← Table of contents
Noli Me Tangere

Note 146 — VI.

Pascual Hicaro Poblete translation

Itinatag ang beaterio at Colegio ng̃ Santa Catalina ni Fr. Juan de Santo Domingo, provincial ng̃ mg̃a fraileng dominico ng̃ taong 1696 at pinasimulán ng̃ araw ng̃ cafiestahan ni Santa Ana ng̃ taóng 1696 din. Ang dahil ng̃ pagtatayo ng̃ beaterio at colegiong itó'y ng̃ may cáligpitan ang mg̃a babaeng ibig manatili sa pagcadalaga hanggang nabubuhay. Ang palatuntunan nilá'y ang palatuntunan din ng̃ Tercer Orden ni Santo Domingo, at nanunumpang tulad sa mg̃a fraile, na magpapacalinis ng̃ catawa't calolowa, magpapacarukhâ at magmamasunurin. Pinapagtibay ang pagcacatayò ng̃ ligpitang itó ng̃ mg̃a babae ng̃ Real Despacho na may fechang 17 ng̃ Febrero ng̃ 1716 na siyang nagbigay wacás sa mg̃a iniharáp na tutol na huwag ipatuloy ang pagtatatag ng̃ beaterio at colegiong iyán. Inilagáy niláng pintacasi si Santa Catalina de Sena. Ipinag-utos na labinglimang monja de coro lamang ang mátitira roon, bilang paunlác sa labinglimang misterio ng̃ Rosario. Ipinagcaloob ng̃ Real Cédula ng̃ 1732 na macapaglagay ng̃ isáng simbahan at macagamit ng̃ isáng campana, at tuloy ipinag-utos na huwag piliting mamalagui ang mg̃a monja sa lubós na pagligpit; cung di sa nauucol lamang sa magalíng na pamamanihala ng̃ beaterio at colegio.

Ang palatuntunang sinusunod doon ay di macararaan ang sino mang monja sa pintuang na sa loob ng̃ convento, na isáng matandang monja ang taga-bantáy; ng̃uni't sino mang tao'y macapapasoc doon, cailan man at may tang̃ing pahintulot ang provincial ng̃ mg̃a dominico. Ng̃ huwag ng̃ manaog ang mg̃a babaeng na sa beaterio at colegio ng̃ Santa Catalina ay nang̃aglagay ang mg̃a paring dominico ng̃ tuláy na nakikita sa itaas ng̃ daang San Juan de Letrán, sa loob ng̃ Maynila at ng̃ doon magdaan ang mg̃a babaeng iyón ng̃ pagpasa simbahan ng̃ San Juan de Letrang cacabit naman ng̃ Colegio ng̃ mg̃a lalaking San Juan de Letran din ang pang̃alan, at ang namamahala't nagtuturò'y pawang mg̃a fraileng dominico. Sa gayong paraa'y maguinhawa ng̃a namán ang pagsimba at pananalang̃in ng̃ mg̃a monja sa simbahan ng̃ San Juan de Letrán.

Bagá man ng̃ una'y ligpitan ang Santa Catalina ng̃ mg̃a babaeng castilang ibig tumalicod sa mg̃a layaw at casayahan sa mundo, hindi nalao't minagaling ng̃ mg̃a fraileng dominico, na mang̃asiwâ ang ilán sa mg̃a monja sa pagtuturò sa mg̃a dalagang ibig pumasoc at mag-aral sa Santa Catalina. Ang itinuturò doo'y pag-basa, pagsulat, doctrina cristiana, mg̃a gawáng ucol sa babae. Nang̃ag-aaral din namán ng̃ pagpapacabanál. Dinagdagan ng̃ mg̃a dominico ng̃ 1865 ang dami ng̃ mg̃a "hermana" at ng̃ lalong mapalaganap ang caniláng mg̃a pagtuturò. Hindî itinutulot sa mg̃a pumapasoc sa Colegio ng̃ Santa Catalina ang macaaalis cung di rin lamang may totoong malaki't di maiwasang dahilán.

Ang namamahalà sa beaterio'y ang provincial ng̃ dominico at isáng "priora" na siyá, ring "madre superiora" sa colegio, at may isáng directorang nacaaalam ng̃ mg̃a pagtuturò.—P.H.P.

Return to VI.
Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings