Note 58 — José Protasio Rizal Mercado (continued 3)
Reading edition
Ang cahulugan ng̃ sabing Pilato ay "lalaking may sandatang palasô." Ang pang̃alan niya'y Poncio at apellido ang Pilato. Nang panahong yao'y siya'y Presidente ó Procurador sa Judea, catungculang guinanap niya ng̃ sampong taon, ng̃ panahong harì si Tiberio. Nang magpasimulâ si Juan Bautista ng̃ pang̃ang̃aral, ang gobernador sa Judea ay si Pilato. Sinasabi ni San Lúcas, na ang isá sa mg̃a guinawâ ni Pilato ay ang pagpatay sa iláng mg̃a taga Galilea, at inihalò ang canilang dugô sa mg̃a hayin niya sa canyang kinikilalang mg̃a dios. Sa isá sa mg̃a fiestang maraming mg̃a judío ang napasasa Jerusalem, nagpasimulâ ang iláng mg̃a galileo ng̃ panghihimagsic na laban sa pamunuan, sa loob ng̃ templo, cagagawang pinutol sa pagpapatay sa mg̃a namiminunò sa gawang iyon.
Talastas na ng̃ lahát cung ano ang mg̃a cagagawan ni Pilato tungcol cay Jesús, cayâ hindî co na sasabihin dito.
Nang makaraan ang isang taón mulâ nang mamatay si Cristo, ang mg̃a judio'y nang himagsic cay Pilato, dahil sa pagcagamit nito sa mg̃a cayamanan nang templo, upang may maipagpagawa nang isang páagusan nang tubig. Napilitan si Pilatong payapain ang panghihimagsic na iyon sa pamamag-itan nang mg̃a sandata. Ang mg̃a catampalasanan ni Pilato sa mg̃a samaritano ay siyang pumilit sa mg̃a tawong ito na magsacdal cay Vitelio, prefecto sa Syria. Ang naguing hatol nito'y alisan si Pilato ng̃ catungculan at ipadala sa Roma, at doon nama'y pinarusahan siya nang hatol na ipatapon, Lucas III. 1; XIII. 1; Mateo XXVII; Marcos XV; Lucas XIII; Juan XVIII. 28; IX; Tingnan "Ang gawa ng̃ mg̃a apostol" III. 13; IV. 27; XIII. 28. 1.a Timoteo VI. 13; Flav, Josefo, Antig. lib, XVIII, c. II-IV.