Note 2 — CAY CELIA
Reading edition
"Cong pag saulang cong basahin sa isip". Sa palimbag ni P. Sayo ay ginawang: "Kung pagsaulan cong basahin sa isip", at ganito rin ang sa "kung sino ..." Ang "cong" sa unahan ay ginawang "kung", at ang "pag saulang cong" ay itinumpak sa wastong kaparaanan ng pagsulat ngayon. Pinagsama ang dapat pagsamahing "pag" at "saulan", at inalis ang pang-ugnay o ligazon "g" sa dulo nito, na isang kasagwaan na ngayon, dahil sa "ko" ang sumusunod. Nguni't magpahanga ngayon ay buhay pa ang ganyang kasaguwaan sa ilang manunulat. Kaya, malimit makita ang ganitong mga pangungusap: "kaibigang ko", "pinsang mo", "pamangking ko", "Amaing niya". Aywan kung bakit linalagyan ng ligazon "g", gayong kung hindi sa "n" natatapus ang salita ay hindi naman linalagyan. Hindi masabi kundi "kapatid ko", "tula ko", "irog mo", "kasama niya". Walang ano mang ligazon. Nguni't kapagkarakang naging "n" ang katapusan ng salita ay narito na agad ang "paglalaro ng dila" at masagwang paggamit sa pangpagandang ligazon. Ang ligazon o pang-ugnay ay pangpaganda lamang, pang-alis ng kagarilan; nguni't kapag naman sumagwa ay nagiging tunay na kagaguhan, sa pangdingig natin ngayon.
Ukol sa "pag" at iba't iba pang panglapi ay walang iisang tuntunin ang nangauna sa atin. Kung minsan ay ikinakabit, nguni't ang malimit ay hiwalay. Hindi dapat kaligtaang "pag" na panglapi ang aming tinutukoy. Hindi ang pangsubaling "pag", na may sariling kahulugan, at tunay na isang kataga. [1919] "Pag umulit ka pa ay ikaw ang bahala!" Ang "pag" na iyan ay di dapat ikabit sa alin man. Pagka't hindi panglapi. Ang lahat nang panglapi—pag, nag, mag, mang, ka, na, pa, um, in, an, atbp.—ay di dapat ihiwalay. Subali't nang panahong yaon nina Balagtas ay isinusulat kahi't na paano, mapakabit man o mapahiwalay sa dapat kapitan. Kaya, hindi katakatakang makita ang mga ganitong pagkakasulat: "pag saulan", "nag-iisa", "pagsuyo", "pagsintá", "mapag uunaua", magpahangang libing", "pag luha, "mag pahangang daong", "pag sintá", "pagca gapus", "pagca-búhay", "pinag liluhan", "isáng na aba," "pag ayop", atbp.