Note 230 — XIV.
Pascual Hicaro Poblete translation
Balitang poeta sa Italia ng̃ Edad Media. Ipinang̃anác sa Florencia ng̃ 8 ng̃ Mayo ng̃ 1265 at namatay ng̃ 14 ng̃ Septiembre ng̃ 1321. Ang pang̃alan niyáng tunay ay DURANTE at ang DANTE ay palayaw. Ipinalimbag niyá ang mg̃a librong Vida Nueva, Canzones, El Infierno, El Banquete, De Vulgari Eloquio, El Purgatorio, De Monarchia Mundi, La Divina Comedia at iba pa. Ganitó ang saysáy niyá sa canyáng sinulat na librong "De Monarchia Mundi:" Hindî sa mg̃a cónsul ang mg̃a namamayan at hindî sa harì ang nación, cung dî pabaligtad: sa mg̃a namamayan ang mg̃a cónsul at sa nación ang harì. Hindî itinatag ang mg̃a ciudad at ng̃ pag-uculan ng̃ mg̃a cautusán; itinatag ang mg̃a cautusán at ng̃ iucol sa mg̃a ciudad. Cayâ ng̃a't ang mg̃a tumatalima sa mg̃a cautusán ay hindî pinapagsama sa isáng báyan upang maguing tagapaglingcód sa naglálagdâ ng̃ mg̃a cautusán: cung dî ang naglalagdâ ng̃ mg̃a cautusán ang siyáng tagapaglingod sa báyan, at iba pa." Hindî minamagalíng ni Dante na ang papa'y magcaroon ng̃ capangyarihan sa búhay at pamumuhay ng̃ catawan, at dahil sa panucalà niyang canyáng itóng isinaysay sa canyáng mg̃a casulatan, siya'y pinag-usig ng̃ mg̃a papa, mg̃a cardenal at ng̃ lahát ng̃ mg̃a cacampí sa ang hang̃ad na ang papa'y magcaroon ng̃ capangyarihang hárì. Labingdalawang taón ng̃ patáy siyá'y ipinag-utos pa ng̃ cardenal del Poggetto na cunin sa baunan ang canyáng bung̃ô at mg̃a butó, sunuguin at itapon, sa pagca't excomulgado raw siyá, bagay na hindî natuloy, salamat sa paghadlang ng̃ maraming mg̃a mamamayan. Siya'y poeta, filósofo, soldado, músico, filólogo, publicista, político, mabaít na táong bayan, nagtayô ng̃ isáng arte, siyá ang masasabing humusay at nagtatag ng̃ wicang italiano, naguing punò ng̃ canyáng ciudad republicana, nápatapong madalás dahil sa pagtatanggol ng̃ catuwiran ng̃ bayan, at sa kinatapuna'y halos nagpalimos ng̃ kinacain, teólogo, masicap na apóstol ng̃ caisipáng di dapat magharì ang papa, hinatulang sunuguing buháy ng̃ isáng tribunal revolucionario, at pinag-usig ng̃ boong calupitán ng̃ tribunal ng̃ Inquisicióng nagparatang na siyá'y hereje, bago'y banal na binyagan; ng̃uni't sa cawacasa'y inilagay ang canyáng larawan sa Vaticano, sa casamahán ng̃ mg̃a Doctor ng̃ Iglesia Católica, at ang mg̃a butó niyá'y iniing̃atan ng̃ boong galang sa catedral ni Santa María del Fìore; mg̃a cagagawang nagpapakilalang maliwanag na ang mg̃a papa'y nagcacamali ring gaya ng̃ lahát ng̃ tao at hindî catotohanang ang mg̃a papa'y "infalible", hindî nagcacamali. Itó ng̃â sa maiclíng salitâ ang carilagdilagang buhay ni Dante, na ilinagdà co rito't ng̃ mapanghinularan.—P.H.P.