dalagang kanyáng manggagawa. Kaya't nang mákitang si Teta'y dumating na dalá sa kamáy ang mg̃a tahiin ay agad iniwan ang mg̃a kapiling na mg̃a upaháng sa kanyá'y nádaíng. At biglang tinapos ang kaniláng usap sa wikang gahasa na lubhang matigás: —Kung hindi sang-ayon—aniya—sa awás sa upa, ay dapat na kayó'y lumayas. At ang kakulang̃án ninyóng inuusig ay di mangyayaring bayaran pa, kahit magsakdál. Sulong na, at baka mag init pa ang aking ulo, kayó'y máhagupít. Masabi ang gayón, ay agád iniwan ang mg̃a kapulong na kanyáng upahán, at saka tinung̃o ang kinalalagyán ng̃ ating dalagang di lubhang nag-antáy. Datapwa'y hindi man nakuhang minasíd ang pagkakayari ng̃ pagawang damít, agád inialók ang kanyáng pag-ibig na wari ay batang matakaw at sabík. Sa wikang malambót ay inisáisá ang maraming yamang ihahandóg niya —Tangapín mo lamang inéng yaríng sintá'y di na kailang̃an ang maghanap ka pa, —Mahál na ginoo—anáng binibini— nagkámali ka po sa hain mong kasi, akó'y maralita't walang yamang iwi, ng̃uni't di marunong magbilí ng̃ puri. Ang pag-ibig ko po'y di siyang dahilán kung kaya nárito sa iyong harapán, akó'y náparito ng̃ upang mákamtán, ang sapát na upa sa gawa kong tagláy. Ipagpatawad po kung di ko matanggáp ang inihahain na iyong pagliyag, may kapantáy ka po, ikáw ay humanap, at huwag habagín ang gaya kong hamak. —Oo't mangyayari ang iyong tinuran na akó'y humanap ng̃ aking kapantáy kung hindi ng̃a sana, ang nálalarawan, dini sa puso ko'y larawan mo Tetay. Iyong pag-isipin: ikáw ay magandá, sa iyo'y di bagay ang maghirap ka pa; ng̃uni't kung tanggapín ang aking pagsintá ay masusunód mo ang lahát ng̃ pita. Ikáw magíng akin, at bukas na bukas, may bahay kang bató't sarisaring hiyas, may sasakyán ka pa't hindi maglalakád, at salaping labis sa gugol mong lahát. Máding̃íg ang gayón ng̃ ating dalaga'y nagtindíg sa upo, ang mukha'y namulá, at biglang naparam sa noong magandá iyong kaamuang laging dinádalá. —Di ko akalain—ang wikang matigás— na ikáw'y mámali sa iyong pangmalas; akala mo yata'y sapagka't mahirap ay nárarapa na sa ningníng ng̃ pilak? Akó'y marálita, at kung di gamitin ang munti kong lakás ay hindi kakain, datapwa'y libo mang hirap ang danasin, ang handóg mong sintá'y hindi maaamin. Di ko kailang̃an ang magandáng hiyas, ni ang titiraháng bahay na mataás ... ang buntón ng̃ yama'y pisanin mang lahát ... walang kabuluhán sa aking pagling̃ap. ¿Ang kataasan ba nitóng batóng bahay ay tataas kaya sa pulang kakamtán? ¿at ang mg̃a ningníng ng̃ hiyas at yama'y makatakíp kaya sa puring hahapay? Kung ang karang̃ala'y hindi mo kilalá't ang pilak, sa iyo, siyang mahalagá; unawain mo pong sa aking pangtaya'y sa salapi't hiyas ang puri ay una. Sapagka't ang tao, kahit na mayaman, kapag walang puri'y walang kabuluhán, ¿aanhín ang hiyas, ang pilak, ang bahay kung akó'y yagít na't yúyurakyurakan? Mahang̃a'y ganitóng dukha't nasasalát, may kapuwa tao, kahit mg̃a hamak, at hindi pasasang baluti ng̃ hiyas at wala ng̃ linis ang dang̃ál na hawak. —Mataas mag-wika— —Talagáng mataas kapag dinudusta ang isang mahirap na may pagmamahál sa puring ining̃at; nariyan ang tahi, antáy ko ang bayad. —¿Ang bayad? kung ikáw sa aki'y iibig hindi lamang tumbás ang ipakakamít, datapwa kung hindi, ay ipagkakaít ang sampu ng̃ upa sa mg̃a náhatíd. Máding̃íg ang gayón ng̃ ating dalaga ay halos nanglumó, ang puso, sa dusa, sapagka't sumagi sa kanyáng alala na hindi kakain ang salantang iná. Kaya't namalisbís sa matá ang luha, at sumabudhi na ang magmakaawa, ng̃uni,t ang kausap na ma'y maling nasa ay hindi duming̃ig sa anó mang wika. Subali't nag-ulól sa pakikiusap na siya'y ling̃apin sa haing pagliyag, at sinamahan pa ang balang marahás ng̃ kapang̃ahasang gahasai't sukat. Dapwa'y