Note 25 — PUNÒ NANG SALITÂ
Reading edition
VOSES. Sa "Kun sino ..." ay "boses", na kusang isinulat na ganito, upang itugma sa bagong ortograpía natin. Nguni't kay P. Sayo, na nagbago rin ng pagsulat, ay pinapanatili ang datihang "voces". Sa aklat na ito ay nakikitang ang "voses" na iyan ay lumilitaw ring "voces" kung minsan—na isa pang katunayan ng kawalang ingat ng limbagan.
At yamang napag-uusapan na rin lamang ang kawalang ingat ng limbagan, o lalong maliwanag, ng kahista, ay daliriin na natin ang maraming kamalian. Daliriin ang ukol na lamang sa pagkukudlit ("acentuación ortográfica"), at huwag na ang sa ibang bagay—yamang matutukoy na rin lamang natin sa mga ibang paliwanag. At upang huwag na tayong mag-aksaya ng maraming panahon—yamang kay liwanag namang napupuna ng matatalin ng mangbabasa—ay tingnan na lamang natin ang sa mga tulang sumusunod:
"Datapua,t, sino ang tataróc cayâ sa mahál mong lihim Dios na daquilà? ualáng mangyayari sa balát ng lupà dî may cagalin~gang iyóng ninanasà.
Sa halimbawang ito—at sa marami pang sagana sa aklat—ay mapagkikilalang noon pa man ay alam na ang halaga ng bawa't kudlit at kung paano ang tumpak na paggamit. Salakot (capucha o circunflejo) ang ilinagay sa "cayâ", sapagka't bigla at paimpit ang pagbigkas dito. Ang salakot ay siyang kayarian ng kudlit na pabigla (agudo) at ng paimpit (grave o gutural). At sapagka't pawang hindi pabigla, kundi paimpit lamang, ang pagbigkas sa dulo ng tatlo pang talatang kasunod—"daquilà", "lupa" at "ninanasà" ay kudlit na banayad lamang ang ginamit.
Nguni't masdan natin ang mga sumusunod:
"Sa loob at labas, n~g bayan bayan, cong sawî caliluha,i, siyang nangyayaring harî cagalin~ga,t, bait ay nalulugamî ininís sa húcay nang dusa,t, pighatî". "Caliluha,t, samâ ang úlo,i, nagtayô at ang cabaita,i, quimi,t, nacayucô, santong catouira,i, lugami at hapô ang lúha na lamang ang pinatutulô. "Súcat na ang tingnán ang lugaming anyô nitóng sa dálita,i, hindi macaquibô? aacaing bigláng umiyác ang púsô cong ualâ nang lúhang sa mata,i, itúlô". "!Ay Laurang poo,i,! ¿baquit isinuyò sa iba ang sintang sa aqui pangacò at pinag liluhan ang tapát na púsó pinang-gugulan mo nang lúhang tumuló?" "Dusa sa puri cong cúsang siniphayò, palasong may lasong natiric sa púsò; habág sa Ama co,i, túnod na tumimò aco,i, sinusunod niyaring panibughò".
Sa limang ito ay kay liwanag na napagkikilala ng dadalosdalos ng kahista. Sa unang halimbawa ay ginamit ang salakot, sa lahat na, gayong hindi nararapat sa ikalawa at ikatlong talata. Napagkikilalang huwag na di magkaroon lamang ay di na kailangan kahi't papaano.
Gayon din ang ginawa sa ikalawa at ikatlo: pawang salakot din, gayong hindi dapat sa katapusang talata ng ikalawa at sa ikatlo't katapusang talata ng ikatlong halimbawa.
Sa ikapat na halimbawa—na pawang natatapus sa banayad na paimpit—ay nasangkapan ng "gutural" o "grave" ang dalawang nauunang talata; nguni't pagdating sa ikatlong talata at sa katapusan, dahil marahil sa sa wala nang madampot na "gutural" ay isinumpal na ang bigla (agudo), kahi't na paano.
At sa katapusang halimbawa ay panay namang "grave" ang ginamit, kahi't hindi nararapat sa katapusang talata. Siyang nadampot niya, at siyang ilinagay.
Kaya, sa bisa ng ganyang kagagawan, ang "puso" ay napalagay na "púsô" sa ikatlong halimbawa, "púsó" sa ikapat at "púso" sa ikalima. At ang "tulo" naman ay napalagay na "pinatu-lô" sa ikalawang halimbawa, "i-túlô" sa ikatlo at "tumuló" sa ikapat.