Note 197 — XI.
Pascual Hicaro Poblete translation
Ang pang̃ing̃ilin sa anó man, lalong-lálò ang mahigpít na pagpipiguil na huwág gumawâ ng̃ anó mang bagay na masamâ, na siyang ibig ng̃ Dios na ating sundìn, ayon sa profeta Isaias LVIII. 3-7.—Tungcól sa ayuno ng̃ catawán, ang pagkabawal bagá ng̃ pagcaing anó man, minsan lamang na ipinag-utos na sapilitang súsundin ng̃ mg̃a israelita sa araw ng̃ pagsisisi, ayon sa Levítico XVI. 29, 31, na doo'y ang salitáng: "papagpipighatiin ninyó ang inyóng cálolowa," caraniwang ang inaaring cahulugán ay mag-ayuno; sa pagca't ang ayuno sa mg̃a judio'y tunay ng̃ang isáng araw ng̃ pagpipighatî at pagpapacabábà. Walâ na acóng ibá pang nakita tungcól sa ayuno sa mg̃a cautusáng lagdâ ni Moisés. Ipinag-uutos ang iláng araw na pag-aayuno ng̃ panahóng nabibihag ang mg̃a judío sa Babilonia, ayon sa sabi ni Zacarías VII. 1-7; VIII. 19, bagá man hindî sinasabi roon ang mg̃a pinagcadahilanan ng̃ gayóng tadhanà. Gayón man, manacânacáng ipinag-utos na mang̃ag-ayuno ang lahát dahil sa mg̃a tang̃ing nangyayari, datapuwa't hindî tadhanang iparati ang pag-aayuno, cung dî sa panahóng lamang na iyón; gaya na ng̃a ng̃ magcatipon ang mg̃a taga Atispa ay nang̃ag-ayunong lahát ayon sa sulat ni Samuel VII. 6.—Nag-utos din si Josaphat na mag-ayuno ang lahát ng̃ mg̃a judío, dahil sa pakikibaca sa mg̃a Moabita at Ammonita, ayon sa 2.a Crónica XX. 3.—Gayón ding mg̃a pag-aayuno ang guinawâ ng̃ iba't ibáng mg̃a cautusán ng̃ mg̃a judío, at sa pagca't ang Cristianismo'y religióng ucol sa lahát ng̃ mg̃a bayan, hindî na ng̃a ipinag-utos sa mg̃a Cristianong sapilitan ang pag-aayuno, ayon sa makikita natin sa mg̃a Santong Evangelio. Ang pag-aayuno'y cusà ng̃ calooban at dapat ganapíng hindî sa pagpaparang̃alan, at gagawing tandâ ng̃ taimtím na pagsisisi sa mg̃a casalanan, ayon cay San Mateo, VI. 16.