nang dulugín, sa kinátayuán, ang ating dalagang nag-íisá lamang, itó'y ay lumayo't ang lilong mayaman ay pinapagkamít ng̃ mariíng tampál. —Iyan ang marapat sa isáng kuhila na di gumagalang sa bawa't mahina upang matuto kang huwag gumahasa sa hindi pumayag sa buhóng mong nasa. Nang masabi iyon ay biglang iniwan ang nahilóhilóng taksíl na mayaman, saka nang sumapit sa pinto ng̃ daan ay muling lining̃ón ang pinangaling̃an. —Walang budhi—anyá—Taong walang damdám! Ikaw, kung tawagi'y: mayaman! marang̃al! ng̃uni't walang kayang gipití't tambang̃án kung hindi ang dukhang walang kakayahán. Iwan natin siya sa kanyáng pag-uwi na ang nagíng bao'y isáng dalamhati, at ang unawain ay ang mg̃a sawi na anák paggawa na namimighati.

XII.
ANG MG̃A MANGGAGAWA.
Isáng lingóng singkád na pigta sa pawis at kinakabaka ang madlang pang̃anib, kahit nanglalata ang ng̃aláy na bisig ay di makahinto, at nagsusumakit na ang pitóng araw'y kanyáng maisulit. Pagka't alaala ang giliw na anák, ang sintáng asawa, ang ináng naghirap ó kaya'y ang madlang kandiling kaanak na walang timbulan kung di iyóng hanap na sa pagkain lang ay di pa sasapát. Di namán mangyari, sa dukhang may dang̃ál, ang gawang mang-umít sa pinápasukan, kay ng̃a't ang tang̃ing pinanánang̃ana'y yaong pinang̃anláng bayad kapagalan na di halos upa kundi limos lamang. Sapagka't ang bagay na pang̃anláng bayad, ay yaóng katimbáng ng̃ puhunang hirap, datapwa'y ang labí ng̃ sakím na pilak na hindi marunong humati ng̃ sapát, ay di nababagay sa upang pag tawag. Iyán ang matimping kampón ni Minerva, iyán ang may tagláy ng̃ igiginhawa nitong Sangsinukob; silá, silang silá ang nagpapayaman, ng̃uni't alimura nang mg̃a puhunang may gútom buwaya. Silá ang kaulóng ng̃ Nang̃ang̃asiwa ng̃ itó'y abutin ng̃ ating si Teta, silá ang katung̃ong nagmamakaawa na huwag nang gawín iyong pagbababa sa dating upahá't kabayaráng takda. Datapwa, ang ganid, sa wikang matigás, (labis pa sa bagsík ng̃ sadyang may pilak) ay inalimura iyong mahihirap, at saka matapos pang̃alán ng̃ tamád ay di ibinigáy ang ukol na bayad. —Kayó'y mg̃a hungháng, mg̃a waláng isip, ibig pang lumampás sa puhunang kabig; kung ayaw tumangáp ng̃ upa kong nais, kayó ang bahala; ng̃ayón di'y umalís at baka abutin ang akó'y magalit. At biglang iniwan ang mg̃a kausap, matapos masambít ang ilán pang sumbát, (na ating natalós sa dakong itaas); doon na nangyaring si Teta'y hinaráp na ang katapusá'y tampál na malakás. Siya ay iniwan na hilóhiló pa niyong namumuhing mahinhíng dalaga, dapwa'y nang magbalík ang diwang nágitlá'y nag-alab ang poot at ang pinagmurá'y ang mg̃a upaháng kapulong na una. At saka nagbihis ng̃ lubhang madali, sinunda't hinabol iyong mananahi, hindi na ininó ang pamimighati ng̃ mg̃a upaháng nang̃aglulungatíng ibigáy ang upang ukol sa nayari. ¿Iláng mg̃a lunó't matandang magulang, iláng mg̃a anák at asawang hirang ang hindi kakain sa gayóng inasal niyong walang ling̃ap!? Kaya 't pinasukan din ng̃ pagng̃ing̃itng̃it ang mg̃a upahán. Sumadilidili, na bago makitang dayukdók ang madlang anák at asawa ay dapat utang̃in ang buhay na dalá niyong walang awa't walang kaluluwang pinalalamon na ay nanínila pa. Yayamang wala ring mg̃a kahatulán sukat tuntunín sa pagayóng bagay, lubós nang tinangkang silá ang humirang ng̃ bagay at kapit na kaparusahán doon sa tao ng̃a'y may~asal halimaw. Ang mahinbíng batis na binabalung̃an ng̃ lináw na tubig na pang-patíd uhaw'y nag-aanyong baha kapag hinalang̃an ... ¿ang puso pa kayang marunong magdamdám ang hindi sumubó kapag hinahalay? Kaya't sabaysabáy na wari'y iisá nang sinundán iyong budhing palamara; nagsabáy na lahát, na poot ang dalá ... iiay ... ng̃ sa alab ay mang̃ahás sumugbá!! iiay ... ng̃ madaanan ng̃ along masiglá!!

XIII.
SA HARÁP AT SA LIKÓD.
Silá'y iwan nati't muling pagbalikán ang tahanang dampa ng̃ mag-ináng hirang, doo'y nag-iisá ang maysakít lamang pagka't ang binata'y sandaling lumisan. Samantala namáng siya'y nag-iisá at nag-aantabáy sa anák na sintá, libong panalang̃in ang sumaalala upang magkapalad ang bunsong dalaga. Aniya'y mangyaring ang hatíd na tahi ay magíng mainam, doon sa may ari, upang bayaran na, nang siya'y mádali at huwag gabihín sa kanyáng pag-uwi. Kaya't ng̃ mátanáw ang giliw na bunso'y sumaligaya na ang sumikdóng puso, ng̃uni't anóng lakí ng̃ dusang bumugso nang makita niyang luha'y tumutulo. Halos nápahiyaw at halos nátindíg sa kinahihigáng sirasirang baníg, na, sabay ang wikang—¿Anó, Teta? ¿Bakit? ¿anó ang nangyari't ikaw'y tumatang̃is? —Iná ko! Iná ko! Tayo'y walang palad!— ang sagót ni Teta't sabáy napayakap sa giliw na iná— —¿Anó't umiiyak ka?— —Akó'y sinuba niyong taong sukáb; Pagka't di inamin ang haing pagsintá, niyong walang budhí't taong palamara, na kung kaya lamang nagpagawa palá ay upang masunód ang masamang pita. Ng̃uni't nang tumangí akó't di umamin ay pinagtangkaáng akó'y gahasain, salamat na lamang at aking napigil sa bilís ng̃ isang tampál na maríin. Dito inihayag niyong binibini ang lahát ng̃ bagay na mg̃a nangyari, dapwa'y sa gitna pa niyong pagsasabi ay siyang pagdatíng ng̃ lilong lalaki. Na tagláy sa loob ang paghigantihán iyong binibining sa kanyá'y tumampál ó kung dili kaya'y sa tulong ng̃ yaman ay nasang bulagin ang mg̃a magulang. Pagka't di bihira ang amá ó iná na pagkakatanáw sa munting halagá ay silá pang agád ang nag-áabóy na sa puri ng̃ isáng anák na dalaga. Dapwa'y hindi pa man halos nakapasok sa munting pintuan ang buhóng na loob ay biglang náhinto, nang̃iníg ang tuhod, at munti na sanang siya'y nápaluhód. Sapagka't nákitang sa kanyá ang titig niyong nápatayong babaing maysakít ... yaón ang babai na kanyáng inamís!... yaón ang babaing sa kanyá'y nanalig!... Ang pang̃alan niya na may dong kaugnáy kung bukhín sa labi ng̃ mg̃a upahán, doon ay náding̃íg sa bibíg ni Atang na may halong ng̃itng̃it at dustang paghalay. —Ang lalaking iyan—ang sabi ni Teta— ang sa akin iná'y ibig gumahasa, —Taong walang budhi!—aní ng̃ matanda— ¿at nang̃ahás ka pa na dito'y magsadya?... Di ka na nang̃iming dito'y makaratíng na akay ng̃ iyong pagnanasang halíng? ¿di ka na pinasok niyong salagimsím kung sino ang iyóng tinangkang gahisín? Nang dahil sa iyo: ang bukó'y bumuká't nang magíng bulaklák ay agád nalantá, at saka sa ng̃ayó'y pagnanasaan pa na iyong halayin ang nipót na bung̃a? Ang lalong masiba't may taksíl na loob ay hihigtán mo pa kung sa pagkabuktót; marahil námali, sa iyo, ang Diyos, ... ginawa kang tao'y bagay magíng hayop!... Marami pa sanang bubukhín sa bibíg yaong bumabakás ng̃ matindíng sulít; ng̃uni't nápahinto sapagka't náding̃íg ang guló sa daan; sigawa't paglait. Sangdaang katao, humigít kumulang, ang nagsisidatíng at naghihiyawan; at ang bawa't isá'y may hawak na urang na ipangbubugbóg sa kinagalitan. ¿Nasaan—anilá—iyang walang ling̃ap, taong mapang-apí sa mg̃a mahirap? Náding̃íg ang gayón ng̃ mayamang oslák; pinasók ang budhi ng̃ malakíng sindák. Luming̃asling̃as na at sumulingsuling, waring humahanap ng̃ dapat tung̃uhin, litó na ang isip, puso'y nalalagím, pagka't nákilalang siya'y pápatayín. Hindi na mangyaring siya'y makatanan pagka't nalilibíd ng̃ tao ang bahay at bawa't sandaling ipag-alinlang̃an ay isáng lundág pa ng̃ kasakunaan. Kaya't nang matantong wala nang pag-asa't saan man tumung̃o'y kamatayan niya, nanikluhód agád sa haráp ni Ata't huming̃ing saklolo na iligtás siya. ¡Iyon ang mayamang sa tulong ng̃ pilak ay laging umapí sa mg̃a mahirap! ¡Iyon ang mayaman!... Ng̃ayó'y nasisindák sa haráp ng̃ mg̃a palaging hinabág!... Mákita ang gayón ng̃ babaing galít na lunónglunó na ang dating mabang̃is, panasukang awa't ang dating inibig ay pinapagkanlóng sa sulok ng̃ silíd. Kisápmatá lamang, at, kung di'y nag-abot ang kinagalita't ang mg̃a may poot; sandali na lamang at disi'y natapos ang buhay ng̃ tao na mapangbusabos.

XIV.
ANG PUSO NG̃ DUKHA.
Lubhang mapagbatá, pipi't mapagtipíd sa lalong mabigát na mg̃a pasakit, sadyáng masúnuri't hindi mapaglaít, walang hinahalay, hindi mapag-usig: sa lalong mababa'y nakikipaniig at tungkól dálita ay kanyáng kapatíd. Iyan ang mahirap: pusong mahabagin, may mayamang dibdíb sa mg̃a damdamin; hindi humahamon, ng̃uni't pag-iniríng.... sa kanyáng hayakís ay walang patalím, walang kalakasang sukat makasupil ni lalong matibay na di hahamakin. Ilá'y nagsipanhík sa dukhang tahanan, sa nasang máhuli ang lilong mayaman; tangka nilá mandíng doon na mápatay yaong walang pusong hindi na nagtagláy ng̃ munti mang ling̃ap sa mg̃a daing̃an at pakikisamo ng̃ mg̃a upahán. Datapwa'y napigil ang sulák ng ng̃itng̃it at ang kapoota'y nagwaring lumamíg nang mápaharáp na't kaniláng mámasid ang mukhang maamo ng̃ ating may sakít, na sa gitna niyóng malakíng pang̃anib ay nag-anyóng kuta na hindi mayaníg. —¿Anó ang layunín at dito ay hanap— ang tanóng ni Ata sa mg̃a kaharáp. —Aming inuusig iyang taong sukáb nang upang patayín ... —Mg̃a walang palad! ¿Anó't tutungkulín ang gawang umutás niyang mg̃a kamáy na ukol sa sipag? ¿Kay lakí ba kaya ng̃ pagkakasala at buhay kaagád ang inyóng pinita? Kayó'y mang̃agmuni at huwag padalá pa pusók ng̃ loob —Magmuni'y sukat na, at higít sa labis ang aming binatá diyan sa kuhila't walang kaluluwa. Nang dahil sa amin, siya'y tumatangáp ng̃ malakíng tubo at úpang mataás, kamí ang sa kanyá'y nagbigáy ng̃ pilak datapwa't ang gantíng sa amin ay gawad ay ang kulang̃an pa ang datihang usap at sa kahulihan ay ayaw magbayad. Ang pinagpagaláng isáng lingóng araw ay ipinatigás na ayaw bayaran dahil sa náhing̃ing huwag nang bawasan ang dating palakad na pag-uupahán, at kung mangyayari'y kaniyang dagdagán yamang námamalas itóng kahirapan. Samantalang gayón iyong pag-uusap sa ibaba namán ay lubhang masulák; walang hintóng lait ang nanánambulat: hing̃ing ipanaog yaong máninibad upáng papagkamtín ng̃ parusang tapát sa kanyáng inasal sa mg̃a mahirap. —Ipanaog dito nang agadagaran!— ang sigáw ng̃ taong nang̃asa lansang̃an; may nang̃aghahanda na ibaóng buhay, may nagpanukalang ibitin na lamang at may humihing̃ing bugbugín ang hungháng bago kaladkarín hanggáng sa mamatáy. Sa gayóng paghing̃i na lubhang marahás ay muling nag-init ang nasa itaas, kaya at sa tulong ng̃ salitang tahás, nilimot na sampung pitagang ining̃at at dadaluhong nang dudumugi't sukat iyong nagtatagong hindi makalabás. Datapwa'y humadláng sa kaniláng nasa ang dating may sakít at lunóng matanda: —Mang̃agmuni kayó—ang maamong wika— huwag na palulong sa biglang akala pagka't kung masunód ang inyóng adhika ay kayo ring tunay ang kaawaawa. ¿Hindi bagá kayó'y may mg̃a magulang, anák at asawang pinakahihirang, na liban sa inyó'y walang aasahang sukat na katigin at ikabubuhay, sa balát ng̃ lupà? ¿Anó't ititimbáng ang gayóng karami sa isáng halimaw? Kung inyóng masunód ang pakay at nasa at kayó'y usigin dahil sa ginawa ¿ilán ang sa inyó'y mang̃agsisiluha? ¿ilán ang dudumog sa pagdadálitá? ¿iláng anák ninyó ang mápapang̃angyaya at mang̃ung̃ulila ng̃ lubhang mahaba? Kayó'y pinipigil, hindi pagka't ibig na aking itangól ang taong bulisik; mahigít sa inyó ang aking tinipíd nang dahil sa kanyá; kayá'y di nagtiis ng̃ sumpa't tung̃ayaw, ng̃ pula at lait at pag-alipustang di dapat mákamít. Ang aba kong puso ay kanyáng dinaya, ang aking pag-asa'y nilantá nang kusa, ang madla kong luhog ay inalipusta, ang linis ko't puri ay pinakadusta at sa kabulagán ng̃ budhing kuhila'y, sa anák ding tunay, siyang gagahasa. ¿Higít pa ba riyan ang inyóng tinangáp na mg̃a pasakit? Ang upang katumbás ng̃ sanglinggóng araw ¿magin kayang sukat sa pagkakalung̃i ng̃ puring ining̃at at pagkáhiwalay sa madlang kaanak at pamamalagi sa dálita't hirap?... Akó ang babaing kanyáng pinugayan ng̃ puring malinis na minahálmahál, at ng̃ayó'y' akó rin ang nagsasangaláng ... bakít akó gayón? sapagka't alang̃án sa sapát kong gantí, ang íisang buhay; ang nasa ko'y iyóng walang katapusán. Isáng guniguníng hindi lumilipas kahit na magbalot sa buntón ng̃ pilak, isáng pagkakutya sa sariling hagap, magíng akbáy niya sa lahát ng̃ oras, isáng wari'y hukóm na magpapahirap saan man tumung̃o at siya'y lumagak. Ang nasa kong kamtán ay isáng higantí na higít na lubha sa lalong malakí, gantíng tataglayín niyong dilidili at sa isá niya ay mang̃aníng̃aní, at hindi na ibá ang siyang mangdiri kung di siya na rin sa kanyáng sarili. Ibig kong mabuhay iyang alibugha, datapwa't sa kanyá'y ipauunawa na itóng dalaga na kanyáng ninasa ay anák din niya at anák kong mutya, ng̃uni't kailan ma'y hindi mápapala na tawaging amá ang isang kuhila. Sa sinabing itó'y nágitlá ang lahát at ang kalooban ay pawang naglubág, at lalo pa mandíng silá'y nang̃agulat nang sa kinanglung̃án ay biglang lumabás iyong inuusig at pinaghahanap, na luhaluhaa't paluhód ang lakad.

XV.
PATAWAD.
Yaóng nahirati sa pagpapatanghál ng̃ kaniyang poot sa mg̃a upahán, ng̃ayó'y lunóng lunó, at walang masaysáy yaong mg̃a labing laging nakasigáw, liban sa pasamo't salitang marahang: —¡Patawad anák ko! ¡Patawad na Atang! —Ang aking patawád—tugón ng̃ may sakít— magpakailan ma'y hindi makakamít, sa aki'y hindi ka nagtaksíl ng̃ labis kundi sa dugo mong itinakwil, kahit walang kasalanan kundi magíng bihis sa dusa ng̃ aking nádayang pag-ibig. Mákita ang gayón, ng̃ magkakasama, na ang hinahanap ay kaharáp nilá'y dinaluhong agád; disi'y nasawi na, kung hindi humadláng ang ating dalaga at nagpumagitna sa amáng may sala at mg̃a kawaníng may masamang pita. —Mang̃ag-antáy kayó, huwag pagtulung̃án ang isá kataong hindi lumalaban: ang inyóng gágawí'y hindi nábabagay sa tungkól lalaking may kaunting dang̃ál at lalo pa mandíng tiwali't alang̃án sa kagaya ninyóng anák kasipagan. Oo't may katwirang kayó'y maghigantí sapagka't ginipít ó kaya'y inapí; ng̃uni't kayo'y pawang may pusong lalaki, sa bawa't ulila'y marunong kumasi, hindi humahabág sa tungkól babai kundi bagkús pa ng̃ang mapagbigay puri. Sapól pagkabata ay aking dinalá yaong sapantaha na akó'y ulila, wala akóng tuwa liban na kay iná at ng̃ayóng nabatíd na akó'y may amá ¿di yata't bigla ring aagawin siya sa sabík kong puso sa kanyáng pagsintá? Kayó'y gaya ko rin na anák-dálita, at kauri ninyó akóng namagitna; magíng balato man, sa aki'y maawa: patawarin ninyó ang amá kong mutya, ¡alang alang kahit doon sa Lumikha! ¡kahit alang alang sa aking pagluha! Siya'y magtitika't hindi na aasal ng̃ ugaling lihís na karumaldumal; ang bahala'y akóng sa kanyá'y aakay sa tuwid na landás na dapat daanan ng̃ mg̃a may puso't pagling̃ap na tunay sa kagaya ninyóng mg̃a mang-aaráw. Sa salitang iyon ay muling nagbalík sa datihang anyo ang maamong tubig, naglubág ang poot, napawi ang bang̃ís niyong maawaing mg̃a anák pawis ... paano'y kay gandá ng̃ huming̃ing bibíg at napakaamo ang kaniyang hibík!? Kaya't yaóng dating nagtumuling baha na ibig tumabon sa daanang lupa'y muling nagíng batis, nukál ang payapa; at saka nang̃ako ang Nang̃ang̃asiwa na daragdagán pa sa upaháng takda at pagbabayaran ang mg̃a nagawa.

XVI.
¡¡¡PAALAM!!!
Matapos ang gayóng mg̃a sálitaa't matapos pumayag ang mg̃a upahán, ang wikang nápalit sa dating sigawa'y ¡Mabuhay ang sipag! ¡Si Teta'y mabuhay! Katuwaang lahát, sa lahát ng̃ bibíg pawang kagalakán ang nang̃asasambít, dapwa'y nápatang̃ing may pataw sa dibdíb ang ating si Pedro na di makaimík. Malaon nang lubhang siya'y nároroon at minamatyagán kung saan hahantóng iyong salitaan, ng̃uni't ng̃ manuynóy ang lahát ng̃ bagay ...nagtagláy lingatong. Kaya't ng̃ mapuná, ang gayón, ni Tetay ang hirang na sintá'y agád linapitan, pinakáusisa, hanggáng sa tinuran, ng̃ ating binata, yaong dináramdam. Siya'y maralitá't ang kaniyang hirang ay hindi na dukha, anák ng̃ mayaman, ¿di kaya masabing iyong pagmamahál ay may halong ling̃ap sa pilak na kináng?

