← Table of contents
Si Rizal at ang mga Diwata

IKALAWANG YUGTO

Reading edition

I TUGMA

Pagbubukas ng tabing ay makikita si Rizal nayuyukayok. Lalabas ni Filipinas na nag-aawit ng isang mapanglaw na karaingan.

AWITIN:

Filipinas:—

Rizal, Rizal, bunsong hirang Ina mo'y huag bayaan Ina'y iyong saklolohan Sa dagat ng kahirapan. Ang Ina mong tumatangis Nalulunod na sa sakit Wala nang kayang magtiis Sa lingap mo'y nagnanais.

SALITAAN.

Rizal:—

(alinlangan) Anong aking magagawa Sa ako'y mus-mos pang bata.

Filipinas:—

Sukat ang banal mong nasa Kung iyong isasagawa.

Rizal:—

(susuyuin) ¡Ina! siya na ang pag-luha Handa akong kumalinga.

Filipinas:—

Ay Rizal ng aking buhay. Sa tanang kong katiisan, Hininga mandi'y papanaw; Mga binata'y tawagan Nang ikaw ay matulungan. Hanapin, tawagan sila, Ibalita yaring dusa Nang kanilang maalalang May tumatangis na Ina. At sa kanila'y isulit, Ang pighating tinitiis Ng Inang tanging ninibig Sa libinga'y maghahatid; Kailangan ko ang tangkilik. (malulugmok)

Rizal:—

(aalalayan) Ina ... Inang minamahal Huag mo akong iiwan Aanhin ko yaring buhay Kung ikaw ay mamamatay?

Lalabas ang mga Panganay na may dalang manok, baraha at bote ng alak.

II TUGMA

Ang Mga Panganay, Si Rizal at Si Filipinas

SALITAAN:

Panganay 1.º:—

Mabuhay ang kasayahan!

Panganay 2.º:—

Mabuhay ang paglilibang!

Lahat:—

Mabuhay! Laging mabuhay!

Rizal:—

(luhog) Lingapin ninyo si Inang Mga kapatid kong hirang Ako ay inyong tulungan, Kung kayo man ay may buhay Ay sa kanya tanging utang.

Lahat:—

(pakutya) Ohu?... mapagdunung dunungan. (sa sarili) Bakit malakas ang sugal Hahanapi'y kapalaran.

Filipinas:—

(sa mga Panganay) Ay mga anak ko ...kayo'y nasisinsay Sa dapat landasin....

Panganay 1.º:—

(padabog) Aking nalalamang Kaliwa'y kaliwa at kanan ang kanan. (anyong aalis)

Rizal:—

Kami na'y lingapin ... Sandaling maghintay ...

Panganay 2.º:—

(kay Rizal) At ibig mo yatang kami pa'y turuan?...

Panganay 3.º:—

Kung sana'y marunong ó kaya'y mayaman Disin ay agad kang pinaniwalaan.

Panganay 1.º:—

Tayo'y tanghali na.

Panganay 2.º:—

Halina at iwan

Rizal:—

(boong lungcot) At kami ni ina?...

Panganay 3.º:—

Kayó?

Lahat:—

Ating lisan. (sabay ng alis)

III TUGMA

Si Rizal at Si Filipinas

SALITAAN

Rizal:—

Ituro sa akin Inang ginigiliw Kung sino ang dapat na aking suyuin At pakaasahang kahit puhunanin Ang murang buhay kong aking ihahain.

Filipinas:—

Tanging bunsong nagmamahal Ikaw mandin ang nahirang Na sa aki'y tumangkakal Noong Bathalang Kumapal.

Rizal:—

Kung magulang yaring bisig. Kung ganap na yaring bait, Asahan mo Inang ibig Na sisikapin kong pilit Ang sa iyo'y pagtangkilik.

Filipinas:—

Napakabanal ang nasa Kung iyong isasagawa Ang iyong layong dakila Na sa aki'y pagkalinga. Subalit lalong mainam Ang ikaw sana'y tulungan Ng aking mga Panganay Na kapatid mo ring tunay. Kailangan mong tanglawan Ang isip na nadidimlan. Tumawag ka kay Minerva At sa kanya ay pasama Tiising mawalay muna Sa nalulunos na Ina. Siya kita na'y iiwan Di na ako makalaban Sa dahas ng kahirapan. (anyong aalis)

Rizal:—

Ina, Inang minamahal Ang bunso mo'y huag lisan.

Filipinas:—

Kailangan mawalay muna Sa namimighating Ina. (sabay alis)

Rizal:—

(anyong hahabulin) Subali't ...May matuwid ka, At ayaw mong ipakita Sa akin ang pagdurusa At aayaw kang talaga Na ang puso ko'y magbata. Pagsisikapan ko ano mang masapit Na sa iyong mata'y huag ng tumigis Ang saklap ng luhang animo ay batis, Pagpipilitan kong magkapatid-patid Ang tanikala mo ng mga pasakit (papasok)

(Tabing Na Lansangan)

IV TUGMA

Lalabas ang mga Panganay

SALITAAN:

Panganay 1.º:—

Nanalo ka ba?

Panganay 2.º:—

Kung ako'y nanalo ... Ako ay nahughog.

Panganay 1.º:—

Ako ay natalo Sa masamang hilig tayo ay nabuyo.

Panganay 3.º:—

Hindi pa rin huli ... Tayo na'y magbago. Maling mali tayo ng tinungong landas, Ang lansangang yao'y patungo sa hirap; Maligoy matinik, mabato't madawag At pawang balahong hindi madalumat.

V TUGMA

Lalabas ang Kabinataan

Ang Mga Panganay at Ang Kabinataan

SALITAAN:

Kabinataan:—

Oh! mga Panganay ... Nasaan si Rizal?... Kami ay samahan

Panganay:—

Siya naming pakay Ang aming ginawing madumog sa sugal Siyang naging sanhi ng sakit ni Inang

Kabinataan:—

At kami?... Oh! kami'y nagsisipagsisi

Panganay 1.º:—

Tayo na; halina't alayan ng puri Ang Ina't kapatid na laging duhagi. Halina't lunasan ang sakit ni Ina Kalagin ang gapos ng pighati't dusa Halina tuntunin ang himok tuwi na Ng bunsong si Rizal

Lahat:—

Halina ... Halina, (papasok na lahat)

(Bubuksan Ang Tabing)

VI TUGMA

Sa kabilang dako'y lalabas si Rizal at sa kabilang dako'y si Minerva.

SALITAAN:

Rizal:—

Minerva.... Minerva, ako ay tulungan Ako ay akayin sa landas ng dangal.

Minerva:—

Ano ang nais mo magiting na Rizal? Sabihin ng agad.

Rizal:—

Ang iyong pagdamay Ang Ina kong minamahal Sa pighati'y mamamatay; Minerva ako ay tulungan, Ang hirap niya'y lunasan, Ang isip ko ay tanglawan Ng ningning ng karunungan, Nang si Ina'y maalayan Ng bahagyang kaaliwan.

Minerva:—

Ano ang aking magagawa Sa Ina mong lumuluha?

Rizal:—

Tanglawan mo ng biyaya Diwa kong napakahina, Nang sa aki'y maniwala, Kapatid kong matatanda Sila ay nangahihimlay Sa mga gawing mahahalay; Kanilang nalilimutang Mahigpit na katungkulang Sa Ina ay tumangkakal; Ang Ina kong minamahal Na Ina rin nilang tunay Sa dusa ay mamamatay ... Minerva sila'y tanglawan Ng iyong kapangyarihan.

Minerva:—

Kailangan magsikap ka Kung sa aki'y pasasama; Ang mithiin mong ligaya Matatagpong walang sala ... Kay Panahon ka paakay Siyang may hawak ng buhay (tatawag) Panahon ...

Panahon:—

(magalang) Ako po'y utusan

VII TUGMA

Si Panahon si Minerva at si Rizal.

SALITAAN

Minerva:—

Iyong samahan si Rizal Hangang sa bayan ng dangal

Panahon:—

Ako ay sunudsunuran Sa hari ng karunungan (kay Rizal) Kumapit sa akin Rizal At sa akin ka aakbay; Ang lakas ng kalakasan Ang sa iyo'y papatnubay.

Magtatagpotagpo ang lahat ng personaje tangi si Filipinas ang mga Diwata na nakahanda na sa Apoteosis. Ang mga Panganay ay hahanga sa pagkamatas kay Minerva at kay Panahon. Bubuksan nito ang aklat ng buhay.

VIII TUGMA

SALITAAN

Panahon:—

Ibig mong tahuin ang guhit ng palad?... Narito't pakingan (bubuksan ang aklat) (babasahin) «Laging mahahabag Sa palad ng lahi na nawawakawak, Sa kapabayaan ng dapat magingat Na mga kapatid, hangang mapahamak Buhay ang kapalit sa ikakakalag Ng lubid na gapos ng Inang may hirap Si Ingit, si Sakim ay kakatulungin Ng mga kaaway na mang aalipin, Sila'y magtatalik, buhay mo'y kikitlin. Ang lahat ay tungo sa hatol ng haling. Ito ang palad mo na tatalimahin Upang mailigtas ang Ina sa lagim. Kung maganap ito, ganap na ang palad Ng Inang alipin ng mga bagabag, Sa inyong silanga'y muli ng sisikat Ang araw na bagong maningning ang sinag, Wala na ang dusa, wala na ang hirap. Sa mga kapatid, sa mga kaanak Ay siyang pupukaw, siyang mag-uulat Ng dapat na gawin sa ikagaganap Ng kanilang laya sa araw ng bukas»

Rizal:—

(boong kasyahan) Kung ang kulay pula'y kinakailangan Na siyang itina sa sikat ng araw Dugo ko'y ibubo, pangiti kong alay, Nang ang kanyang sinag, lalo pang dumingal. Nang agad mahawi ang kapal ng dilim Na sa kanyang dilag ay nakatatabing. Nang agad sumilay ang kanyang luningning Na nasasaputan ng pighati't lagim. Tangi kong pangarap siya'y maalayan Ng saganang aliw habang nabubuhay Nais kong makilang pawi na ang lumbay. Tingala ang mukha at wala bakas man Ng mga tiniis sa nasawing buhay. Nais kong makitang siya ay hangaan At tawagtawaging "Mutya ng Silangan".

Mabubuksang bigla ang tanawin at makikita ng lahat si Filipinas at sa kanyang paana'y nakahílig ang mga Diwata.

HULING TUGMA.

Filipinas:—

Ang sapot na itim ng aba kong palad, Ang luha sa matang linipos ng hirap, Ang gapos na sakit, ang tanang bagabag, Ang mga tiisin na sumasahagap Ang lahat ng ito'y walang ibang lunas. Tangi sa mithi kong kayo'y magyayakap. At magkakasamang tumungo sa landas Ng ikalalaya sa araw ng bukas.

AWITIN NG LAHAT:

Tayo na't siya'y samahan Samahan natin si Rizal Sumunod sa kanyang aral Si Ina'y ating bihisan. Kaalipina'y ibagsak Sukdan tayo'y mapahamak Salubungin tá ng galak "Bagong Araw" na sisikat.

APOTEOSIS:

Samantalang nag-aawit ay unti-unting nahuhubdan ng sapot na itim ang Inang Filipinas at si Ingit at si Sakim ay masisilaw at mahahanga. Dahan dahang ibababa ang tabing.

Advertisement E. Amador/Optico Oriental
Advertisement E. Amador/Optico Oriental
Advertisement Farmacia del Ldo. Manuel de Santos/Optica Nacional/Crispulo Layoc Dentista
Advertisement Farmacia del Ldo. Manuel de Santos/Optica Nacional/Crispulo Layoc Dentista
Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings