← Table of contents
Noli Me Tangere

Note 103 — IV.

Pascual Hicaro Poblete translation

Waláng anó mang calabisán. Lubhà ng̃ang catotohanan ang sinasabing itó ni Rizal na sucat na ang alalahanín cung bakit hinatulang mapresidio ang iláng maririlag na guinoong filipino, ng̃ 1872 dahil sa sinapantahang sila'y mg̃a cainalám sa mg̃a nangyari sa arsenal ng̃ Tang̃uay ng̃ taóng iyón. Ang isá sa lalong mg̃a calaguímlaguím na sumbóng na guinawâ laban cay Don Antonio Maria Regidor ay ang pagcacuha sa isáng "aparador" ng̃ canyáng bahay, na "punong-punô ng̃ alaboc," ng̃ dalawampong "ejamplar" ng̃ librong La Cuestión Colonial na sinulat ni Labra. Basahin ang folletong "Caraing̃ang ipinadalá sa mahál na Hari ni Don Antonio María Regidor, na sinulat ni Don Manuel Silvela: Madrid 1872. Pinagdusahan sa Marianas ni Don Antonio María Regidor ang gayong cakilakilabot na "casalanan."

Ang isá pang nagdusa sa presidio dahil sa mg̃a gayón ding casalanan ay si Don Máximo Paterno, na ipinagsanggalang ng̃ hindî malilimot na si Don Germán Gamazo sa ganitóng pananalitâ: "Gayon ma'y hindî piniit ó pinag-usig sa haráp ng̃ mg̃a tribunal si Don Máximo Paterno, sa mg̃a sandaling malapit na una ó hulí sa panghihimagsíc (sa Tang̃uay). Panatag at umaasa sa canyáng sariling pagcawalang malay-sala, nang̃asiwang hayág, sa canyáng mg̃a hanap buhay, mulâ ng̃ ica 21 ng̃ Enero, nangyari ang panghihimagsic, hangang sa ica 20 ng̃ Febrero na siya'y dinakíp sa canyáng bahay at inihatid sa cutà ng̃ Santiago. Pinag-usig siyá sa harap ng̃ mg̃a Tribunal na hindî nacapágligtas sa canyá ang canyáng ganitóng pag-asa at capayapaan ng̃ loob, na nagpapakilalang maliwanag na hindi siyá sinasalaguimsiman ng̃ cahi't muntíng panimdín, palibhasa'y talastás, niyang siyá'y walang sala; at ang lalong cahapishapis ay siya'y hinatulang magdusa. Ang siyá'y nasamsamán ng̃ isáng bilang ng̃ "El Eco Filipino" (pamahayagang nagsásanggaláng sa Madrid ng̃ mg̃a catuwiran ng̃ mg̃a páring clérigo); ang siya'y umambág ng̃ caunting salapî sa pagtatatag ng̃ (pamahayagang) "El Correo de Ultramar" ... ang siyáng mg̃a tang̃ing cadahilanan mandin ng̃ hatol na siyá'y magdusa. (Basahin ang folleto: "Caraing̃ang ipinadalá sa Consejo Supremo de la Guerra ni Don Máximo Paterno na sinulat ni Don Germán Gamazo:" Madrid, 1873.)

Sa "El Correo de Ultramar ay nang̃agsisulat ang mg̃a pantás at macabayang castilang sina D. Ramón Mesonero Romanos, D. Mariano Urrabieta, D. Juan Miguel de Arrambide, D. José González de Tejada, Pedro Antonio de Alarcón, D. José Selgas, Baldomero Mendez, D. V. Guimera, D. José Ferrer de Coute, D. J. M. Bello, D. Luis Mariano de Larra at iba. ¿Naglalathalà bagá, ang "El Correo de Ultramar" ng̃ ano mang laban sa mg̃a castilà? Ito'y catulad cung tanung̃íng: ¿sumulat baga si Rizal, si Marcelo Hilario del Pilar, si Mabínì, si López Jaena ng̃ ano mang laban sa catagalugan? Gayón ma'y pinag-uusig ng̃ mg̃a fraile bawa't bumabasa ng̃ "El Correo Ultramar" dahil sa ang pamahayagang iyo'y hindi catoto ng̃ cadilimán ng̃ isip na dito'y pinipilit laganap ng̃ mg̃a "cahalili ng̃ Dios."

Ang isá pang napapresidio ay ang sacerdoteng si Don Agustín Mendoza, na naramay rin sa nangyari sa Tang̃uay. ¿Mg̃a cadahilanan? Dingguín ninyó ang canyáng abogadong si Don Rafael Maria de Labra: "ang lahat ng̃ mg̃a sumbong ng̃ Fiscal laban sa nagsasaysay ng̃ayón ay maioowi sa dalawá lamang: ang una'y ang paglalaganap ng̃ isáng lihim na pamahayagang ang pamagát ay "El Globo," na sino may waláng nacapagharáp ng̃ cahi't isá man lamang na "ejemplar," at ang icalawa'y ang pagpapanucálà ng̃ mg̃a lihim na pagpupulong, bagay na waláng nagbabalitâng policía ó sino mang táo ng̃ cahi't bahagya man lamang. Basahin ang folleto: "Caraing̃ang ipinadalá sa Poder Ejecutivo ni D. Agustin Mendoza, na sinulat ni Don Rafael María de Labra: Madrid, 1878.

Sa isáng salita: "antiespañol" (laban sa castilà) "filibustero" at iba pa ang lahát ng̃ filipinong sa canyáng lupain ay may tagláy ng̃ mg̃a caisipang nauucol sa mg̃a calayaan; ng̃uni't lalonglalò na cung ang mg̃a caisipáng iya'y sumasacanyáng bahay sa pamamag-itan ng̃ mg̃a libro ó ng̃ mg̃a pahayagan, cailan ma't dumating ang isang capanahunan, dapat samantalahín ang capanahunang itó upang mapapresidio ang gayóng filipino."

Ang ibáng nang̃atitic sa itaas ay sinipi co sa "Vida y Escritosa ng̃ Dr. Rizal," sinulat ni G. Wenceslao E. Retana. Salamat sa casipagan at catalinuhan ng̃ guinoong itó'y maraming catotohanang hindî kilala ang ng̃ayo'y lumilitaw at numiningning.—P.H.P.

Return to IV.
Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings