"PANULAT BANAHAW"
Reading edition
KAPISANAN NG MGA MANUNULAT SA WIKANG TAGALOG.
Itinatag: Disyembre 19, 1918
MGA KASAPING TAGATANGKILIK:
Vedasto V. Cadeliña Gerardo P. Borja Claro Cabungkal Juan Ranola.
LAYON: Linangin, pagyamanin at palaganapin ang Sariling Wika. Pagaralan at saliksikin ang panitikan ng ibang lahi upang ibanding at pagkatapos ay ikatnig sa Sariling Panitikan, sa ikaniningning pa niyang lalo. PARAAN: Maglathala ng mga akda magpalimbag ng mga aklat at magtanghal ng mga dula ng mga kasapi; magpapulong bayan, magpayaman, magpatimpalak-panitik at magdaos ng mga paligsahan sa bigkasan. Magbasa ng mga sinulat ng mga tagaibanglupain at isalin o kaya'y halawin sa Sariling Wika.
MGA DULANG NAITANGHAL NA
MARCELINO ABUEL:
Ang Pagbayad ng Magaaral Mga Kaawaawang Di Nagsipagaral Mga Batugang Isip (Mga Mapamahiin) Ang Araw ng Halaman Ang Kalbaryo ng Dalaga Alibughang Anak Ipagtanggol ang Karapatan Ang Araw ng Ina
ZÓSIMO G. RESURRECCION:
Ang Manglulupig at ang Makata Sa Bingit ng Kasawian.
ZÓSIMO O. MADERAL:
¡Isumpa ang Masasamang Hilig!
ELIAS G. NAÑOLA:
Ang Anak ay Anak Memory of the Past Who has the Fault Sakit ng Panahon Huling Araw ng Masamang Budhi A Love of a Filipino Girl Kamangmangan.
AGRIPINO D. NANTES:
Bayani ng Pagibig Ang Laki sa Layaw.
VICENTE D. BELTRAN:
Bayan at Pagibig Ang Salarin.
ITATANGHAL PA:
Wakas ng pagiimbot—Ricardo E. Palacio Ang Lakas ng Katwiran—Balbino B. Nanong.
MGA IPALILIMBAG:
Pangkalahatang Talatinigan ng Wikang Tagalog—Panulat Banahaw.
Pangkalahatang Kasaysayan ng Sangdaigdig—Benjamin Racelis.
Sa Libis ng Palad (Nobela)—Balbino B. Nanong.
Mga Ulap sa Katagarawan (Nobela)—Zósimo O Maderal.
Malikmata't Pangarap (Mga Tula)—Zósimo O. Maderal.
Palaspas (Mga Tula)—Crispulo O. Salvatierra.
New Dictionary: Tagalog-English and Vice Versa
Mga Hiyas ng Parnasong Tagalog
The New Poetry
Mga Hiyas ng Pangarap (Mga Tula)—Zósimo O. Maderal.
ARAW NG KAMUSMUSAN
(Tula ni Ursula O. Maderal)
I.
Luha'y tumutulo, tuwing magunita ang masayang araw noong ako'y bata; na lahat ay aliw, tuwa at biyaya, walang kulay-lungkot sa puso ko't diwa.
II.
Naalaala ko ang isang dalangin na turo ni Nanay na ito ang turing: "Loobin mo nawa, Oh, Dios na butihin, na ako ay maging mabait, mahinhin".
III.
Ang panahong yao'y lumipas na ngayon, hindi na babalik ang buhay kahapon; tanging nalalabi'y alaala noon, upang maging tudling sa tinatalunton.
¡BAYANG PILIPINAS...!
Taguring madalas ang iyong kariktan, Bayang Pilipinas na hinahangaan, Ng lahat ng tao, sa lahat ng bayan, Sa lahat ng dako ng Sangsinukuban, Ang paghanga nila'y hindi nalalaman, Bayang Pilipinas, ng nagdaang araw, Nang bago sumikat sa Kasilanganan, Ay inalipin din at pinahirapan. Matupos tamuhin ang mga pahirap, Ng mga banyagang dito'y mapagpanggap, Ay biglang pinalis, agad pinalayas, Dito sa pangpangin ng bayan kong liyag. At ngayo'y nagbago; napaltan ang lahat; Ang nakasasakop magarang Watawat, Ay isinalupa, ng Haring malakas, Ng bayang malaya't may uring mataas. Ang sapot na itim na nakatatakip, Ulap na makapal ng gabing tahimik, Ay nahawi mandin katulad ng tubig, Pagkaulan-ula'y nawawalang tikis. At ang humalili'y ang kaliwanagan, Sa gabing madilim na kapanglawpanglaw; Doon sa Silanga'y nagliwayway naman, At saka sumikat itong Bagong Araw. Ito nga ang saksing hindi makakatkat, Pagka't nakikintal doon sa itaas, Diwa'y nagsasaad ng masayang Bukas, Sa mahal kong bayang hindi mapanatag. Waring bumubulong ng mahinang tinig, Sa mutya kong bayang may banal na nais:
BAYAANG UMIRAL ANG MGA MATUWID, NANG DI MAMALAGI YAONG PANGIINIS.
