← Table of contents
Noli Me Tangere

Note 69 — I.

Pascual Hicaro Poblete translation

Mulà sa taóng 1717 hangang 1719 ay naguíng Gobernador General sa Filipinas si Don Fernando Bustamante. Sa pagca't canyáng napagunáwà ang malaking mg̃a pagnanacaw sa pamamanihalà ng̃ salapî ng̃ Harì, minagálíng niya ang magtatag ng̃ mg̃a bágong utos sa pamamahalâ ng̃ salapî ng̃ calahatán. Pinasimulán niyáng kinulóng sa bilangguan ang mg̃a taong pinaghihinalàan; sila'y canyáng pinag-usig sa haráp ng̃ mg̃a tribunal. Galít na galít cay Bustamante ang mg̃a may matataas na catungculang sa ganito'y nang̃agsipang̃anib na mapahamac, at sa gayóng cahigpita'y hindî nang̃abihasa cailán man. Sa pagcá't nabalitàan ni Bustamante ang panucalang manghimagsic laban sa canyáng capangyariha't pamamahálà, at tinatangkílic ng̃ mg̃a fraile sa caniláng mg̃a simbahan ang lalong mg̃a kilaláng mahihigpít niyáng mg̃a caaway, naglathalà siyá ng̃ pagtawag sa lahát ng̃ mg̃a lalaking may mahiguít na labíng apat na taón upang mang̃agsipanig sa hucbòng magsasanggaláng sa capangyarihan ng̃ Harì. Dining̃íg ng̃ bayan ang pag tawag na iyón, at nátatag ang isang hucbó ng̃ mg̃a cusang pumasoc sa pagsusundalo. Nang̃agsifirma ang Arzobispo at iláng mg̃a abogado sa isáng casulatang doo'y itinututol na waláng capangyarihan at waláng catowiran daw si Bustamante na ipag-utos ang pagpapabilangô sa notariong si Osejo, na tumacbò at nagtagò sa simbahang Catedral: dahil dito'y ipinag-utos ng̃ Gobernador General na dacpín at ibilanggô ang arzobispo at gayon din ang mg̃a abogadong cainalám sa gayong panucalang catacsilan.—Pinanggaling̃an ang mg̃a pagpapabilanggong itó ng̃ iba't ibang mg̃a caguluhan, at sa tacot ng̃ mg̃a fraileng bacâ síla namán ang pag-usiguin, minagalíng nilá ang silá ang mamatnugot sa mg̃a lumálabag sa capangyarihan ng̃ Gobernador.—Lumabás sa mg̃a simbahan ang mg̃a nagtatagò roon, nagdalá ng̃ mg̃a sandata, at ng̃ macasanib na sa canilá ang iláng mg̃a tagarito, lumacad silá't ang tinung̃o'y ang palacio ng̃ Gobernador, na ng̃ panahóng iyó'y na sa taguilirang ilaya ng̃ tinatawag ng̃ayóng Plaza ni William McKinley. Nang̃ung̃una sa paglacad ang mg̃a fraile na may mg̃a hawac na Santo Cristo sa caniláng mg̃a camáy. Nang maalaman ni Bustamante ang gayóng panghihimagsic, ipinag-utos sa canyáng mg̃a guardiang barilín ang mg̃a nanghihimagsic na iyón; datapuwa't hindî sumunód sa canyáng utos ang mg̃a sundalo, at ng̃ dumating ang mg̃a nanghihimagsic sa tapát ng̃ palacio, isinucô nilá ang caniláng mg̃a sandata sa haráp ng̃ pagca damít sacerdote ng̃ mg̃a fraileng náng̃agtaás ang mg̃a camay na may hawac na mg̃a Santo Cristo at mg̃a larawan ng̃ Santo. Pinabayaan din ng̃ mg̃a sundalong alabardero na silá'y macapasoc. Lumabás ang cahabaghabag na si Bustamanteng may sandatang hawac, at sinalubong sa hagdanan ang mg̃a nanghihimagsic. Hinandulong siyá ng̃ mg̃a nanghihimagsic at sa sandali lamang ay may sugat na siyáng malubha. Dumaló sa canyá ang canyang anác na lalaki, at itó nama'y agád binaril at nasugatan ng̃ bála. Kinaladcad ng̃ mg̃a nanghihimagsic ang canilang Gobernador na naghihing̃aló hanggang sa isáng bilangguang na sa silong ng̃ Audiencia, at doon siya namatáy ng̃ magtatakip silim ng̃ hapon ng̃ araw ring iyong ica 11 ng̃ Octubre ng̃ 1719; ipinagcaít sa canyá ang lahát ng̃ saclolo at hindi siyá binigyán ng̃ isá mang lamang vasong tubig. Kinaladcád namán ang anác ng̃ Gobernador General sa talian ng̃ mg̃a cabayo sa palacio, at doon siya namatáy ng̃ hapon ding iyón, at ipinagcáit sa canyáng macaguibíc ang sino man manggagamot at itinangguí sa canyá ang lahat ng̃ bagay na saclolo. Ang mg̃a nanghimagsic na pinamunuan ng̃ mg̃a fraileng pumupuri at nagpapaunlac sa mg̃a pumatáy sa Gobernador at sa canyáng anác ay nang̃agsitung̃o sa cúta ng̃ Santiago at doo'y kinuha at pinawalán ang arzobispo, na pagdaca'y siyá, ang nagatang sa sarili ng̃ catungculang pagca Gobernador General sa Sangcapuluang itó. Hindi nagcamít parusa cailan man ang mg̃a cakilakilabot na katampalasanang ito.—Sinipi sa "Censo de las Islas Filipinas" ng̃ 1903, tomo I, página 342—P.H.P.

Return to I.
Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings