Note 15 — IKALAWÁNG BAHAGI Pagkilala ó Analogía (continued 2)
Reading edition
Sakalì mang totoó na itóng pag-in ay dî kailang̃an dahil sa anyông in, ay tunay rin namáng ang náturang pag-in ay makabuluhán kung minsan at may sariling kátuturán. Kung ang pag-an ay kailang̃an baga ma’t mayroón nang an, ang pag-in namá’y kailang̃an din kahì’t na mayroóng in. Linawin natin sa pamamagitan ng̃ halimbawà. Kung sabihing sa tiyák na bagay at pag-úutos na: Larùin mo ang batà ay hindî ng̃â maáarìng sabihin pang paglarùin mo ang batà, sapagkâ’t may magkaibáng kahulugán siláng dalawá. Ang una’y nagsasaád ng̃ pag-úutos sa sino man na siyá ang maglarô sa batà, samantalàng ang ikalawá’y nagbabadyá namán ng̃ pag-úutos sa sino man na siyá’y mag-utos ó magsabi ó magpabayà ng̃ paglalarô sa batà. Ganitó ring kaibhán ang nádadamá ukol sa an at pag-an, gaya sa mg̃a salitâng larùan at paglarùan.