Yakap na magiliw at masuyong halík, sa salitang iyon, ang siyang nápalit..... ¡Kay saráp ng̃ buhay kapag umiibig!... ............................—(Pág. 72)
Anyá'y samantalang hindi magkapalad na kanyáng pantayán ang maraming pilak ng̃ ama ni Tetay ay di mang̃ang̃ahás na mulíng bangitín ang kanyáng pagliyag. At siya'y tutung̃o sa malayong bayan, kung saan kikita ng̃ maraming yaman, puhunanin kahit ang sariling buhay ay di liling̃unín, sa laki ng̃ pakay. Ang bawa't kaputók na pananalita, sa dibdib ni Teta, ay nagiging iwa, kaya't nang matapos ay di naapula sa kaniyáng matá ang agos ng̃ luha. —Nang akó'y hikahós—anyá—ay mapalad, walang kalungkuta't ang puso'y panatag, akó'y maligaya, kahit naghihirap, at walang damdaming ikinaiiyák. Datapwa't sa ng̃ayóng íisáng sandali pa halos na akó'y wari may salapi, ¿agád agád na bang isáng dalamhati ang tataglayín ko sa ubod ng̃ budhi? Kung gayón din lamang at dahil sa aking bagong kalagayan ikáw'y maninimdím, ang lahát ng̃ iyo'y aking lilisanin kung magigíng tumbás ng̃ iyong paggiliw. —Huwag na Tetay ko, huwag ipagdamdám kung sakasakaling akó'y lumayo man, ¿anó kung maghirap ng̃ mahabang araw kung sa dakong hulí'y ikáw ang katimbáng? —Kung sa dakong hulí!... at sa hulí akó! ng̃uni't una muna ang kataasan mo! Huwag lang maturang humigít sa iyo'y lalasunin mo na ang boong buhay ko! —Huwag mong damdamín; sa ngayó'y mapait na akó'y málayo sa iyong pag-ibig, ng̃uni't sa kabila'y libolibong tamís ang siyáng katumbás nitóng pagtitiís. Akó ay may puso, na kagaya mo rin, na minámapaít ang kitá'y lisanin ... datapwa'y hindi mo dapat na limutin na ang marálita'y lubhang maramdamin. Marahil, sa bawa't gamunting salita'y ipagdurusa ko't lubós ikaaba, ¡paano'y katulong sa bawa't paghula ang pagkakilalang ako'y marálita!? Kaya't bayaan na ang aking pagpánaw, paglayong marahil di maluluwatán ... —¡¡Hindi ng̃a maluwát, ng̃uni't kaigihan na yaríng puso ko'y magkawaraywaray!!

XVII.
KATAPUSÁN.
Ang usapan palá namá'y nábabatyág ng̃ lunóng babaing nahang̃o sa hirap; sila'y linapita't saka siniyasat kung anó't malungkót iyong pag-uusap. Hindi ikinaít ng̃ ating binata ang sanhi ng̃ kanyáng paglayong akala; inayunan namán ng̃ ating matanda sapagka't nataya ang tuwíd na nasa. Sa gayóng nangyari, si Teta'y nagsulit; —Pumapayag akó na ikáw'y umalís, datapwa'y yayamang kitá'y iniibig akó ay sasama, saan man sumapit, —Iiwan mo akó!?—ang pabiglang turing ng̃ ináng nágitlá. —¿Kami'y lilisanin?— ang tanóng ng̃ amá. —Kung di ibabaling ni Pedro ang nasa. Siya ang himukin. Alám kong ang sanhi ng̃ kaniyang pakay ay dahil sa akin; kaya't akó namá'y nasang makihati sa anó mang bagay na kanyáng sapitin: mamatáy, mabuhay. —Sukat na, sukát na, aking mg̃a anák— ang sabi ng̃ amá sa magkasinliyag— magmula sa ng̃ayón si Pedro'y gáganap sa aking tungkulin. —Amá ko, salamat. —Sa gayóng paraa'y hindi kailang̃an ang siya'y dumayo sa ibá pang bayan; at kaming dalawá'y ... —Hahati na lamang sa ligaya ninyó—ang putol ni Atang. ................................... ................................... Yakap na magiliw at masuyong halík, sa salitang iyon, ang siyang nápalit.... ¡Kay saráp ng̃ buhay kapag umiibig!... ¡Pag yáon ng̃ sigwá'y kay ganda ng̃ lang̃it!...