← Table of contents
Florante at Laura

Note 40 — PUNÒ NANG SALITÂ

Reading edition

HUARAN. Hindi "houaran". Nararapat daliriin ang katagang ito, upang samantalahin na ang pagdaliri sa madlang salitang sa aklat na ito ay paibaiba ang pagkakasulat. Ang "buan", "catuiran", "lualhati", "sasaquián", "nanaquiát", "balaquiót", "hain", "suliáp", "catauán", "quiás", "masiasat", "díatà", "mapataniag", "mag-adia", atbp., ay pawang may mga "bagong damit na ibang-iba ang tabas sa piling ng karamihang pawang tabas noong 1834"—na bagong kasisilang ang "Florante". Ibig naming sabihi'y ang ganyang pagkakasulat—na ibang ibang-iba sa karamihan—ay pawang gawa na lamang ng limbagan o ng kahista, noong 1861. Hindi ganyan ang sa noong 1834. Ang "bouan", "catouiran", "catao-an" atbp., ay siyang sa matandang paraan, na ginamit ni Balagtas sa kabuuan ng aklat, at ang nangadaliri sa una ay pawang kabaguhan na lamang sariling gawa ng kahista. Dito napaghahalatang nang mga araw na yaong lumabas ang siping ito—1861—ay nakikipangagaw na sa datihang paraan ang kaparaanang inabutan at binago naman ng ating Rizal at nina Dr. Pardo de Tavera: bagong kaparaanang siyang tinanggap at pinairal ng "Katipunan" at ng Panghihimagsik, at sumapit hanggang sa mga araw na ito. Hanggang sa mga araw na ito, ang aming sabi, at ito ay di tunay na wasto. Napakarami ang mga kabaguhang nairagdag kina Rizal, nitong mga huling panahon, at sa mga kabaguhang ito ay may napatay pa ang bagong pasok ng mabunying Mariano Ponce, atbp. Ang pagbabagobagong dinanasan ng ating Ortograpia ay isang bagay na napakalawig isaysay. Kaipala'y walang ibang kahambing sa kasaysayan ng iba't ibang wika sa Daigdig. At iyan ang tatangkain namin sulatin sa mga darating na araw. Lubhang kailangan, na matalos ng lahat.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings