Note 72 — I.
Pascual Hicaro Poblete translation
Aayaw kilalanin ng̃ mg̃a fraile si Alfonso XII, na ng̃ panahong sinasabi sa "Noli me tangere" ay síyang hari sa España, cung di si Cárlos de Borbón na naghahang̃ad na siyáng maghari sa mg̃a castilà. Dahil sa paghahang̃ád na ito'y silasila ring mg̃a castilà ang nang̃agsipagbaca, at maraming dugò ang nabuhos. Ang unang nacabaca ng̃ reina Cristina at ng̃ reina Isabel II ay si Cárlos de Borbón, capatid ni Fernando VII; isinalin niyá pagcatapos ang tinatawag niyang catuwiran sa Corona ng̃ España sa canyáng anác na si Cárlos Luis, na nagpamagat ng̃ Conde de Montemolin at haring Cárlos VI, na siyang muling nagsabog ng̃ caligaligan, dugô at mg̃a capahamacan sa España, sa isang maning̃as na pagbabaca at ng̃ siyá'y matalo'y omowi sa Trieste at doon namatáy ng̃ 1861.
Humalili cay Cárlos Luis ang canyang capatíd na si Juan Borbón, ng̃uni't walà itóng nagawáng may cahulugán.
Ang anác ni Juang nagng̃ang̃alang Cárlos at nagpamagát ng̃ haring Cárlos VII ang siyang nagpatuloy ng̃ pagbabaca, sa udyóc at tulong ng̃ mg̃a fraile at macafraile. Pinasimulán ang icatlong pagbabaca sa Españang mg̃a capowa castila rin ang nagpatayan, ng̃ 8 ng̃ Abril ng̃ 1872. Ng̃ panahong iyó'y maraming totoong salapi ang ipinadaláng galing sa Filipinas na handóg ng̃ mg̃a fraile cay Cárlos, datapuwa't wala ring kinahinatnan ang pagpupumilit nitó, ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a macafraile, cung dî magsabog ng̃ dugong calahi at papaghirapin ng̃ di ano lamang ang España. Natapos ang pagbabaca roon ng̃ 27 ng̃ Febrero ng̃ 1876, araw na ibinalic ni Cárlos sa Francia. Ang pinacamabuti sa mg̃a general nito'y si Zumalacárregui at si Cabrera. Cumilala at sumuco si Cabrera sa haring Alfonso XII ng̃ taóng 1895. Cung pamagatán si Don Cárlos ng̃ mg̃a castila'y "Cárlos Chapa."
Marahil ibiguin ng̃ mg̃a bumabasang maalaman cung ano ang dahil ng̃ pagbabacang ito, na nagpasimula ng̃ 2 ng̃ Octubre ng̃ 1833 at nagtapós ng̃ 27 ng̃ Febrero 1876, at aking sasabihin sa maicling salitâ:
Bago pa lamang nacacawalâ ang España sa capangyarihan ng̃ mg̃a francés, ay nagpasimulâ na ang panúcalà ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a macafraileng papanumbalikin doon ang pagtatatag ulî ng̃ "absolutismo"; sa macatuwid baga'y ang capangyarihan ng̃ haring magawâ ang bawa't maibigan, at manumbalic ang "tribunal ng̃ Inquisición." Hindi pumayag si Fernando VII sa gayóng balac, at sa gayó'y kinagalitan siya at minagaling ng̃ mg̃a fraileng sa canyá'y mahalili ang canyáng capatid na si Cárlos María Isidro de Borbón, na nang̃acong cung siya ang maguiguing harì ay gagawin niya bawa't ibiguin ng̃ Papa at ng̃ mg̃a fraile. Bago namatáy si Fernando ay gumawa itó ng̃ testamentong isinasalin niya ang canyáng corona sa canyáng anác na babaeng si Isabel. Ng̃ mamatay si Fernando VII ng̃ 29 Septiembre ng̃ 1833 ay nahahanda na upang bacahin ang hahaliling reinang si Isabel II, na sa pagca't musmós pa noon, ang namamahalà ng̃ caharia'y si reina Cristinang nabao cay Fernando VII, at ng̃ icatlóng araw ng̃ pagcamatay nitó'y pinasimulaan na ng̃â ang pangguguló sa España ni Cárlos, na tinutulung̃an ng̃ papa, ng̃ mg̃a fraile, ng̃ lahat ng̃ mg̃a párì at ng̃ canilang mg̃a cacampi.
Ng̃ayóng mg̃a panahóng itó'y mahinang mahinà na ang carlismo sa España, at sila sila'y nagsisirâan. May nang̃agpapang̃alang "integrista" na siyang nang̃ag-iibig ng̃ "absolutismo" at ng̃ "inquisición," at "mestizo" ang itinatawag nila sa sumasang ayon sa calagayang dalá ng̃ panahón at ayaw sa "inquisición" at sa "absolutismo." Ng̃ayo'y macucurò na cung bakit aayaw kilalanin ng̃ mg̃a fraileng hárì nila si Alfonso XII at si Alfonso XIII man; ng̃uni't ang sawicain ng̃a ng̃ mg̃a castilà'y "á la fuerza ahorcan" (sapilitan ang pagbitay). Aayaw man sila'y sapilitang nilálagoc ang apdóng handóg ng̃ catuwiran at ng̃ catotohanan.—P.H.P.