Ang lahat ng ito ay malaking utang Sa Bansang Agilang watong makapantay; Bansang nagkandili, nagpalapalayaw Sa iyo O bayang, sa laya ay uhaw. Umaasa kaming iyong mga anak, Pagkakalooban pagdating ng bukas, Mithing Kalayaan na siyang panglunas, Sa mga aliping lumaki sa hirap. CRISPULO O. SALVATIERRA.
ANG BAGIN
Lupang kahi't dahop sa taba at yaman Bagin ay tutubong walang pakundangan, Buhat sa pagbangon sa lupang himlayan Ang hanap na'y balag na maaakyatan; Kagaya ng taong mananalig lamang Sa lakas ng ibang nagpagod sa buhay, Bagin, sa, paglaki'y anong pagkabilis Sa sanga ng kahoy ay nangungunyapit, Ang lahat nang sulok ay nasasaliksik, Kahoy na daplasa'y gagapangang pilit Kamukha ng isang bago lamang panhik Sa bahay ng iba'y gayon na kasungit. Sa niyakisyakis ng baging sa kahoy, Kahoy sa paglaki'y dagling mauurong, Daho'y malalagas, bunga'y naluluoy At ang baging nama'y tuloy sa pagyabong; Animo'y pulubing limusan ang lungoy Na, kapag yumama'y nag-aanyong POON. Kaya nga't kahoy ay kaawaawa Kapagka may baging na kinakalinga, Baging kung lumaki't kanyang mapagpala Magiging-hari nang mang-aalipusta, Katulad ng isang nanghiram ng panang, Nang pahiramin mo'y ikaw ang tinudla.
HABILIN:
Mangagingat kayo may bukas na loob Sa kahi't na sinong ibig na pakupkop Alin mang "patao'y" suriin ang kilos Nang upang malayo sa dusa't himutok; Baka, maparis ka doon sa naglimos Ng awa'y ¡siya pang buhay ay tinapos!... ELIAS G. NAÑOLA.
BUHAY...
Ang gawang magsakit larawang pagasa Noong sa darating ganap na ginhawa; Nguni't katamara'y sumpa sa ligaya, Kapatid ng dusa't hinlog ng balisa! Buhay ay tungkulin at pakikibaka, Gumawa ng ukol, at may panahon pa!! ZÓSIMO G. RESURRECCION.
Santa Cruz, Laguna. Agosto 29, 1922.
MGA IMBI...
Ang mga salari't may lihim na buhay, Huwag di matingna't kagyat nang gilawgaw. Lahat ng sa ati'y may kapanutuhan, Sa kanila'y pawang kabalintunaan: Bawa't ngiti'y ngisi, balang tawa'y uyain, Tungkol kilos nati'y mayrong kahulugan... Masalagimsimi't panimdiming tunay... Silaw, dungo't takot sa kaliwanagan, Diwa't puso nila'y nasa kadiliman... RICARDO E. PALACIO.
INANG WIKA
Sa mataas na kalbaryo Ng layon mo at pangarap, Anak mo rin ang katalo't Nagbibigay ng bagabag. Parang hindi nalalaman Na Ina kang sa kanila Ay maampong bumubuhay Higit kaysa, wikang iba. Samantalang patuloy ka Sa dalisay mong adhika; Naglilipol naman sila Sa binhi mong ipinunla. Sa ganito ay maliwag Na dumating at makita Ang liwayway at pagsikat Ng hintay mo at pagasa. VENANCIO SALIENDRA.
MY ANGEL—WORLD
By Zósimo O. Maderal
I
Mine heart and soul Thou art; the mine love Thought thee e'er troll... So as to prove: There's not a throb, A wish, a sob, A rare fancy, That's not of thee.
II
Thou'rt all and all To me the world: Suncrowned and tall... A flag unfurled... Thou'rt book, lyre, voice, Pearl, nymph, fate, choice, Rose, rhythm, path, night, Home, dream, life, light!...
III
For thee I sigh, For thee I hope, For thee I yearn... O, please, tell why Oft do I mope? Thou can't, dear, turn Thine eyes to me For ecstacy...?
IV
Mine heart and soul Thou art; to mine love, Thought thee e'er troll... So as to prove: There's not a throb, A wish, a sob, A rare fancy That's not of thee.
MY SACRED FLOWER...
To my darling. Hail, fairest dream of my dreams supreme; From Minerva's Temple Oh, you've come 'midst thy country's esteem! Welcome and justified To you, my best of wishes I deem: May you be sanctified At Honor's Altar; and, Life's Blaspheme, Thee never shall trample!!... SANCHO A. SALIVIA.
Lukban, Tayabas, P.I.

